SESBAZAR
Isang inatasan ni Haring Ciro na mamahala sa mga unang tapon na pabalik mula sa Babilonya. Nang akayin niya pabalik ang mga Judio, dinala ni Sesbazar ang mga kagamitang ginto at pilak na kinamkam ni Nabucodonosor mula sa templo. Pagdating sa Jerusalem, inilatag niya ang mga pundasyon ng ikalawang templo.—Ezr 1:7-11; 5:14-16.
Waring nahahati ang opinyon kung si Sesbazar ay siya ring si Gobernador Zerubabel o kaya ay iba pang indibiduwal. Si Senazar na anak ni Haring Jehoiakin na binanggit sa 1 Cronica 3:18 ang iminumungkahi ng ilan dahil sa pagkakahawig ng dalawang pangalan, gayundin ng titulo ni Sesbazar na “prinsipe ng Juda” na lumilitaw sa ilang bersiyon ng Ezra 1:8. (AS, RS) Gayunman, ang teoriyang ito ay napakahina, dahil ang pagkakahawig ng mga pangalan ay hindi malaki, at si Zerubabel, isang apo ni Jehoiakin, ay may karapatan ding umangkin sa titulong “prinsipe [“pinuno,” NW] ng Juda” bilang isang supling ng unang salinlahi.
Sa pagsisikap na ipakilala sina Sesbazar at Zerubabel bilang magkaibang mga indibiduwal, sinasabi ng ilang makabagong iskolar na inatasan muna ni Ciro si Sesbazar bilang gobernador ngunit nang dakong huli, si Sesbazar ay hinalinhan ni Zerubabel noong panahon ng paghahari ni Dario, at sa gayon ang kinikilalang nagtayo ng templo ay si Zerubabel.
Lumilitaw na mas malamang na si Sesbazar ay siya ring si Zerubabel, at ang karamihan sa mga iskolar at mga reperensiyang akda ay pinag-uugnay nang gayon ang mga pangalan. Pansinin ang mga puntong ito sa paghahambing: Sa pangkalahatan, ang iniuukol kay Sesbazar sa dalawang salaysay kung saan siya binanggit sa pangalan ay, sa diwa, ipinatutungkol naman kay Zerubabel sa ibang dako. Kapuwa sila tinatawag sa titulong “gobernador.” (Ezr 1:11; 2:1, 2; 5:2, 14, 16; Hag 1:1, 14; 2:2, 21; Zac 4:9) Si Zerubabel ay kinikilalang lider ng bumalik na mga tapon; ang pangalang “Sesbazar” ay hindi man lamang masusumpungan sa talaang ito.—Ezr 2:2; 3:1, 2.
Ang pangalang Sesbazar ay tila isang opisyal o Babilonyong pangalan na ibinigay kay Zerubabel, kung paanong si Daniel at ang iba pa ay binigyan ng opisyal na mga pangalan sa korte. (Dan 1:7) Ang “Sesbazar” ay mas tunog Caldeo kaysa sa “Zerubabel.” Sa Ezra 5:14-16 ay sinisipi ang isang opisyal na liham, at sa Ezra kabanata 1 ay kasisipi lamang ng isang opisyal na utos ni Ciro, na marahil ay naging dahilan ng paggamit ng gayong posibleng opisyal na pangalan sa mga salaysay na ito.