Ligtas na Pagmamaneho—Lubhang Kailangan
TUNGKOL sa pagmamaneho ay sinasabi na “wala nang iba pang gawain na naghaharap ng pagkakataon para sa napakaraming pinsala at hirap, gayunma’y humihiling ng kakaunting tunay na patuloy na pagsasanay at pananagutan.” Naranasan mo na bang umilag sa isang dumarating na sasakyan? Bilang isang taong naglalakad, o isang pasahero, o isang tsuper, nakasaksi ka na ba ng isang aksidente sa trapiko at nabahala sa mga napapatay na mga tao sa mga lansangan?
Sa Britaniya “ang bilang ng mga taong naglalakad na napapatay o malubhang napipinsala ay dumarami sa loob ng limang taon.”—The Times.
“Halos 4,000 mga lalaki, mga babae at mga bata ang namamatay sa mga lansangan sa Canada . . . taun-taon.”—The Toronto Star.
Mula noong 1981 hanggang noong 1985, ang mga aksidente sa sasakyan sa Estados Unidos ay naging sanhi ng 233,200 mga kamatayan.—The World Almanac, 1987.
“Ang kotse . . . ay pumapatay nang higit kaysa pinapatay ng tuberkulosis, kanser, at sakit sa puso sa Rio de Janeiro [Brazil].”—O Estado de S. Paulo.
Sa pandaigdig na lawak, ano ang dami nito?
Pagmamaneho—Sa Isang Halaga
Sa buong daigdig, taun-taon tinatayang sangkapat ng isang milyong mga buhay ng tao ang nasasawi dahil sa mga aksidente sa trapiko! Sang-ayon sa The Toronto Star, ito ay “higit pa kaysa lahat ng mga namamatay taun-taon sa mga digmaan, krimen at mga aksidente sa industriya.”
Sa Britaniya ang halaga ng isang kamatayan sa daan ay tinatayang £252,000 ($400,000, U.S.). Bakit gayon kalaki? Bukod pa sa naipuhunan sa indibiduwal, ang kaniyang nawalang kikitain, at materyal na pinsala, nariyan pa ang pagkakagastos sa ambulansiya, ospital, at iba pang mga paglilingkod. Ang hindi maingat na pagmamaneho ay magastos nga!
Ang “Potensiyal sa Pagpatay”
Nasusumpungan ng dating Kalihim ng Estado para sa Transportasyon ng Britaniya na si John Moore na “nakagugulat na halos 5000 mga buhay ang nasasawi taun-taon sa Britaniya—gayunman wala man lamang ni bulong mula sa media [at sa] Britanong publiko.” Ang ibang mga pangkat ng kaligtasan sa daan ay nagsasabi na ang ‘pagpatay sa pamamagitan ng isang sasakyan ay nanganganib na maging isang tinatanggap na anyo ng omisidyo.’
Sa kabila ng wari’y kakulangan ng pagkabahala, isang konklusyon ang hindi maiiwasan: Kung paano ka nagmamaneho ay maaaring mangahulugan ng buhay o kamatayan sa isa, marahil sa iyo. Si Alex Miller, nakatataas na tagaeksamen sa pagmamaneho sa Strathclyde Police sa Scotland, ay nagpapaliwanag: “Ang bawat kotse ay isang nakamamatay na sandata na nagbibigay sa tsuper ng potensiyal sa pagpatay.”
Bilang isang tsuper, ano ang kahulugan niyan sa iyo? Ito’y lubhang pumupukaw-kaisipan, di ba? Gayumpaman, hindi ito gaanong binibigyang-pansin ng maraming opereytor ng mga sasakyan, lalo na yaong mga umiinom ng nakalalasing na inumin at nagmamaneho.
Mula sa Pederal na Republika ng Alemanya ay dumating ang ulat na “noong 1984 mayroong 40,332 mga aksidente sa trapiko kung saan ang mga tao ay namatay o napinsala at 20,000 ang malubhang napinsala ang ari-arian—na pawang kinasangkutan ng mga tsuper na lasing.” Sa Britaniya, ang alak ay iniuugnay sa 1 sa bawat 3 mga kamatayan sa lansangan.
Nakahahadlang ba ang gayong mga estadistika sa mga tsuper na umiinom? Hindi sang-ayon sa isang tagapagsalita ng pulisya sa Inglatera na nagsabi: “Marami pa ring mga tsuper ang handang makipagsapalaran at isapanganib ang kanilang mga sarili, ang kanilang mga pamilya at ang iba pang mga gumagamit ng daan.” Si Propesor Robert Kendell ng Edinburgh University ay nagsasabi na “mga 10 porsiyento ng mga lalaki sa [Britaniya] ang nagmamaneho ng isang kotse nang hindi kukulangin minsan sa isang linggo na lampas sa itinakda ng batas [na dami ng alkohol sa dugo].” Ano ba iyan, kundi pawang kasakiman?
Pinagagaan ng ilang mga gumagawa ng inuming nakalalasing sa Britaniya ang suliranin sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga pamamaraan ng paghahatid. Ito ay kinasasangkutan ng mga kompaniya ng bus o paupahang-awto na inihahatid at sinusundo ang mang-iinom mula sa kaniyang paboritong tuluyan, anuman ang kaniyang pisikal na kalagayan. Sa mga grupo, iniiwasan ng ilang mga tsuper na nais uminom ng alak ang panganib sa pagtiyak antimano kung sino sa kanila ang magmamaneho sa grupo pauwi, at sumasang-ayon na mananatiling mahinahon at iinom lamang ng soft drinks. Ang mga pagsisikap bang ito, gaano man kapuri-puri, ay nagtatagumpay? Ang mga ulat sa Glasgow Herald ay nagsasabi na ang gayong mga pangunguna “ay hindi sapat upang lubhang bawasan ang mga insidente ng pag-inom at pagmamaneho.”
Ano, kung gayon, ang lunas sa suliranin ng tsuper na umiinom? “Ang panghuling paraan ay na hindi natin dapat pagsamahin ang pag-inom at pagmamaneho,” hinuha ng hepe ng pulisya ng Warwickshire, si Peter Joslin, na ang susog pa ay: “Ang aming tanging payo ay: ‘Huwag uminom at magmaneho.’”
Ito ba ay isang makatotohanang direktiba? Mahigpit na ipinatutupad ng ibang mga bansa ang kanilang mga regulasyon sa trapiko, naggagawad ng mahigpit na mga parusa sa mga tsuper na umiinom ng alak. Binigyan-kapangyarihan ng batas ng Sweden ang mga awtoridad na kumpiskahin ang kotse ng isang mapanganib na tsuper, kung paanong kinukumpiska nila ang isang patalim o isang baril mula sa marahas na kriminal. Ang British Magistrates’ Association ay iniulat na itinataguyod ang isang mungkahi na ipagbawal ang mga tsuper na hindi nakakapasa sa mga pagsubok sa hininga kailanma’t ipinalalagay na sila ay nakagawang muli ng pagkakasala bago pa makarating ang kaso sa hukuman.
Gayunman, higit pa ang kinakailangan sa ligtas na pagmamaneho kaysa pananatili lamang na hindi lasing.
[Larawan sa pahina 3]
Sa buong daigdig, taun-taon, maraming tao ang namamatay sa mga aksidente sa trapiko na higit pa sa populasyon ng Iceland