Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 5/15 p. 7-8
  • Ang Kaharian ng Diyos—Ang Tiyak na Lunas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kaharian ng Diyos—Ang Tiyak na Lunas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kaharian na “Hindi Magigiba Kailanman”
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Mga Tao ba ang Makapagsasaayos ng Lunas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaharian ng Diyos—Ang Bagong Pamamahala sa Lupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Kaharian ng Diyos—Nakahihigit sa Lahat ng Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 5/15 p. 7-8

Ang Kaharian ng Diyos​—Ang Tiyak na Lunas

“TAO ang nagkaroon ng kapangyarihan sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” Ang pangungusap na ito, na nasusulat sa Bibliya sa Eclesiastes 8:9, ay natutupad sa buong kasaysayan at hanggang sa ating mismong kaarawan. Bakit nga gayon? Bakit hindi malunasan ng tao ang mga suliranin sa mapanganib na panahong ito na kinabubuhayan natin?

“Ang isang munting kaalaman sa kalikasan ng tao ay kukumbinse sa atin,” ang isinulat ni George Washington noong 1778, “na ang [sariling] kapakanan ang prinsipyong sinusunod ng karamihan sa mga tao; at na halos bawa’t tao ay humigit-kumulang, nasa ilalim ng impluwensiya nito. . . . Kakaunting mga tao ang patuloy na magsasakripisyo ng kaniyang sariling kapakanan, o bentaha, alang-alang sa ikabubuti ng karamihan. Walang kabuluhan na magsalita pa laban sa kalikuan ng tao tungkol sa bagay na ito; ang totoo, ang karanasan sa bawa’t panahon at ng bawa’t bansa ay nagpatunay nito at kailangan na baguhin natin ang kalikasan ng tao, upang mapabulaanan ito.”

Yamang lahat ng tao ay ipinanganak na di-sakdal at makasalanan, naging imposible na ang sino mang tao ay makitungo nang may ganap na kasakdalan at katarungan sa kaniyang kapuwa-tao. (Roma 5:12) Ang mapag-imbot na pansariling mga kapakanan ang sumisira sa kabutihan ng kaniyang paghatol o pagkilos. Pagsikapan man ng mga tao na labanan ang likas na mga kahinaang ito, hindi mapagtatagumpayan ito ng ano mang pamahalaan ng tao. “Walang sistema ng pamahalaan​—na pinalalakad ng isang monarka, diktador, maniniil, o ng isang aristokrasya, oligarsya, republika, purong demokrasya, o ng Partido Komunista​—ang naitayo na may mabubuti at matatalinong lider na laging mamamahala sa ikabubuti ng gobyerno ng estado,” sabi ni Laurence Beilenson sa The Treaty Trap. “Iyan ay dahilan sa ang mga nagsipili o sumasang-ayon sa kanilang pamamahala ay mga tao. . . . Ni mabuti man o matalino ang mga taong pinamamahalaan ng mga pinuno. Pagka inibig ng mga tao ang kanilang mga kapuwa tao na gaya ng pag-ibig nila sa sarili, ang mga batas na pipigil sa kanila, ang mga pulis na magpapatupad ng gayong mga batas, at ang hukbong sandatahan na magbibigay ng proteksiyon ay kalabisan na, pati mga kasunduan sa kapayapaan.”

Samantalang inaakala ni Beilenson, gaya rin ng akala ng marami, na ang gayong “maligayang araw” ay “hindi malamang mangyari,” ang ganiyang paniwala ay hindi nagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos para sa lupa. Ang kabiguan ng tao na mamahala nang may katalinuhan at kapayapaan ay malinaw na nagpapakitang walang kaya ang tao na pamahalaan ang sarili niya. Ang tanging lunas ay nasa Kaharian ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo. Kaya naman sa pagbibigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ng isang huwarang panalangin ay tinuruan niya sila na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, ganoon din sa lupa.”​—Mateo 6:10.

Kalooban ng Diyos na ang kaniyang Kaharian ang magdala ng lubos na kapayapaan sa lupa. Tungkol sa pamamahala ng kaniyang Anak, na “Prinsipe ng Kapayapaan,” ang kinasihang ulat ay nagsasabi: “Ang kaniyang maharlikang kapangyarihan ay patuloy na susulong; ang kaniyang kaharian ay laging magkakaroon ng kapayapaan. Siya’y magpupuno bilang kahalili ni Haring David, na isinasalig ang kaniyang kapangyarihan sa matuwid at sa katarungan, mula ngayon hanggang sa katapusan ng panahon. Ang PANGINOONG Makapangyarihan-sa-lahat ay disididong gawing lahat ito.”​—Isaias 9:6, 7, Today’s English Version.

Hindi lamang pangyayarihin ng Kahariang iyon na lumaganap sa buong globo ang tunay na kapayapaan kundi gagawin niyaon ang hindi magawa ng ano mang pamahalaan: ang pag-aalis sa tao ng kaniyang mapag-imbot na mga hilig dahilan sa kaniyang minanang di-kasakdalan. Sapagka’t sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ang sangkatauhan, pagkatapos na mahango na sa pagkakasala at sa hatol na kamatayan, ay makapagtatamasa na ng sakdal at walang katapusang buhay sa isang lupang paraiso. (Roma 6:23) “At papahirin [ng Diyos] ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Si Jehova ay nangako: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:4, 5) Iyan ang lunas sa ating mapanganib na panahon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share