PORCUPINO
[sa Heb., qip·podhʹ].
Malaking rodent na kilalá dahil sa mga tinik nito na pananggalang. Pinagtatalunan kung ano ang eksaktong kahulugan ng salitang Hebreo na qip·podhʹ, na isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “bittern” (KJ, Da), “bustard” (NE), “hedgehog” (AT, Le), at “(mga) porcupino” (AS, NW). (Isa 14:23; 34:11; Zef 2:14) Batay sa etimolohiyang Hebreo, tutol si G. R. Driver sa saling “bittern” at iminumungkahi niya na maaaring ang Hebreong qip·podhʹ ay kumakapit kapuwa sa porcupino at sa isang ibon. Ngunit inirerekomenda niya ang “ruffed bustard” bilang posibleng salin ng qip·podhʹ sa nabanggit na mga teksto. (Palestine Exploration Quarterly, London, 1955, p. 137) Mas pabor sina Koehler at Baumgartner sa saling “hedgehog” sa Isaias 14:23 at 34:11, ngunit “short-eared owl” naman sa Zefanias 2:14. (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 845) Sa Hebreo, ang isang salita ay maaaring kumapit sa dalawang magkaibang hayop. Inilalarawan ito ng terminong tin·sheʹmeth, na tumutukoy kapuwa sa isang lumilipad na nilalang, “ang sisne,” at sa isang nagkukulupong nilalang, “ang hunyango.”—Lev 11:18, 30.
Gayunman, sa kabila ng kawalang-katiyakan, may mabuting saligan para isalin ang qip·podhʹ nang pare-pareho bilang “porcupino” o “hedgehog,” sa halip na “bittern.” Kapuwa sa matatanda at sa makabagong mga leksikon, nakatala ang “hedgehog” o “porcupino” bilang depinisyon ng qip·podhʹ sa lahat ng paglitaw niyaon. Ang mga saling ito ay sinusuportahan ng Griegong Septuagint at ng Latin na Vulgate, gayundin ng etimolohiyang Hebreo at ng kaugnay nitong mga wika gaya ng Aramaiko, Arabe, at Ethiopic.
Batay sa mga pala-palagay tungkol sa Isaias 14:23 at Zefanias 2:14 hinggil sa pagkatiwangwang ng Babilonya at Nineve, may mga tumututol na hindi maaaring porcupino (o hedgehog) ang hayop na tinutukoy, yamang ang nilalang na ito’y hindi naglalagi sa matatambong lawa ng tubig, hindi nakaaawit at hindi makaaakyat sa ibabaw ng mga haligi. Gayunman, ayon sa Isaias 14:23, hindi ang matatambong lawa kundi ang Babilonya ang magiging pag-aari ng mga porcupino. Iniulat ng isang manggagalugad sa mga guho ng Babilonya na nakakita siya ng “maraming tinik ng porcupino.” Gayundin, ang tinig na ‘umaawit sa may bintana’ sa itiniwangwang na Nineve ay maaaring kumapit sa anumang ibon na dadapo sa isang abandonadong bintana o maging sa hugong ng hangin, anupat hindi naman kailangang sa porcupino kumakapit. (Zef 2:14) Tungkol naman sa ‘pagpapalipas ng porcupino ng gabi sa mga kapital [tuktok] ng mga haligi,’ dapat tandaan na ang inilalarawan dito ay isang lunsod na nasa kaguhuan. Kung gayon, posibleng-posible na ang mga haliging tinutukoy rito ay gumuho na.