Saang Panig Ka ng Daan Nagmamaneho?
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Britanya
Nagkita kami ng aking bisitang Amerikano sa paliparan at magkasama kaming naglakad patungo sa aking kotse. “Sa harap ka na maupo,” ang mungkahi ko sa kaniya, at agad siyang nagpunta sa upuan ng drayber. “Oo nga pala, nalimutan ko,” ang sabi niya. “Nagmamaneho kayo rito sa maling panig ng daan.”
Siyempre, malamang na gayundin ang sasabihin ko sa kaniya kapag dinalaw ko siya sa Estados Unidos. Subalit sa aming paglalakbay pauwi, nagpasiya akong alamin kung bakit sa ilang bansa ay nagmamaneho ang mga tao sa kaliwang panig ng daan, samantalang ang karamihan sa daigdig ay nagmamaneho naman sa kanan.
Sinaunang mga Kaugalian sa Pagmamaneho
Balikan natin ang nakalipas na dalawang libong taon ng kasaysayan noong sakop pa ng mga Romano ang Britanya. Nahukay ng mga arkeologo ang isang palatandaan hinggil sa dating mga kaugalian sa pagmamaneho. Noong 1998, nasumpungan nila ang isang napreserbang-mabuting bakas patungo sa isang tibagan ng bato ng mga Romano malapit sa Swindon, Inglatera. Ang mga bakas ng gulong sa isang panig ng daan ay mas malalim kaysa sa kabilang panig, yamang ang mga karwahe ay pumapasok sa tibagan nang walang laman at lumalabas na punô ng bato. Ipinahihiwatig ng mga bakas ng gulong na sa lugar na ito sa paanuman, ang mga Romano ay nagpapatakbo sa kaliwang panig ng daan.
Sa katunayan, ipinapalagay na ang sinaunang mga manlalakbay na nangangabayo ay karaniwan nang nagpapatakbo sa kaliwang panig ng kalsada. Yamang mas maraming tao ang sanay gumamit ng kanang kamay, mahahawakan ng mga mangangabayo ang mga renda sa kanilang kaliwang kamay at nananatiling walang hawak ang kanilang kanang kamay—upang makipagkamay sa isang nakakasalubong na mangangabayo o ipagsanggalang ang kanilang sarili gamit ang tabak, kung kinakailangan.
Paglipat sa Kanan
Noong huling bahagi ng ika-16 na siglo, nagkaroon ng pagbabago mula sa kaliwa tungo sa kanan sa mga bansang gaya ng Estados Unidos, nang ang mga kutsero ay gumamit ng malalaking karwaheng pangkargamento na hinihila ng ilang pares ng kabayo. Ang mga karwahe noon ay walang mga upuan para sa kutsero, kaya sumasakay ang kutsero sa huling kabayo sa kaliwa at tangan sa kanang kamay ang kaniyang latigo. Palibhasa’y nakaupo sa kaliwa, likas lamang na mas gugustuhin ng kutsero na sa kaniyang kaliwa sumalubong ang ibang mga karwahe upang matiyak niya na hindi mahahagip ng mga gulong ng sumasalubong na mga karwahe ang kaniyang sasakyan. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapatakbo sa kanang panig ng daan.
Subalit ang mga Ingles ay nanatili sa kaliwa. Mas maliliit ang kanilang mga karwahe, at ang kutsero ay nauupo sa karwahe, karaniwan nang sa kanang upuan sa harap. Mula roon, magagamit niya ang kaniyang mahabang latigo na tangan niya sa kaniyang kanang kamay nang hindi sumasalabid sa kargamento sa likuran niya. Sa posisyong ito, sa kanang panig ng karwahe, matatantiya ng kutsero ang ligtas na layo mula sa sumasalubong na trapiko kung mananatili siya sa kaliwang panig ng daan. Tinularan din ng mga bansang naging bahagi ng Imperyo ng Britanya ang pagpapatakbo sa kaliwa, bagaman may ilang hindi sumama rito. Halimbawa, ang Canada ay nagbago nang maglaon tungo sa kanan upang mas madaling makapasok at makalabas ng Estados Unidos.
Malaki rin ang naging epekto ng mga pangyayari sa pulitika sa Pransiya sa mga kaugalian sa pagmamaneho. Bago maganap ang Rebolusyon noong 1789, pinatatakbo ng mga aristokrata ang kanilang mga karwahe sa kaliwang panig ng mga kalsada, anupat napilitan ang mga maralita na magpatakbo sa kabilang panig. Ngunit nang magsimula ang Rebolusyon, desperado ang mga maharlikang ito na itago ang kanilang pagkakakilanlan kung kaya’t naglakbay sila sa kanang panig ng daan na dinaraanan ng mga maralita. Pagsapit ng 1794, itinaguyod ng pamahalaan ng Pransiya ang pagpapatakbo sa kanang panig ng daan sa Paris, na nang maglaon ay lumaganap sa ibang mga rehiyon habang nagmamartsa sa kalakhang bahagi ng kontinente ng Europa ang mga nanlulupig na mga hukbo ni Napoléon I. Hindi nakapagtataka na mas gusto ni Napoléon na manatili sa kanan ang pagpapatakbo. Ipinaliwanag ng isang reperensiyang akda na dahil kaliwete siya, “ang kaniyang mga hukbo ay kinailangang magmartsa sa kanan upang ang sinumang kalaban niya ay manatiling nasa panig ng kaniyang bisig na humahawak ng tabak.”
Sa Europa, ang mga bansang lumaban kay Napoléon ay patuloy na nagpatakbo sa kaliwa. Ang Russia at Portugal ay lumipat sa kanan sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Ang Austria at Czechoslovakia ay nagbago tungo sa kanan nang sakupin ito ng Alemanya sa ilalim ng Nazi sa huling bahagi ng dekada ng 1930, at sumunod naman ang Hungary. Sa ngayon, apat na bansa na lamang sa Europa ang nagmamaneho pa rin sa kaliwang panig ng daan: Britanya, Ireland, Ciprus, at Malta. Kapansin-pansin, bagaman hindi naman naging kolonya ng Britanya ang Hapon, sa kaliwang panig din ng daan nagpapatakbo ng mga sasakyan ang mga tao.
Mga Barko, Eroplano, Tren, at Ikaw
Kumusta naman ang mga barko at mga eroplano? Sa pangkalahatan, ang mga trapiko sa tubig ay nananatili sa kanan. Ang mga eroplano rin ay nananatili sa kanan. At kumusta naman ang mga tren? Sa ilang bansa, ang aparatong kumokontrol sa sistema ng mga tren ang nagpapasiya kung saang panig ng magkabilang riles patatakbuhin ang tren. Ang makabagong mga tren ay kadalasan nang pinatatakbo sa alinmang panig ng magkabilang riles at saanmang direksiyon, pero sa mas lumang mga sistema, iisa lamang ang direksiyon ng tren sa isang riles. Sa ilang kaso sa paanuman, ang direksiyon nito ay malamang na depende sa bansa na orihinal na nagdisenyo at gumawa sa riles.
At kumusta naman ang mga pedestriyan? Karaniwan nang inirerekomenda na kung walang nakabukod na daanan ng tao o bangketa, ang panig na pinakaligtas maglakad ay yaong nakaharap sa sumasalubong na trapiko, saanmang panig ng daan tumatakbo ang mga sasakyan. Kung ang mga kotse ay tumatakbo sa kanan, ang mga pedestriyan ay pinapayuhang maglakad sa kaliwang panig ng daan at nakaharap sa sumasalubong na trapiko. Sa Britanya, kung saan sa kaliwang panig ng daan kami nagmamaneho, sinisikap naming tandaan na maglakad sa kanan. Kumusta naman ang ating kaibigang Amerikano? Aba, kabaligtaran naman ang ginagawa niya sa kanilang bansa!