Paano Matutupad ang Buhay na Walang-Hanggan?
SAAN ba nanggagaling ang buhay? Ayon sa mga ateyista ay sumipot daw ito nang di-sinasadya. Isang katha ng siyentipiko ang nagsasabi: “Marahil ang nabubuhay na mga organismo ay nagsimula sa isang napakaliit na paraan nang, sa isang daigdig ng mga batuhang walang buhay, may mga elementong kemikal na nagsama-sama upang bumuo ng masalimuot na mga molecula. At nang malaunan ang mga nagsama-samang ito ay nagkaroon ng abilidad na kumain at mag-anak.”
Iyan ba’y kapani-paniwala sa iyo? Ang salitang “marahil” ay nagpapakita na ito’y isang hula-hula lamang. Lahat ng nabubuhay na selula ay totoong masalimuot. Kung tayo’y hindi aasa sa hakahaka at kahit na sa edukadong panghuhula, tayo’y napapaharap sa katotohanan na ang “abilidad na kumain at mag-anak” ay hindi basta nangyayari lamang. Bagkus, ang nasasaksihan natin tungkol sa nakapanggigilalas na pagkamasalimuot ng mga nilalang ay nagpapatunay na mayroong isang Kaisipan na Maylikha nito—Siya na nakapagplano at nakapagsasagawa ng mga kagilagilalas na paglalang na hindi natin lubusang malirip. Maraming siyentipiko ang naniniwala na ang buhay ay nanggaling sa dati nang umiiral na buhay. Samakatuwid, may isang orihinal na Bukal ng buhay. Sinasabi ng Bibliya: “Kaymahal ng iyong maibiging awa, Oh Diyos! . . . Sapagka’t nasa iyo ang bukal ng buhay.”—Awit 36:7, 9.
Ang siyensiya’y hindi makapagbigay ng kasiya-siyang paliwanag tungkol sa lahat ng anyo ng buhay, nguni’t nakatulong ito sa pagsisiwalat ng kagila-gilalas na kasalimuotan at kagandahan ng mga paglalang ng Diyos—ang halos walang katapusang dami ng mga insekto, hayop at halaman, ang pagkarami-raming-kulay na mga bulaklak at mga halaman na kabigha-bighani sa mata, ang sarisaring halimuyak at lasa na ating kinagigiliwan, ang pagkalawak-lawak at pagkaningning-ningning na sansinukob, ang nakabibighaning ubud-liliit na mga organismo—at pagkarami-rami pang tutuklasin pa lamang upang magpaligaya sa atin. Ang isang daang taon ng buhay ay kulang na kulang para pasimulan man lamang nating alamin at unawain ang lahat ng kabigha-bighani at kahanga-hangang mga paglalang ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Maraming tao na maingat na nakapag-aral ng bagay na ito ang nagsabi: Tiyak na lahat ng sarisaring paglalang at kagandahan na ito ay nagpapatunay na ginawa ito, hindi ng isang puwersa lamang, kundi ng isang sakdal-dunong na Manlilikha. Karamihan ng buhay na nakikita natin sa lupa ay nagpapakilala ng isang maibiging Ama, o Tagapagbigay-Buhay. Pagkarami-raming bagay ang nilikha upang magpaligaya sa atin. Sinasabi ng Apocalipsis 15:3: “Dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ipinakikita ng Bibliya na si Jehovang Diyos, bagaman dapat nating katakutan pagka tayo’y naghimagsik o sumuway, “ang maligayang Diyos” na nalulugod na magpaligaya rin sa iba.—1 Timoteo 1:11; Gawa 20:35.
Ang Orihinal na Layunin ng Diyos Para sa Tao
Ang Bibliya ay nagbibigay ng simple nguni’t kasiya-siyang ulat ng pinanggalingan ng tao. Sa unang kabanata ay nalalahad ang pagkalalang sa lupa, pagkatapos ay sa mga halaman, sa mga isda, sa mga ibon at sa mga hayop. (Genesis 1:1-25) Siyanga pala, ang heolohiya at ang mga labi ng mga halaman at mga hayop noong nakaraan ay nagsisiwalat ng ganito ring pagkakasunud-sunod. Sa katapus-tapusan, ginawa ng Diyos ang tao “buhat sa alabok [o mga elemento] ng lupa”—isa pang pangungusap na may batayan sa siyensiya. (Genesis 2:7) Ang tao ay ginawa rin ayon “sa larawan ng Diyos.” Hindi ba totoo iyan tungkol sa buhay? Maliwanag na ang tao’y sinangkapan ng isip upang mag-isip at mangatuwiran sa paraan na hindi nagagawa ng mga hayop. Siya’y may taglay na kalinisang-asal at pagpapahalaga sa espirituwalidad na hindi taglay ng mga hayop. Kahit na ang mga taong-bundok ay mayroong relihiyon; nguni’t ano ba ang relihiyon ng isang aso o isang bakulaw?—Genesis 1:27.
Ang Bibliya’y nagbibigay ng mapanghahawakang impormasyon tungkol sa lupa at sa pamumuhay rito noong sinaunang panahon. Kaya’t malayang tingnan natin ang sinasabi nito tungkol sa pinakamaagang kasaysayan ng tao.
Si Jehova ay naghanda ng isang magandang tirahan para sa tao—“isang halamanan sa Eden” na “ang lahat ng punungkahoy ay nakalulugod sa paningin at mabuting kainin.” (Genesis 2:8, 9) Ang flora—mga punungkahoy, bulaklak, at mga bunga—ay magiging kalugud-lugod na lagi sa paningin. Ang tao ay binigyan din ng kasiya-siyang trabaho—ang pagtatanim at pangangalaga sa kaniyang Paraisong tahanan—at ng pananagutan—‘supilin ang mga hayop.’ (Genesis 1:28; 2:15) Isip-isipin iyan! Isang marikit na halamanan at pagkarami-raming kaakit-akit na mga kinapal na pangangalagaan—at hindi nangangailangang ang tao’y mag-alala tungkol sa pagtanda at pagkamatay.
Nguni’t isa pang napakagandang regalo ang darating. Napansin ni Adan na lahat ng mga hayop na ito’y may kani-kaniyang kapareha at nakapag-aanak. Kaya’t nasaan ang kaniyang kapareha naman? Nang siya’y magising sa isang mahimbing na pagkakatulog—hayun ang kaniyang kapareha! Anong pagkaliga-ligayang sandali! Ganiyan na lamang ang kagalakan ni Adan kaya siya napabulalas na tumula ng marahil ay unang-unang tula:
“Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Tatawagin itong Babae, sapagka’t sa lalaki kinuha ito.”—Genesis 2:23.
Sang-ayon sa kasaysayang naingatan sa Bibliya “binasbasan sila ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.’ ”(Genesis 1:28) Anong laking pribilehiyo—ang pagmulan ng isang sakdal na lahi ng mga tao na mabubuhay nang walang hanggan sa isang lupang paraiso! Ito ang orihinal na layunin ng Diyos para sa tao.
Bakit Tayo Namamatay?
Sina Adan at Eva ay hindi mga robot, na isinaprograma upang gawin ang ibig ng Diyos na gawin nila. Sila’y nakapagpapasiya at nakapagpaplano para sa kanilang sarili. Sa gayon, ang kanilang katapatan ay sinubok ng Diyos sa simpleng paraan: “Sa bawa’t punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Nguni’t sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagka’t sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:16, 17.
Noon pa ma’y may nagbabanta nang unos. Isang makapangyarihang anghel, o espiritung nilalang, ang nagkaroon ng pangitain ng isang lupa na punô ng mga tao, at kaniyang hinangad na siya ang sundin at sambahin ng mga taong ito. Gumamit siya ng isang tagapamagitan sa pagsasabi ng unang kasinungalingan: “Tunay na hindi kayo mamamatay.” Ganiyan naging “Satanas” (mananalansang) at “Diyablo” (maninirang-puri) ang rebeldeng anghel na ito.—Genesis 3:1-5; Juan 8:44; Apocalipsis 12:9.
Ang unang mag-asawa ay hindi nakapasa sa simpleng pagsubok na iyan sa katapatan sa Diyos. Sila’y naging mga traidor, at hindi maaaring panatilihin doon ng Diyos ang mga traidor. Sila’y pinalabas sa Eden at sa wakas ay dinanas nila ang parusa—kamatayan. Ang kanilang mga anak, na inianak pagkatapos na magkasala na ang kanilang mga magulang, ay hindi maaaring magmana ng sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay.—Roma 5:12.
Tumagal pa rin bago namatay ang di-sakdal na si Adan—930 taon—nguni’t hindi maaaring iwasan ang inihatol ng Diyos! May mga 2,000 taon na ang buhay ng tao ay totoong mahaba pa rin. Ang anak ni Adan na si Set ay umabot sa 912 taon, si Enos ay 905, si Kenan ay 910, si Matusalem (ang pinakamatanda) ay 969 na taon. Si Noe ay nabuhay nang 950. Magmula noon, mabilis na umikli ang buhay.—Genesis 5:5, 8, 11, 14, 27; 9:29; 11:10-25.
Ipinakikita ng rekord na iyan ang potensiyal na lakas ng katawan ng tao na magpatuloy na buháy. Kahit na malayung-malayo na tayo sa orihinal na kasakdalan ni Adan, ang mga selula ng ating katawan ay nagiging bago nang bago. Ganito ang sabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang potensiyal na kawalang-kamatayan ng lahat ng selulang bumubuo ng katawan [ng tao] ay lubusang napatunayan, o may sapat na patotoo upang maniwala na napakalaki ang posibilidad nito.” Kung ang mga tao’y nabuhay nang halos isang libong taon sa kabila ng hatol na kasalanan at kamatayan na dinaranas nila, isip-isipin kung gaanong kahaba ang magiging buhay nila kung wala ang kakilakilabot na kapansanang iyan.
Katubusan Buhat sa Kasalanan at Kamatayan
Datapuwa’t, ang mahalagang punto ay na samantalang kadalasa’y nabibigo ang mga proyekto ng tao, kasali na yaong siyentipikong mga proyekto, ang sa Diyos ay hindi: “Ang aking salita . . . ay hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.” (Isaias 55:11) Tayo’y maaaring matubos buhat sa kasalanan at kamatayan. Sa papaano?
Tayo’y mga nakabilanggo sa kasalanan at kamatayan. Subali’t si Jesus, na pangalawang “Adan” sa diwa na siya’y isang taong sakdal nang naririto sa lupa ay namatay na isang handog na hain upang bilhin ang iniwala ni Adan—sang-ayon sa sinaunang batas ng Diyos na “kaluluwa sa kaluluwa.” “Sapagka’t nang dahil sa pagsuway ng isang tao [ni Adan] marami ang naging makasalanan, gayundin na dahil sa pagsunod ng isang tao [ni Jesus] ay marami ang magiging matuwid.” (1 Corinto 15:45; Exodo 21:23; Roma 5:19, Revised Standard Version) Ito’y mangyayari dahilan sa pag-ibig ni Jehova sa sanlibutan ng sangkatauhan.—Juan 3:16.
Ang buhay na walang hanggan ang isa sa pangunahing turo ng “Bagong Tipan.” Isang munting grupo, 144,000 na “tinawag at pinili at tapat” ang binigyan ng pribilehiyo na magharing kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na trono. (Apocalipsis 17:14; 3:21) Nguni’t tinitiyak sa atin ng Bibliya na isang lubhang karamihan ng masunuring mga tao ang mabubuhay magpakailanman sa isang isinauling makalupang Paraiso.—Apocalipsis 7:9-17.
Kailan? Papaano?
Bakit hindi basahin ang Mateo kabanata 24 at Lucas kabanata 21? May mga hula ito tungkol sa mga digmaang pandaigdig, kakapusan sa pagkain, mga lindol sa iba’t-ibang dako, mga bulaang propeta, paglago ng katampalasanan, mga salot, malaking pagkasindak sa hinaharap at iba pa. Sinabi ni Jesus: “Pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” Oo, ang malaon nang hinihintay na paghalili ng Kaharian ng Diyos sa pamamahala ng tao ay mabilis na dumarating.—Lucas 21:31.
Kung paanong tiyak na sisikat ang araw bukas para magsimula ang isang bagong araw, ganiyan ang katiyakan ng mabilis na paglipol sa mga kaaway ng Diyos na magbibigay-daan sa isang “bagong lupa” na “tinatahanan ng katuwiran.” Ipinangako ito ng Diyos. Siya’y hindi maaaring magsinungaling. (2 Pedro 3:13; Isaias 65:17; Hebreo 6:18) Ang buhay na walang-hanggan sa bagong lupang iyan—anong gandang pribilehiyo! Para sa iyo kaya iyan? Hindi ka ba labis na nagagalak sa pag-asang iyan?
Si Jehova ay gumawa ng paglalaan para sa pagtatamo ng kaalamang nagbibigay-buhay—na siyang tunay na eliksir ng buhay. Bakit hindi ka magsimula ngayon na kumuha ng kaalamang ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya sa iyong tahanan? Ang mga Saksi ni Jehova ay malugod na tutulong sa iyo sa ganiyang pag-aaral—libre!—Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 5]
MGA BAHAGI NG SELULA
Ang kagilagilalas na pagkamasalimuot ng isang buháy na selula ay hindi maaaring nagkataon lamang
ROUGH ENDOPLASMIC RETICULUM
NUCLEAR ENVELOPE
NUCLEUS
NUCLEOLUS
CELL MEMBRANE
MITOCHONDRIA
RIBOSOME
LYSOSOME
MICROVILLI
CENTROSOMES
GOLGI BODY
SMOOTH ENDOPLASMIC RETICULUM
[Larawan sa pahina 6]
May relihiyon ba ang mga hayop?