Magkakalat Ka ba ng Mapagbubulung-bulungan?
NOONG Edad Media ay may lumaganap na bulungbulungan sa umano’y mga Kristiyano sa Europa. Taun-taon daw kung Paskua, pinapatay ng mga Judio ang isang Kristiyano at ginagamit ang kaniyang dugo sa kanilang rituwal. Kanila din daw pinahihirapan muna ang mga anak ng mga Kristiyano bago patayin at gamitin ang kanilang dugo. Noong pamamahala ng mga Nazi sa Alemanya, ginamit ang bulungbulungang ito upang pag-usigin ang mga Judio.
Inimbistigahan at napabulaanan ang istorya, nguni’t nagpatuloy din ng halos isang libong taon. Kung may nagbulong sa iyo niyan, ibubulong mo naman kaya sa iba? Sana’y huwag nating gawin iyan. Nguni’t ang tsismis ay mahirap puknatin, at minsang maumpisahan ay mahirap nang pahintuin. Kahit ngayon, may bumabangon ding mga tsismis na kaydali-daling kumalat.
Isang malaking kompanya ng mga produktong pambahay, ang Procter & Gamble, ang naging biktima ng bulungbulungan na ito’y nagtataguyod daw ng Satanismo. Napabalita rin na isang kilalang sanga-sangang mga tindahan ng pagkain ang nagsasahog ng bulati sa hamburger! Isa raw miyembro ng Beatles ang namatay sa isang aksidente at hinalinhan ng isang kadoble. Ang mga lathalain ng Watchtower Society ay naging biktima rin—napabalita na isa sa mga pintor ay lihim na nagpapasok ng mga larawan ng demonyo sa mga ilustrasyon, nadiskubre at itiniwalag!
Isa ka ba na nagkakalat ng ganiyang mga istorya? Kung gayon, ikaw—marahil wala kang malay—ay nagkakalat ng kasinungalingan, yamang lahat na iyan ay di-totoo. Nakasisira ang napabalita tungkol sa lathalain ng Samahan, pati sa masisipag na Kristiyanong nagsumikap na gawing pagkagaganda ang mga magasin, broshur at mga aklat. Tulad na rin ito ng pagsasabing sa paglalang ng Diyos sa kalangitan, sadyang ginawa niya ang ‘taong nasa buwan.’
Sa mga Israelita’y sinabi ni Jehova: “Huwag kayong magkakalat ng walang batayang mga bali-balita.” (Exodo 23:1, The New English Bible) Nakasama ang bali-balitang ito kaya ibinawal. Ang nagkakalat ay nagiging sinungaling at kinapopootan ni Jehova. (Kawikaan 6:16-19) Apektado ang malinis na pangalan ng taong napapabalita. At dinaraya ang taong nakikinig sa balita, baka pa inuudyukan siya na gumawa ng masama. (Bilang 13:32–14:4) Hindi mabuti na dayain natin ang ating mga kaibigan, labag sa utos ng Diyos kaya iniutos na: “Huwag kayong magdaraya, at huwag magsisinungaling ang sinuman sa pakikitungo sa iba.”—Levitico 19:11; Kawikaan 14:25.
Pagka nagpasa tayo sa iba ng balitang ating narinig, tiyaking iyon ay totoo. Sa papaano? Ang isang tutulong ay ang pagkaalam ng kung ano nga ang bulungbulungan.
Paano Nagsisimula ang Bulungbulungan?
Ang bulungbulungan ay “pangungusap o balita na walang autoridad na saligan ng pagkatotoo.” (Webster’s New Collegiate Dictionary) Ito’y maikakalat ng bibig o sa lalong “opisyal” na paraan, sa pahayagan o sa radio. Hindi laging totoo ang anumang naipalabas sa madla sa telebisyon o sa pahayagan.
Paano ba nagsisimula ito? Kalimita’y imposibleng masabi. Ang balitang daw-daw ay baka narinig ng isa, pinaulit-ulit at dinagdagan pa. Ang pahiwatig na baka mangyari ang ganoo’t-ganito ay maaaring mapauwi sa mangyayari iyon, at baka may magsabi pa na nangyari na nga iyon. Kahit ang biro ay maaaring pagmulan ng bulungbulungan kung didibdibin at uulit-ulitin.
Madaling lalaganap ang bulungbulungan kung umiiral ang takot. Tungkol sa kalagayan sa Jerusalem habang palapit ang wakas, sinabi ni Ezekiel: “Sila’y mangingilabot, at sila’y mabibigo sa paghanap ng kapayapaan. Bagyo at bagyo at balita at balita ang darating.” (Ezekiel 7:25, 26, NE) Habang natatakot ang mga tao, sa Jerusalem ay lalaganap ang mga bali-balita.
Ang bulungbulungan ay maaaring sinadya. Nang ibalita ng mga bantay na kawal ang kanilang nasaksihan sa pagkabuhay-muli ni Jesus, sila’y sinabihan ng matatanda na magkalat ng di-totoong balita. Anila: “Sabihan ninyo, ‘Dumating sa gabi ang kaniyang mga alagad at ninakaw siya nang kami’y natutulog.’ ” Sumunod naman ang mga kawal. “Kinuha nila ang salapi at ginawa ang itinuro sa kanila; at ang balitang ito ay lumaganap sa mga Judio at nanatili hanggang sa araw na ito.”—Mateo 28:13-15.
Kung Bakit Kumakalat ang Bulungbulungan
Bakit nga madaling kumalat ang bulungbulungan? Kalimitan dahil sa basta ibig ng mga tao na maniwala. May mga reporter ng pahayagan na nakasanayan na ang ulit-ulitin ang bulungbulungan tungkol sa prominenteng mga tao. Dagling mawawalan sila ng hanapbuhay kung hindi tatangkuin ang gayong mga istorya. Marami ang gaya ng mga Griego noong panahon ni Pablo, na laging mahilig na makabalita ng “ano mang bagay na bago.”—Gawa 17:21.
May mga bali-balita ng katugma ng mga maling paniwala at pagtatangi. Tungkol sa pagpatay ng mga Judio sa mga Kristiyano, ang bulungbulungang ito’y kumalat dahil sa hindi nauunawaan ng mga di-Judio ang mga Judio. Kanilang kinatatakutan o kaya’y pinaninibughuan ang mga ito. Ang bulungbulungan ay baka tanda ng laganap na pagkabahala tungkol sa isang bagay. Yaong tungkol sa mga bulati sa hamburger baka dahil ito sa pangamba sa pantimpla at lihim na sangkap sa pagkain. At yaon namang sa Procter & Gamble ay baka dahil sa napakarami ngayon ang naaakit sa demonismo at espiritismo.
Ang isa pang sanhi ay pagka ang mga pamahalaan o maykapangyarihan ay kumikilos nang palihim. At maaari pang palubhain ito ng guniguni. Matagal ding napabalita na may mga flying saucer na naglanding, na may mga sakay na raw na mga kinapal buhat sa mga ibang planeta. Sa ngayon na sapin-sapin ang hirap, baka nagiginhawahan ang mga iba na maniwala sa mga bagay na ito.
Baka ang sanhi ng bulungbulungan ay ang maling pagpapakahulugan sa katotohanan. Noong unang siglo, napabalita na hinihimok ni apostol Pablo ang mga Judio na sila’y humiwalay kay Moises. (Gawa 21:21, 24) Hindi totoo iyan, nguni’t baka ito’y dahilan sa itinuro ni Pablo na ang mga Kristiyanong Gentil ay hindi na kailangang pasa-ilalim ng Kautusang Mosaico, batay sa pasiya ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem.—Gawa 15:5, 28, 29.
Ibukod ang Totoo sa Di-totoo
Lahat ba ng bibigang bali-balita ay di-totoo? Hindi. Noong panahon ni Josue, sinabi ni Rahab ng Jerico sa mga tiktik na Israelita: “Sapagka’t aming nabalitaan kung paanong tinuyo ni Jehova ang tubig sa Dagat na Pula sa harap ninyo, nang kayo’y lumabas sa Ehipto, at ang ginawa ninyo sa dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa kabilang panig ng Jordan.” (Josue 2:10, 11) Totoo ang mga balitang ito na narinig ni Rahab.
At, nang si Jesus ay gumagawa ng mga himala sa lupain ng Israel, sinasabi ng Bibliya: “At napabantog siya sa buong Siria; at dinala sa kaniya ang lahat ng may karamdaman, at mga pinipighati ng sarisaring sakit at pahirap, at inaalihan ng demonyo at mga himatayin at mga lumpo, at kaniyang pinagaling sila.” (Mateo 4:23, 24) Ang mga balita tungkol kay Jesus ay totoo.
Paano natin matitiyak kung ang istorya ay totoo o hindi? Narito ang ilang dapat isaisip pagka may nagbalita sa iyo ng anuman:
Sino ang nag-istorya? Siya ba’y yaong nagsasalita na may siguradong ebidensiya o yaong mapanghimasok sa buhay ng iba? Gusto ba niya na siya ang laging numero uno sa pagbibidahan? Ang pagkatotoo o hindi ng istorya ay depende nang malaki sa kung sino ang nagbibida niyaon. Kaya ito ang dapat tandaan: Para sa hinirang na matatanda sa kongregasyon o maygulang na mga babaing Kristiyano, tiyakin nila na totoo ang kanilang ibibida bago nila ibida iyon sa iba, kung kinakailangan. Baka paniwalaan sila ng mga tao at ibida pa iyon sa iba.—Gawa 20:28; Tito 2:3.
Ang nagbida ba ay nasa kalagayan na maalaman ang katotohanan? Malimit na ganito nagsisimula iyon: “Nabalitaan ko sa tiyuhin ko na nakakakilala sa taong nagtatrabaho sa . . . ” Mag-ingat ka kung ganiyan ang pambungad! May laro ang mga bata na kung saan nakatayo sila nang pabilog at ang isa’y nagbubulong ng maikling pangungusap sa katabing kasunod niya. Iyon ay ibubulong naman nito sa kasunod, at patu-patuloy iyon hanggang sa matapos. Pagka nakumpleto na ang pagpapasa, pagkalaki-laki na ng ipinagbago ng pangungusap. Marami ang nakaranas na ng larong iyan, nguni’t may natutuhan ba tayo riyan? Pagka nagpatawid-tawid ang istorya, malaki ang ipinagbabago at sa katapus-tapusan ay malayo na sa orihinal. Kaya kung hindi mo matiyak ang pinagmulan ng istorya, baka mabuti pa’y ipagpalagay mo na iyon ay hindi totoo.
Ang istorya ba’y nakasisirang-puri? Pagka ang istorya’y nakasisira sa mabuting pangalan ng sino mang tao, alin mang propesyon, lahi o organisasyon, pakaingat ka. Ito’y kahit na hindi ka kaibigan ng kasangkot na grupo o tao. Ang paninira at kasinungalingan ay nakapipinsala, sinuman ang biktima. Prangkahang hinatulan ni Jesus ang mga eskriba at Fariseo, nguni’t nagkalat ba siya ng nakasisirang mga bulungbulungan tungkol sa kanila?—1 Pedro 2:21, 22.
Ang istorya ba ay tila totoo? Talaga kayang posible na ang ating mundo’y dinadalaw ng mga sasakyan sa kalawakan? O na kahit sa Diyablo’y makikipagkasunduan ang isang malaking bahay-kalakal? O talaga kayang ang dedikadong mga pintor ay lihim na nagpapasok ng di-nararapat na mga larawan sa mga magasin? Di-dapat paniwalaan ang mga istoryang parang imposibleng mangyari.
Iwasan ang Bulungbulungan, Katotohanan ang Palaganapin
Hindi dahil sa malayong mangyari ang kamanghamanghang mga bagay. Kung minsan ay nangyayari. Nguni’t pagka may narinig tayo tungkol diyan tayo’y magpakatalino at huwag maniwala sa lahat ng istoryang marinig natin. Nang mapabalita sa buong Palestina na may anluwaging taga-Nazaret na naghihimala, totoo naman iyon. (Mateo 4:24) Gayunman, nang marinig iyon ni Juan Bautista, siya’y nagsugo ng mga alagad upang alamin kung anong talaga iyon. (Mateo 11:2, 3) Tama ang ginawa niya.
Nang mabalitaan ni apostol Tomas ang pagkabuhay ni Jesus, siya’y nag-alinlangan. (Juan 20:24, 25) Nguni’t dito sana’y natanto niya na iyon ay hindi lamang isang walang batayang bulungbulungan. Batid niya yaong pagbuhay na ginawa ni Jesus, at narinig niya ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang napipintong kamatayan at pagkabuhay-muli. (Mateo 16:21; Juan 11:43, 44) Ang mga taong nagbalita sa kaniya ay alam niyang mapagkakatiwalaan. At hindi nila inuulit-ulit ang isang istorya na narinig lamang nila sa iba. Sila’y mukhaang nakasaksi niyaon, at maaari niyang tanungin sila upang alamin kung hindi baga sila nagkakamali.
Oo, ang ibang istoryang naririnig natin ay maaaring totoo. Subali’t ang sentido kumon ang nagsasabi sa atin na sa ano mang bansa, bayan o kaya’y organisasyon, lalaganap ang bulungbulungan, lalo na yaong nagpapakita ng namamaibabaw na hangarin o pangamba ng mga tao roon. At sa tuwina’y posible na ang bulungbulungan ay malaki na ang ipinagbago buhat sa orihinal na katotohanan. Kaya, kung may marinig kang istorya at hindi mo masiguro ang pinagmulan, pag-isipan mo at patunayan mo bago mo ibida sa iba. Alalahanin, “sa karamihan ng salita ay baka magkasala ka, nguni’t ang nagpipigil ng kaniyang labi ay gumagawang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19) Huwag ka sanang maging alulod ng bulungbulungan, kundi “barahin” mo agad. Matutupad mo ang sinalita ni apostol Pablo: “Kaya ngayon na itinakwil na ninyo ang kasinungalingan, magsalita ang bawa’t isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagka’t tayo’y mga sangkap na nauukol sa isa’t-isa.”—Efeso 4:25.
[Blurb sa pahina 26]
Minsang magsimula ang bulungbulungan. Mahirap nang pahintuin
[Blurb sa pahina 27]
Kung magkakalat ka ng mapagbubulungbulungan, baka ang ikinakalat mo’y kasinungalingan
[Blurb sa pahina 28]
Hindi lahat ng bibigang ipinamamalita ay di-totoo