Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 2/1 p. 24-30
  • Pagsasaunahan ng Kaharian sa Alemanya Pagkadigma

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsasaunahan ng Kaharian sa Alemanya Pagkadigma
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Matagumpay na Pagtakas
  • Pag-aasikaso sa Lalong Mabibigat na Pananagutan
  • Isang Araw na Di-malilimot
  • Isang Naiibang Pagsubok
  • Buhay Palá ang Asawa Ko!
  • Isang Bagong Pagsubok ang Napagtagumpayan
  • Saganang Pagpapala Dahil sa Katapatan
  • Pagbabalik-Gunita
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • “Oh, Jehova, Panatilihin Po Ninyong Tapat ang Aking Anak!”
    Gumising!—1993
  • Ang Aking Masidhing Pagnanais na Maglingkod sa Diyos
    Gumising!—1992
  • Nagpapasalamat na Makapaglingkod kay Jehova sa Kabila ng mga Pagsubok
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 2/1 p. 24-30

Pagsasaunahan ng Kaharian sa Alemanya Pagkadigma

Ibinida ni Gertrud Poetzinger

Sa ano natin ibabatay ang ating mga desisyon? Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na ‘hanapin muna ang Kaharian ng Diyos.’ Kung gayon, sa kanila’y ibibigay ang iba pa nilang pangangailangan. (Mateo 6:33) Napatunayan ko na ang paglalagak ng ating pasanin kay Jehova, paghahayag ng kaniyang mga gawa at pagsasaunahan ng mga intereses ng Kaharian ay ‘magpapayaman sa atin’ sa espirituwal. (Kawikaan 10:22; Awit 55:22; 71:5; 73:28) Ang sumusunod na talambuhay ko ang nagpapatunay nito.

MAAGA noon ng 1945. Sa Europa’y matatapos na ang Digmaang Pandaigdig II. Nanlulupaypay na ang Alemanya, nagbago na ang saloobin ng mga tao pati ng gobyerno. Nakikini-kinita nilang sila’y matatalo. Kaya’t medyo nagbawa ang mga Nazi sa kanilang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova.

Isa ako sa mga babaing Saksi na nasa piitan ng Ravensbrück nguni’t inilipat para maging yaya sa mga tahanan ng mga opisyales na Nazi. Isang hapon, nilapitan ako ng aking among opisyal ng SS upang tanungin ako nang lihim. Kiener ang kaniyang pangalan.

“Nabalitaan mo ba na ang mga Ruso ay patungo na rito?” ang tanong niya. Nang sumagot ako ng oo, ang tanong niya: “Ano ang gagawin mo?” Siya’y tinitigan ko at tumugon ako: “Sila at kayo ay mga kaaway namin. Kaya’t ano ang diperensiya?” Ganiyan kami binigyan ni Jehova ng lakas ng loob upang magpatuloy na mga Kristiyanong neutral at tagapagtaguyod ng Kaharian noong mga araw na iyon.​—Juan 15:19.

Ang Matagumpay na Pagtakas

Hindi mga bali-balita lamang ang pag-urong ng mga Aleman. Nang magtatapos na ang Abril, isinaayos ni Kiener na ang kaniyang pamilya’y tumakas patimog. Pinayagan akong sumama sa kanila. Binigyan ako ni Mrs. Kiener ng mga damit-sibilyan para maiwasan ang hinala na siya’y may kaugnayan sa mga Nazi. Sumakay kami sa trak patungong Bavaria sa hilaga, mas malapit ito sa Larangang Amerikano kaysa Ruso.

Sa lumipas na pito at kalahating mga taon ay noon lamang ako napalayo sa mga kampong piitan. Nagdidigmaan pa at mahigpitan iyon. Sa aming pagbibiyahe, isang pangkat ng mga eroplano ng Alyado ang sumisid sa ibabaw namin. Ako’y nasa unahan kasama ang dalawang bata at ang drayber. Tiyak na babalik ang eroplano at titirahin ng machine gun ang aming trak. Nanalangin ako nang taimtim: “Jehova, yamang iniligtas mo na rin lamang ako, lubusin mo na ngayon!”

Gaya ng inaasahan, kami’y sinubaybayan ng nasabing mga eroplano. Pinabilis ng drayber ang pagmamaneho, nguni’t hindi kami mananalo sa bilis niyaon. Biglang nakakita kami ng isang eskinita na patungo sa gubat. Agad kaming lumiko roon at nagpabilis patungo sa gubat. Sa gubat na iyon ay hindi matanaw buhat sa itaas ang aming sasakyan, kaya’t nilampasan kami ng mga eroplano.

Malimit kaming makaranas ng ganiyan noong akto de-giyera. Subali’t, nang matapos ang giyera, sampung araw pagkatapos ng pangyayaring iyan, nagkaroon ng mga iba namang pagsubok.

Pag-aasikaso sa Lalong Mabibigat na Pananagutan

Kami ni Mrs. Kiener, pati kaniyang anak, at ilan pang mga takas ay nakituloy sa nayon ng Mönchsdeggingen, malapit sa Nördlingen. Nang isang linggong huminto ang labanan, sinabi ko sa kaniya na aalis na ako. Siya’y nalungkot. Sino pa ang kaniyang mapagkakatiwalaan? Ngayon ang buong bansa ay laban sa mga Nazi at sa kanilang mga pamilya. Subali’t lalong mabibigat ang aking mga pananagutan. Nang matapos ang giyera ay kailangang organisahin uli ng mga Saksi ni Jehova ang pangangaral ng Kaharian. Kailangan ding hanapin ko ang aking asawa, si Martin.

Tatatlo at kalahating mga buwan kaming nakakasal ni Martin nang siya’y dakpin at dalhin pagkatapos sa piitan sa Dachau. Dinakip din ako pagkatapos at ipinadala sa piitan ng Ravensbrück. Dalawang taon ang lumipas nang makabalita ako tungkol sa aking asawa, at siyam na taon ding kami’y nagkahiwalay. Buhay pa kaya si Martin? Kung gayon, wala kaya siyang sakit?

Isang Araw na Di-malilimot

Noon ay dapat na akong umalis. Alas-4:30 ng umaga. Ang almusal ko’y kapirasong tinapay. Nag-umpisa na akong naglakad, walang pera, walang kupon sa rasyong pagkain at walang anuman maliban sa isang maliit na supot na sinidlan ko ng tinapay at ilang bagay-bagay. Lumipas ang maghapon sa aking paglalakad patungong Munich, ang bayan ng aking asawa at malamang na doon ko siya matatagpuan kung siya’y buháy pa.

Gabi na nang dumating ako sa may labas ng bayan. May curfew roon, at kung doon ako matutulog sa labas ay baka ako arestuhin. Kaya’t nanalangin ako kay Jehova: “Jehova, tulungan mo po ako. Sa mula’t-sapol na maglingkod ako sa iyo, ngayon ako totoong nangangailangan ng isang dakong mahihigaan sa gabi.” Nang makapanalangin na ako ay nagmasid-masid ako sa palibot, nguni’t tulad din iyon ng dati.

Nang makapasok na ako sa bayan, ang unang bahay na nakita ko ay may pader sa palibot ng looban. Isang babae ang natanaw kong may ginagawa, kaya’t tinanong ko: “Puede po bang makituloy ako sa inyo ngayong gabi?” Pinagmasdan niya ako at sinabihan akong pumunta ako roon sa likod ng bahay at tanungin ang kaniyang asawa, sapagka’t marami ang nakikituloy doon sa kanila.

Nang lumigid ako sa likod-bahay, isang malaking handaan ng mga espesyal na lutong Aleman ang bumulaga sa akin. Siyam katao ang nakaupo sa palibot ng mesa, handang kumain. Para akong tulala, sapagka’t hindi ako kumakain kahit bahagya noong maagang-maaga pa. Ang ama ng tahanan ay bumulalas: “Huwag kang tumayu-tayo riyan! Puedeng kumain ang sampu!”

Pero bago ako makiupo para kumain, ang lalaki’y tinanong ko kung puede akong magpalipas ng gabi roon. Puede raw, kaya itinuro sa akin ng kaniyang maybahay ang isang higaan sa may bulwagan. Naisip ko ang mga lalaking nagkukulumpunan doon nguni’t inamin ko na maganda nga ang higaan. Umalis ang babae para magsimba nang gabing iyon.

Nang kami’y kumakain na, isang babae sa bahay na iyon ang nakikinig na mainam sa usapan, na naging daan para ako magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Mahirap masabi kung anong talaga ang nasa loob niya, at makalipas ang sandali ay pumasok na siya sa kuwarto niya.

Ang kasera ay dumating din at inanyayahan ako sa salas. Ipinakita sa akin ang isang Bibliyang Aleman, na may taglay ng pangalan ng Diyos, na Jehova, sa maraming lugar. “Nakuha ko ito sa isang Bible Student ilang taon na ngayon,” aniya. “Ito kaya’y isang tunay na Bibliya? Madalas kong binabasa ito, pero hindi ko maintindihan kung ako lamang. Maaari bang paliwanagan mo ako tungkol dito?”

Gabing-gabi na noon, nguni’t umabot hanggang hating-gabi ang aming pag-uusap. Ang babaing binanggit ko na na nakikinig sa aking pagpapaliwanag sa Kaharian ay sumali sa aming usapan, yamang hindi raw siya makatulog. Ibig raw niyang bigyan ako ng makakatulong sa aking paglalakbay. Binigyan ako ng 20 marks (kuwartang Aleman)​—na malaki-laki ring halaga noon.

Sinabi ko sa mga babae na ako’y pupunta sa Munich umagang-umaga kinabukasan. Tinanong ako ng kasera kung kailan ko ibig umalis, at ang sabi ko’y alas-singko, bagaman lampas na noon ang hatinggabi. Nang ako’y patungo na para humiga sa higaan sa bulwagan, pinigil ako at ang sabi: “Hindi ka riyan matutulog. Halika rito.” Kaniyang binuksan ang isang kuwarto at pinapasok ako sa isang magandang silid na para sa bisita. “Dito ka matutulog,” aniya.

Isang Naiibang Pagsubok

Kinabukasan, alas-singko, ang kasera kong mag-asawa’y naghihintay na sa akin sa kusina, handa na ang almusal. Pagkakain namin, kinuha ng babae ang aking supot at pinunô ng sandwits. Sa wakas, inihatid nila ako sa harap ng bahay at kumakaway pa habang palayo ako hanggang sa hindi ko na sila makita.

Pinag-isip-isip ko na mga 24 na oras lamang ang nakalipas nang maghiwalay kami ni Gng. Kiener, ang asawa ng opisyal ng SS, wala akong anumang pantustos-buhay. Ang tanging nasa isip ko noo’y ang unahin ang Kaharian ni Jehova at samantalahin ang aking kalayaan. Bago ako nakarating ng Munich nasubok ko ang payo ni Jesus na hanapin hindi lamang ang Kaharian ng Diyos kundi pati “kaniyang katuwiran.”​—Mateo 6:33.

Kinahapunan ay inisip ko na makisakay sa isa sa mga trak Amerikano na may sakay na mga magsisilikas sa gawi ng Munich. Napapara ko ang isa nito, at sa pautal-utal na Ingles ay nakiusap ako sa drayber. Puno na raw ang likod kaya doon ako sa harap malapit sa tabi niya pinaupo.

Nang malapit na sa Munich, kung ilang beses pumara ang trak para magbaba ng mga pasahero. Nang malapit na kami na pumasok sa siyudad, ang trak ay iniliko ng drayber sa daan na patungo sa paang-bundok. Nang mapansin ko ito, sinabi ko sa kaniya na ibig kong doon pumunta sa siyudad. “Hindi!” aniya. “Pupunta tayo sa bundok.”

Noon ko natalos na nakababa na palang lahat ang mga pasahero. Pinagsikapan kong buksan ang pinto nguni’t nabigo ako. Ang daan ay patungo sa kabundukan, at habang daan ay sinabi ko sa lalaking iyon sa pautal-utal na Ingles na ayaw ko sa iniisip niya. Nguni’t patuloy din siya ng pagmamaneho hanggang sa dumating kami sa isang liblib na dako sa gubat. Kaniyang inihinto ang trak at siya’y bumaba, lumigid at binuksan ang pinto sa gawi ko. Bumaba ako at tumayo roon na nakaharap sa kaniya. Siya’y nagsimula nang dumiga, yamang wala raw makakakita sa amin.

“Oo,” aniko, “maganda ang araw at ang lugar na ito, at nagsosolo tayo rito, pero nakikita tayo ng Diyos na Jehova, at ako at ikaw ay . . . ni Jehova.” Hindi ko maisip-isip ang salitang Ingles na “punish” (parusahan). Kaya’t ang mga kamay ko’y bigla kong ikinumpas sa harap ng mukha niya at binulyawan ko siya nang malakas! Ito’y parang nagka-epekto. Huminto siya saglit, nag-isip-isip, at saka sinabihan ako na bumalik sa trak. Walang imikan na kami’y nagpatuloy na at nang kami’y nasa kalagitnaan na ng Munich ay tinanong ako kung malapit na kami. Sinabi kong oo. Binuksan niya ang pinto, at minsan pang nagkaharap kami. Hinawakan niya ang aking kamay at ang sabi: “Isa kang butihing babae. Ipanalangin mo ako, na sana ang asawa ko’y maging tapat na kagaya mo.”

Agad na nagpayunir ako, sa Munich. Sinikap kong hanapin ang mga dating Saksi upang tulungan sila na makadalo sa aming mga pulong at iba pang mga aktibidades na naibalik uli, yamang lahat ng aming mga aktibidades sa Kaharian ay napahinto dahil sa digmaan at sa pag-uusig.

Buhay Palá ang Asawa Ko!

Bago pa lang kararating ako sa Munich nang mabalitaan kong si Martin ay buháy. Siya’y inilipat sa kampo sa Mauthausen, Austria, nguni’t nakaligtas. Mga isang daang Saksi ang kasama niya, at sila’y kailangang maghintay doon hanggang sa maihanda na ang kanilang mga papeles. Ito ang magpapatunay na sila’y pinag-usig ng pamahalaan ni Hitler. Kung wala ang gayong mga papeles ay imposible na sila’y maglakbay o makakuha ng sapat na panustus-buhay.

Nang mabalitaan ko na gayon nga, ako mismo ay nagpunta sa Amerikanong komander ng hukbo sa Munich at ang sabi ko: “Ang asawa ko po’y nasa isang kampong piitan sa Austria, at gusto ko’y magpadala kayo ng isang sasakyan doon at ibalik siya rito!” Sa wakas, ang komander ay nagpadala roon ng dalawang bus at ibinalik ang lahat ng Saksi.

Isang Bagong Pagsubok ang Napagtagumpayan

Isa pang pagsubok ang napaharap sa akin. Babalik ang aking asawa! Pero saan kami titira? Noo’y doon ako nakatira sa isang bodega ng mga gamit sa paghahardin, natutulog sa silya na napalilibutan ng lahat ng nasabing mga gamit. Kailangan namin ang tirahan, nguni’t ang Kaharian ang dapat munang unahin ng mga lingkod ni Jesus.

Kaya’t kasabay ng dalanging huminto ako nang maghapon sa pagpapayunir para maghanap ng matitirhan namin. Nagpunta ako sa ahensiyang Amerikano ng pagpapabahay at binigyan ako ng listahan ng mga apartment. Umagang-umaga nang magsimula ako ng paghahanap sa mga nakalistang tirahan. Sa paglubog ng araw ay naroon ako sa harap ng huling bahay, at gaya ng lahat ng nasa listahan, okupado na raw. Ano kaya ang dapat kong gawin?

Ako’y nanalangin kay Jehova. Batid niya kung ano ang kailangan ko at tutulungan niya ang lahat ng taong ang inuuna’y Kaharian. Maghapong hindi ako nagpayunir at wala naman akong napala. Nang matapos akong makapanalangin, parang wala ring nangyayaring pagbabago. Nguni’t ako’y may tiwala kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kaya’t kailangang magpatuloy hanggang sa sagutin ang panalangin. Literal na ginawa ko ito, at sa di kalayuan sa akin ay may nakita akong tatlong babae na nag-uusap-usap sa bangketa. Ako’y lumapit at tinanong sila kung mayroon silang maituturo sa akin na apartment.

Isa sa kanila ang tahasang nagsabi: “Ikaw ang kailangang maghanap para sa iyong sarili!” Nabigla ako sa kaniyang kagaspangan, nguni’t naisip ko: ‘Ito ang sagot ko! Dito ako mag-uumpisa sa kanto at magbabahay-bahay na ako.’ Sa unang bahay ay tumimbre ako at isang babae ang sumalubong sa akin at ang sabi: “Siguro’y galing kayo sa ahensiya ng pagbabahay!” Subali’t, wala sa listahan ko ang kaniyang numero. Kaniyang inihatid ako sa isang apartment sa ikalawang palapag at binuksan ang pinto sa isang magandang kuwarto na may maliit na kusina sa kabila​—at doo’y matatanaw ang Bavarian Alps!

Saganang Pagpapala Dahil sa Katapatan

Kami ni Martin ay lumipat sa apartment na iyon. Sa simula, kami’y abala sa gawaing pang-Kaharian. Ako’y nagpatuloy sa pagpapayunir, at si Martin ay nakipag-ayos na dadalaw sa mga grupo ng mga Saksi na nasa labas ng Munich upang sila’y patibayin sa espiritu. Siya’y nag-iisang naglalakbay nang isa- o dalawang-araw, sapagka’t napakahirap pa noon ang maglakbay.

Minsan, dumating si Martin galing sa paglalakbay samantalang paalis naman ako para maglingkod nang alas-9:00 n.u. Hiniling niya sa akin na ipaghanda ko siya ng malinis na damit at lahat ng kailangan niya sapagka’t sa hapon ay aalis siya para sa isa pang paglalakbay. Sinabi kong ako’y may mga pagdalaw muli at ilang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya kaya babalik ako sa tanghali upang ipaghanda siya ng pagkain at tulungan siya ng paghahanda ng kaniyang dadalhin. Dumating at natapos ang tanghali, nguni’t wala ako; hindi pa rin handa ang kaniyang dadalhin. Dumating at lumipas ang alas-kuwatro, saka ang alas–8:00 n.g., at sa wakas ay umuwi ako nang alas-11 nang gabing iyon maligaya dahil sa lahat ng magagandang karanasan ko nang maghapong iyon. At saka ko lamang naisip! Sa kapusukan ko sa paglilingkod at sa nakatutuwang mga pag-aaral ko sa Bibliya nang araw na iyon, tuluyang nakalimutan ko si Martin at ang kaniyang paglalakbay. Noon ay hindi ako sanay na mayroong asawang nasa bahay!

Hindi naman tumagal ang gayon. Malimit na wala si Martin, at nasanay na rin ako. Kadalasa’y umiiyak na lamang ako. Para huwag akong makitang umiiyak ng aking kasera, nagpupunta ako sa isang malapit na sementeryo at doon ako nag-iiyak. Ang katuwiran ko: ‘Marami ang nagpupunta rito at nag-iiyak. Kaya’t hindi ako mapapansin!’ Subali’t hindi nalunasan nito ang aking problema.

Minsan isang linggo halos ay nagdaraos ako ng 22 pag-aaral sa Bibliya sa pami-pamilya! Ibig kong maibahagi ko sa aking asawa ang mabubuting bagay na ito. Si Martin ay nakabalik na nang malusog, nguni’t hindi pa rin kami magkapiling. Inilapit ko iyon kay Jehova sa panalangin. Ipinagtapat ko rin iyon kay Brother Erich Frost, ang tagapangasiwa noon ng pangangaral sa Alemanya. Sinabi kong ang pagbabalik ng aking asawa ay nangangahulugan lamang na maglaba ako ng kaniyang medyas at mga damit. Baka inaakala ni Brother Frost na ako’y pinatitibay-loob niya sa pagsasabing dapat kong ikatuwa na gawin ito. Nguni’t hindi ako nasisiyahan sa sagot na iyon! Gayunman, ako’y nakapagtiis.

Nang magtagal, si Martin ay inanyayahan sa Magdeburg upang sanayin na lingkod sa mga kapatid, na siyang tawag noon sa mga lingkod ng sirkito. Sa katapusan ng pagsasanay na ito, ipinahayag ni Brother Frost na may sorpresa siya para kay Gertrud. Tumanggap ng pasabi buhat sa hedkuwarters sa Brooklyn ng mga Saksi ni Jehova na lahat ng mga asawang babae na dati nang mga payunir ay maaaring sumama sa kani-kanilang asawa sa pagdalaw sa iba’t-ibang kongregasyon. Dininig na naman ang aking mga panalangin!

Pagbabalik-Gunita

Ngayon ay kumbinsido ako na batid ng ating Ama sa langit ang ating mga pangangailangan at kakamtin natin sa wastong panahon kung talagang ang Kaharian ang inuuna natin sa ating buhay. At ako’y hindi binigyan ng mga bagay na talagang hindi ko naman kailangan.​—Mateo 6:32.

Mga 31 taon na pagkadigma na ako’y paroo’t-parito ng paglalakbay sa Alemanya kasama ng aking asawa sa pagdalaw at pagtulong sa espirituwal sa mga kongregasyong Kristiyano sa lupaing ito. Subali’t, sapol noong 1978 ay dito ako nagtatrabaho sa pandaigdig na hedkuwarters ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, kung saan naglilingkod si Martin bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman ako ngayon ay 72 anyos na, anong laki ng pasasalamat ko kay Jehova dahil sa malakas pa ako​—at magha-maghapong nakapaglilingkod sa Kaharian!

[Larawan sa pahina 25]

Ang suot ko’y uniporme ng preso pagka nag-aalaga ako ng mga anak ng opisyal ng SS

[Larawan sa pahina 27]

Isang kalagim-lagim na posibilidad: Baka bumalik ang mga eroplano para ang trak ay paulanan ng bala

[Larawan sa pahina 29]

Kasama ng aking asawa, si Martin, ngayon ay nagpapatotoo ako sa madla at sa bahay-bahay sa Brooklyn, New York

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share