Ang Kahulugan ng mga Balita
“Di-natitigatig ng Giyera ang Babilonya sa Kaniyang Pagkakatulog”
May ganiyang titulo ang artikulong tinalakay kamakailan ng The New York Times tungkol sa mga kaguhuan ng sinaunang Babilonya sa makabagong Iraq. Samantalang ang walang humpay na digmaan ng Iraq at Iran ay nagngangalit sa karatig, “pawang katahimikan naman ang umiiral sa Babilonya . . . Walang mga giya, walang mga guwardiya, bahagya nang magkabisita.” Yamang may mga sinaunang lunsod—Roma, Atenas, Alexandria—na aktibo pa rin, bakit ang Babilonya ay isa na lamang bunton ng kaguhuan na walang mga taong naninirahan? At anong aral ang makukuha natin dito?
Nagugunita ng mga nag-aaral ng Bibliya ang Jeremias 50:38 at 51:64 na kung saan inihula ang pagbagsak at walang-hanggang pagkagiba ng Babilonya. Sinasabi: “Ang pagkatuyo ay nasa kaniyang tubig, at mangatutuyo. Sapagka’t lupain ng mga larawang inanyuan.” “Ang Babilonya ay lulubog at hindi na babangon uli dahilan sa kasakunaan na dadalhin ko [ni Jehova] sa kaniya.”
Ang Babilonya ang naging sentro ng unang makapolitikang imperyo ng tao, na itinatag ni Nimrod. Pagkatapos ay naging makapangyarihan ito sa daigdig, mula noong 632 B.C.E. hanggang 539 B.C.E. Nang ito’y malapit nang bumagsak ay nangalandakan si Nabucodonosor II: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo?” (Daniel 4:30) Ang mga nakabiting halamanan nito ang itinuturing na isa sa pitong mga kababalaghan ng sinaunang daigdig. Isa itong napakarelihiyosong lunsod, may di-kukulangin na 53 templo. Bagaman napakatibay daw ang mga pader nito, noong 539 B.C.E. ito’y nasakop din ng mga Medo at Persiyano, hindi ito nailigtas nila ni ng mga diyos at mga templo nito. Nang sumapit ang panahon ay lubusang nagiba ito, gaya ng inihula ng Salita ng Diyos at giba hanggang ngayon.
Maraming turo ng huwad na relihiyon na sa Babilonya nanggaling ang taglay ngayon ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at ng mga bansang di-Kristiyano. Lahat ng mga relihiyong ito ay angkop na pinanganlan na “Babilonyang Dakila,” at sinasabi ng Apocalipsis 18:21 na ito’y igigiba, at hindi na masusumpungan pa.” Kaya nga, bagaman ang literal na lunsod ng sinaunang Babilonya ay giba na, makabubuting sundin natin ang utos tungkol sa relihiyosong imperyo ng Babilonyang Dakila: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”—Apocalipsis 18:2-4.