TRANSPORTASYON
Isang paraan ng paghahatid mula sa isang lugar patungo sa ibang lugar. Noong sinaunang panahon, iba’t ibang paraan at sasakyan ang ginamit sa paglalakbay depende sa kalagayan ng mga manlalakbay at sa kanilang destinasyon o sa mga lugar na pagdadalhan ng mga kargamento.
Dahil ang kamelyo ay may kakayahang mabuhay na ang kinakain ay karaniwang mga halaman sa disyerto at nakakatagal nang walang tubig sa loob ng mahabang panahon, naging angkop na gamitin ang hayop na ito sa paglalakbay sa tigang na mga rehiyon. Ang mga kamelyo ay nagsilbi kapuwa bilang sasakyan ng mga tao at panghakot ng kalakal patungo sa ibang lugar. (Gen 37:25-28; Huk 6:3-5; 7:12; 1Ha 10:2) Ang ibang mga hayop na ginamit bilang sasakyan ng mga tao o bilang mga hayop na pantrabaho ay ang asno (Jos 15:18; Huk 5:10; 10:4; 12:14; 1Sa 25:42; Isa 30:6), ang mula (1Ha 1:33), at ang kabayo (1Ha 4:26; Gaw 23:23, 24, 31-33). Ginamit nang malawakan ang mga barko. (2Cr 9:21; Eze 27:9; Jon 1:3; Gaw 20:13-15; 27:1-44) Ang mga karwahe naman ay ginamit upang maghatid kapuwa ng mga paninda at mga tao. (Gen 46:5; Bil 7:1-9) Ang mga karo o mga kamilya, na kung minsan ay may maraming palamuti, ang nagsilbing sasakyan na laging ginagamit ng mga maharlika o ng mga taong may mataas na katayuan. (2Ha 10:15; Sol 3:6-10; Gaw 8:26-31) Kadalasan naman, naglalakad lamang ang karaniwang mga tao.—Luc 24:13-15; tingnan ang BARKO; KAMILYA; KARO; KARWAHE, KARITON; LANSANGANG-BAYAN, DAAN; PAKIKIPAGTALASTASAN.