Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 5/15 p. 9-14
  • Pinahahalagahan Mo ba ang Iyong Mana?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinahahalagahan Mo ba ang Iyong Mana?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Manang Iyon?
  • Pagwawalang-Halaga at Pagpapahalaga sa Karapatan ng Pagka-Panganay
  • Ipagpapalit Mo ba ang Iyong Mana?
  • Bakit ang Iba’y Nahuhulog?
  • Paano Natin Mapasusulong Pa ang Ating Pagpapahalaga?
  • Ingatan ang Iyong Mana—Gumawa ng Matalinong mga Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Napunta kay Jacob ang Mana
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Esau
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mana
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 5/15 p. 9-14

Pinahahalagahan Mo ba ang Iyong Mana?

“Itaguyod ninyo ang pakikipagpayapaan . . . , na nagpapakaingat . . . upang huwag magkaroon ng sino mang mapakiapid ni sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na banal, tulad ni Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.”​—HEBREO 12:14-16.

1, 2. (a) Ano ba ang mana? (b) Anong mga tanong ang bumabangon kung tungkol sa isang nakahihigit na mana?

ANG mga tao’y naging mga mamamatay-tao dahilan doon. Ang iba’y nangamatay nang hindi man lamang nakamit iyon. Iyon, pagkatapos na makuha ng marami, ay inaksaya lamang. Ano ba iyon? Iyon ay isang mana. At malimit na nagkakaganiyan nga pagka may ari-arian na mamanahin.

2 Sa Bibliya ang (mga) mana ay binabanggit nang 229 beses, at malimit na tumutukoy iyon sa manang lupa o ari-arian. Subali’t, ang Salita ng Diyos ay tumutukoy din ng isang mana na totoong nakahihigit kaysa ano mang bagay na nababanggit sa isang testamento. At ang ganiyang pinakamagaling na mana ay maaaring makamit mo kung hindi mo pawawalang-halaga. Ano ba ang manang ito? Sino ang nagbibigay nito? Bakit naiwawala ito ng iba? Paano tayo makapagpapahalaga rito?

Ano ba ang Manang Iyon?

3. Ano ang mana ng isang Kristiyano, at sino ang nagbibigay nito?

3 Nang tanggihan ng mga Judio sa Antioquia ang balita ni apostol Pablo ng kaligtasan, siya’y doon naman nagpunta sa mga taong hindi Judio, “ang nasa mga bansa.” “Sila’y nangagalak at niluwalhati nila ang salita ni Jehova, at ang lahat ng mga wastong nakahilig sa buhay na walang hanggan ay naging mga mananampalataya.” (Gawa 13:45-48) Oo, ang mana ay buhay na walang hanggan. Para sa ilan, iyon ay “isang manang di-nasisira at walang dungis at walang kupas . . . sa langit.” Sino ang nagbibigay nito? “Ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo,” sabi ni Pedro.​—1 Pedro 1:3, 4.

4. Anong mana ang iniaalok sa karamihan sa sangkatauhan?

4 Subali’t komusta naman ang lubhang karamihan sa sangkatauhan na walang makalangit na pag-asa? Ang kanilang mana ay maaaring sakdal na buhay bilang bahagi ng “bagong lupa,” isang bagong lipunan ng mga tao na tinubos ng hain ni Jesu-Kristo. Naghahandog ito ng maaaring makamit na buhay na walang hanggan sa isang planeta na nabago na at wala nang polusyon. (Apocalipsis 11:18; 21:3, 4; Juan 17:3) Ibig mo bang asam-asamin iyan na kakamtin bilang isang mana? Kung inaasam-asam mo na nga, talaga bang pinahahalagahan mo ito?

Pagwawalang-Halaga at Pagpapahalaga sa Karapatan ng Pagka-Panganay

5, 6. (a) Sino ba sina Esau at Jacob? (b) Ano ang natatangi tungkol sa kanilang mana, at sino ang pangunahing makikinabang?

5 Para lalong maunawaan natin ang gayong pagpapahalaga sa isang mana, sandaling repasuhin natin ang halimbawa ng dalawang magkapatid. Ang isa’y may malaking pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, samantalang yaong isa naman ay nawalan ng pagpapahalaga at sa gayo’y naiwala niya ang isang napakahalagang mana. Sila’y si Jacob at si Esau, ang magkakambal na mga anak ng patriyarkang Hebreo na si Isaac.

6 Ang kanilang lolong si Abraham ay namatay nang sila’y 15 taóng gulang. Sa kayamanang naiwan niya sa kaniyang anak na si Isaac ay kabilang ang malalaking kawan ng mga hayop at isang bukid na kinaroroonan ng yungib na libingan ng pamilya. (Genesis 25:5-10) Gayunman ang lalong mahalagang bahagi ng mana ay hindi ari-arian o anumang gaya nito. Iyon ay ang pangako ni Jehova kay Abraham at nang malaunan ay inulit kay Isaac: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18; 25:24-26; 26:2-5) Isiniwalat nito na ang Mesiyas, na siya ring ang ipinangakong “binhi” ng Genesis 3:15, ay darating sa pamamagitan ng angkan ni Abraham sa hinaharap na panahon. Yamang si Esau ang panganay sa magkakambal na ito, sa pagkamatay ng kaniyang ama, si Isaac, siya ang may legal na karapatan sa pangakong ito, at doble pa ang kaparte niya sa ari-arian. Ngayon ang tanong ay, Kaniya bang pinahalagahan ang kaniyang mana?

7. Paano nagkakaiba si Esau at si Jacob kung tungkol sa pagpapahalaga at sa pagkatao? (Genesis 26:34, 35; 28:6-9)

7 Habang lumalaki ang kambal, nahahalata naman ang pagkakaiba ng kanilang pagkatao. Si Esau ay isang malikot na mangangaso, “isang taong-parang,” samantalang si Jacob ay “isang taong walang kapintasan,” na “namumuhay nang tahimik.” (Genesis 25:27, The Jerusalem Bible; New World Translation; The New English Bible) Isang araw nang si Jacob ay may nilulutong lentehas, si Esau ay dumating na galing sa bukid at hapung-hapo at nagugutom. “Kaya’t sinabi ni Esau kay Jacob: ‘Pakisuyo, madali ka, pakainin mo ako niyang pula​—ng pulang iyan, sapagka’t ako’y pagod.’ ”​—Genesis 25:30.

8. Anong nakapagtatakang mungkahi ang iniharap ni Jacob sa kaniyang kapatid, at ano ang ikinilos ni Esau pagkatapos?

8 Sa puntong ito si Jacob ay nagharap ng isang pambihirang mungkahi sa kaniyang kakambal, na ang sabi: “Ipagbili mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay!” (Genesis 25:31) Kaniyang hinihingi ang mana ni Esau kapalit ng isang tason ng nilutong lentehas! Sa palagay mo kaya’y si Jacob ay magkakaroon ng malaking pag-asang magtagumpay sa ganiyang pagpapalitan? Maliwanag na ganoon ang sumasa-isip niya. Bakit? Sapagka’t alam niya ang mga hilig ng kaniyang kapatid at ang mga bagay na minamahalaga nito. Nagkamali kaya siya? Marahil ay pinasobrahan pa ni Esau ang pagkasabi niya tungkol sa kaniyang pagkapagod, nang sumagot siya: “Ako’y halos mamamatay na; ano pa ang kabuluhan sa akin ng aking karapatan sa pagka-panganay?”​—Genesis 25:32, NE.

9. Paanong si Esau ay ibang-iba sa kaniyang kapatid kung tungkol sa mana?

9 Ang kasunduang iyon ay pinagtibay ng isang sumpa, at ang kaniyang kapatid ay sinilbihan ni Jacob ng tinapay at nilutong lentehas. Si Esau ay kumain at umalis “nang wala nang maraming kuskusbalungos.” Pagkatapos ang kinasihang rekord ay buong diin na nagsasabi: “Sa ganoo’y ipinakita ni Esau kung gaanong kaliit ang pagpapahalaga niya sa kaniyang karapatan sa pagka-panganay.” (Genesis 25:33, 34, NE) Ibang-iba naman si Jacob, na anong laki ng pagpapahalaga sa karapatan ng pagka-panganay! Ang mahalaga sa kaniya’y hindi ang ari-arian​—isang bukid na libingan at mga hayop. Ang ibig niya’y sa kaniyang angkan manggaling ang ipinangakong Mesiyanikong binhi. Ang ibig niya’y ang espirituwal na mana.​—Ihambing ang Mateo 6:31-33.

Ipagpapalit Mo ba ang Iyong Mana?

10. (a) Ano ang sinabi ni Pablo tungkol kay Esau? (b) Ano ang kaugnayan ng pakikiapid sa pakikipagpalit ni Esau ng kaniyang karapatan sa pagka-panganay?

10 Makalipas ang 19 na siglo, ginamit ni apostol Pablo ang halimbawa ni Esau upang magbigay-babala sa mga unang Kristiyano, na nagsasabi: “Itaguyod ninyo ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao, . . . upang huwag magkaroon ng sino mang mapakiapid ni sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na banal, tulad ni Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.” Bakit dito’y iniuugnay ni Pablo ang isang mapakiapid sa mga ikinilos ni Esau? Sapagka’t ang pagkakaroon ng kaisipan ni Esau ay maaaring umakay sa isang tao sa hindi pagpapahalaga sa mga bagay na banal at pagkatapos ay sa lalong malulubhang pagkakasala, tulad ng pakikiapid.​—Hebreo 12:14-16.

11. Ano ang nangyari sa mga ibang Kristiyano sa modernong panahong ito?

11 Kung minsan ba’y natutukso ka na ipagpalit ang iyong mana bilang isang Kristiyano, ang buhay na walang hanggan, para sa isang bagay na lumilipas na gaya nga ng isang ‘tason ng nilutong lentehas’? Bagaman hindi mo namamalayan, iyo bang hinahamak ang “mga bagay na banal”? Halimbawa, noong nakalipas na panahon ay mayroong mga Kristiyano na nadala ng kaluwagan ng disiplina sa asal sa modernong panahong ito. Parang mayroon sila ng ugali ni Esau na walang tiyagang maghintay upang masapatan ang isang pagnanasa ng kanilang katawan. Gaya ng sinabi niya kay Jacob: “Pakisuyo, madali ka, pakainin mo ako niyang pula,” hindi baga ang pinaka-diwa ng sinasabi nila ay: ‘Madali! Bakit pa maghihintay ng isang marangal na pag-aasawa?’​—Genesis 25:30; ihambing ang Genesis 34:1-4.

12. (a) Papaanong mayroong iba na hindi nagpakita ng pagpapahalaga sa mga bagay na banal? (b) Subali’t, ano ang ikinilos ng iba?

12 Sa gayo’y ano ang nangyari? Ang paghahangad na masapatan ang hangarin nila sa sekso ano man ang halagang ibayad nila roon ang naging kanilang ‘tason ng nilutong lentehas.’ Kaya ang naging bunga niyaon ay ang kanilang ginawang paghamak sa mga bagay na banal, kasali na ang kanilang kaugnayan sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Naging walang kabuluhan sa kanila ang integridad, katapatan at kalinisang-puri. Kanilang isinapanganib ang kanilang mana. Gayunman, ang iba sa mga ito nang maglaon ay napukaw na magsisi nang taimtim at napatunayan na napasauli sila sa kanilang dating kaugnayan sa Diyos.​—Ihambing ang Awit 51.

Bakit ang Iba’y Nahuhulog?

13. Ano ang maaaring maging dahilan na sisira sa ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay?

13 Ano ang dahilan nitong naging mga hilig na ito sa imoralidad? Iyon kaya’y sapagka’t pinayagan ng mga taong ito na masira ang kanilang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay? Maraming maaaring maging dahilan na sisira sa dating pagpapahalaga natin​—mga kaibigan at mga kamag-anak na hindi katulad natin ang sinusunod na mga prinsipyo, kasali na ang mga taong mahihina ang espirituwalidad na kasama natin sa kongregasyon, ang kapaligiran natin sa ating trabaho na kung saan maluwag ang disiplina, di-nararapat na mga libangan at mga babasahin, ang maling paghahangad ng pag-ibig at pagmamahal buhat sa mga di-kapananampalataya. Lahat na ito ay maaaring umakay tungo sa imoralidad. Ang alinman ba rito’y maaaring sumisira na sa iyong pagpapahalaga sa mga bagay na banal sa mismong sandaling ito ngayon?​—2 Corinto 6:14; 2 Tesalonica 3:6.

14. Ano ang inihaharap na panganib ng mga ibang modernong libangan?

14 Halimbawa, ikaw ba’y nanonood ng telebisyon o sine na doo’y hindi minamasama ang kahalayan o mayroon mismong kahalayan? Ang gayong mga panoórin ay kaakit-akit sa makasalanang laman​—nakakatulad ng isang ipuipo na humihigop sa sinumang walang ingat at palagay-loob. Madadaya ka nito. Maliwanag na makikita ito sa malakas na impluwensiya ngayon ng mga homoseksuwal o mga bakla at tomboy sa larangan ng mga libangang panoórin. Sila’y nasa mga pelikula at mga panoorin na umaayon sa homoseksuwalidad. Kaya naman, ang dating itinuturing na abnormal na sekso ay kinabitan ngayon ng di-mahalay pakinggang tawag, ito’y ang “isa pang istilo ng pamumuhay”! Ang kalagayan ay sumapit na sa binanggit ni apostol Pablo na: “Yamang wala silang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa kalibugan upang gumawa ng lahat ng uri ng kahalayan pati ng kasakiman.”​—Efeso 4:19; 1 Corinto 6:9-11.

15. Paano natin maiiwasan ang mga bagay na ipinansisilo ng imoralidad?

15 Ano ba ang lunas dito? Layuan mo ang “pamumuhay sa hamak na kahalayan”! Ang Bibliya ay nagpapayo: “Hanapin ang mabuti, at hindi ang masama . . . Kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti.” Ah, nariyan ang tunay na pagsubok​—kumilos ka upang kapootan ang masama.​—1 Pedro 4:4; Amos 5:14, 15.

16. Anong pamantayan ang binanggit ni Pablo para sa mga Kristiyano?

16 Kung nasa atin ang kaisipan ni Kristo, hindi baga tayo dapat mag-atubili na tunghayan man lamang ang libreng-libreng karahasan, buktot na kalupitan at walang patumanggang imoralidad na mapapanood sa karamihan ng panoórin sa ngayon? Oo, ano bang talaga ang dapat nating maging pamantayan? Si Pablo ay sumasagot: “Ano mang bagay ang totoo, ano mang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, ano mang bagay ang matuwid, ano mang bagay ang malinis, ano mang bagay ang kaibig-ibig, ano mang bagay ang may mabuting ulat, kung may ano mang kagalingan at kung may ano mang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”​—Filipos 4:8.

17. (a) Ano ba ang pornograpya? (b) Paanong ang kanilang isip ay pinasukan ng iba ng maruruming bagay? (c) Ano ang matalinong dapat gawin?

17 Tiyak na mas mabuti at mas ligtas ka na sundin ang payo ng apostol. Nakalulungkot sabihin na ang ‘patuloy na pinag-isipan’ ng iba ay pornograpikong TV, sine at babasahin.a Kaya naman, ang kanilang isip at puso ay pinasukan nila ng maruruming bagay na gaya ng imoralidad at homoseksuwalidad. Anong inam kung ikakapit natin ang payo ng apostol: “Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa kapangyarihang umunawa [ng espirituwal na mga bagay], nguni’t magpakasanggol kayo sa kasamaan”!​—1 Corinto 14:20.

Paano Natin Mapasusulong Pa ang Ating Pagpapahalaga?

18. Ano ang magsisilbing proteksiyon at tutulong sa atin na magpahalaga sa mga bagay na banal?

18 Ang matalik na relasyon ng isang tao sa kaniyang mga magulang ay aakay sa kaniya na maging laging palaisip sa kanilang pag-ibig at mga simulain, at malayo ang posibilidad na maging kasiraan siya sa pamilya. Ganiyan din kung tungkol sa ating relasyon o kaugnayan kay Jehova. Nguni’t paano natin mapatitibay ang kaugnayang iyan? Sa pamamagitan ng matalik na pagkakilala sa Diyos. Ang ating malalim na personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay tutulong sa atin na makilala at ibigin siya nang lubusan kung kaya’t lalabanan natin ang ano mang tukso. Gaya ng ipinahayag ni David sa Awit 23, laging madarama natin na ang ating Pastol, si Jehova, ay parating kasa-kasama natin. Anong laking kamangmangan kung tayo’y gagawa ng isang grabeng pagkakamali samantalang ang Pastol ay pagkalapit-lapit sa atin!​—Hebreo 4:13.

19, 20. (a) Ano ang dalawang problema tungkol sa personal na pag-aaral? (b) Bakit nga waring kulang ng panahon ngayon para sa personal na pag-aaral?

19 Gayunman, mayroong dalawang mahalagang problema. Una, para sa marami, ang personal na pag-aaral ay isang kabigatan. Dahilan sa kakulangan ng edukasyon na napag-aralan sa mga paaralan, maraming tao ngayon ang totoong nahihirapan sa pagbabasa. Para sa kanila, ang pag-aaral ay mahirap. Nguni’t ang ano mang bagay sa buhay na may mapapakinabang kang panghabang-buhay ay kailangang paghirapan. Hindi baga sulit na paghirapan ang makilala mo si Jehova, ang Soberanong Panginoon ng sansinukob, ang ating Ama at ang Diyos na nagpapakita ng di-sana nararapat na awa?​—Mateo 6:9; Santiago 4:8.

20 Ang ikalawang problema ay ang waring kakulangan ng panahon para sa personal na pag-aaral. Subali’t noong 30 o 40 taóng lumipas ay waring may panahon​—panahong makipag-usap, magbasa, sumulat ng mga liham, mamasyal bilang isang pamilya, magbulay-bulay. Bakit nagbago ang mga bagay-bagay? Isang anyo ng implasyon ang nakaapekto sa ating panahon. Sa madali’t-sabi, ang isang araw ay malimit na hindi na katumbas ng 24 na oras. Bakit? Sapagka’t isang “magnanakaw” ang nakapasok sa maraming tahanan at ninakaw nito ang napakalaking mahalagang panahon. Nakikilala mo ba ang “magnanakaw” na iyan? Oo, iyan ay ang telebisyon, na umakay upang maging paralisado ang sinuman. Ipinakikita ng isang pag-aaral na “ang karaniwang pamilyang Amerikano ay nanonood ng telebisyon 7 oras at 22 minuto isang araw.” Iyan ay halos isang katlo ng isang araw”! Sa katamtaman, gaanong panahon ang ginugugol mo sa panonood ng TV araw-araw? Araw-araw, sa buong daigdig, bilyun-bilyong mahahalagang oras sa buhay ang naaaksaya samantalang ang mga tao’y nakababad na roon sa harap ng TV. Totoo, may mga programa na mabubuti naman, kawili-wili o marami kang matututuhan. Subali’t ito man ay nakakakunsumo ng malaking panahon. Totoong isang mandarayang mang-aakit ang TV.

21. (a) Ano kaya ang problema ng iba? (b) Ano sa palagay mo ang lunas?

21 Paano maiiwasan ng mga Kristiyano na sila’y mapagnakawan ng “magnanakaw” na ito? Tanging sa pamamagitan ng mahigpit na pamamanihala sa kanilang panahon. Bigyan ng limitasyon ang oras na ginagamit ninyo sa panonood ng TV. Unahin ang mga bagay na mahalaga​—ang mga tao at mga relasyon ay lalong mahalaga kaysa TV. Halimbawa, ikaw ba’y nayayamot pagka may dumating na mga bisita pagka nanonood ka ng iyong paboritong palabas sa TV? At mahirap ba para sa iyo na isara ang TV kahit na kabagut-bagot o hindi mabuti ang iyong napapanood doon? Kung gayo’y mayroon kang problema.​—1 Corinto 9:24-27.

22. Paano natin mababawi ang panahon na ginagamit sa TV para maiukol naman sa mga ibang gawain?

22 Anong praktikal na mga hakbang ang magagawa mo upang mabawi ang mahalagang mga oras na iyon para sa personal na pag-aaral at mga relasyon? Alamin ang mga panoórin na karapat-dapat panoorin ng isang Kristiyano at saka lamang panoorin ito kung wala nang ibang lalong mahalaga na kailangang gawin. Mayroong mga tao na higit pa rito ang ginawa​—sa tahanan nila’y tuluyan nilang inalis ang TV! Ito’y sariling pagpapasiya nila. Nguni’t tunay na walang nawawala sa kanilang espirituwalidad dahilan sa wala silang telebisyon.​—Efeso 5:15, 16.

23, 24. Ano ang magagawa natin upang magpakita ng tunay na pagpapahalaga sa ating mana? (Hebreo 11:26)

23 Kung gayon, ano ang magagawa natin kung ibig nating maingatan ang ating mahalagang mana at hindi maipagbili iyon kapalit ng isang ‘tason ng nilutong lentehas’? Tiyakin ang lalong mahahalagang bagay sa buhay-Kristiyano. Unahin ang mga bagay na mahalaga at kumapit nang mahigpit doon. Puspusang lakipan ito ng mga gawa hanggang sa makamit mo ang regalong buhay na walang hanggan, gaya ni apostol Pablo na ‘nagsumikap tungo sa gantimpala ng paitaas na pagkatawag’ ng Diyos. Tulad ni Jacob, magpakita tayo ng matinding pagpapahalaga sa mana. Tulad ni Moises, tayo’y magsikap na laging ‘nakatindig sa gantimpalang kabayaran.’​—Filipos 1:9, 10; 3:13, 14; Hebreo 11:24-26.

24 Paano natin mapakikilos ang ating sarili upang gawin ang lahat na iyan? Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya. Ikapit ito sa araw-araw sa inyong buhay. Palagiang dumalo sa mga pulong Kristiyano at makinig na mabuti samantalang kayo’y naroroon. Ibigin ang mabuti at kapootan ang masama. Huwag, huwag hamakin ang inyong mana upang matupad lamang ang ano mang pita ng laman na ibig manaig sa inyo. Ang inyong mana, ang buhay na walang hanggan, ay makalilibong higit kaysa ano mang ‘tason ng nilutong lentehas,’ ano man ang katumbas niyan sa ngayon!​—Hebreo 10:24, 25; 12:12-16.

[Talababa]

a Ang pornograpya ay “nasusulat, isinalarawan, o iba pang uri na komunikasyon na ang layunin ay pukawin ang seksuwal na kalibugan. [Galing sa Griegong pornographos, mga isinulat tungkol sa mga patutot . . . ].”​—The American Heritage Dictionary of the English Language.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ba ang mana ng Kristiyano?

◻ Paano niwalang-halaga ni Esau ang kaniyang karapatan sa pagka-panganay?

◻ Tungkol sa kanilang mana anong panganib ang nakaharap sa mga Kristiyano ngayon?

◻ Sa anong iba’t-ibang paraan mapasusulong pa natin ang ating pagpapahalaga?

[Larawan sa pahina 11]

Ang iyong mana ay ipagpapalit mo kaya ng isang ‘tason ng nilutong lentehas’?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share