KARWAHE, KARITON
[sa Ingles, wagon].
Ang karwahe o kariton noong sinaunang mga panahon ay isang simpleng sasakyan, kadalasa’y yari sa kahoy, at may de-rayos o solidong mga gulong. (1Sa 6:14) Ang ilan ay isa lamang bukás na plataporma na may dalawang gulong at kinabitan ng pahalang na panghila o pingga sa unahan. Ang iba naman ay may mga harang sa gilid, at ang ilan ay may takip, gaya niyaong anim na karwaheng may takip (bawat isa ay hinihila ng dalawang toro) na ginamit upang dalhin ang mga kagamitan ng tabernakulo. (Bil 7:2-9) Ang “mga karwahe” [sa Ingles, coach] sa Apocalipsis 18:13 ay maaaring tumutukoy sa mga karwaheng apat ang gulong.
Sa Israel, partikular na noong mas naunang mga panahon, kadalasang mga baka ang humihila sa karwahe sa halip na mga kabayo, yamang ang huling nabanggit ay pantanging ginagamit sa mga karo at sa pakikipagdigma. (2Sa 6:3, 6; 15:1; 1Cr 13:7, 9; Kaw 21:31) Ginagamit din noon ang mga karwahe upang maghatid ng mga tao (Gen 45:19, 21, 27; 46:5), mga butil, at ng iba pang mga kargada. (1Sa 6:7-14; Am 2:13) Yaong mga ginamit sa pakikipagdigma (gaya ng binanggit sa Aw 46:9) ay maaaring mga karwaheng pangmilitar para sa mga bagahe. Noong panahon ni Isaias, samantalang maraming kabayo ang mga Israelita (Isa 2:7), mga kariton na hinihila ng mga kabayo ang ginagamit sa paggiik.—Isa 28:27, 28.
Bumigkas ang propetang si Isaias ng kaabahan laban sa mga taong ‘humihila ng kasalanan sa pamamagitan ng mga panali ng karwahe,’ anupat posibleng nagpapahiwatig ito na ang gayong mga indibiduwal ay nakakabit sa kasalanan kung paanong ang mga hayop ay nakatali sa mga karwahe na hinihila nila sa pamamagitan ng mga panali.—Isa 5:18.