Ating “Mapanganib na Panahon”—Paano Apektado ang Pamilya Mo?
“Maging pagkadukha-dukha man, walang dako na di-gaya ng tahanan.”
GANIYAN ang isinulat ng kompositor na si John Howard Payne. Subali’t iyan ay mayroon nang 160 taon ang nakalipas. Sa kasalukuyang daigdig ay ibang-iba na ang tanawin. Ang “home, sweet home” (tahanan kong kinasasabikan) ay kalimitan isang lugar ng bakbakan. Ang dapat sana nating makitang natural na pag-iibigan at pagmamahalan sa loob ng pamilya ay hindi makikita sa maraming tahanan. Subali’t bakit? Mayroon bang isang bagay na pambihira tungkol sa ganiyang mga suliranin sa pamilya sa panahon natin?
Ang Pamilya sa Ika-20 Siglong Ito
Noong nakalipas na mga siglo ang pamilya karaniwan na ay kumikilos na sama-sama at nagkakaisa sa mga bagay na kailangan sa pamumuhay. Ang ibig sabihin, lahat—mga magulang at mga anak—ay nagtutulungan sa pagtatayo ng bahay nila, paggawa ng mga muwebles, pagtatanim sa bukid at pag-aalaga sa kanilang mga hayupan. (Genesis 37:2; Kawikaan 31:16) Subali’t nang sumapit ang industrial revolution, nagbago ang mga bagay-bagay.
Samantalang ang mga bansa sa Kanluran, lalo na, ay nagiging lalong industriyalisado, maraming pamilya ang lumilipat sa mga siyudad sa paghahanap ng trabahong mapapasukan sa mga pabrika. Ang mga tao ngayon ay kailangang umalis sa tahanan upang pumasok sa trabaho araw-araw. Pakaunti nang pakaunti ang panahon ng pami-pamilya upang sila’y magsama-sama. Ang mga damit at mga muwebles ay binibili na sa halip na gawin. Ganito ang sabi ng aklat na The Family, Society, and the Individual:
“Ang mga pagbabagong ito, gaya ng dapat asahan, ay nagkaroon ng malaking epekto sa . . . buhay ng pamilya. Hindi na ngayon nagkakasama-sama ang pamilya sa paggawa ng ano mang bagay, di-gaya ng dati. Magbuhat ng pagtibayin ang mga batas tungkol sa sapilitang pag-aaral at ang mga batas na nagbabawal ng pagtatrabaho ng mga bata, ang mga bata bilang manggagawa ay hindi na maipagmamalaki ng kani-kanilang pamilya.” Ano ba ang naging epekto nito sa sistema ng pagpapalaki ng mga anak? “Ang makapatriyarkang uri ng pamilya ay nagbago, at ang disiplina at paggalang sa maykapangyarihan ay naging parang gayak na lamang ng mabuting buhay.”
Ang ganiyang mga pagbabago ay nagdulot ng pambihira, at kung minsan lalong malaki, na mga kagipitan sa pamilya sa ika-20 siglong ito. At hindi lamang sa Kanluraning daigdig karaniwan ang problemang ito. Dahil sa pananakop at industriyalisasyon pagkatapos, maging sa mga bansa ng umano’y Third World ay naaapektuhan din ang pamilya sa kaniyang dating kalagayan. May mga pangyayari na tumututol ang mga asawang babae sa hindi pantay na trato sa kanila. Ganito ang hinanakit ng isang asawang babaing Aprikana: “Bakit ba kami ang hinahayaan ng mga lalaki na magdala ng lahat? Nagpupunta ako sa bukid na ako ang may pasan ng asarol, sa likod ko’y may kalong sa bata. Siya’y walang dalang anuman. Pagkatapos pagka pauwi na, ako pa rin ang may dala ng asarol, ng bata, at ng isang malaking banga ng tubig na sunung-sunong ko. At siya naman ay walang kadaladalang anuman. Ang pera ay ginagasta sa alak, hindi sa amin o sa aming mga anak. Kami’y may bahagi sa trabaho, baka mas higit pa, subali’t sa kaniya napapunta ang lahat ng kuwarta at sinasabi sa amin na kaniya raw iyon—na kaniya raw kinita iyon. Isang biro iyan.”
Ang pamilya sa ika-20 siglong ito ay naapektuhan ng isang bagay na kailanma’y ngayon lamang naranasan—ang telebisyon. Tinataya na pagsapit ng isang bata sa edad na 18, siya’y nakagamit na ng humigit-kumulang 15,000 oras sa panonood ng telebisyon kung ihahambing sa humigit-kumulang 11,000 oras na ginugol sa silid-paaralan. Pagsapit niya sa edad na 14, ang karaniwang batang Amerikano ay nakapanood na ng mga 18,000 katao na napatay sa panonood niya ng TV. Ano ang epekto? Ganito ang sagot ng aklat na Childstress!, na isinulat ni M. S. Miller: “Maraming sikologo at mga hukom ang nagsasabing telebisyon ang dahilan ng karahasan na ginagaya ng mga kabataan. Nang isang batang nuebe anyos ang magholdap sa isang bangko sa New York City sa tulong ng isang baril-barilan, at siya’y nakaholdap ng isang daang dolar, sinabi niyang iyon ay dahilan sa ‘May napanood ako sa TV na mga mama na gumagawa niyaon.’ ” Isinusog pa ng The Family Coordinator magasin: “Bagaman ang tuwirang epekto ng gayong pagkahantad doon ng kabataan ay hindi pa lubusang napatutunayan, maliwanag na may napapanood sa telebisyon na makakaapekto sa buhay at sa estilo ng buhay ng bata sa bandang huli.”
Walang alinlangan, ang pamilya sa ika-20 siglong ito ay nakaranas ng isang naiiba at pambihirang mga kalagayan sa pamumuhay na ngayon lamang nasasaksihan sa kasaysayan ng tao at ito ang sanhi ng kagipitang kinaroroonan nito ngayon. Nguni’t talaga kayang ang ibinunga nito sa pamilya ay mga suliranin na nagpapatotoo na tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw”?
Buong linaw na sinabi ni apostol Pablo na ang “mga huling araw” ay magiging “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.”a Ano ang magiging epekto ng gayong “mapanganib na mga panahon” sa buhay pampamilya? Ang sagot ni Pablo: “Ang mga tao ay magiging . . . masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal.”—2 Timoteo 3:1-3.
‘Pagsuway sa mga Magulang’
Ang mga anak ay laman at dugo ng kanilang mga magulang at di-mabilang na mga pagpapala ang utang nila sa mga magulang na ito. Nakasisindak nga kung makarinig ka ng tungkol sa mga kabataang hindi gumagalang at nag-aasikaso sa kanilang mga magulang gaya ng nararapat. Sinabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Ito ang tanda ng isang bulok na bulok na sibilisasyon, ang hindi paggalang ng mga kabataan sa matatanda, at hindi pagkilala ng di-mababayarang utang at tungkulin sa mga taong nagbigay sa kanila ng buhay.” Ganiyan nga kaya ang nangyayari sa mga pamilya sa ika-20 siglong ito?
“Ako’y natatakot sa sarili kong anak,” ang hinanakit ng isang ina na bumabanggit ng isa sa pinakamalubhang ebidensiya ng paglaban ng mga anak sa kanilang mga magulang—pananakit sa mga magulang. Minsan, nabalian sa balikat dahil sa tinadyakan sa balikat ang babaing ito ng kaniyang 17-anyos na binatilyong anak. Gaano bang kalaganap ang ganiyang karahasan laban sa mga magulang? Tungkol sa resulta ng pananaliksik sa karahasan sa pamilya sa Estados Unidos, ang sabi ng aklat na Behind Closed Doors: “Isa sa tatlong mga anak na nasa pagitan ng mga edad na tres at disesiete anyos ang nananakit ng kanilang mga magulang taun-taon.” Hindi baga isang sukdulang kawalang-galang pagka ang isang anak ay nagbuhat ng kamay sa kaniyang mga magulang?—Ihambing ang Efeso 6:1-3.
Ang mga anak ay naghihimagsik sa kanilang mga magulang sa di-gaanong mararahas na paraan din naman. Noong mga taon ng 1960’s sila’y nagdamit hippie at nagpapahaba ng buhok. Subali’t nang sumunod sa mga gayong uso ang mga may-edad, ang mga kabataan ay humanap ng mga ibang paraan ng paghihimagsik. Ang aklat na Childstress! ay nagsasabi: “Sa lahat ng mga nausong ito, patuloy na lumubha ang dati na at tunay na paraan ng paghihimagsik—mga droga, pag-inom, paglalakuwatsa at paglalayas sa tahanan. Kaya’t ang bulalas ng lahi ng mga nuno, ‘Ayoko nang magkaanak kung sa panahong ito.’ ”
Hindi mga bata lamang ang di nagpapakita sa kanilang mga magulang ng pag-ibig at paggalang na nararapat sa kanila. Nariyan ang isa pang grupo—mga taong may-edad na nang-aabuso sa matatanda. Sa papaano? Ganito ang sabi ng Psychology Today: “Ang pang-aabuso sa matanda ay maaaring pisikal, pagsasamantala (halimbawa, pagkuha sa perang natitipon ng iyong magulang), pagpapabaya (hindi pagbibigay sa kaniya ng pagkain o pagpapagamot sa kaniya) o sikolohikal (pagkakapit sa kaniya ng kung anu-anong tawag). May mga mapag-abusong kadalasa’y nagbabanta sa kanilang mga magulang na doon sila itatapon sa kalye o sa isang ospital ng mga baliw o sa isang bahay-ampunan kung sila’y magsusumbong dahil sa pag-abusong ginawa sa kanila.”
Sinasabi na maraming malalaki nang mga anak ang hindi nakadarama ng pananagutan sa kanilang matatanda nang mga magulang. Halimbawa, si F. Ivan Nye, sa isang papeles sa pananaliksik na inilathala sa Journal of Marriage and the Family, ay bumanggit ng ganito: “Karamihan ng mga tumugon [sa pagsasaliksik na ito] ay nakababatid ng tungkulin na makipagtalastasan sa kanilang mga kamag-anak at tulungan sila kung sila’y may biglaang pangangailangan ng pera, subali’t mahigit na 30 porciento ang hindi naniniwalang may umiiral na gayong tungkulin (may kinalaman sa pera) at wala pang 40 porciento ng mga babae o mga lalaki ang may matinding pagkamuhi sa iba na hindi nagsasagawa ng gayong tungkulin.” Kaya’t bilang konklusyon ay sinabi ni Nye na ang “pagkakamag-anak” ay “patungo sa pagkawala bilang isang normal na kaayusan at baka maging” isa na lamang di-sapilitang kaayusan. Hindi baga ito ay “tanda ng isang bulok na bulok na sibilisasyon”?—Ihambing ang 1 Timoteo 5:3-8.
Hindi naman lahat ng anak ay naghihimagsik sa kapamahalaan ng magulang. Subali’t mapanghahawakang mga ulat tungkol sa mga kabataang naghihimagsik sa kanilang mga magulang ang totoong malaganap kung kaya’t tiyakan nating masasabi na natutupad nga ngayon ang inihula ni apostol Pablo: “Ang mga tao ay magiging . . . masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat.”
“Walang Katutubong Pagmamahal”
Hindi lamang ang mga anak ang apektado ng mga panahong ito na “mahirap pakitunguhan.” Inihula rin ni Pablo: “Ang mga tao ay magiging . . . walang katutubong pagmamahal.”—2 Timoteo 3:2, 3.
Natural lamang na asahan mong ang pamilya mo ang magbibigay sa iyo ng pinakamalaking pagsuporta. Sa ‘tahanan, na kinasasabikang tahanan’ ay dapat umiral ang pag-iibigan—pag-ibig sa iyong kabiyak at sa iyong mga anak. Gayunman, sinabi ni apostol Pablo na ang kakapusan ng “katutubong pagmamahal”b ang iiral sa “mga huling araw.” At natutupad naman ang kaniyang sinabi, sapagka’t kadalasan ang ‘tahanan, na kinasasabikang tahanan’ ay tunay na hindi “kinasasabikan.” Paano nagkaganito?
Sa naunang artikulo ating napag-alaman ang tungkol sa umiiral na kawalan ng katutubong pagmamahal—ang pang-aabuso sa asawang babae. Hindi dapat na ang asawang babae’y tadyakan, suntukin o dili kaya’y abusuhin. Malayung-malayo ito sa payo ng Kasulatan sa mga asawang lalaki na ibigin ang kani-kanilang asawa “gaya ng kanilang sariling katawan”! Iyan ang natural. Ang pambubugbog sa asawang babae ay hindi natural!—Efeso 5:28-33.
Marahil lalong kataka-taka ang dami ng iniuulat na kaso ng panggugulpi sa asawang lalaki. Mayroong isang asawang lalaki na “laging may mga pilat at pasa” na likha ng isang asawa na “dominante at laging nagtatatalak ng pambubulyaw sa kaniya at gumagawa ng karahasan.” Ayon sa taya ng mga sosyologo sa Estados Unidos lamang, mga 282,000 mga lalaki ang binubugbog ng kani-kanilang asawa taun-taon. Hindi baga ito isa ring nakagigitlang halimbawa ng kawalan ng katutubong pagmamahal sa maraming pamilya sa ika-20 siglong ito?—Ihambing ang Efeso 5:22-24, 33.
Bagaman matitilihan tayo sa ganiyang mga balita, ang lalo pang nakagigitla ay yaong mga balita tungkol sa lumulubhang pang-aabuso sa mga bata. Malimit na may mababasa ka sa mga paulong-balita na ganito:
“Inabusong bata, lumaki na, ipinaliliwanag ang tungkol sa kaniyang mga pilat.”
“Inamin ng Babae na Nilunod Niya ang Kaniyang Apat na Anak Habang Sila’y Natutulog.”
“Ang panggugulpi sa mga bata, dumami ang nangamatay dahil dito sa Denver at estado.”
“Ang Pagpapabaya sa Bata ay ‘Pumapawi sa Larawan ng Britanya Bilang Maibigin.’ ”
Hindi na namin sasabihin sa iyo ang lalong kalunus-lunos na mga bahagi.
Gaano bang kalaganap ang ganiyang pang-aabuso sa mga bata? Sa pag-uulat ng resulta ng pananaliksik tungkol sa karahasan sa pamilya, tinataya ng aklat na Behind Closed Doors na “sa pagitan ng 3.1 at 4 na milyong bata [sa Estados Unidos] ang sinipa, kinagat, o sinuntok ng isang magulang sa ganoo’t-ganitong panahon sa kanilang buhay; . . . sa pagitan ng 900,000 at 1.8 milyong mga bata sa pagitan ng mga edad tres at disesiete anyos ang ginamitan ng kanilang magulang ng baril o balisong sa ganoo’t-ganitong panahon.”
Bagaman totoo na ang mga bata, lalo na ang mga sanggol, ay mahihina at kung minsan mapaghanap, tunay na walang bata na nararapat abusuhin—sa pisikal, sa emosyonal o sa anupamang paraan. Higit sa lahat, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang mga anak ay mana buhat kay Jehova; ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala.”—Awit 127:3.
Tiyak naman na ang pamilya sa ika-20 siglong ito ay dinaratnan ng mga kagipitan at mga kaigtingan na kailanma’y ngayon lamang naranasan sa kasaysayan ng tao. Ganito ang sabi ng U.S.News & World Report: “Bakit ganiyan na lamang ang mabilis na pagdami ng mga suliranin sa pamilya? Si Dr. Bertrand New, isang sikayatrista sa Westchester Medical Center–New York Medical College, ay bumanggit ng personal at pangkabuhayan na mga sanhi, alkoholismo at ang lalong mabibigat na pasanin na iniyaatang ng modernong lipunan at nagbubunga ng kaigtingan sa maraming pamilya.”—Amin ang italiko.
Ang pagdaming ito ng suliranin sa pamilya ang isa lamang sa maraming-bahaging tanda na pagkakakilanlan sa “mga huling araw.” Sa hinaharap pang mga labas ng Ang Bantayan ay tatalakaying isa-isa ang mga iba pang katuparan ng sinabi ni Pablo sa 2 Timoteo 3:1-5. Subali’t isang bagay ang tiyak: Ang mga balita tungkol sa mga anak na naghihimagsik sa autoridad ng magulang at ang kakulangan ng katutubong pagmamahal, gaya ng inihula ni Pablo, ay laganap na laganap at bahagi ng malinaw na ebidensiya na tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay.
Oo, tayo’y nabubuhay sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” Gayunman, ang “mapanganib na mga panahong” ito ay hindi dapat sumira ng kaligayahan ng iyong pamilya. Ang Diyos na Jehova ay naglaan ng praktikal na mga alituntunin sa Bibliya, na kung susundin ay magdudulot ng isang maligaya at matagumpay na buhay pampamilya kahit na ngayon. Isa pa, kung maingat na susundin mo ang mga tagubiling iyon, baka makabilang ang iyong pamilya sa maliligayang pamilya na magtatamasa ng buhay magpakailanman sa isang matuwid na bagong kaayusan ng Diyos na ngayo’y malapit na.—2 Pedro 3:13; Kawikaan 3:13-18.
[Mga talababa]
a Ang salitang Griego para sa “mapanganib na mga panahon” (chalepós) ay isinaling “mababangis” sa Mateo 8:28, na kung saan ikinakapit ito sa dalawang lalaking inaalihan ng demonyo at totoong mararahas at mapanganib. Samakatuwid, ang “mga huling araw” ay natatangi sa karahasan at pagbabanta ng panganib.
b Ang salitang Griego na storgé ay tumutukoy sa pag-ibig sa pamilya, pag-ibig sa kamag-anak. Subali’t ang salita para sa “walang katutubong pagmamahal” ay isang anyo ng ástorgos, na ang kahulugan ay yaong kabaligtaran—pagguho ng katutubong pag-ibig na dapat sanang umiiral sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya.
[Mga larawan sa pahina 6]
Kaniyang napapanood ang mga taong binabaril, ginugulpi, pinapatay. Paano ito nakakaapekto sa kaniya?
Ang pagsunod sa mga alituntunin na nasa Bibliya ay nagdudulot ng maligayang buhay pampamilya kahit na ngayon pa