SEDISYON
Ang salitang Griego na staʹsis, na may pangunahing kahulugan na “nakatayo” (Heb 9:8), ay nagkaroon noon ng kahulugan na “isang pagtayo [nang laban]” o “sedisyon.” (Mar 15:7; Luc 23:19, 25, Int) Maaari rin itong isalin bilang “di-pagkakasundo” (Gaw 15:2), at kung minsa’y nagpapahiwatig din ito ng karahasan.—Gaw 23:7, 10.
Sa ilalim ng batas Romano, ang pakikibahagi sa sedisyon o pagtataguyod o pakikisali sa isang riot ay isang kasalanang may parusang kamatayan. Sa gayon, binabalaan ng tagapagtala ng lunsod ang magugulong karamihan sa Efeso hinggil sa panganib na kanilang sinusuong nang sabihin niya: “Talagang nanganganib tayong maparatangan ng sedisyon dahil sa mga pangyayari sa araw na ito, yamang wala ni isa mang dahilan ang nagpapahintulot sa atin na maipangatuwiran ang nagkakagulong karamihang ito.” (Gaw 19:40) Napakaseryoso rin ng akusasyon ni Tertulo sa harap ng Romanong gobernador na si Felix na si Pablo ay “nagsusulsol ng mga sedisyon sa gitna ng lahat ng mga Judio.” Kung mapatutunayang may-sala, si Pablo ay maparurusahan ng kamatayan.—Gaw 24:5.