TALAMBUHAY
“Gusto Ko Na Ngayon ang Ministeryo!”
LUMAKI ako sa bayan ng Balclutha, sa South Island ng New Zealand. Noong bata pa ako, mahal na mahal ko si Jehova at ang katotohanan. Gustong-gusto kong dumadalo ako; masaya ako at panatag kapag kasama ko ang mga kapatid sa kongregasyon. Kahit mahiyain ako, nag- e-enjoy ako sa ministeryo linggo-linggo. Hindi ako nahihiyang mangaral sa mga kaeskuwela ko at sa iba. Ipinagmamalaki kong Saksi ni Jehova ako, at noong 11 years old ako, inialay ko ang buhay ko sa Diyos.
HINDI NA AKO MASAYA
Nakakalungkot, nang magtin-edyer ako, unti-unting lumamig ang pagmamahal ko kay Jehova. Nakita kong parang halos nagagawa ng mga kaeskuwela ko ang lahat ng gusto nila, at gusto ko rin iyon. Pakiramdam ko, napakaistrikto ng mga magulang ko at ng mga pamantayang Kristiyano, at parang nagiging pabigat na sa akin ang pagsamba kay Jehova. Naniniwala pa rin naman ako kay Jehova, pero unti-unting napapalayo ang loob ko sa kaniya.
Sinikap ko namang huwag maging inactive, pero hindi rin ako naging masigasig. Hindi ako naghahanda sa pangangaral, kaya nahihirapan akong lumapit sa mga tao o makipag-usap sa kanila. Dahil dito, hindi naging mabunga ang ministeryo ko at hindi ako masaya, kaya lalo tuloy akong nawalan ng gana. Tinatanong ko ang sarili ko, ‘Bakit kaya nila nakakayanan ito linggo-linggo at buwan-buwan?’
Nang mag-17 ako, talagang gusto ko nang magsarili. Kaya nag-impake ako at pumunta sa Australia. Lungkot na lungkot ang mga magulang ko. Nag-alala sila, pero inisip nilang hindi ko papabayaan ang espirituwalidad ko.
Sa Australia, lalong humina ang espirituwalidad ko. Hindi na ako nagdadadalo sa pulong. Napasama ako sa mga kabataang pagkatapos dumalo sa pulong, kinabukasan, nasa nightclub naman para makipag-inuman at makipagsayawan. Kapag naaalala ko iyon, naiisip kong ang isang paa ko pala noon ay nasa katotohanan at ang isa naman ay nasa sanlibutan, pero parehong ayoko sa mga ito.
ISANG DI-INAASAHAN PERO NAPAKAHALAGANG ARAL
Makalipas ang mga dalawang taon, may nakilala akong isang sister. Dahil sa kaniya, napag-isip-isip ko kung saan papunta ang buhay ko. Nakatira ako sa isang bahay kasama ang limang sister, at inanyayahan namin ang circuit overseer at ang asawa niyang si Tamara na sa amin tumuloy nang isang linggo. Habang busy ang asawa niya sa mga gawain sa kongregasyon, masayang nakipagkuwentuhan sa amin si Tamara. Nagustuhan ko iyon. Mapagpakumbaba siya at masarap kausap. Hindi ko akalaing ang isang taong espirituwal na gaya niya ay masaya palang kasama.
Masayahin si Tamara. Nakakahawa ang pagmamahal niya sa katotohanan at sa ministeryo. Tuwang-tuwa siya kapag naibibigay niya ang pinakamahusay niyang magagawa para kay Jehova. Samantalang ako, basta makapaglingkod lang, hindi tuloy ako masaya. Ang laki ng naging epekto sa buhay ko ng kaniyang pagiging positibo at masayahin. Naisip ko tuloy ang isang mahalagang katotohanan sa Bibliya: Gusto ni Jehova na tayong lahat ay maglingkod sa kaniya “nang masaya” at “humiyaw sa kagalakan.”—Awit 100:2.
GUSTONG-GUSTO KO NANG MANGARAL ULIT
Gusto ko ring maging masaya gaya ni Tamara, pero kailangan ko munang gumawa ng ilang malalaking pagbabago. Hindi madaling gawin iyon, kaya nagsimula muna ako sa maliliit na pagbabago. Naghahanda na ako sa ministeryo at nag-o-auxiliary pioneer sa pana-panahon. Hindi na ako masyadong ninenerbiyos, at mas confident na ako. Kapag lagi kong ginagamit ang Bibliya sa ministeryo, mas nag-e-enjoy ako sa pangangaral. Di-nagtagal, tuloy-tuloy na ang pag-o-auxiliary pioneer ko.
Nagkaroon ako ng mga kaibigan na may iba’t ibang edad. Masigasig sila at nag-e-enjoy sa paglilingkod kay Jehova. Natulungan nila akong pag-isipan ang aking mga priyoridad at magkaroon ng magandang rutin sa espirituwal. Lalo akong nag-enjoy sa ministeryo, at nang bandang huli, nag-regular pioneer ako. Pagkatapos ng maraming taon, ngayon lang ulit ako naging matatag, masaya, at panatag sa loob ng kongregasyon.
NAKAKITA AKO NG PERMANENTENG MAKAKASAMA SA PAGPAPAYUNIR
Makalipas ang isang taon, nakilala ko si Alex. Mabait siya, tapat, at mahal niya si Jehova at ang ministeryo. Ministeryal na lingkod siya at anim na taon nang payunir. Nakapaglingkod din siya sa Malawi kung saan mas malaki ang pangangailangan. Naging magandang halimbawa sa kaniya ang mga misyonerong nakasama niya doon. Pinatibay nila siya na patuloy na unahin ang Kaharian.
Noong 2003, nagpakasal kami ni Alex at nagpatuloy sa buong-panahong paglilingkod. Marami kaming magagandang bagay na natutuhan at sagana kaming pinagpala ni Jehova.
HIGIT PANG PAGPAPALA
Habang nangangaral sa Gleno, Timor-Leste
Noong 2009, inanyayahan kaming maglingkod bilang mga misyonero sa Timor-Leste, isang maliit na bansa sa Indonesian archipelago. Magkakahalong pagkabigla, tuwa, at takot ang naramdaman namin. Makalipas ang limang buwan, dumating kami sa Dili, ang kabisera ng bansa.
Nanibago kami sa buhay dito. Kailangan naming mag-adjust sa bagong kultura, wika, pagkain, at paraan ng pamumuhay. Sa ministeryo, madalas naming nakikita ang epekto ng kahirapan, kakulangan sa edukasyon, at pang-aapi. Nakita rin namin ang maraming taong napinsala ng digmaan at karahasan sa pisikal at emosyonal na paraan.a
Ibang-iba ang pangangaral dito! Halimbawa, nakilala ko ang 13-anyos na si Maria.b Malungkot siya. Ilang taon na siyang ulila sa ina, at bihira niyang makita ang tatay niya. Gaya ng maraming kaedaran niya, walang direksiyon ang buhay ni Maria. Minsan, iyak siya nang iyak habang sinasabi sa akin ang nararamdaman niya. Pero hindi ko maintindihan ang sinasabi niya dahil hindi ko pa masyadong alam ang wika nila. Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong mapatibay siya, at binasa ko sa kaniya ang ilang nakakaaliw na teksto. Nang sumunod na mga taon, nakita kong binago ng katotohanan ang disposisyon, hitsura, at buhay ni Maria. Nagpabautismo siya, at ngayon, may mga Bible study na siya. Sa ngayon, mayroon nang malaking espirituwal na pamilya si Maria at nakakadama siya ng pagmamahal mula sa kanila.
Pinagpapala ni Jehova ang pangangaral sa Timor-Leste. Kahit ang karamihan sa mga mamamahayag ay nito lang nakalipas na 10 taon nabautismuhan, marami ang naglilingkod bilang mga payunir, ministeryal na lingkod, o elder. Ang iba naman ay nasa remote translation office at tumutulong sa pagsasalin ng mga publikasyon sa kanilang sariling wika. Tuwang-tuwa akong marinig ang pagkanta nila sa mga pulong, makita ang mga ngiti sa kanilang mga labi, at masubaybayan ang kanilang espirituwal na pagsulong.
Kasama si Alex habang paalis papunta sa di-nakaatas na teritoryo para mamahagi ng mga imbitasyon sa Memoryal
MAS MASAYA PALA ANG BUHAY DITO
Ibang-iba ang buhay sa Timor-Leste kumpara sa Australia, pero mas masaya pala rito. Kung minsan, nagsisiksikan kami sa isang maliit na bus na may mga kargang daing na isda at mga gulay mula sa palengke. May mga araw na nagba-Bible study kami sa isang mainit at maalinsangang maliit na bahay na lupa ang sahig habang may mga manok na nagtatakbuhan. Pero kahit ganito ang sitwasyon, madalas na naiisip ko, ‘Ang saya ng ganitong buhay!’
Noong papunta kami sa teritoryo
Kapag naaalala ko ang nakaraan, nagpapasalamat ako sa mga magulang ko dahil ginawa nila ang lahat para ituro sa akin ang mga daan ni Jehova at sinuportahan nila ako kahit noong tin-edyer ako at matamlay sa paglilingkod kay Jehova. Nagkatotoo sa akin ang Kawikaan 22:6. Proud na proud sa amin ni Alex ang mga magulang ko; masaya silang makitang ginagamit kami ni Jehova. Mula 2016, naglilingkod na kami sa gawaing pansirkito sa teritoryo ng sangay ng Australasia.
Habang ipinapapanood ang video nina Caleb at Sophia sa ilang masasayang batang Timorese
Hindi ko akalaing itinuring ko noon na pabigat ang pangangaral. Gusto ko na ngayon ang ministeryo! Na-realize ko na anuman ang mangyari sa buhay natin, magiging tunay na masaya lang tayo kapag buong puso tayong naglilingkod sa Diyos. Oo, ang nagdaang 18-taóng paglilingkod kay Jehova kasama ni Alex ang pinakamasasayang taon ng buhay ko. Naintindihan ko na ngayon ang sinabi ng salmistang si David kay Jehova: “Ang lahat ng nanganganlong sa iyo ay magsasaya; lagi silang hihiyaw nang may kagalakan. . . . At ang mga umiibig sa pangalan mo ay magiging masaya.”—Awit 5:11.
Nakakatuwang i-Bible study ang ganitong mga simpleng tao!
a Mula 1975, dumanas ang Timor-Leste ng mahigit 20 taóng digmaan dahil sa ipinaglalabang politikal na kalayaan.
b Binago ang pangalan.