Mga Tapat na Kabataang Naging Martir Dahil sa Kaharian ng Diyos
NOON ay mga 8:30 isang umaga ng Oktubre. Ang mga kabataang sina Elmer at Alex, 16 at 14 anyos ang edad, ay naglalaro sa harapan ng kanilang tahanan sa San Salvador, ang kabisera ng maligalig na El Salvador. Biglang-biglang huminto roon ang isang puting trak na pangkargada at may lulang limang armadong lalaki. Dalawang lalaki ang bumaba at nag-utos sa mga batang ito na sumampa sa trak. Sila’y mabilis na inilayo nang lingid sa kaalaman ng kanilang pamilya.
Nang matalos ng kanilang mga magulang ang nangyari, kanilang ipinagbigay-alam iyon sa mga matatanda ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, at nagsimula ang matinding paghahanap sa kanila. Matagal nang umiiral sa El Salvador sa araw-araw ang karahasan na ang nasa likod ay pulitika. Ang mga magulang, sina Napoleón at Orbe, ay nangangamba na maaaring mangyari ang pinakamasama. Ang mga awtoridad ay pinatalastasan at sila’y tumulong din sa paghahanap.
Kinabukasan may mga lalaki, nagmamaneho ng karo ng patay para sa isang lokal na punerarya, ang nagpasabi sa isa sa mga matatanda na kanilang nakita ang bangkay ng dalawang kabataang iyon sa iisang hukay kasama ng mga ibang bangkay na mga biktima ng karahasan. Oo, sina Elmer at Alex ay natagpuan na, ang kanilang mga katawan ay tadtad ng mga bala. May mga palatandaan na sila’y pinahirapan muna bago sila pinatay sa wakas. May paniwala na isa sa mga grupo ng subersibo ay nagsikap na kumbinsihin sila na sumali sa kanilang grupo sa pagbaka sa gobyernong nasa kapangyarihan. Subalit, ang mga bata, palibhasa’y mga Saksi ni Jehova, ay hindi sumira sa kanilang pagkaneutral bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagsama sa gayong grupo. Maliwanag na sa dahilang ito kung kaya sila pinaslang. Mayroon pang dalawang martir sa mahabang hanay ng mga tapat na Kristiyano na nangamatay dahil sa pagtangging sumangkot sa makasanlibutang pulitika. Sila’y tumalima sa Diyos imbis na sa mga tao.—Juan 17:16; 18:36; Gawa 5:29.
Sa gayon, sa loob ng maghapon lamang, ang pamilyang López ay nabawasan at naging tatlo ang dating may limang miyembro. Iyon ay isang matinding dagok sa mga magulang. Sa mga oras ng mahigpit na pangangailangan ay inaliw sila at tinulungan ng kanilang mga kapatid na Kristiyano sa tanggapang sangay sa El Salvador ng Samahang Watch Tower at sa kongregasyon. Kamakailan ay sumulat sila ng isang liham ng pagpapahalaga na nais naming maibahagi sa aming mga mambabasa.
Ang Kaaliwang Dulot ng mga Pangako ng Diyos
“Pakisuyong tanggapin po ninyo buhat sa aking maybahay, si Orbe, sa aking anak na babae, si Reyna Noemi, at sa akin ang aming pasasalamat at pagpapahalaga sa pampatibay-loob at kaaliwan na ibinigay ninyo sa amin sa oras na lubhang kailangan namin nito. Ganiyan na lang ang aming pasasalamat sa ating Ama, si Jehovang Diyos, na sa pamamagitan ng Kasulatan ay naglaan ng lakas ng loob na kailangan namin—oo, dahilan sa trahedya na sumapit sa amin noong nakaraang Oktubre 27. Kung paanong hindi namin malilimot ang aming mahal na mga anak na sina Elmer at Alex, hindi rin namin malilimot ang inyong pag-ibig nang sandaling iyon.
“Totoo nga na nakadarama pa kami ng isang matinding kalungkutan dahil sa pagpanaw ng aming mga anak. Subalit ngayon ay lalo naming nadarama na kailangan natin ang Bagong Sanlibutan, at sa pagkakita ng ginagawa ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay lalo lamang naming nakikita na talagang kailangang-kailangan ang Kaharian ng Diyos.
“Mga kapatid, lalong naging mahalaga sa amin ang mga bagay na ito, at pinasasalamatan namin si Jehova dahil sa mayroon kaming tiyak na pag-asa—hindi lamang ito kastilyong buhangin kundi isang tunay na gobyernong nadarama.
“Isang kapatid ang mapagmahal na nagsabi sa akin: ‘Hindi ninyo malilimot si Elmer at si Alex, at iisa lamang ang lunas sa inyong kalungkutan—patuloy na magsalita sa iba tungkol sa inyong pag-asa. Oo, magsalita nang magsalita tungkol sa Kaharian kailanma’t may pagkakataon kayo na gawin ito.’ At anong pagkatotoo nga nito! Sa kinagabihan kami ay nakikipag-usap sa aming mga kapitbahay, at ito’y nagdudulot sa amin ng kaaliwan. Si Orbe, na maybahay ko, ay nakapagpatotoo sa ‘importanteng’ mga tao na nagsikap na mapag-alaman ang tungkol sa aming pananampalataya. Isang araw isang doktor ang nagsabi sa kaniya: ‘Ikaw ba ay may pananampalataya?’ ‘Opo,’ ang sagot niya. ‘Ipakita mo iyon sa akin,’ ang tugon ng doktor. Bueno, may isang oras na siya ay nakinig, at nagpakita ng malaking interes bagama’t siya’y mayroong mga pasyenteng naghihintay sa kaniya. Siya’y inalukan ni Orbe ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, at agad naman niyang tinanggap iyon.
“Isang araw ako ay tinawag ng general manedyer ng pabrika na pinagtatrabahuan ko at ang sabi sa akin: ‘Napoleón, ibig kitang makausap at magtanong sa iyo. Ikaw ba’y naniniwala na ang daigdig ay malapit nang magwakas?’ Ang taong ito ay naging isang paring Katoliko subalit kaniyang iniwan na ang pagkapari. Nang aking ipaliwanag na ang Bibliya’y nagbibigay ng matibay na patotoo na tayo’y nasa mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, sinabi niya na siya’y may mga duda tungkol sa Bibliya. Sa aking pagpapaliwanag tungkol sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova, siya’y nagtaka nang ipaliwanag ko na tayo’y hindi bahagi ng mga grupong ebangheliko. Pagkatapos ay sinabi ko sa kaniya na tayo’y hindi naniniwala sa mga dogma. Ang ibig niya’y isang halimbawa. ‘Halimbawa,’ ang sabi ko, ‘na si Maria ay ina ng Diyos.’ ‘Ano, hindi ka ba naniniwala na si Jesus ay Diyos at samakatuwid si Maria ay ina ng Diyos!’ ‘Hindi po,’ ang sabi ko, ‘ang Bibliya ay hindi sumusuporta sa gayong dogma.’ Takang-taka, siya’y tumindig at nagsabi: ‘Saan ba kayo nagdaraos ng inyong mga pulong? Ibigay mo sa akin ang direksiyon, dahil sa ibig kong dumalo.’ ‘Bakit?’ ang tanong ko. Siya’y sumagot na noon daw na siya’y nasa seminaryo ay hindi siya naniniwala sa doktrinang iyan at kaniyang sinabi na lahat ng relihiyon ay naniniwala riyan. Totoong kataka-taka nga! Isang pari na hindi naniniwala sa Trinidad!
“Totoong-totoo, mga kapatid, sa ngayon higit kailanman ay nananalangin kami kay Jehova na ‘sana’y dumating na ang kaniyang Kaharian’ at wakasan na ang lahat ng kabalakyutan. Totoo nga, mga kapatid, na hindi kami lubusan pang napapasauli sa dati. Sa bawat araw, nagugunita namin ang aming mga anak, at wari ngang isang kakila-kilabot na panaginip iyon. Subalit anong ligaya namin at kami’y tinutulungan ni Jehova! Oo, nadarama namin ang kaniyang kagandahang-loob sa kongregasyon. Anong laki ng aming pasasalamat dahil sa pangako ni Jehova na sa pamamagitan ni Kristo yaong mga natutulog sa kamatayan AY MABUBUHAY! (Gawa 24:15) At anong laking pagpapala, pagka ang aming mga anak ay bumalik na, at sabihin namin sa kanila kung paanong ang kanilang ‘pagyaon’ ay nagbigay sa amin ng pagkakataon na magbalita ng Kaharian sa mga tao na kung hindi sa ganoong paraan ay hindi sana namin malalapitan!
“Bagama’t kung minsan ay nakadarama kami ng di-kawasang kalungkutan, at nagpapalungkot sa amin ang hindi namin pagkakita sa aming mga anak, gayunman sa bawat araw ay pinasasalamatan namin si Jehova dahilan sa aming pagkaalam ng katotohanan, sa kaniyang maibiging tulong at sa mga kapatid at mga kaibigan na katulad ninyo na tumulong sa amin sa mga sandaling iyon ng kadalamhatian.
“Maraming-maraming salamat po,
Napoleon at Orbelina Lopez”
Lahat kayong mga kabataang Saksi—magpakatibay kayo gaya nina Elmer at Alex sa pamamagitan ng pag-aaral ninyo ng Salita ng Diyos, upang kayo ay “makatayong matatag” anumang mga pagsubok ang dumating.—Efeso 6:11; 1 Pedro 5:8-10