Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Pugo”
  • Pugo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pugo
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Kibrot-hataava
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kampo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Karunungan ng Diyos—Makikita sa Kalikasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Pugo”

PUGO

[sa Heb., selawʹ].

Isang ibong maliit at mapintog ang katawan, mga 18 sentimetro (7 pulgada) ang haba, at kadalasan ay nasa lupa lamang. Ang karne nito ay maaaring kainin, at iniuulat na pagsapit ng 1920, ang Ehipto ay nagluluwas ng mga tatlong milyong pugo taun-taon sa ibang bansa, bagaman nabawasan na ang pagluluwas na ito magmula noon.

Maliwanag na ang mga ibong inilalarawan sa Bibliya ay ang karaniwang nandarayuhang pugo (Coturnix coturnix), na naglalakbay nang pahilaga mula sa loob ng Aprika kapag tagsibol, dumarating sa Ehipto nang bandang Marso, pagkatapos ay dumaraan sa Arabia at Palestina, at bumabalik kapag malapit na ang taglamig. Naglalakbay sila sa malalaking kawan, anupat nandarayuhan nang pahintu-hinto at kadalasan ay sa gabi lumilipad. Nakalilipad sila nang mabilis ngunit hindi sa napakalalayong distansiya. Dahil mabigat ang katawan nila kung ihahambing sa lakas ng kanilang pakpak, kung minsan ay dumarating sila sa kanilang destinasyon na pagod na pagod. Kaya naman ang mga pugo ay lumilipad nang paayon sa hangin at karaniwan nang sa mabababang altitud. Iniulat ni Koronel Richard Meinertzhagen na sa Port Said, Ehipto, kung minsan ay gumagamit ang mga tao ng mga lambat na para sa paruparo upang manghuli ng pugo habang ang mga ibong ito ay lumilipad sa mga lansangan sa pagbubukang-liwayway.​—Birds of Arabia, Edinburgh, 1954, p. 569.

Ang unang pagbanggit sa mga pugo sa ulat ng Bibliya (Exo 16:13) ay may kaugnayan sa mga pangyayari noong isang tagsibol (Exo 16:1), kung kaya malamang na ang mga ibong iyon ay lumilipad noon patungong hilaga. Ang mga Israelita noon ay nasa Ilang ng Sin sa Peninsula ng Sinai at nagrereklamo tungkol sa kanilang panustos na pagkain. Bilang tugon, tiniyak ni Jehova kay Moises na “sa pagitan ng dalawang gabi” ay kakain sila ng karne at sa kinaumagahan ay mabubusog sila ng tinapay. (Exo 16:12) Nang gabing iyon, “ang mga pugo ay nagsimulang umahon at tumakip sa kampo,” at nang kinaumagahan naman ay lumitaw ang manna sa lupa. (Exo 16:13-15; Aw 105:40) Muli, maliwanag na noong tagsibol (Bil 10:11, 33) ng sumunod na taon, dahil sa pagbubulung-bulungan ng mga Israelita sapagkat manna lamang ang kanilang pagkain, inihula ni Jehova na kakain sila ng karne “hanggang sa isang buwan ng mga araw” hanggang sa masuklam na sila sa mga iyon. (Bil 11:4, 18-23) Pagkatapos ay nagpahihip ang Diyos ng hangin, malamang na mula sa S o TS, upang itaboy ang mga pugo mula sa dagat at ‘palapagin ang mga iyon sa ibabaw ng kampo,’ na napakarami anupat “parang mga butil ng buhangin” na lumampas pa nang ilang milya mula sa hangganan ng kampo.​—Bil 11:31; Aw 78:25-28.

Ang pananalitang “mga dalawang siko [mga 1 m; 3 piye] ang taas sa ibabaw ng lupa” ay binibigyan ng iba’t ibang paliwanag. (Bil 11:31) Ipinapalagay ng ilan na ang mga pugo ay aktuwal na nahulog sa lupa at na sa ilang lugar ay gayon kataas ang bunton ng mga iyon. Tinututulan naman ito ng iba at sinasabing tiyak na magiging dahilan iyon ng pagkamatay ng karamihan sa mga pugo anupat hindi na magiging karapat-dapat kainin ng mga Israelita. Ipinapalagay nila na ang mga pugo ay lumipad sa gayon kababang altitud kung kaya ang mga iyon ay madaling napabagsak at nahuli ng mga Israelita. Ang Griegong Septuagint, na nagsasaad ng katulad na ideya, ay kababasahan: “sa buong palibot ng kampo, mga dalawang siko mula sa lupa”; at ang Latin na Vulgate ay nagsasabi: “sa buong palibot ng kampo, at ang mga iyon ay lumilipad sa himpapawid sa taas na dalawang siko mula sa ibabaw ng lupa.”

Gumugol ang mga Israelita ng isa at kalahating araw sa pagtitipon ng mga pugo; “ang nanguha ng pinakakaunti ay nakapagtipon ng sampung homer [2,200 L; 62 bushel].” (Bil 11:32) Dahil sa binanggit ni Moises na “anim na raang libong lalaking naglalakad” (Bil 11:21), malamang na milyun-milyong pugo ang natipon; kaya ang huling iyon ay hindi lamang dahil sa karaniwang pandarayuhan ng mga pugo kundi isang kahanga-hangang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos. Napakarami nilang natipon anupat ang mga ito ay hindi nakaing lahat noong pagkakataong iyon; kaya ‘inilatag nang malawakan ng sakim na mga Israelita ang mga iyon sa buong palibot ng kampo para sa kanilang sarili.’ (Bil 11:32) Maaaring ito ay upang patuyuin ang karne ng mga pinatay na pugo para mapreserba ang marami sa mga iyon at makain sa ibang araw. Ang ginawa nila ay katulad ng kaugalian ng sinaunang mga Ehipsiyo, gaya ng inilarawan ni Herodotus (II, 77), na pagbibilad ng mga isda sa araw upang matuyo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share