KULUNGAN NG TUPA
Ang nababakurang dako na kadalasang pinagdadalhan sa mga tupa kung gabi upang maipagsanggalang sila laban sa mga magnanakaw at mga hayop na naninila. Bagaman ginagamit din noon ang mga yungib at ang iba pang likas na mga silungan, kadalasan, ang mga kulungan ng tupa ay permanenteng mga kural na may mga batong pader (Bil 32:16; 1Sa 24:3; Zef 2:6) at isang pasukan. (Ju 10:1) Gaya ng mga kulungan ng tupa nitong kalilipas na mga panahon lamang, ang ibabaw ng mga batong pader ay maaaring natatakpan ng mga sanga ng matitinik na halaman. Baka mayroon ding mabababa at patag na mga istraktura sa loob ng nababakurang dako upang doon isilong ang mga tupa kapag masama ang panahon. Bagaman maaaring pinagsasama-sama sa iisang kulungan ang mga tupa ng ilang pastol, walang pangamba na magkakaroon ng kalituhan. Ito ay sa dahilang tumutugon lamang ang mga tupa sa tinig ng kani-kanilang pastol. Isang bantay-pinto ang naglilingkod sa pasukang-daan ng kulungan ng tupa at pinagbubuksan niya ang mga pastol tuwing umaga.—Ju 10:2-4.