Pakikiayon sa “Pag-iisip ni Jehova” na Isinisiwalat Ngayon
1. Anong bansa ang humalili sa likas na Israel, at sa anong tipan?
ANG Anak ng Diyos ang humalili sa propetang si Moises, na tagapamagitan ng tipang kautusan sa Diyos at sa likas na Israel. Si Jesu-Kristo ang Tagapamagitan ng bagong tipan ni Jehova sa bansa na humalili sa likas na Israel at ito’y espirituwal na Israel, “ang Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Ang Sampung Utos at lahat ng mga kaugnay na kautusan ay hindi talagang napasulat sa mga puso at isip ng likas na mga Israelita. Kaya’t inihula ng Diyos na Jehova ang paggawa ng isang bagong tipan sa Jeremias 31:31-34.
2. (a) Paanong si Jesus ay naging Tagapamagitan ng tipan? (b) Papaano at kailan gumana ito?
2 Ang ipinangakong “bagong tipan” na iyon ay tinatakan ni Jesu-Kristo ng kaniyang sariling dugo nang siya’y mamatay na taglay ang pusong wasak sa pahirapang tulos sa labas ng Jerusalem. Nang gabi bago noon, sa huling hapunan ng Paskua kasama ng kaniyang tapat na mga apostol, ipinasa ni Jesus sa kanila ang kopa ng alak at binigyan iyon ng bagong kahulugan nang sabihin: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Lucas 22:20; 1 Corinto 11:23-26) Ganito siya naging Tagapamagitan ng bagong tipan, na “lalong mabuting tipan” kaysa Kautusang Mosaico. (Hebreo 8:6; 9:11-28) Sapol nang ihandog niya sa langit noong 33 C.E. ang bisa ng kaniyang sakdal na buhay siya’y naging Tagapamagitan ng mga alagad na inilalakip ni Jehova sa bagong tipan.—1 Timoteo 2:5, 6.
3. Ayon sa Hebreo 10:15, 16, saan isinusulat ni Jehova ang mga batas ng tipang ito?
3 Sa Hebreo 10:15, 16, sinisipi ng apostol ang hula ni Jeremias ayon sa Griegong Septuagint Version: “At, ang banal na espiritu ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagka’t sinasabi: ‘“Ito ang tipan ko sa kanila pagkaraan ng mga araw na iyon,” ang sabi ni Jehova. “Ang aking mga kautusan ay ilalagay ko sa kanilang puso [kar·diʹas], at sa kanilang mga pag-iisip [di·aʹnoi·an] ay isusulat ko.”’”
4. (a) Paano nagkakaiba ang makasagisag na puso at pag-iisip? (b) Kasuwato ng Awit 119, paano bang ang mga Kristiyano sa bagong tipan ay nagkakapit ng gayong mga kautusan sa kanilang puso at pag-iisip? (c) Kailan at papaano nagsimula ang pagsulat ng mga kautusan ng Diyos sa mga puso at pag-iisip?
4 Kasuwato ng gawain ng makasagisag na puso at isip, ang mga Kristiyano na kaanib sa bagong tipan na si Kristo ang Tagapamagitan ay iibig sa mga kautusan ni Jehova ng kanilang mga puso, upang makasunod doon, at pakakatandaan nila iyon. Gaya ng sabi ng salmista, “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! Siya kong pinagkakaabalahan buong araw [“binubulaybulay,” Revised Standard Version; Authorized Version].” (Awit 119:97) Ang paglalagay ng mga kautusan ni Jehova sa puso ng mga alagad ni Kristo at ang pagsulat nito sa kanilang mga pag-iisip ay nagsimulang naganap noong araw ng Pentecostes ng 33 C.E. noon ibinuhos ang banal na espiritu sa naghihintay na mga alagad ni Jesu-Kristo at “mga dilang kawangis ng apoy” ang pumaibabaw sa ulo ng 120 alagad at sila’y nagsalita ng mga wikang banyaga na hindi nila pinag-aralan. Isang himala nga! Bilang resulta ng pagpapatotoo roon, 3,000 ang nabautismuhan bilang mga mananampalataya sa Mesiyas na si Jesus, at sila’y napaanib sa bagong tipan na siya ang Tagapamagitan.—Gawa, kabanata 2; Joel 2:28-32.
5. Sino sa ngayon ang mga nasa bagong tipan, at anong katunayan ang nagpapakilalang sila’y “mga sanga”?
5 Ngayon, makalipas ang 1,900 taon, may nalabi ng “Israel ng Diyos” na ang mga miyembro’y nasa bagong tipan, at nabautismuhan ng banal na espiritu. Kanilang pinatutunayan na ang mga kautusan ni Jehova ay nailagay na sa kanilang makasagisag na mga puso at napasulat na sa kanilang mga pag-iisip. Kanilang isinasagawa ang inihula ng kanilang Tagapamagitan na nasusulat sa Mateo 24:14 at Marcos 13:10. Sila’y “mga sanga” sa espirituwal na punong olivo na tinukoy ni apostol Pablo sa Roma kabanata 11, at sila’y saganang namumunga.
6. (a) Ano pang bahagi ng “pag-iisip” ni Jehova ang isiniwalat sapol noong 1935? (b) Paano pinatutunayan ng “mga ibang tupa” ang kanilang pag-ibig sa “kautusan” ng Diyos para sa ngayon?
6 Isa pang bahagi ng “pag-iisip” ni Jehova ang isiniwalat sapol ng Washington, D.C., kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong taóng 1935. Ano ba ang nasa “pag-iisip” ni Jehova tungkol sa “malaking pulutong” na tinutukoy sa Apocalipsis 7:9-17? Ang mga tagapuring ito sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo ay lumitaw sa tanawin sapol noong 1935. Ang 840 nabautismuhan sa Washington noong Sabado, Hunyo 1, ay patuloy na naragdagan hangga ngayon. Sa buong lupa’y mayroon ngayong mahigit na dalawa at kalahating milyon ng “mga ibang tupang” ito ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, na palagiang nakikisama sa espirituwal na mga anak na kasapi sa bagong tipan at nakikibahagi sa pagpapatotoo sa Kaharian na inihula sa Mateo 24:14. (Juan 10:16) Tulad ng salmista, kanilang pinatutunayan na iniibig nila ang “kautusan” ni Jehova sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito, at kanilang binubulaybulay iyon sa kanilang pag-iisip at pinagkakaabalahan sa kanilang puso.
Kaligtasan sa Pamamagitan ng Pananampalataya at Pagpapahayag
7, 8. (a) Ang kaligtasan ba ay depende sa kaalaman lamang na nasa ulo? (b) Ano ang sinasabi ng Roma 10:5-10 tungkol sa kaugnayan ng makasagisag na puso at ng pag-iisip?
7 Ang kaligtasan, sa Kaharian man ni Jehova sa langit o sa lupang Paraiso sa sanlibong-taóng paghahari ni Jesu-Kristo, ay hindi depende sa kaalaman lamang na nasa ulo, at dito’y isip ang kasangkot. Nililiwanag ito ni apostol Pablo sa Roma 10:5-10. Tinatalakay niya ang tungkol sa mga Kristiyano na may mga likas na pusong laman, hindi transplant. Sabi niya:
8 “Sapagka’t isinulat ni Moises na ang taong gumagawa ng katuwiran ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito. Nguni’t sinasabi ng katuwiran ayon sa pananampalataya ang ganito: ‘Huwag mong sabihin sa iyong puso, “Sino ang aakyat sa langit?” samakatuwid baga, upang ibaba si Kristo; o, “Sino ang mananaog sa kalaliman?” samakatuwid baga, upang iakyat si Kristo mula sa mga patay.’ Nguni’t ano ang sinasabi? ‘Ang salita ay malapit sa iyo, sa iyong sariling bibig at sa iyong sariling puso’; samakatuwid baga, ang ‘salita’ ng pananampalataya, na aming ipinangangaral. Sapagka’t kung ipinapahayag mo sa madla ang gayong ‘salita sa iyong bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at sumasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos buhat sa mga patay, ikaw ay maliligtas. Sapagka’t sa puso nananampalataya ang tao sa ikatutuwid, subali’t sa pamamagitan ng bibig ginagawa ang pagpapahayag sa madla ukol sa ikaliligtas.”
9. (a) Ano ba ang kasangkot sa kaligtasan, at bakit ganiyan ang sagot mo? (b) Ano ang talagang dapat sampalatayanan ng Kristiyano sa kaniyang puso? (c) Ano ba ang naging saloobin ng mga taga-Atenas, at bakit?
9 Higit pa ang kasangkot kaysa pag-iisip lamang. Hindi ito pagtitipon lamang ng impormasyon, na sa isip ay pinipili mo ang iyong kailangan na impormasyon at nasasabi mo iyon nang paulit-ulit nang di na iniisip. Hindi ang pag-iisip at ang kaalamang naroroon ang mahalaga; ito’y ang kasangkot na layuning nagpapakilos sa iyo sa harap ng Diyos. Ang pananampalataya ng Kristiyano ay kailangang pakilusin ng makasagisag na puso. Siya’y dapat sumampalataya nang buong puso sa pagkabuhay-muli ni Kristo, dahil sa taus-pusong pagpapahalaga sa himalang ito ng Diyos. Hindi magagawa ni Kristo ni ng sino mang tao ang ginawa ng Diyos na pagbuhay sa kaniyang Anak sa makalangit na buhay. (2 Corinto 4:13) Ang matatalinong taga-Atenas noong panahon ni Pablo ay “nanlibak,” nang marinig nila ang tungkol sa “pagkabuhay-muli ng mga patay,” at ang iba’y hindi agad nagpasiya, kundi ang sabi: “Saka na lamang kami makikinig sa iyo.” Ang kanilang pag-iisip na puno ng kaalaman ang pumigil sa kanila sa pagtanggap sa impormasyon, kahit na totoo iyon. Ilan lamang ang sumampalataya at nakisama kay Pablo.—Gawa 17:21, 32-34.
10. (a) Anong pagkilos ang kailangang manggaling sa puso? (b) Anong dalawang bagay ang kahilingan ni Jehova, kung gayon?
10 Ang puso ang kailangang magpakilos sa kaniya na maniwala. Sa kaniyang puso’y dapat na sumampalataya siya. Pagka ginawa niya ito, ang puso—ang kaloob-loobang sarili—ng taong sumasampalataya ang magpapakilos sa kaniya na magpahayag sa madla sa pamamagitan ng kaniyang bibig. Siya’y dapat sumampalataya nang buong puso. Ang pagpapahayag sa madla sa pamamagitan ng bibig, na udyok ng pusong nananampalataya, ang kasunod nito. Pagka ang mananampalataya’y napalubog sa tubig bilang sagisag ng pag-aalay ng sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, siya’y gumagawa ng pagpapahayag sa madla na hahantong sa kaligtasan. Hindi lamang sinasaliksik ni Jehova ang makasagisag na puso para alamin kung mayroon doong matibay na pananampalataya kundi pinakikinggan din niya ang pagpapahayag sa madla.
Pananatiling Tapat Dahilan sa Isang “Sakdal” na Puso
11. (a) Paano nakapanatiling tapat si David kay Jehova? (b) Sa kabila ng kaniyang kasalanan, bakit nakapanalangin pa rin si David ng gaya ng binigkas sa Awit 86:11? (c) Sino ang tumulad sa mabuting halimbawa ni David?
11 Ang sinaunang si David ay katulad din natin na ipinaglihi sa kasalanan, nguni’t siya’y nanatiling tapat kay Jehova dahil sa kaniyang makasagisag na puso na “sakdal” sa Diyos ng Israel. (Awit 51:5) Sinasabi ng 1 Hari 15:3: “Ang puso niya [ni Abijam] ay hindi sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos, na gaya ng puso ni David na kaniyang ninuno.” Oo, si David ay nagkasala nga nang malaki sa asawa ni Uria na Hetheo, nguni’t taimtim na pinagsisihan niya ito at ang puso niya’y pinatunayang sakdal ang debosyon kay Jehova. (1 Hari 15:4, 5) May dahilan si David na manalangin: “Buuin mo sa aking puso na matakot sa iyong pangalan.” (Awit 86:11) Siya’y naging mabuting halimbawa sa mga kahalili niya sa paghahari sa Israel, at si Haring Asa ay isang tumulad kay David, gaya ng sinasabi sa 1 Hari 15:14: “Ang puso ni Asa ay sakdal kay Jehova sa lahat ng kaniyang mga araw.”
12. Ano ang nangangailangan ng tibay ng loob at kataimtiman, at paano ito ipinakita ni Ezekias?
12 Malaking tibay ng loob at kataimtiman sa sarili ang kailangan upang ang isa’y makadulog sa Kabanal-banalang Diyos, na Mananaliksik ng puso ng tao, upang magmakaawa na siya’y kahabagan. Ganito ang ginawa ni Haring Ezekias ng Israel. Nang dapuan siya ng makamamatay na sakit kung hindi mamamagitan ang kaniyang Diyos, si Ezekias ay nanalangin: “Idinadalangin ko sa iyo, Oh Jehova, pakisuyong alalahanin mo kung paanong ako’y lumakad sa harap mo sa katotohanan at may sakdal na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.”—Isaias 38:3.
13. Ano ang dapat laging isaisip ng mga pinahirang Kristiyano, tulad ng halimbawa ni Jesus?
13 Kaya naman, ang mga Kristiyano ngayon na nasa ‘tipan sa kaharian’ para makasama ni Jesu-Kristo sa langit ay dapat laging magsasaisip na lumakad sa harap ni Jehova nang “may sakdal na puso.” Tulad ng kaniyang ninunong si David, si Jesu-Kristo ay lumakad sa harap ng kaniyang Ama, si Jehova, nang “may sakdal na puso.” Kaya, lubhang nalugod si Jehova na ibigay sa kaniya ang paghahari sa makalangit na Kaharian, upang maging “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” na ang kasamang mga hari at panginoon ay ang tapat na alagad niya.—Lucas 22:29; Apocalipsis 19:16.
14. Dahilan sa anong hangarin kung kaya ang “mga ibang tupa” ay ‘kaisang-kawan’ sa ilalim ng “isang pastol”?
14 Ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Kristo ang umaasang magiging mga unang papasok nang buháy sa sanlibong-taóng paghahari ni Jesu-Kristo kasama ang 144,000. (Apocalipsis 7:9, 10; Juan 10:16; Apocalipsis 14:1; 20:4-6) Sapol noong 1935 ang “malaking pulutong” ay kasa-kasama na ng nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian, na nagsisilakad sa harap ni Jehova nang may sakdal na puso. Yamang ang “mga ibang tupa” ng Mabuting Pastol, na si Jesu-Kristo, ay may hangarin din na lumakad sa harap ni Jehova nang “may sakdal na puso” sila’y ‘nakikiisang-kawan’ ngayon sa nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian sa ilalim ng “isang pastol,” si Jesu-Kristo. Sa pananatiling tapat at may sakdal na puso, pribilehiyo nila na ipagbangong-puri ang Soberano ng sansinukob, si Jehova.—Isaias 43:10, 12.
15. Ano ngayon ang maipagpapasalamat nating lahat?
15 Kaya lahat tayo, bilang mga alagad ng Anak ng Diyos, ay nakikiayon sa “pag-iisip” ni Jehova na isiniwalat ngayon sa mga sumasamba sa kaniya. Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat na isiniwalat sa atin ng Diyos ang sa kaniyang “pag-iisip” unang pumasok at hindi sa kanino mang tao nanggaling! Kaya’t nauudyukan tayo na mag-isip na gaya ni Jehova tungkol sa kaniyang maningning na layunin.
16, 17. (a) Sa 1 Corinto 2:16, ano ang ipinakikitang “pag-iisip ni Jehova” at “pag-iisip ni Kristo”? (b) Ano ang isinisiwalat ng Filipos 2:5-8 tungkol sa “pag-iisip” ni Kristo?
16 Ating pinahahalagahan ang isinulat sa atin sa 1 Corinto 2:16: “Sapagka’t ‘sino baga ang nakakilala sa pag-iisip ni Jehova, upang kaniyang maturuan siya?’ Subali’t nasa atin ang pag-iisip ni Kristo.” Dito ang salitang Griego para sa “pag-iisip” ay nous.
17 Oo, ang “pag-iisip” ni Kristo ay kaayon ng “pag-iisip ni Jehova.” Ang kinasihang pananalita sa Filipos 2:5-8 ang tumutulong sa atin na malapitang malasin ang “pag-iisip” ng Anak ng Diyos kahit bago naging tao: “Manatili kayo sa ganitong kaisipan [“pag-iisip,” AV; AS; RS] na taglay din ni Kristo Jesus, na bagaman siya’y nasa anyong Diyos, hindi niya pinag-isipan na mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya’y nasa anyong tao na, nagpakababa siya at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.”
18. Ano ang kahilingan sa Anak upang makaayon sa “pag-iisip” ng Ama?
18 Nasa isip ni Jehova ang pagtubos sa sangkatauhan buhat sa walang hanggang kamatayan, at ang bugtong na Anak ay payag na makiayon sa pag-iisip ng kaniyang Ama sa bagay na ito, kahit na dumanas siya ng matinding kahirapan sa lupa.
19. (a) Paanong ang ating makasagisag na mga puso ay maiaayon natin sa “pag-iisip” ni Jehova? (b) Tungkol sa “pag-iisip ni Kristo,” ano ang kailangang ganapin natin ngayon?
19 Tayo naman ngayon, kung ibig nating makaayon ng “pag-iisip” ni Jehova, magpakababa tayo ayon sa tulad-Kristong paraan at walang pasubaling pasakop sa kalooban ni Jehova. Kaya’t obligado tayo na maging mga saksi ni Jehova, at sa udyok ng maibigin at tapat na puso [kar·diʹa], ating ganapin ang nasa-isip ni Jesu-Kristo nang kaniyang sabihin: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa,” hanggang sa wakas.—Mateo 24:14; Marcos 13:10.
20. (a) Ang pagkakaisa ng pagkilos sa buong daigdig ay resulta ngayon ng ano? (b) Anong tagumpay ang tinatamasa ngayon ng nagkakaisang kawan ng bayan ng Diyos?
20 Lahat tayo na mga saksi ng Kataas-taasang Diyos sa ngayon ay naghahangad na “mangagkaisa ng pag-iisip” tungkol sa pribilehiyong ito ng paglilingkod. (Filipos 4:2) Ang resulta’y pagkakaisa ng pagkilos sa buong daigdig. Pinagpala ni Jehova ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Kristo at ang pinahirang nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian ni Kristo upang kamtin ang tagumpay na tinatamasa nila ngayon sa buong daigdig sa pagtitipon sa lahat ng “mga ibang tupa” at sa pagbibigay ng katapusang babala sa lahat ng tao bago sumapit ang kaniyang tagumpay at pagbabangong-puri sa Har-Magedon.—Apocalipsis 16:16.
Mga Ilang Tanong sa Repaso:
◻ Paanong ang “puso” at “pag-iisip” ay nakasangkot sa pagsulat ni Jehova ng “kautusan” ng bagong tipan?
◻ Anong dalawang bagay ang kasangkot sa pagtatamo ng kaligtasan?
◻ Paano tayo tinutulungan ng isang “sakdal na puso” na manatiling tapat?
◻ Paano natin maipakikita na mayroon tayo ng kapuwa “pag-iisip ni Jehova” at “pag-iisip ni Kristo”?
[Larawan sa pahina 15]
Isinulat ni Jehova ang “kautusan” ng kaniyang bagong tipan sa mga puso at pag-iisip ng mga pinahiran. Nagagalak, “mga ibang tupa” ngayon ang kasama nila sa banal na paglilingkod
[Larawan sa pahina 17]
Nagpamalas si Ezekias ng “sakdal” na puso nang dumaranas ng matinding kahirapan. Gayundin tayo