SUCOT
[Mga Kubol].
1. Isang lugar kung saan si Jacob, pagkatapos makipagkita kay Esau, ay nagtayo para sa kaniyang sarili ng isang bahay at gumawa ng mga kubol, o mga kuwadrang may bubong, para sa kaniyang kawan. Dahil dito’y tinawag itong Sucot. (Gen 33:16, 17) Ang pananalitang “nasa lupain ng Canaan” ang Sikem (na sumunod na hinintuan ni Jacob) ay nagpapahiwatig na ang Sucot ay wala sa mismong Canaan.—Gen 33:18.
Ang ibang mga pagbanggit ay nagpapahiwatig din ng isang lokasyon sa S ng Ilog Jordan, yamang malamang na iisang lugar ang tinutukoy ng mga ito. Kaya nga, binabanggit ang Sucot bilang isa sa mga lunsod sa mana ng tribo ni Gad, sa S ng Jordan. (Jos 13:24, 25, 27) Sa pagtugis niya sa mga nalalabi ng mga hukbong Midianita, tinawid ni Gideon ang Jordan at nakarating siya sa Sucot, kung saan tinanggihan ng mga prinsipe ng lunsod ang paghiling niya ng pagkain para sa kaniyang mga kawal, gaya rin ng ginawa ng mga lalaki sa kalapit na Penuel. Sa kaniyang paglalakbay pabalik, kinuha ni Gideon ang mga pangalan ng 77 prinsipe at matatandang lalaki ng Sucot (na nagpapahiwatig na ito’y isang malaking lunsod) at pinarusahan niya sila dahil sa hindi nila pagsuporta sa kaniyang aksiyong militar na iniutos ng Diyos. (Huk 8:4-16) Nang itayo ni Solomon ang templo, ang mga kasangkapang tanso ay hinulma sa Distrito ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan.—1Ha 7:46.
Salig sa mga pagbanggit na ito, karaniwang ipinapalagay na ang Sucot ay isang lugar na nasa o malapit sa Tell Deir ʽAlla (sa ngayon ay tinatawag na Sukkot), mga 5 km (3 mi) sa S ng Ilog Jordan at nasa bandang H lamang ng Jabok sa lugar kung saan ito lumalabas mula sa mga burol. Maaaring napanatili sa kalapit na Tell el-Ekhsas ang orihinal na pangalan nito, sapagkat iyon ang katumbas sa Arabe ng Hebreong Sucot. Ang Tell Deir ʽAlla ay nakatunghay sa isang matabang kapatagan na maaaring ang “mababang kapatagan ng Sucot” na tinukoy sa Awit 60:6; 108:7.
2. Ang unang binanggit na lugar na hinintuan ng mga Israelita noong humahayo sila patungong Dagat na Pula. (Exo 12:37) Yamang ang lokasyon ng Rameses, kung saan nagsimula ang paghayo, at ng Etham, ang dakong pinagkampuhan ng mga Israelita pagkatapos ng Sucot, ay kapuwa hindi alam sa ngayon, hindi rin matiyak kung saan ang lokasyon ng Sucot. (Exo 13:20) Kahit papaano, masasabing ang Sucot ay maliwanag na mga isang araw na paglalakbay (32 hanggang 48 km; 20 hanggang 30 mi) mula sa Ilang ng Etham, na pinaniniwalaang umaabot sa kahabaan ng hilagang-kanlurang panig ng Peninsula ng Sinai.