Buhay na Walang Hanggan—Panaginip ba Lamang?
ANG tanawin ay isang magandang bukirin sa Aprika sa gawing timog. Isang kawan ng mga ibon ang naglipana sa mga kabundukan. Sila’y biglang-biglang nagpanabog. Dalawang maiitim na agila sa itaas ang biglang sumisid para sila dagitin kung kaya nagpanabog ang mga ibong iyon para humanap ng mapagkakanlungan. Isa sa mga agila ang nakadagit ng isang ibon at ngayo’y pangal-pangal niya. At unti-unting tumahimik ang mga ibang ibon at nagpatuloy ng paghahanap ng kanilang makakain—nguni’t sila’y hindi nababahala sa gayong pagkamatay ng isang kasamahan nila.
Likas sa lahat ng hayop na umiwas sa kamatayan, nguni’t para bagang hindi sila gaanong apektado pagka ang iba’y namatay. Pagka pinatay ng leon o ng iba ang isang antelope ay hindi gaanong apektado ang kawan. Karaniwang pangyayari ito sa kasalukuyang kaayusan ng buhay-hayop.
Nguni’t ibang-iba naman sa karamihan ng mga tao! Ang pagkakita mo sa pagkamatay ng kapuwa mo ay isang masaklap na karanasan—maliban na lamang para sa mga taong manhid na sa kamatayan. Pangkaraniwan, ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay ang isa sa pinakamahirap na karanasan ng tao. Kung minsan ay nagiging sanhi pa nga ito ng pagpapatiwakal ng naulila.
Tayo’y nasa maligalig na panahon na patuloy na dumarami ang pagpapatiwakal at angaw-angaw ang namumuhay nang abang-aba. Subali’t ang lubhang karamihan ay nagsusumikap na mahadlangan ang tinatawag ng Bibliya na isang mahigpit na “kaaway,” ang kamatayan.—1 Corinto 15:26.
Ang Eliksir ng Buhay
Kung mga ilang siglo na rin ang mga taong tinatawag na mga alkimista ay nagsumikap na matuklasan ang eliksir ng buhay. Isa itong mahiwagang sustansiya na ipinagpapalagay na makatitiyak para sa tao ng buhay na walang hanggan. Matagal ding marami ang nangarap at naghanap ng eliksir na ito. Subali’t, kabiguan lamang ang sinapit ng mga alkimista.
Kamakailan, dahil sa napahusay na pangangalaga sa kalusugan, sa pagsulong sa medisina at iba pa, malaki ang naihaba ng buhay ng tao. Sang-ayon sa isang report, “para sa pangkalahatang sangkatauhan, mahigit na doble ang inihaba ng buhay, mula sa 30 taon noong 1900 hanggang sa mahigit na seisenta ngayon.” Ang iba’y baka nag-aakala pa nga na marahil ay matutuklasan ng modernong mga siyentipiko ang lihim para sa pagkakamit ng mahabang—kahit walang-hanggang—buhay. Ikaw ba?
Ano mang pag-asa mayroon ang mga tao tungkol diyan, totoo pa rin ang sinabi libu-libong taon na ang nakalipas:
“Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay umaabot sa walumpung taon, gayunma’y lipos ng kahirapan at kapanglawan; sapagka’t dagling napapawi, at kami’y pumapanaw.”—Awit 90:10.
Napapansin mo marahil na iilan-ilan lamang ang nakakalampas sa edad na 80 anyos.
Datapuwa’t karamihan ng mga taong may-edad ay hindi naghihintay na lamang ng kamatayan kundi sila’y totoong interesado sa buhay. Sa katunayan, habang sila’y patuloy na tumatanda ay baka lalong dumarami ang kanilang kinahihiligan. Sila’y nagtitipon ng maraming kaalaman at karanasan at sumasali sa maraming aktibidades. At walang anu-ano’y bigla na lamang silang yumayao. Sa mga taong normal at may kalusugan, ang kamatayan ay hindi nila gusto, hindi ito natural. Sinabi ng isang centenario: “Ayaw kong mamatay sapagka’t iniibig ko ang buhay.”
Sa Bibliya ang mga hayop ay tinutukoy na “ipinanganak na talaga upang hulihin at lipulin.” Subali’t tungkol sa tao ay sinasabi: “Inilagay ng Diyos . . . ang walang-hanggan sa kanilang mga isip.” (2 Pedro 2:12; Eclesiastes 3:10, 11, Byington) Sa ibang pananalita, hindi nilayon na ang mga hayop ay mabuhay magpakailanman, ito’y para sa tao lamang. Hindi nilalang na para mamatay ang unang mag-asawang tao kundi upang mabuhay magpakailanman—kung sila’y magiging masunurin sa Diyos.—Ihambing ang Genesis 2:15-17.
Ito’y pinatutunayan ng iyong utak. Ang utak ng tao ay may malawak na kapasidad na mag-imbak ng kaalaman; isang maliit na bahagi lamang nito ang ginagamit sa kasalukuyang buhay.
Hindi baga lahat ng ito’y nagpapatunay na hindi itong kasalukuyang siklo ng buhay-at-kamatayan ang orihinal na layunin ng Diyos at na hindi isang panaginip lamang ang buhay na walang-hanggan? Anong pagkaliga-ligayang pag-isipan ito! Kung gayon, mayroon bang tunay na eliksir ng buhay? Para ba sa iyo ang buhay na walang-hanggan?