PAGPAPASAKOP
Kusang-loob na pagbibigay-daan o pagpapasailalim sa mga nakatataas, sa batas, o sa isang partikular na kaayusan. Kabilang dito ang pagpapasakop ni Jesu-Kristo sa kaniyang Ama (1Co 15:27, 28), ng kongregasyong Kristiyano kay Jesus (Efe 5:24) at sa Diyos (Heb 12:9; San 4:7), indibiduwal na mga Kristiyano sa mga nangunguna sa kongregasyon (1Co 16:15, 16; Heb 13:17, tlb sa Rbi8; 1Pe 5:5), mga babaing Kristiyano sa kaayusan sa kongregasyon hinggil sa pagtuturo (1Ti 2:11), mga alipin sa mga may-ari sa kanila (Tit 2:9; 1Pe 2:18), mga asawang babae sa kani-kanilang asawang lalaki (Efe 5:22; Col 3:18; Tit 2:5; 1Pe 3:1, 5), mga anak sa kanilang mga magulang (1Ti 3:4; ihambing ang Luc 2:51; Efe 6:1), at ng mga pinamamahalaan sa mga tagapamahala o nakatataas na mga awtoridad (Ro 13:1, 5; Tit 3:1; 1Pe 2:13).—Tingnan ang NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD; PAGKAMASUNURIN; PAGKAULO.
Ang pagpapasakop ng isang Kristiyano sa mga tao ay nagsasangkot sa kaniyang budhi at sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Kaya naman kapag ang pagpapasakop ay hahantong sa pakikipagkompromiso o sa paglabag sa kautusan ng Diyos, dapat niyang sundin ang Diyos sa halip na ang mga tao. (Gaw 5:29) Sa gayon, sina Pablo at Bernabe ay “hindi . . . nagbigay-daan sa pamamagitan ng pagpapasakop” sa mga bulaang kapatid na nagtataguyod ng pagtutuli at panghahawakan sa Kautusang Mosaiko bilang mga kahilingan upang magtamo ng kaligtasan, bagaman ang mga ito ay salungat sa isiniwalat na layunin ng Diyos.—Gal 2:3-5; ihambing ang Gaw 15:1, 24-29.
Ipinakikita ng 2 Corinto 9:13 na ang mga abuloy na ibinibigay alang-alang sa nagdarahop na mga kapuwa Kristiyano ay isang katibayan ng pagpapasakop ng indibiduwal sa mabuting balita, yamang isang obligasyong Kristiyano ang pagtulong sa nagdarahop na mga kapananampalataya.—San 1:26, 27; 2:14-17.