Ang Panahon Natin ng Kawalang Pag-asa
“IBIG kong makita ang kapayapaan ng daigdig sa kaarawan ko,” ang sabi ng isang kabataang estudyante sa kolehio, “nguni’t alam kong ito’y guniguni lamang dahilan sa palasak na pagkakapootan sa buong daigdig.” Ganiyan ba rin ang nadarama mo? Ang kalagayan ba ng daigdig ay parang wala nang pag-asa kung para sa iyo?
May dahilan kang mag-isip ng ganiyan. Ang mga kalagayan sa daigdig ay maselang ayon sa palagay ng marami. Nanganganib ang buhay mismo ng sangkatauhan. Nariyan ang mabilis na polusyon ng hangin, pagkain at tubig dito sa lupa. Patuloy na lumulubha ang paghihirap ng kabuhayan at pagkabilis-bilis ang pagdami ng krimen, kaya marami ang palaging nangangamba na mapariwara ang kanilang buhay at mga ari-arian. Wala pang nakakatulad ang umiiral ngayon na kaligaligan at kaigtingan sa buong daigdig.
At lalong nakababahala ang banta ng digmaang nuclear na parang kulandong na nakabitin sa ibabaw ng lupa samantalang patu-patuloy ang mga digmaan at mga himagsikan at walang palatandaan na hihinto pa ang mga ito. Ang isang halimbawa ng kawalang pag-asa ng marami ay ang sinabi ng isa pang estudyante: “Parang walang halos magagawa ang sinuman tungkol sa suliranin ng digmaang nuclear.”
Kahit na masugpo ang isang digmaang nuclear, nanganganib pa rin ang sangkatauhan dahilan sa totoong napakaraming tao. “Patuloy ang pagdami ng tao sa buong globo at ito’y pagkabilis-bilis upang sa taóng 2000—15 taon mula ngayon—ang daigdig, na bilyun-bilyon pa ang mapaparagdag na mga tao, ay wala nang kayang maglaan ng sapat na pagkain at enerhiya, at lalo na mga hanapbuhay, pabahay, edukasyon at pangangalaga sa kalusugan,” ang pag-uulat ng Parade magasin. “At hindi pa maubus-maisip ang maaaring mangyari sa kalagitnaan ng ika-21 siglo (na ang mga sanggol na isinilang sa decadang ito ay nasa katandaang edad na).”
Sa taun-taon, milyun-milyon ang namamatay dahilan sa malnutrisyon na likha ng kakapusan sa pagkain sa maraming bansa ng Third World. Ang sabi ng isang eksperto sa Center for International Research ng U.S. Census Bureau: “Maliban sa magkaroon ng mabilis na pagkilos sa buong daigdig upang masupil ang populasyon, nakikini-kinita ko ang pagguho ng mga pamamalakad ng gobyerno.” Nakikini-kinita rin, kasama nitong pagkaubos ng mga panustos na ito para mabuhay ang tao, ang malaganap na malnutrisyon at sakit, pagdayo ng pamumuhay sa mga ibang bansa, matitinding taggutom, giyera sibil at mga digmaan pa rin.
Oo, ang lumulubhang pagkakapootan ng mga tao at ang kaimbutan ang humadlang sa pag-asa na ang mga tao sa paraang matinuan at mapayapa ay malulutas ang kanilang mga problema at di-pagkakaunawaan. Ang lakas ang nanaig samantalang karahasan ang karaniwang paraan ng paghihinga ng kaapihan, totoo man iyon o guniguni lamang. “Matatandang-usong” mga pamantayan ng pagkakapatiran—pagmamalasakit at paggalang sa iba—ang tila nga pumanaw na sa modernong daigdig na ito. Oo, gaya ng inihula ng Bibliya, “manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam ang daan na lulusutan . . . , samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:25, 26.
‘Pero, sa pagkaalam ng may kaalamang mga tao sa napipintong kapahamakan sa mapanganib na panahong ito, siguradong sila’y makabubuo ng mga kasunduan ukol sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig,’ marahil ay sasabihin mo. Bagaman waring kanais-nais nga ito, isa kaya itong tunay na pag-asa? Ano ang ipinakikita ng kasaysayan?