Kasiguruhan—Saan ba Matatagpuan?
ANG dalawang kabataan ay masamang-masama ang loob, naglaho ang pag-asa—at walang hanapbuhay. Sang-ayon sa Time magasin, sila’y “nagkabit ng pinaka-bituka sa pasingawang tubo, pinadaan iyon sa kompartamento ng mga pasahero at ang mga siwang sa bintana ay siningitan ng mga basahan.” Ang iniwan nilang kalatas tungkol sa kanilang pagpapatiwakal ay nakapangingilabot: “Ano ba ang natitira para kami’y mabuhay pa ngayon [na] wala nang trabaho para kaninuman?”
Ang mga balita na katulad nito ay nagpapakita lamang ng kawalang pag-asa na dinaranas ng mga tao sa ngayon. Lahat tayo, sa papaanuman, ay naghihirap dahilan sa implasyon, sa kawalang-hanapbuhay at sa patuloy na lumalaking buwis na dapat nating bayaran. Para sa mga ibang pamilya ay kinailangan marahil na ang mga asawang babae, at kung minsan pati mga anak, ay maghanapbuhay. Para sa mga iba naman ay kinailangan na baguhin nila ang kanilang mga kaugalian sa pagkain, sa paglilibang at sa pagbabahay. Kahit na ang pera sa bangko ay hindi garantiya ng kasiguruhan dahilan sa implasyon na patuloy na pagpapababa sa halaga ng pera. Tamang-tama ang hula ng Bibliya na ito’y “mga mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan.”—2 Timoteo 3:1-5.
Kahit ang mayayaman ay apektado ng mga kakapusan na likha ng implasyon. (Apocalipsis 6:6) Upang magkaroon ng “panlaban” sa implasyon, ang pera ng iba’y ibinibili ng accion sa mga negosyo, ng mga lupa’t bahay, ng mga salaping banyaga o mga ginto’t pilak. Nguni’t kahit na ang lubhang malalaking mámumuhunan ay nasilo sa mga pagbabagong biglaan at di-inaasahan. Halimbawa, ang presyo ng ginto ay biglaang bumaba sa loob lamang ng mga ilang araw buhat sa pagkataas-taas na $875/oz. tungo sa wala pang $650, (U.S.) Kaya naman ang mga namumuhunan ay pilit na kinailangang maging mapagbantay na lagi at inatake sila ng nerbiyos sa kanilang pangangalakal. Nagugunita tuloy natin ang mga salita ng Bibliya sa Eclesiastes 5:12: “Ang kasaganaan ng kayamanan ay hindi magpapatulog sa mayaman.”
“Hindi Alam Kung Papaano Lulusutan Iyon”
Subali’t, makapangunguna kaya ang mga ekonomista upang malabasan ang suliraning ito? Papaano nila magagawa iyan gayong napakarami nilang hindi mapagkasunduan? Halimbawa, ang magkapit-bahay na bansa, ang Britanya at Pransiya, ay kapuwa nagsisisunod sa payo ng kani-kanilang mga pangunahing adbayser. Gayunman ang sinusunod ng dalawang bansang ito ay lubusang nagkakaibang mga patakaran sa kabuhayan. Ang Britanya ay nagsisikap na babaan ang implasyon sa pamamagitan ng paghihigpit sa gobyerno sa paggasta at pagpapahintulot ng matataas na interes. Nguni’t nilalabanan naman ng Pransiya ang implasyon sa pamamagitan ng ‘libreng paggasta ng salapi ng bansa’ at paggasta nang malaki upang makalikha ng mga hanapbuhay. Sa pagkomento tungkol sa ganitong kalagayan, sinabi ng magasing Time, “Ang dalawang pilosopya ay magkalayung-magkalayo o, sa paningin ng marami, magkapareho rin ng layo ang kanilang tsansa na magtagumpay.”
Angkop ang pagkahula ng Bibliya na “manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung papaano lulusutan iyon.” (Lucas 21:25) Kaya’t kung ang mga lider ng daigdig mismo ay nagugulumihanan sa pamimilipit sa kahirapan ng kabuhayan ng daigdig, ano ang tsansa ng karaniwang tao, na katulad mo, upang makaligtas dito? Mayroon bang mapagkukunan ng ano mang mapanghahawakang payo? Mayroon bang mapagbubuhusan ng puhunan na makagagarantiya ng isang siguradong kinabukasan?