SIMON
[mula sa salitang-ugat na Heb. na nangangahulugang “makinig; pakinggan”].
1. Si Simon Iscariote, ama ng tagapagkanulo ni Jesus na si Hudas.—Ju 6:71; 13:2, 26.
2. Isa pang pangalan ng apostol na si Pedro.—Mar 3:16; tingnan ang PEDRO.
3. Isang apostol ni Jesu-Kristo, na naiiba kay Simon Pedro sa pamamagitan ng terminong “Cananeo.” (Mat 10:4; Mar 3:18) Bagaman posible na dating kabilang si Simon sa mga Zealot, isang Judiong partido na salansang sa mga Romano, sa halip, maaaring dahil sa kaniyang sigasig sa relihiyon kung kaya siya tinawag na “ang masigasig,” o “ang panatiko.”—Luc 6:15, tlb sa Rbi8; Gaw 1:13.
4. Isang nakababatang kapatid sa ina ni Jesus. (Mat 13:55; Mar 6:3) Bagaman isang di-sumasampalataya bago ang Kapistahan ng mga Tabernakulo noong 32 C.E. (Ju 7:2-8), maaaring naging isa siyang alagad nang maglaon. Ang mga kapatid ni Jesus sa laman ay kabilang sa pulutong ng mga 120 alagad sa Jerusalem noong kapanahunan ng Pentecostes 33 C.E., bagaman hindi espesipikong binanggit na naroroon si Simon.—Gaw 1:14, 15.
5. Isang Pariseo na sa bahay nito kumain si Jesus. Doon nagpakita sa kaniya ng malaking kabaitan at paggalang ang isang makasalanang babae, na nagpahid sa kaniyang mga paa ng mabangong langis.—Luc 7:36-50.
6. Isang tumatahan sa Betania, tinukoy na isang “ketongin” (marahil ay isang pinagaling ni Jesus), na sa bahay nito kumain si Kristo at ang kaniyang mga alagad, gayundin ang binuhay-muling si Lazaro at ang mga kapatid nitong sina Maria at Marta. Doon pinahiran ni Maria si Jesus ng mamahaling mabangong langis.—Mat 26:6-13; Mar 14:3-9; Ju 12:2-8.
7. Isang katutubo ng Cirene at ama nina Alejandro at Rufo. Bilang isang nagdaraan na nanggaling sa lalawigan, pinilit si Simon na maglingkod upang tumulong sa pagbubuhat ng pahirapang tulos ni Jesus.—Mat 27:32; Mar 15:21; Luc 23:26; tingnan ang CIRENE, TAGA-CIRENE.
8. Isang mahiko sa lunsod ng Samaria na lubhang pinamangha ang bansa sa kaniyang mga sining ng mahika anupat sinabi ng mga tao tungkol sa kaniya: “Ang taong ito ay siyang Kapangyarihan ng Diyos, na matatawag na Dakila.” Dahil sa ministeryo ni Felipe, si Simon ay “naging isang mananampalataya” at nabautismuhan. Nang maglaon, nang matanggap ng mga mananampalataya ang banal na espiritu bilang resulta ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol na sina Pedro at Juan sa kanila, nagpamalas si Simon ng maling motibo, anupat nag-alok siya ng salapi para sa awtoridad na kailangan upang yaong papatungan niya ng kaniyang mga kamay ay tumanggap ng banal na espiritu. Mariin siyang sinaway ni Pedro, anupat sinabihan si Simon na ang kaniyang puso ay hindi tuwid sa paningin ng Diyos at inudyukan siya na magsisi at manalangin ukol sa kapatawaran. Bilang tugon, hinilingan ni Simon ang mga apostol na ito na magsumamo kay Jehova alang-alang sa kaniya.—Gaw 8:9-24.
9. Isang mangungulti na mula sa Jope na sa bahay nito sa tabi ng dagat ay nanuluyan ang apostol na si Pedro nang maraming araw noong 36 C.E.—Gaw 9:43; 10:6, 17, 32.