Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/1 p. 5-8
  • Kung Paano Napawi ang Pag-asang Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Napawi ang Pag-asang Kristiyano
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Napawi ang Pag-asa
  • Dumating ang Dagok ng Kamatayan
  • Kadiliman Noong Panahon ng Edad Medya
  • Ang Pagmamatuwid Protestante
  • Mga Pag-asang Katoliko
  • Hindi Patay ang Pagkamapagbantay ng mga Kristiyano
  • Maligaya ang mga Nasumpungang Nagbabantay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Lumaganap ang Malaking Apostasya
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Ano ang Nangyari sa Kristiyanong Pagbabantay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Patuloy na Maghintay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/1 p. 5-8

Kung Paano Napawi ang Pag-asang Kristiyano

SINABI ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “manatiling nagbabantay” sa kaniyang pagkanaririto at sa pagdating ng kaniyang Kaharian. (Marcos 13:37) Maraming ebidensiya sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang unang-siglong mga Kristiyano ay gumawa niyaon. Sa katunayan, ang iba ay naging walang tiyaga. (2 Tesalonica 2:1, 2) Sa kabilang dako, upang maiwasan ang anumang panghihina ng pag-asang Kristiyano, sina Pablo, Santiago, Pedro at Juan ay pawang sumulat ng mga liham na doo’y pinayuhan nila ang kanilang mga kapatid na manatiling gising sa espirituwal samantalang matiyagang hinihintay ang “pagkanaririto” ni Kristo at “araw ni Jehova.”​—Hebreo 10:25, 37; Santiago 5:7, 8; 1 Pedro 4:7; 2 Pedro 3:1-15; 1 Juan 2:18, 28.

Ang mga reperensiya na inilathala ng mga historyador at mga teologo ng Sangkakristiyanuhan ay kumikilala sa bagay na ito. Sa kaniyang malawak na Supplément, ang awtoritibong Pranses Katolikong Dictionnaire de la Bible ay nagsasabi: “Walang kabuluhan na sikapin na itatuwa ang kalagayan ng pag-asa tungkol sa katapusan na nahahayag sa karamihan ng mga teksto ng Bagong Tipan. . . . Sa mga unang Kristiyanismo . . . ang paghihintay sa Parousia [presensiya] ay gumaganap ng mahalagang bahagi at nagpapatuloy mula sa isang dulo ng B[agong] T[ipan] hanggang sa kabilang dulo.”

Ngunit bakit nga ba ang ilan sa mga teologo ng Sangkakristiyanuhan ay ‘nagsisikap sa anumang paraan na itatuwa ang kalagayan ng pag-asa tungkol sa katapusan’ na mahahalatang palasak sa mga sinaunang Kristiyano? Walang alinlangan, upang ipangatuwiran ang kalagayan ng espirituwal na pagkatulog na umiiral ngayon sa gitna ng maraming umano’y mga Kristiyano at ng kanilang espirituwal na mga lider. Papaano nga nangyari ang pagbabagong ito?

Kung Paano Napawi ang Pag-asa

Ang panghihina ng pag-asang Kristiyano ang isa sa mga bunga ng apostasya na nagsimula nang mahayag kahit na bago namatay ang mga apostol ni Kristo. Ang apostol Pablo ay nagbabala na ang apostasya ay “gumagana na” sa loob ng kongregasyong Kristiyano noong kaniyang kaarawan. (2 Tesalonica 2:3, 4, 7) Makalipas ang mga ilang taon, ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay binabalaan ni apostol Pedro at sinabihan na mag-ingat sila laban sa “huwad na mga guro” at “manlilibak” na magsasabi: “Nasaan ang kaniyang ipinangakong pagkanaririto? Aba, mula nang araw na ang ating mga ninuno ay makatulog sa kamatayan, lahat ng mga bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.”​—2 Pedro 2:1; 3:3, 4.

Kapuna-puna, ang pag-asang Kristiyano ay napanatiling umiiral nang sandaling panahon ng mga naniniwala sa katotohanan ng Kasulatan na ang ipinangakong “pagkanaririto” ay magbabalita ng pagkamalapit ng kaniyang Milenyong Paghahari sa lupa. Si Justin Martyr (namatay humigit-kumulang 165 C.E.), Irenaeus (namatay humigit-kumulang 202 C.E.) at Tertullian (namatay pagkatapos ng 220 C.E.) ay pawang naniniwala sa Milenyong Paghahari ni Kristo at nagrekomenda ng nananabik na pag-asa sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.

Habang lumilipas ang panahon at umuunlad naman ang apostasya, ang milenyong pag-asa na ang lupa’y mababago tungo sa isang pangglobong paraiso sa ilalim ng Kaharian ni Kristo ay unti-unting nahalinhan ng isang guniguning pag-asa na nakasalig sa pilosopyang Griego tungkol sa likas na pagkawalang-kamatayan ng tao. Ang pag-asa tungkol sa Paraiso ay napalipat mula sa lupa tungo sa langit, na kakamtin pagkamatay ng tao. Ang pag-asang Kristiyano tungkol sa parousia, o pagkanaririto, ni Kristo at ang pagdating ng kaniyang Kaharian ay humina. ‘Bakit nga buong pananabik na magbabantay ukol sa tanda ng pagkanaririto ni Jesus,’ ang katuwiran nila ‘gayong maaari kang umasa na makasama ni Kristo sa langit pagkamatay mo?’

Ang pagkapawing ito ng pagiging mapagbantay ng Kristiyano ay nag-udyok sa apostatang mga Kristiyano na mag-organisa sa kanilang sarili ng isang matibay ang pagkatatag na iglesya na ang mga mata ay hindi nga roon nakapako sa darating na parousia, o pagkanaririto, ni Kristo, kundi, bagkus, sa panunupil sa kaniyang mga miyembro at, kung maaari, sa sanlibutan. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang [lumilitaw] na pagkaantala ng Parousia ay nagbunga ng panghihina ng inaasam na pag-asa ng sinaunang iglesya. Sa bagay na ito na ‘deeschatologizing,’ [panghihina ng turo tungkol sa “mga Huling Bagay”] ang itinatag na iglesya ang patuloy na humalili sa inaasahang Kaharian ng Diyos. Ang pagtatayo sa Iglesya Katolika bilang isang herarkiyang institusyon ay tuwirang may kaugnayan sa pag-urong ng pag-asa.”

Dumating ang Dagok ng Kamatayan

Ang “ama,” o “doktor” ng iglesya na nagdala ng dagok na kamatayan sa pagbabantay Kristiyano ay walang alinlangang si Augustine ng Hippo (354-430 C.E.). Sa kaniyang tanyag na katha na The City of God, sinabi ni Augustine: “Ang iglesya ngayon sa lupa ang kapuwa kaharian ni Kristo at kaharian ng langit.”

Ang The New Bible Dictionary ay nagpapaliwanag ng epekto ng ganitong pangmalas sa teolohiyang Katoliko, na ang sabi: “Sa Romano Katolikong teolohiya ang isang natatanging bahagi ay ang pagpapakilala ng kaharian ng Diyos at ng Iglesya sa makalupang katayuan nito, isang pagpapakilala na ang malaking katayuan nito, isang pagpapakilala na ang malaking bahagi ay likha ng impluwensiya ni Augustine. Sa pamamagitan ng eklesiastikong herarkiya si Kristo ay aktuwal na nagiging Hari ng kaharian ng Diyos. Ang larangan ng kaharian ay coterminous [mayroong iisang mga hangganan] kaisa ng mga nasasaklaw ng kapangyarihan at kapamahalaan ng Iglesya. Ang kaharian ng langit ay pinalalawak ng misyon at pagsulong ng Iglesya sa sanlibutan.”

Inalis nito ang lahat ng pangangailangan na “manatiling nagbabantay” para sa tanda na magpapakita na ang Kaharian ng Diyos ay malapit na. Sa pagsulat sa The New Encyclopædia Britannica, si Propesor E. W. Benz ay nagpatunay nito, na ang sabi: “Siya [si Augustine] ang nagpahina sa dating pag-asa sa pamamagitan ng pagpapahayag na ang Kaharian ng Diyos ay nagsimula na sa sanlibutang ito nang itatag ang iglesya; ang iglesya ang makasaysayang kumakatawan sa Kaharian ng Diyos sa Lupa. Ang unang pagkabuhay-muli, ayon kay Augustine ay nagaganap na patuluyan sa loob ng iglesya sa anyo ng sakramento ng Bautismo, na sa pamamagitan nito ang mga tapat ay napapalakip sa Kaharian ng Diyos.”

Si Augustine ay siya ring gumawa ng huling hakbang upang ang Sangkakristiyanuhan ay magtakwil sa maka-Kasulatang pag-asa na Milenyong Paghahari ni Jesu-Kristo na sa panahong iyan. Kaniyang isasauli ang Paraiso sa lupa. (Apocalipsis 20:1-3, 6; 21:1-5) Inaamin ng The Catholic Encyclopedia: “Si San Augustine sa wakas ay nanatili sa paniwala na hindi magkakaroon ng milenyo. . . . Ang sabbath na isang libong taon pagkatapos ng anim na libong taon ng kasaysayan, ay ang buong buhay na walang hanggan; o, sa ibang salita, ang numerong isang libo ay nilayon na magpahayag ng kasakdalan.” Ang Britannica Macropædia (1977) ay nagsususog: “Para sa kaniya [Augustine] ang milenyo ang naging isang espirituwal na kalagayan na doon sama-samang pumasok ang iglesya noong Pentecostes. . . . Walang inaasahan na darating pang sobrenatural na pamamagitan sa kasaysayan.” Sa gayon, para sa mga Katoliko, ang panalanging “dumating nawa ang kaharian mo” ay naging walang kabuluhan.

Kadiliman Noong Panahon ng Edad Medya

Ang interpretasyon ni Augustine, ayon sa sabi sa atin, ay “naging pamantayang doktrina noong edad medya.” Ang pag-asang Kristiyano, samakatuwid, ay sumapit sa pinakamababang antas sa lahat ng panahon. Ating mababasa: “Sa Sangkakristiyanuhan noong Edad Medya, ang Bagong Tipan na eschatology ay binigyan ng kaniyang dako sa isang dogmatikong sistema na kung saan ang pilosopikal na mga pundasyon ay noong una Platonistiko [galing sa Griegong pilosopo na si Plato] at, nang malaunan sa kanluran, Aristotelian [saling sa Griegong pilosopong si Aristotle]. Ang tradisyonal na kuru-kuro tungkol sa parousia, pagkabuhay-muli at iba pa ay sinamahan ng kuru-kurong Griego tungkol sa kaluluwa at sa pagkawalang-kamatayan nito. . . . Ang Kristiyanismo noong Edad Medya . . . [nag-iwan] ng munting dako para sa eschatological na kaisipan. Gayunman, ang kaisipang ito ay hindi namatay; ito’y nabuhay sa mga kilusan ng mga erehes.”​—Encyclopædia Britannica, edisyon ng 1970.

Ang Iglesya Katolika Romana ay humahamak sa gayong “mga kilusan ng mga erehes,” at ang tawag sa mga ito ay “millennialist sects.” Ang mga historyador nito ay nangungusap na may paghamak sa “Taóng-1000 Pananakot.” Ngunit kanino bang kasalanan kung bakit marami sa mga karaniwang tao ang natatakot na ang daigdig ay magwawakas sa taóng 1000? Itong “pananakot” na ito ay isang tuwirang resulta ng turo ng Katolikong “Santong” si Augustine. Kaniyang iniaaral na si Satanas ay ginapos noong panahon ng unang pagparito ni Kristo. Yamang ang Apocalipsis 20:3, 7, 8 ay nagsasabi na si Satanas ay igagapos ng isang libong taon at pagkatapos “palalayain . . . upang dayain ang lahat ng bansa” (The Jerusalem Bible), hindi kataka-taka na ang mga ibang tao noong ika-sampung siglo ay natatakot sa kung ano nga ang mangyayari sa taóng 1000.

Natural, ang opisyal na Iglesya Katolika Romana ay humatol sa “pananakot” na ito, at ganoon din humatol si Cistercian Abbot Joachim ng Flora, na humula ng wakas ng panahong Kristiyano para sa taóng 1260. Sa wakas, noong 1516, sa Fifth Lateran Council, si Papa Leo X ay opisyal na nagbawal sa sinumang Katoliko na manghula kung kailan darating ang Anti-Kristo at ang Huling Paghuhukom. Ang paglabag sa ganiyang kautusan ay nagdala ng parusang pagtitiwalag!

Ang Pagmamatuwid Protestante

Sa teoriya, ang Repormasyon noong ika-16 na siglo, taglay ang ipinagpapalagay na panunumbalik niyaon sa Bibliya, ay dapat sanang nagdala ng muling pagbuhay sa pag-asang Kristiyano. At ganoon na nga ang ginawa nito sa loob ng sandaling panahon. Subalit sa bagay na ito, tulad din sa maraming iba, hindi tinupad ng Repormasyon ang kaniyang mga pangako. Hindi nagbigay ito ng tanda na pagkakakilanlan na ito ay bumalik na sa tunay na pagka-Kristiyanong sinusuhayan ng Bibliya. Ang mga relihiyosong Protestante na ibinunga ng Repormasyon ay dagling nawalan ng kanilang pagkamapagbantay bilang mga Kristiyano at nakipagkumpromiso sa kasalukuyang sanlibutan.

Ating mababasa: “Ang mga iglesya ng Repormasyon, gayumpaman, ay dagling naging mga institusyunal na [pambansang] mga simbahan na may mga teritoryo, na ito ang sa wakas pumatay sa pag-asa, at ang gayong mga doktrina ng ‘huling mga bagay’ ay naging isang apendise sa dogmatics.” “Sa relihiyosong liberalismo na bumangon, lalung-lalo na sa mga Protestante at mga Judio, sa may dulo ng ika-18 siglo patuloy hanggang sa ika-19 na siglo, ang escatology ay hindi nakasumpong ng dako. Ito’y itinuring na bahagi ng sinauna, primitibo, lipas nang mga palamuti ng tradisyonal na relihiyon na hindi na maaaring tanggapin sa panahon ng kaliwanagan. Sa karamihan ng kaso, ang eschatological na mga ideya ay tinakwil nang lubusan, at isang simpleng turo na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ang inihalili bilang wakas ng tao. Ang mga ibang teologo ay nagbigay ng isa pang interpretasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos bilang pag-asa ayon sa mga terminong etikal, mahiwaga o panlipunan.”​—Encyclopædia Britannica.

Sa gayon, sa halip na tulungan ang mga Kristiyano na “manatiling nagbabantay” para sa pagkanaririto ni Kristo at sa pagdating ng Kaharian ng Diyos, ang mga teologong Protestante ay nagmatuwid sa ganang sarili upang maitabi ang tunay na pag-asang Kristiyano. Para sa marami sa kanila, “ang kaharian ng Diyos . . . ay patuloy na inihulog sa indibiduwal na pangangahulugan; ito ang pagkasoberano ng biyaya at kapayapaan sa mga puso ng mga tao.” Para sa mga iba, “ang pagdating ng kaharian ay yaong pasulong na pag-unlad ng panlipunang katuwiran at pangkomunidad na pagsulong.”​—The New Bible Dictionary (Protestante).

Mga Pag-asang Katoliko

Sa teoriya, humigit-kumulang, ang mga Katoliko ay kailangang magbantay sa espirituwal ukol sa pagdating ni Kristo. Sa kabila ng teolohiya ni Augustine na siyang pumatay sa pag-asa sa Kaharian at ng milenyong pag-asa para sa mga Katoliko, kasali pa rin sa turo ng Iglesya Romana ang tungkuling Kristiyano na manatiling nagbabantay para sa pagbabalik ni Kristo. Halimbawa, ang Congregation for the Doctrine of the Faith ng Vaticano ay nagpadala sa mga obispong Katoliko sa buong daigdig ng isang liham, aprobado ni Papa John Paul II at may petsa na Mayo 17, 1979, na ang sabi: “Kasuwato ng Kasulatan, hinihintay ng Iglesya ‘ang maluwalhating pagpapakita ng Ating Panginoong Jesu-Kristo.’ ”

Ganiyan ang turo ng Iglesya Katolika kung sa teoriya. Subalit, kung sa aktuwal, gaano bang kalimit napapakinggan ng karaniwang Katoliko ang kaniyang pari na nangangaral tungkol sa pangangailangan na manatiling nagbabantay para sa presensiya ni Kristo at sa pagdating ng Kaharian ng Diyos? Kapuna-puna, ang mismong layunin ng binanggit na liham buhat sa Roma Curia ay upang “palakasin ang pananampalataya ng mga Kristiyano sa mga punto na itinanong.” Subalit bakit ang pagbabalik ni Kristo ay kinustiyon ng umano’y mga Kristiyano? Ang sagot kaya ay ipinahihiwatig ng sumusunod na sinipi buhat sa The New Encyclopædia Britannica? “Ang iglesya ay malaon nang nagpabaya tungkol sa mga turo sa buong saklaw ng mga huling bagay.” “Buhat ng Repormasyon, ang Iglesya Romano ay halos wala nang kinalaman sa mga kilusang eschatological.”

Hindi Patay ang Pagkamapagbantay ng mga Kristiyano

Ang pag-asang Kristiyano ay pumanaw sa loob ng mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan sapagkat kanilang itinakwil ang malinaw na mga katotohanan ng Bibliya at ang pinili nila ay sundin ang pilosopong Griego at ang teolohiya ni “San” Augustine. Ang sumusunod na mga artikulo ay magpapakita na ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay laging namumuhay na ang inaasahan ay ang pagkanaririto ni Kristo, at na may umiiral sa ngayon na isang bayan na nagpatunay sa kanilang pagkamapagbantay bilang mga Kristiyano sa loob ng mga taóng lumipas at sila’y muling nakatuklas ng isang kahanga-hangang pag-asa na maaaring kanilang sundin. Pakisuyong ipagpatuloy mo ang pagbabasa at pagkatapos hilingin sa isa sa mga Saksi ni Jehova na tulungan ka na “manatiling nagbabantay” para sa katuparan ng pag-asang iyan sa Bibliya.

[Blurb sa pahina 5]

“Walang kabuluhan . . . na itatuwa ang kalagayan ng pag-asa tungkol sa katapusan na nahahayag sa karamihan ng mga teksto ng Bagong Tipan”

[Larawan sa pahina 6]

May paniwala si Augustine na ang iglesya sa lupa ang Kaharian ni Kristo

[Larawan sa pahina 7]

Si Papa Leo X ang nagbawal na manghula ang mga Katoliko tungkol sa kung kailan ang Huling Paghuhukom

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share