ZERUBABEL
[mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “Binhi (Supling) ng Babel”].
Unang gobernador ng nakabalik na mga Judio (Hag 2:21); isang inapo ni Haring David at isang ninuno ni Jesu-Kristo; malamang na tunay na anak ni Pedaias ngunit legal na kinikilalang anak ni Sealtiel. (1Cr 3:19; Mat 1:12, 13; Luc 3:27; tingnan ang TALAANGKANAN NI JESU-KRISTO [Mga Suliranin sa Talaangkanan ni Jesus Ayon kay Mateo].) Sa talaan ng angkan ng 1 Cronica (3:19, 20) ay binabanggit ang mga pangalan ng pitong anak na lalaki ni Zerubabel (sina Mesulam, Hananias, Hasuba, Ohel, Berekias, Hasadias, Jusab-hesed) at isang anak na babae (si Selomit). Lumilitaw na ang opisyal o Babilonyong pangalan ni Zerubabel ay Sesbazar.—Ezr 1:8, 11; 5:14, 16; ihambing ang Ezr 3:8.
Pagkaraan ng paglaya mula sa pagkatapon sa Babilonya, pinangunahan ni Zerubabel, noong 537 B.C.E., ang mga Judiong nalabi pabalik sa Jerusalem at Juda. (Ezr 2:1, 2; Ne 7:6, 7; 12:1; MAPA, Tomo 2, p. 332) Bilang gobernador na inatasan ni Haring Ciro, ipinagkatiwala kay Zerubabel ang mga sagradong sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nabucodonosor mula sa templo maraming taon na ang nakararaan. (Ezr 5:14, 15) Sa Jerusalem, ang altar ng templo ay itinayo noong ikapitong buwan (Etanim, o Tisri, Setyembre-Oktubre), sa ilalim ng pangangasiwa ni Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Jesua (Ezr 3:1, 2), at nang ikalawang taon noong ikalawang buwan (Ziv, o Iyyar, Abril-Mayo, ng 536 B.C.E.), sinimulan ang aktuwal na pagtatayo ng templo. (Ezr 3:8) Palibhasa’y alam na may masamang motibo ang mga di-Judio na humiling na magkaroon sila ng bahagi sa muling pagtatayo ng templo, si Zerubabel, si Jesua, at ang mga ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama ay nagsabi: “Wala kayong kinalaman sa amin sa pagtatayo ng bahay para sa aming Diyos, sapagkat kami ang magkakasamang magtatayo para kay Jehova na Diyos ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Haring Ciro na hari ng Persia.”—Ezr 4:1-3.
Gayunman, patuloy na pinanghina ng mga di-Judiong ito ang loob ng mga nagtatayo ng templo at nang dakong huli (noong 522 B.C.E.) ay opisyal na ipinagbawal ang gawain dahil sa sulsol nila. Pagkaraan ng dalawang taon, dahil sa pagpapasigla ng mga propetang sina Hagai at Zacarias, lakas-loob na ipinagpatuloy nina Zerubabel at Jesua (Josue) ang pagtatayo ng templo sa kabila ng pagbabawal. (Ezr 4:23, 24; 5:1, 2; Hag 1:1, 12, 14; Zac 1:1) Pagkatapos nito, bilang resulta ng pagsisiyasat sa mga artsibo ng Persia, napatunayang legal ang kanilang gawain. (Ezr 6:1-12) Samantala, patuloy na pinatitibay-loob ng mga propetang sina Hagai at Zacarias si Zerubabel, anupat pinalalakas siya para sa gawain at binibigyang-katiyakan siya na nasa kaniya ang pagsang-ayon ng Diyos. (Hag 2:2-4, 21-23; Zac 4:6-10) Sa wakas (noong 515 B.C.E.) ang templo ay natapos. (Ezr 6:13-15) Noong panahon din ng pagkagobernador ni Zerubabel, ang mga pangangailangan ng mga Levita ay inasikaso, anupat tinanggap ng mga mang-aawit at ng mga bantay ng pintuang-daan ang kanilang takdang bahagi “ayon sa pang-araw-araw na pangangailangan.”—Ne 12:47.