Ang Kahulugan ng mga Balita
Isa Bang Relihiyon ang Siyensiya?
Sa isang artikulo kamakailan sa New Scientist, ipinagtanggol ni Michael Shallis ang pisisistang si Fred Hoyle, na pinipintasan dahil sa mga kuru-kuro niya. “Marahil ang pinakamalaking pagkakamali ni Hoyle na isang erehes,” ani Shallis, ‘ay nasa kaniyang ipinasok na ideá na ang Uniberso’y nangangailangan ng talinong kukontrol nito.’ Isinusog pa niya na si Hoyle daw ay naniniwala na kung wala ang gayong talino “ang Uniberso ay walang kabuluhan.”
Bagaman naniniwala si Shallis na ang pag-iral ng Diyos o ng layunin sa sansinukob ay isang “metapisikong suliranin” na hindi saklaw ng siyensiya, kaniyang nauubserbahan “na ang mga siyentipiko ay pinapayagan ng kanilang mga kasamahan na magpahayag ng metapisikong mga bagay tungkol sa kawalan ng layunin at hindi yaong kabaligtaran. Ito’y nagpapahiwatig . . . na ang siyensiya ay nagtuturing sa kaniyang sarili bilang isang relihiyon at marahil isang walang-Diyos na relihiyon (kung sakali man na mayroong ganiyan).”
Ang pagtangging maniwala sa nakatataas na kapangyarihan ay nagsisiwalat ng saloobin na katulad ng binanggit ng salmista: “Ang balakyot, sa kapalaluan ng kaniyang mukha, ay hindi nagsasaliksik; lahat ng kaniyang iniisip ay: ‘Walang Diyos.’ ” (Awit 10:4; 19:1) Dahil sa ganitong saloobin ang paniwala ng iba ay basta sumipot na bigla at nang walang dahilan ang sansinukob.
Bulag na Pananampalataya
“Ang pangunahing nag-uudyok sa digmaan ay hindi na ang kasakiman kundi ang relihiyon,” ang sabi ng kolumnistang si H. Gordon Green, sa The Toronto Star. Binanggit ni Green kung ano ang nasa likod ng mga giyera sa Iran, Ireland at sa Gitnang Silangan. Sinabi niyang dumadanak ng dugo “sapagka’t kumbinsido ang mga tao na ang pananampalatayang minana ng isa sa kaniyang mga ninuno ang siyang tunay at lahat ng iba ay hindi tunay at gawa ni Satanas.”
Ang paniwalang ito ang nagtutulak sa mga tao na patayin ang mga hindi nila kapananampalataya, ang sabi ni Green. Ang mga kabataang lalaki na pinakamarami ang napapatay ay tinuruan ng kanilang lider sa relihiyon na kalooban daw ng Diyos ang gayong pagpatay, at ang ganti ay walang hanggang kaligayahan sa langit. Sinabi ni Green na ang taguri ni Ayatollah Khomeini sa mga kabataang iyon ay “mga mandirigma ng Diyos,” at sa kanila siya’y “nagbigay ng munting susing metal na dadalhin sa labanan—at sa mga pinto ng langit.”
Datapuwa’t, ang gayon bang “pananampalataya” ay aakay sa mga tao upang kamtin ang walang hanggang mga pagpapala buhat sa Diyos? Sinabihan ni Jesus ang mga lider ng relihiyon noon: “Sila’y mga bulag na tagaakay. Kung bulag ang aakay sa kapuwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” Ang babala ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila.” (Mateo 15:14) Ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ang tutulong sa atin na iwasan ang bulag na pananampalataya at maglingkod sa Diyos na taglay ang malinis na puso.—Awit 24:3, 4.