TAMARISKO
[sa Hebreo, ʼeʹshel].
Ang tamarisko ay lumalaki bilang isang puno o palumpong. Bagaman ang katawan nito ay mabuko, kadalasan ang mga sanga nito ay tulad-baston, anupat ang puno ay may malambot na hitsura. Ang evergreen na mga dahon nito ay maliliit, tulad-kaliskis, at halos nakadikit sa mga sanga, kaya napakakaunti lamang ng tubig na nababawas dito kapag sumisingaw ito, anupat nabubuhay ang mga punong ito sa mga disyertong rehiyon at maging sa mga burol ng buhangin. Kapag tagsibol, ang punong ito ay namumulaklak ng pahabang mga kumpol ng maliliit na bulaklak na kulay-rosas o puti, na nagbibigay naman ng kaayaayang kulay sa tigang na mga rehiyon. Ang mga tamarisko na hiyang sa asin ay kadalasang tumutubo nang napakalapit sa dagat at sa maaalat na latian. Ang maraming tamarisko sa kahabaan ng mga pampang ng Jordan ay mistulang kagubatan ng palumpungan na naging tirahan ng maiilap na hayop, at maaaring noong panahon ng Bibliya ay bahagi ito ng “mapagmalaking mga palumpungan sa tabi ng Jordan” kung saan dating nanganganlong ang mga leon.—Jer 49:19; Zac 11:3.
Bagaman ang tamarisko ay karaniwan nang maituturing na mababa, may isang uri ng puno ng tamarisko (Tamarix aphylla) na kung minsan ay tumataas nang 18 m (60 piye). Si Abraham ay iniulat na nagtanim ng isang tamarisko sa Beer-sheba (Gen 21:33), naupo si Haring Saul sa lilim ng isang tamarisko sa Gibeah (1Sa 22:6), at ang mga buto niya at ng kaniyang mga anak ay inilibing sa ilalim ng isang malaking puno ng tamarisko sa Jabes-gilead.—1Sa 31:13; ihambing ang 1Cr 10:12, kung saan ginagamit ang salitang Hebreo para sa “malaking puno” (ʼe·lahʹ).
Si Dr. Joseph Weitz, isang kilaláng awtoridad sa muling pagtatanim sa kagubatan sa Israel, ay nagsabi: “Ang unang puno na itinanim ni Abraham sa Beersheba ay ang tamarisko. Batay rito, apat na taon na ang nakaraan ay nagtanim kami ng dalawang milyong puno sa lugar ding iyon. Tama si Abraham. Ang tamarisko ay isa sa iilang puno na nasumpungan naming nabubuhay sa timog kung saan ang taunang pag-ulan ay wala pang anim na pulgada.”—The Reader’s Digest, Marso 1954, p. 30.
Ang isa namang uri ng tamarisko (Tamarix mannifera), kapag binutas ng isang scale insect, ay naglalabas ng mga butil ng dagta na tulad-pulot na sa ilang lugar ay tinitipon at ipinagbibili sa mga peregrino bilang “manna.” Gayunman, wala itong anumang kaugnayan sa manna na inilaan para sa Israel sa ilang, yamang ang tunay na manna na iyon ay makahimalang inilaan at tinipon mula sa lupa.—Exo 16:13-15.