USA, LALAKING
[sa Heb., ʼai·yalʹ; sa Ingles, stag].
Adultong usang lalaki. Ang red deer (Cervus elaphus), ang fallow deer (Dama mesopotamica), at ang roe deer (Capreolus capreolus) ay tatlong uri ng usa na dating katutubo sa Palestina.
Yamang ito’y ngumunguya ng dating kinain at may hati ang kuko, ang lalaking usa, ayon sa Kautusan, ay maaaring kainin basta’t ibubuhos sa lupa ang dugo nito, gaya ng ginagawa sa ibang mga hayop. (Deu 12:15, 16, 22, 23; 14:4-6; 15:22, 23) Ang laman ng lalaking usa ay kasama sa mga karneng inihahanda sa mesa ni Haring Solomon.—1Ha 4:22, 23.
Makatalinghaga ang ibang mga pagtukoy ng Kasulatan sa lalaking usa. Inihalintulad ng Shulamita ang kaniyang mangingibig na pastol sa isang batang lalaking usa at ipinahiwatig niya na matulin ang hayop na ito. (Sol 2:9, 17; 8:14) Ginamit ang kahusayan ng lalaking usa sa pag-akyat sa matatarik na lugar upang ilarawan na lubusang gagaling ang mga taong pilay. (Isa 35:6; ihambing ang Heb 12:12, 13.) Nang mapaharap ang mga prinsipe ng Sion sa pagkubkob ng Babilonya, sila’y naging tulad ng mga lalaking usa na hinang-hina at hindi makatakbo dahil sa kawalan ng pagkain.—Pan 1:6.