ZERUIAS
[posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “balsamo”].
Kapatid ni Haring David, o maaaring kapatid lamang niya sa ina; ina nina Joab, Abisai, at Asahel. Ang kapatid ni Zeruias na si Abigail ay sinasabing “anak ni Nahas,” bagaman hindi iyan tuwirang binanggit may kinalaman kay Zeruias. (2Sa 17:25) Sina Zeruias at Abigail ay sinasabi ring “mga kapatid na babae” ng mga anak ni Jesse. (1Cr 2:16) Kung gayon, posible na sila ay mga anak ng asawa ni Jesse sa isang naunang pag-aasawa kay Nahas, samakatuwid ay mga kapatid lamang sa ina ni David. (Tingnan ang ABIGAIL Blg. 2; NAHAS Blg. 2.) Lumilitaw na si Zeruias ay malayong mas matanda kay David, sapagkat ang kaniyang mga anak ay waring mga kasing-edad ni David. Ang pangalan ni Zeruias ay kadalasang iniuugnay sa kaniyang tatlong anak, na pawang magigiting na mandirigma ni David. (2Sa 2:13, 18; 16:9) Ang tanging pagbanggit lamang sa ama ng mga lalaking ito ay na inilibing ito sa Betlehem.—2Sa 2:32.