Ano ang Nangyari sa Kristiyanong Pagbabantay?
“ANG sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Magbantay.” Ang mga salitang iyan ni Jesu-Kristo ay umaalingawngaw sa pakinig ng taimtim na mga Kristiyano sa loob ng lumipas na mga siglo. Ngunit ilang mga miyembro ng Romano Katoliko, Silangang Orthodoxo o mga palasak na mga Iglesyang Protestante ang mayroon pa ng ganiyang matalim na mga babala sa kanilang mga pandinig?—Marcos 13:37, King James Version.
Bakit nga ang mga Kristiyano ay kailangang manatiling nagbabantay? Kasasabi lamang ni Jesus: “Manatiling nagbabantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang panginoon ng sambahayan ay darating, . . . upang kung siya’y dumating na bigla, hindi kayo masumpungan na natutulog.” (Marcos 13:35, 36) Kaya’t ang mga alagad ni Jesus ay kailangang manatiling nagbabantay sa pagdating ng kanilang Panginoon, alalaon baga, ang pagdating ni Kristo.
Ano ba ang layunin ng pagdating ni Jesus? Ang kaniyang utos na magbantay ay ibinigay bilang bahagi ng kaniyang sagot sa mahalagang tanong na iniharap sa kaniya ng mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay [“katapusan ng sanlibutan,” KJ]?” (Mateo 24:3) Sang-ayon sa isang nahahawig na ulat, pagkatapos na magbigay ng maraming-bahaging tanda, sinabi ni Jesus: “Kung magkagayon makita ninyo ang Anak ng tao na dumarating sa alapaap na may taglay na kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Subalit pagsisimulang maganap ng mga bagay na ito, ituwid ninyo ang inyong sarili at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong kaligtasan ay malapit na. . . . Pagka nakita ninyo ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”—Lucas 21:27-31.
Mabubuting Dahilan sa Pagbabantay
Sa gayon, si Jesu-Kristo ay nagbigay sa kaniyang mga alagad ng mabubuting dahilan na manatiling gising sa espirituwal at abangan ang katuparan ng “tanda.” Ito’y nangangahulugan na ang kanilang Panginoon ay di nakikita ngunit ‘presente,’ sapagkat walang tanda na kakailanganin kung ang kaniyang pagkanaririto o presensiya ay pisikal, nakikita. Subalit ang kaniyang espirituwal na pagkanaririto ay mangangahulugan din na ang balakyot na “sanlibutan,” o “sistema ng mga bagay,” ay pumasok na sa kaniyang “kawakasan,” o panahon ng katapusan. At para sa mga Kristiyano, mangangahulugan iyon na ang kanilang ‘pagkaligtas ay malapit na.’ Oo, mangangahulugan iyon na “ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”
Hindi baga ito ang mismong diwa ng pag-asang Kristiyano? Hindi ba ito ang mismong bagay na dapat na ipanalangin ng lahat ng Kristiyano at itinuro sa kanila: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo, dumating nawa ang kaharian mo, gawin nawa ang kalooban mo, sa lupa gaya ng sa langit”? (Mateo 6:9, 10, The Jerusalem Bible) Upang maging makatuwiran, hindi baga ang mga Katoliko na umuulit ng kanilang Padre Nuestro o ang mga miyembro ng mga ibang relihiyon na bumibigkas ng Panalangin ng Panginoon ay kinakailangang magbantay upang makita na ang kanilang mga panalangin ay natutupad? O maaari kaya na ang turo ng kanilang mga relihiyon ang nagbawas ng kahulugan sa panalanging iyan, kung kaya’t wala ng gaanong natitira riyan para sa kanila upang sila’y magbantay?
Bakit Marami ang Hindi Na Nagbabantay
Ang mga Kristiyano ay kailangang magbantay para sa tanda ng pagkanaririto ni Kristo (Griego, pa·rou·siʹa, isinalin na “pagparito” sa maraming bersiyon ng Bibliya). Bakit? Sapagkat ito’y mangangahulugan na ang Kaharian ng Diyos, ang kanilang sariling pagkaligtas at ang katapusan ng “sanlibutan,” o kasalukuyang balakyot na “sistema ng mga bagay,” ay malapit na. Ang sarisaring relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay dapat sanang tumulong sa kanilang mga miyembro na manatiling espirituwal na gising upang sila’y huwag masumpungan na natutulog pagdating ng Panginoon. Natupad baga ng mga relihiyon ang kanilang misyon kung tungkol sa bagay na ito?
Isang matalisik na reperensiya ang nagsasabi: “Sa paglakad ng panahon na hindi dumarating ang parousia ito’y napalayo nang napalayo sa hinaharap kung tungkol sa iglesya, at sa wakas napasapanganib ito na makalimutan na bilang isang artikulo ng pananampalataya.”—The New International Dictionary of New Testament Theology.
Ito, sa katunayan, ang nangyari. Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nakalimot sa Kristiyanong pagkamapagbantay na iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad na huwag pababayaan. Hindi na sila ngayon naalerto sa presensiya ni Kristo at sa pagdating ng Kaharian ng Diyos. Kanilang pinawi ang damdamin ng paghihintay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” o “ang katapusan ng sanlibutan.”
Ang Pranses na isang-tomong encyclopedia QUID 1984 ay nagbibigay ng isang tamang depinisyon ng paniwalang relihiyoso tungkol sa katapusan ng sanlibutan. Sa ilalim ng “Characteristics of the Catholic Religion,” sinasabi nito: “Ang Simbahan sa kasalukuyan ay lumilitaw na ang depinisyon sa katapusan ng Sanlibutan ay yaong indibiduwal na pagsubok sa bawat tao na napapaharap sa kaniya pagka siya ay namatay.” Pinalawak pa ang problema, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang lalong tatag na mga relihiyong Kristiyano ay nagpuwera ng eschatology [ang turo tungkol sa “mga Huling Bagay”] bilang walang kabuluhan o isang walang kahulugang pabula.”
Samakatuwid, ano ang nakapagtataka ngunit hindi maiiwasang sagot sa tanong na “Ano ang nangyari sa Kristiyanong pagbabantay?” Ito’y pinatay ng “lalong matatatag na mga relihiyong Kristiyano,” alalaong baga, ang Romano Katoliko, Silanganing Orthodox at palasak na mga relihiyong Protestante. Bagama’t ang mga miyembro ng mga relihiyong ito ay hindi siyang masisisi, marami sa kanila ang nagtataka kung paano at kung bakit sa kanilang relihiyon ay naglaho ang Kristiyanong pagbabantay sa presensiya ni Kristo, sa pagdating ng Kaharian ng Diyos at sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Ang mga pangyayari sa kasaysayan na umakay tungo sa paniwalang ito ay susuriin sa sumusunod na artikulo.