Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Tesalonica”
  • Tesalonica

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tesalonica
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikipagpunyagi Para sa Mabuting Balita sa Tesalonica
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Nagtrabaho si Pablo Para Masuportahan ang Ministeryo Niya sa Tesalonica
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Siya ay “Nangatuwiran sa Kanila Mula sa Kasulatan”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Tesalonica
    Glosari
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Tesalonica”

TESALONICA

Ang pangunahing daungang-dagat ng Macedonia kung saan nagtatag si Pablo ng isang kongregasyong Kristiyano noong mga taóng 50 C.E.; sa ngayon, ang lunsod ay tinatawag na Salonika (o, Thessaloniki). (LARAWAN, Tomo 2, p. 749) Noong una, isang kalapit na bayan na pinanganlang Therme, nangangahulugang “Mainit na Bukal,” ang isa sa mga 26 na bayan na winasak ni Cassander, na siya namang nagtayo ng Tesalonica noong 316 o 315 B.C.E. Ipinangalan niya ito sa kaniyang asawa na kapatid ni Alejandrong Dakila. Ang bagong lunsod na ito ay nasa K panig ng Peninsula ng Chalcidice, sa Thermaicus Sinus (ngayon ay tinatawag na Gulpo ng Salonika), sa salubungan sa pagitan ng daan na bumabagtas patungong H hanggang sa Danube at ng pangunahing lansangan (ang Via Egnatia na may latag na bato at ginawa ng mga Romano) na umaabot nang daan-daang milya patawid ng Macedonia hanggang sa Dagat Adriatico.

Ang Macedonia ay hinati sa apat na distrito bago ang kalagitnaan ng ikalawang siglo B.C.E., anupat ang Tesalonica ang kabisera ng ikalawang distrito. Pagkaraan ng ilang taon, nang ang Macedonia ay maging isang Romanong probinsiya, ang Tesalonica ay ginawang sentro ng administrasyon ng pamahalaang probinsiyal nito. Kaya, nang ang apostol na si Pablo at si Silas ay dumating sa lugar na iyon, mga 120 km (75 mi) sa K ng Filipos, nasumpungan nila na isa itong maunlad na metropolis na maituturing na mahalaga.

Sa loob ng tatlong Sabbath, si Pablo ay nangaral sa sinagoga ng Tesalonica. Bilang resulta, ilang Judio at isang malaking karamihan ng mga Griegong proselita ang naging mga mananampalataya at sumama kina Pablo at Silas; kabilang sa kanila ang “hindi kakaunti sa mga pangunahing babae.” (Gaw 17:1-4) Hindi sinabi kung gaano katagal namalagi roon si Pablo, bagaman matagal-tagal iyon anupat siya at ang kaniyang kasamahan ay nakakuha ng trabaho upang masuportahan nila ang kanilang sarili. Bagaman bilang isang apostol ay may awtoridad si Pablo na tumanggap ng materyal na tulong mula sa mga pinaglilingkuran niya ng espirituwal na mga bagay, nagpakita siya ng halimbawa na ‘ang isang tao ay dapat kumain ng pagkain na kaniya mismong pinagpagalan.’ (1Co 9:4-18; 1Te 2:9; 2Te 3:7-12) Malamang, isang dahilan kung bakit niya ginawa ito ay ang hilig sa katamaran ng ilan na naroroon. Noong panahon ng pananatili niya roon, tumanggap si Pablo mula sa mga kapatid sa Filipos ng dalawang magkaibang kaloob na naglaan ng mga bagay na kailangan niya.​—Fil 4:16.

Nang maglaon, ang mga Judiong taga-Tesalonica na nagtakwil sa mensahe ni Pablo ay bumuo ng isang pangkat ng mang-uumog mula sa mga batugan sa pamilihan at sinalakay nila ang bahay ni Jason kung saan nanunuluyan si Pablo. Ngunit nang malaman nila na wala roon ang hinahanap nila, kinaladkad nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya patungo sa mga tagapamahala ng lunsod, samakatuwid nga, ang “mga politarch,” ayon sa literal na Griego. (Gaw 17:5-9; Int) Lubhang kapansin-pansin na may mga inskripsiyon mula sa yugtong iyon na natagpuan sa Tesalonica at sa kapaligiran nito na tumutukoy sa ilan sa kanilang lokal na mga opisyal bilang mga politarch.

Para sa kanilang kaligtasan, sina Pablo at Silas ay pinayaon ng mga kapatid sa Tesalonica nang kinagabihan patungo sa Berea. Doon ay nasumpungan ni Pablo na ‘higit na mararangal ang pag-iisip ng mga taga-Berea kaysa roon sa mga nasa Tesalonica, sapagkat hindi lamang nila tinanggap ang salita nang may buong pananabik kundi maingat din nilang sinuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang sinabi ng apostol.’ Gayunman, di-nagtagal ay nagkaroon ng kaguluhan nang dumating mula sa Tesalonica ang sumasalansang na mga Judio at magsulsol sila ng mga pang-uumog, anupat muling kinailangan ni Pablo na tumalilis nang palihim.​—Gaw 17:10-15.

Wala pang isang taon pagkaalis niya sa Tesalonica, isinulat ni Pablo, na noon ay nasa Corinto, ang kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica. Bago nito ay isinugo niya si Timoteo upang aliwin at patibaying-loob sila at natanggap niya ang mabuting ulat ni Timoteo. Sa liham ay pinapurihan niya sila dahil sa kanilang mainam na halimbawa “sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at sa Acaya” at hinimok niya silang huwag masiraan ng loob dahil sa pag-uusig. (1Te 1:1-8; 3:1-13; 4:1) Maaaring ang liham na ito ang una sa kanonikal na mga sulat ni Pablo at, malamang na maliban sa Ebanghelyo ni Mateo, ito ang unang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na napasulat. Di-nagtagal pagkatapos nito, sumulat si Pablo ng ikalawang liham sa mga taga-Tesalonica, upang hindi sila mailihis ng mga bulaang guro.​—2Te 1:1; 2:1-3.

Sa paglipas ng mga taon, walang alinlangan na muling dinalaw ni Pablo ang Tesalonica sa mga pagkakataong dumaraan siya sa Macedonia noong panahon ng kaniyang mga paglalakbay. (Gaw 20:1-3; 1Ti 1:3) At ang ilang taga-Tesalonica na binanggit ang pangalan, sina Aristarco at Segundo, ay mga kasamahan ni Pablo sa paglalakbay. (Gaw 20:4; 27:2) Si Demas, na nang-iwan kay Pablo sa Roma, ay pumunta sa Tesalonica, posibleng ang sariling bayan nito.​—2Ti 4:10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share