Manatiling Laging Handa!
“Manatiling laging handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo sukat akalain ay darating ang Anak ng tao.”—LUCAS 12:40.
1. Ano ang sinabi ni Kristo tungkol sa pangangailangan na manatiling nagbabantay?
SI Jesu-Kristo ay nagpayo sa kaniyang mga tagasunod na maging mapagbantay. Halimbawa, sinabi niya: “Datapuwat, mangagbantay kayo; patiunang sinabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay. . . . At kung magkagayon makikita nila ang Anak ng tao na napariritong nasa mga alapaap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. . . . Tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama. Manatiling nagmamasid, laging gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon. Ito’y gaya ng isang taong naglalakbay sa ibang lupain na lumisan sa kaniyang bahay at nagbigay ng kapamahalaan sa kaniyang mga alipin, sa bawat isa’y ang kaniyang gawain, at nag-utos sa bantay-pinto na manatiling nagbabantay. Kaya’t kayo’y manatiling nagbabantay sapagkat hindi ninyo alam kung kailan paririto ang panginoon ng bahay, kung sa hapon o sa hatinggabi o sa pagtilaok ng manok o kinaumagahan; upang pagdating niya nang bigla, hindi niya kayo madatnang natutulog. Ngunit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, kayo’y manatiling nagbabantay.”—Marcos 13:23-37.
2. Bakit ang modelong panalangin ay nagpapahiwatig ng pagbabantay, ngunit paano pinahina ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang pag-asa sa Kaharian?
2 Ang naunang mga artikulo ay nagbigay nang saganang ebidensiya buhat sa walang kinikilingang mga pinagkunan na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi ‘nanatiling nagbabantay.’ Sang-ayon sa The Catholic Encyclopedia, kanilang pinahina ang pag-asa sa Kaharian sa pamamagitan ng pag-aangkin na “ang kaharian ng Diyos ay nangangahulugan . . . ng paghahari ng Diyos sa ating mga puso,” sa gayo’y naalis ang lahat ng kahulugan sa modelong panalangin, o Panalangin ng Panginoon. Gayunman sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang mga kahilingan ng Panalangin ng Panginoon ay nagpapahiwatig ng mga kalagayan na ang pangalan ng Diyos at kalooban niya ay nilalapastangan, na ang kaniyang Kaharian ay hindi pa dumarating.” Oo, ang modelong panalangin ay nagpapahiwatig ng pagbabantay. Sa tiyakan, ano bang mga bagay ang kinakailangang bantayan ng mga Kristiyano?
“Nagbabantay”—Sa Ano?
3. Bakit hindi maaaring kaligtaan ng mga Kristiyano ang bahagi na may kinalaman sa panahon?
3 Ang masusing pagsusuri ng mga hula sa Bibliya tungkol sa “mga Huling Bagay” ay nagsisiwalat ng tiyakang mga bagay na tungkol dito’y dapat “manatiling nagbabantay” ang mga Kristiyano. Una, hindi nila maaaring kaligtaan ang bahagi na may kinalaman sa panahon, sapagkat may binanggit si Jesu-Kristo na isang “takdang panahon” na walang nakakaalam kundi ang kaniyang Ama. (Marcos 13:32, 33) Bukod dito, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang Jerusalem ay “yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang takdang mga panahon ng mga bansa [Gentil] ay maganap.” (Lucas 21:24) Maliwanag, binigyan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod ng impormasyong ito upang tulungan sila na makilala ang panahon ng kawakasan, sapagkat ito ay bahagi ng kaniyang sagot sa tanong na: “Guro, kailan aktuwal na mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda pagka ang mga bagay na ito ay inilaan nang mangyari?”—Lucas 21:7.
4. Sa anong “tanda” kailangang manatiling nagbabantay ang mga Kristiyano?
4 Bukod sa kanilang pagbibigay pansin sa bahaging may kinalaman sa panahon, ang mga Kristiyano ay kailangang magbantay ukol sa hinihingi na “tanda,” na binabanggit din sa Mateo 24:3 at Marcos 13:4. Ang maraming-bahaging tandang ito—kasali na ang pandaigdig na mga digmaan, taggutom, lindol, mga salot at pag-uusig sa mga tunay na Kristiyano—ay kaugnay ng katuparan ng mga hula na may kinalaman sa panahon upang makilala ang “salinlahi” na “sa anumang paraan ay hindi lilipas” hanggang sa lahat ng bagay ay maganap sa panahon ng kawakasan na aktuwal na magaganap.—Lucas 21:10-12, 32.
5. Paanong si Kristo ay sasa-kaniyang mga tunay na tagasunod sa lahat ng panahon, ngunit ito ba lamang ang tinutukoy niya nang banggitin niya ang tanda ng kaniyang “pagkanaririto”?
5 Anong mahalagang mga pangyayari na may kaugnayan sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ang ibabalita ng tandang ito? Ang mga alagad ni Jesus ay nagtanong sa kaniya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [Griego, pa·rou·siʹa]?” (Mateo 24:3) Ano ang kahulugan ng “pagkanaririto” ni Kristo? Higit pa sa espirituwal na pakikisama sa kaniyang mga tunay na tagasunod pagka sila’y nagkakasama-sama o nagsasagawa ng kanilang misyon na gumawa ng mga alagad. Kaniyang susuportahan ang kaniyang mga tagasunod sa ganitong paraan sa lahat ng panahon. (Mateo 18:20; 28:18-20) Kahit na ang mga teologo ng Sangkakristiyanuhan ay umaamin na ang salitang “pagkanaririto” o presensiya ay mayroong natatanging kahulugan. Sinasabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang ideya ng parousia ay ngayon may kaugnayan sa pag-asa ng iglesya tungkol sa pagparito ni Kristo sa katapusan ng yugto ng panahon.” Mula sa pasimula hanggang sa katapusan, ang Kristiyanong mga Kasulatang Griego ay nagpapayo sa mga Kristiyano na mamuhay na taglay ang pag-asa na paparito si Kristo.—Mateo 24:3, 27, 37, 39; Santiago 5:7, 8; 2 Pedro 3:3, 4; 1 Juan 2:28; Apocalipsis 1:7; 22:7.
6. (a) Ano ang kahulugan para sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay ng pagkanaririto ni Kristo? (b) Paano maaapektuhan ng pagkanaririto ni Kristo ang pinahirang mga Kristiyano na nangamatay na tapat at pati yaong buháy pa sa lupa?
6 Ang pagkanaririto ni Kristo ay mangangahulugan ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3; Marcos 13:4) Mangangahulugan ito na ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay sumapit na sa kaniyang “panahon ng kawakasan,” o “mga huling araw.” (Daniel 12:4, 9; 2 Timoteo 3:1-5) Mangangahulugan ito na tinanggap na ni Kristo sa kaniyang Ama ang utos na pagharian ang lupa ng kaniyang Kaharian ‘sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ (Awit 110:2; 2:6-9; Apocalipsis 11:15-18) Bago hukuman ang sanlibutan sa pangkalahatan, dadalawin at susuriin ni Kristo ang kaniyang sariling kongregasyon at bubuhaying-muli ang pinahirang mga Kristiyano na nangamatay na tapat. (1 Corinto 15:21, 23; 1 Tesalonica 2:19; 3:13; 4:13-17; 2 Tesalonica 2:1) Ang pinahirang mga Kristiyano na buháy pa sa lupa at tapat na naglilingkod bilang “alipin” ni Kristo sa pamamagitan ng pananatiling gising sa espirituwal at paglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” ay hihirangin ni Kristo “upang mangasiwa sa lahat ng kaniyang ari-arian,” o mga intereses ng Kaharian sa lupa. (Mateo 24:45-47; Lucas 12:42-44) Ang “tapat at maingat na alipin” na ito ay magsasagawa at mangangasiwa ng isang pambuong daigdig na gawain na pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian,” at ‘kung magkagayon darating ang wakas.’—Mateo 24:14.
7. Kahit sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, ano pang ibang tanda ang kailangang bantayan ng mga Kristiyano, at bakit patuloy pa rin silang mananalangin na “dumating” na sana ang Kaharian ng Diyos?
7 Ang mga tunay na Kristiyano ay ‘mananatiling nagbabantay’ para sa lahat ng mga bagay na ito na magpapatunay na sila’y nabubuhay sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo at ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kahit na sa “panahon ng kawakasan,” sila’y kailangang manatiling nagbabantay ukol sa “tanda ng Anak ng tao,” ng kaniyang “pagparito” upang parusahan ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. (Mateo 24:30, 44; Marcos 13:26, 35; Lucas 12:40; 21:27; 2 Tesalonica 1:7-10) Sa gayon, bagama’t siya ay magiging ‘presente’ at ang kaniyang Kaharian ay natatag na sa panahong iyon, kapuwa siya at ang kaniyang Kaharian ay kailangan pang “dumating” at ‘durugin at wakasan’ ang mga bansa at ang mga kaharian ng sanlibutan ni Satanas. (Daniel 2:44) Ipinaliliwanag nito kung bakit, pagkatapos na ibigay ang mga bahagi ng “tanda” ng kaniyang pagkanaririto, isinusog pa ni Kristo: “Pagka nakita ninyong naganap na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Lucas 21:31) Oo, kahit na sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, ang mga Kristiyano ay mananalangin pa rin na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos, at sila pa rin ay kakailanganin na “manatiling nagmamasid” at “manatiling gising” tungkol sa itinakdang panahon ng “kawakasan” at ng kanilang “kaligtasan.”—Marcos 13:7, 29, 32-37; Lucas 21:9, 28.
Sino ang Nagpatunay na ‘Mapagbantay’?
8. Isa-isahin uli ang mga bagay na dapat bantayan ng mga Kristiyano.
8 Nakita na natin na ang mga Kristiyano ay kailangang mamuhay na inaasahan ang pagdating ng wakas ng “tinakdang mga panahon sa mga bansa.” Sila’y kailangang magbantay ukol sa ‘tanda ng pagkanaririto ni Kristo at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ Kanilang hihintayin ang pagkabuhay-muli ng pinahirang mga Kristiyano na nangamatay na tapat at taglay ang malinaw na pagkakilala sa “tapat at maingat na alipin” na pangkat na hihirangin na mangasiwa sa makalupang mga intereses ng Kaharian ni Kristo. Sa wakas, itong “alipin” na ito ay patuloy na magbibigay ng espirituwal na pagkain, samantalang nangunguna sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa” bago sumapit “ang wakas.” “Ang tanda ng Anak ng tao” ay lilitaw sa pamamagitan ng kaniyang “pagparito” upang puksain ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas.
9. Sino ang nagpatunay na nagbabantay ukol sa katapusan ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa,” at paano tinulungan ng Zion’s Watch Tower ang mga Kristiyano upang manatiling gising sa espirituwal?
9 Sino ba ang nagpatunay na “nagbabantay” tungkol sa lahat ng mga bagay na ito? Sing-aga ng 1876, si Charles T. Russell ng Pittsburgh, Pennsylvania, ay matamang nagbabantay sa paghihintay ng wakas ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa,” o “panahon ng mga Gentil.” (King James Version) Nang taon na iyon kaniyang inilathala ang isang artikulo na pinamagatang “Gentile Times: When Do They End?” Dito ay sinabi niya na “ang pitong panahon ay matatapos sa A.D. 1914.” Mula 1880 patuloy, ang impormasyon ding iyan ay inilathala sa mga tudling ng Zion’s Watch Tower. Ang labas noong Marso 1880 ay nagsasabi: “ ‘Ang Panahon ng mga Gentil’ ay umaabot hanggang 1914, at ang makalangit na kaharian ay saka lamang matatatag pagkatapos ng panahong iyan.” Totoo, ang mga estudyante ng Bibliya na sumulat ng mga artikulong iyan, nang panahong iyon ay hindi nagtatamasa ng tiyakan at makasaysayang pagkaunawa sa Bibliya tungkol sa aktuwal na kahulugan ng katapusan ng “tinakdang mga panahon sa mga bansa,” ayon sa pagkaunawa natin sa mga bagay na ito sa ngayon.”a Ngunit ang pinakamahalaga ay na sila’y “nagbabantay” at natulungan nila ang mga kapuwa Kristiyano na manatiling nagbabantay rin sa espirituwal na paraan.
10. Paano ginawang malinaw ang tunay na kahulugan ng “pagkanaririto” ni Kristo?
10 Ang grupo ring iyan ng mga estudyante sa Bibliya na mga kasama ni Charles Russell at ang magasing Zion’s Watch Tower ay tumulong din sa taimtim na mga Kristiyano na makaunawa na ang “pagkanaririto” ni Kristo ay di nakikita, at na hindi siya babalik sa lupa upang magpuno bilang isang taong hari. Patuloy na tinawag-pansin ng mga ito ang “sambahayan” ng Panginoon may kaugnayan sa mga pangyayari sa daigdig tungkol sa “tanda” ng pagkanaririto ni Kristo at ng “panahon ng kawakasan.”
11. (a) Ano ang hindi lubusang naunawaan nang panahong iyon tungkol sa mga kaharian dito sa lupa at sa pinahirang mga Kristiyano na “aagawin”? (b) Ano ang mas mainam na pagkaunawa natin ngayon sa Daniel 2:44 at 1 Tesalonica 4:15-17?
11 May paniniwala noon na ang pagtatatag ng Kaharian sa langit ay mangangahulugan ng agad-agad na pagpuksa sa makalupang mga kaharian at na ang pinahirang mga Kristiyano ay “aagawin” upang makasama ang namatay na pinahirang mga Kristiyano na nakatakdang buhayin-muli sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. (2 Tesalonica 2:1) Ngunit sino ang maaaring sumisi sa kanila sa hindi lubusang pagkaunawa sa panahong iyon na isang malaking gawaing pagtitipon ang kinakailangan munang maganap sa pagitan ng pasimula at ng katapusan ng katuparan ng Daniel 2:44, o na ang ‘pag-agaw’ na binanggit sa 1 Tesalonica 4:15-17 ay tumutukoy sa isang agad-agad na pagkabuhay-muli ng mga pinahiran na namatay pagkatapos ng pasimula ng unang pagkabuhay-muli?—1 Corinto 15:36, 42-44; Roma 6:3.
12. (a) Ano ang inaasahan ni Kristo na masusumpungan niyang ginagawa ng kaniyang tapat na “alipin” pagparito niya upang siyasatin ang kaniyang sambahayan, at sino ang nasumpungan niyang gumagawa ng gayon? (b) Ano ang patuloy na ginagawa magbuhat na noon ng tapat na uring “alipin”?
12 Ating nauunawaan ang mga bagay na ito ngayon, salamat na lamang sa patuloy na pagliliwanag ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” na pangkat. (Kawikaan 4:18) Tungkol sa “alipin,” sinabi ni Jesus: “Sino nga baga ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang panginoon sa kaniyang sambahayan, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung pagdating ng kaniyang panginoon ay maratnan siyang ganoon ang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kaniyang hihirangin siya na mangasiwa sa lahat ng kaniyang pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Nang ang iniluklok na Panginoong Jesus ay magsiyasat sa kaniyang sambahayan noong 1919, nasumpungan niya ang isang grupo ng mga Kristiyano na kaugnay ng magasing Watchtower na tapat na nagsisikap na “manatiling nagbabantay” sa tulong ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” Magpahanggang sa mismong araw na ito, ang uring “alipin” na iyon ay tapat na nagpapatuloy na maglaan ng espirituwal na pagkain upang ang “sambahayan” ng Panginoon at ang kanilang mga kasamahan ay “manatiling nagmamasid, laging gising.”—Marcos 13:33.
Pagkalisto o Katamaran?
13. Ano ang mga dapat itanong sa kanilang sarili ng mga pumipintas sa mga Saksi ni Jehova?
13 Madali para sa tatag na mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at iba pang mga tao na pintasan ang mga Saksi ni Jehova dahilan sa kanilang mga publikasyon na kung minsa’y nagsasabi na may mga bagay na dapat mangyari sa ganoo’t-ganitong mga petsa. Subalit hindi baga ang gayong pagkilos ay kasuwato ng payo ni Kristo na “manatiling nagbabantay”? (Marcos 13:37) Sa kabilang panig, ang mga relihiyon ba ng Sangkakristiyanuhan ay nanghimok sa mga Kristiyano upang maging mapagbantay sa pamamagitan ng kanilang pagtuturo na ang Kaharian ay siyang “pagpupuno ng Diyos sa ating mga puso”? Bagkus, hindi ba sila’y nanghimok tungo sa espirituwal na katamaran sa pamamagitan ng pagtuturo na ang paghihintay sa “wakas” ay “walang kabuluhan” o “isang walang kabuluhang alamat”? Ang mga apostata ba na nag-aangking nagsimula noong Pentecostes ang “mga huling araw” at sumasaklaw sa buong Kapanahunang Kristiyano ay nanghimok na maging listo ang mga Kristiyano? Bagkus, hindi baga ang espirituwal na pagkatulog ang kanilang inihimok?
14. Ano ang mga halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova noong nakaraan na may labis na pagkasabik na makitang matupad ang mga layunin ng Diyos?
14 Totoo, ang ibang mga inaasahang pangyayari na waring sinusuhayan ng kronolohiya ng Bibliya ay hindi natupad sa inaasahang panahon. Subalit hindi baga lalong mas mainam na magkamali dahilan sa labis na kasabikan na makitang ang mga layunin ng Diyos ay natutupad imbis na makatulog sa espirituwal kung tungkol sa katuparan ng mga hula sa Bibliya? Hindi baga si Moises ay nakagawa ng 40-taóng maling kalkulasyon sa pagsisikap na kumilos nang adelantado sa panahon upang matapos na ang paghihirap ng Israel? (Genesis 15:13; Gawa 7:6, 17, 23, 25, 30, 34) Hindi baga ang mga apostol ni Kristo ay labis-labis na nasasabik na makita ang pagkatatag na Kaharian, huwag nang sabihin pa ang kanilang lubusang maling pagkaunawa tungkol sa kung ano nga talaga ang Kaharian? (Gawa 1:6; ihambing ang Lucas 19:11; 24:21.) Hindi baga noon ang pinahirang mga Kristiyano sa Tesalonica ay naiinip sa “pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo” at sa “araw ni Jehova”?—2 Tesalonica 2:1, 2.
15. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na hindi labag sa kasulatan na gumamit ng kronolohiya upang matiyak kung kailan matutupad ang mga layunin ng Diyos, at ano ang bulalas ng tapat na mga lingkod ni Jehova, noong lumipas at ngayon?
15 Wala namang mali at hindi labag sa Kasulatan na tayo’y gumamit ng kronolohiya sa pagsisikap na maalaman “ang takdang panahon” ukol sa katuparan ng mga layunin ng Diyos. (Habacuc 2:3) Si Daniel ay gumawa ng kalkulasyon kung kailan baga matatapos ang kagibaan ng Jerusalem. (Daniel 9:1, 2) Ang tapat na Judiong nalabi noong unang siglo ay umaasa na noon sa pagdating ng Mesiyas sapagkat kanilang kinalkula ang katapusan ng isang panahon, salig sa hula. (Daniel 9:25; Lucas 3:15) Ang mga Kristiyano nang may dulo ng ika-19 na siglo at nang may pasimula ng ika-20 siglo, bago pa nang 1914, ay umaasa na sa paghahari ng Kaharian ng Diyos sapagkat kanilang kinalkula kung kailan matatapos “ang tinakdang mga panahon sa mga bansa.” (Lucas 21:24; Daniel 4:16, 17) Samakatuwid, mauunawaan kung bakit gumawa ng mga iba pang kalkulasyon ng panahon sa Bibliya upang malaman kung kailan matutupad ang malaon nang hinihintay-hintay na pag-asa. Ang tapat na mga lingkod ni Jehova noong lumipas ay bumulalas: “Gaano pang katagal, Oh Jehova?”—Isaias 6:11; Awit 74:10; 94:3.
Bakit Dapat “Manatiling Laging Handa”?
16. (a) Ibig bang sabihin ng Marcos 13:32 na tayo’y hindi dapat maging interesado sa kung kailan darating ang wakas? (b) Anong “tanda” ang kitang-kita na, ngunit ano pang ibang “tanda” ang hinihintay natin?
16 Yamang malinaw na sinabi ni Jesus na walang taong nakakaalam ng “araw na iyon” o ng “oras” kung kailan uutusan ng Ama ang kaniyang anak na ‘pumarito’ laban sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas, marahil ay itatanong ng iba: ‘Bakit nga lubhang kailangan na tayo’y mamuhay na inaasahan ang pagdating ng wakas?’ Ito’y lubhang kailangan sapagkat sa ganoon ding pagkakataon, sinusog ni Jesus: “Manatiling nagmamasid, laging gising . . . manatiling nagbabantay.” (Marcos 13:32-35) Ang “tanda” ng parousia ni Jesus ay kitang-kita sapol noong 1914. Atin ngayong hinihintay “ang tanda ng Anak ng tao,” sa kaniyang ‘pagdating’ bilang Tagapuksang hinirang ni Jehova.
17, 18. (a) Bakit iniutos ni Jesus sa unang-siglong mga Kristiyano na sila’y agad-agad tumakas buhat sa Jerusalem pagkakita nila ng tanda ng napipintong pagkapuksa niyaon? (b) Bakit mapanganib na ipagmatuwid na tayo’y hindi kailangang mag-apura sa panahon nating ito?
17 Nang magbigay si Jesus sa unang-siglong mga Kristiyano sa Judea ng isang tanda na sa pamamagitan niyao’y kanilang malalaman na ang panahon ay dumating na upang sila’y tumakas buhat sa Jerusalem, iginiit niya na kailangang kumilos sila agad-agad. (Lucas 21:20-23) Bakit may ganiyang pagkaapurahan, yamang halos apat na taon na ang lumipas buhat nang lumitaw ang tanda noong 66 C.E. at nang maganap ang aktuwal na pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E.? Sapagkat alam ni Jesus na kung sila’y magpapaliban pa, patuloy na maaantala ang kanilang pagtakas at sa bandang huli sila ay aabutan ng mga hukbong Romano.
18 Gayundin naman sa ngayon, lubhang mapanganib na ipagmatuwid ng mga Kristiyano na tayo’y hindi kailangang mag-apura sa panahon nating ito at tayo’y magpa-easy-easy lamang na nagpapakilalang nag-aalinlangan tayo tungkol sa pagkamalapit na ng wakas.
19. Anong babala ang binigay ni Pedro at ni Jesus?
19 Ang parousia, o pagkanaririto, ni Kristo ay mayroon na ngayong mahigit na 70 taon, at ang kaniyang “pagparito” ukol sa “araw ni Jehova” ng pagkilos laban sa sanlibutan ni Satanas ay mabilis na lumalapit na. Si apostol Pedro ay nagsabi na ang araw na ito ay “darating na gaya ng isang magnanakaw,” at isinusog niya na tayo’y dapat na ‘naghihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ (2 Pedro 3:10-12) Si Jesus ay nagbabala rin naman sa atin: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo. . . . Manatili kayong gising.”—Lucas 21:34-36.
20. Ukol sa ano tayo dapat magpasalamat at paano tayo iingatan ng wastong paghihintay natin bilang mga Kristiyano?
20 Anong ligaya at anong laking pasasalamat ng mga Saksi ni Jehova dahil sa sila’y pinapanatiling gising sa espirituwal ng tapat at mapagbantay na uring “alipin”! Iingatan tayo ng wastong paghihintay natin bilang mga Kristiyano sa mapanganib na “mga huling araw” na ito at pasisiglahin tayo na makibahagi nang puspusan sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” Sa ganoo’y matutulungan natin ang iba na manatiling nagbabantay at sila’y makaliligtas tungo sa bagong sistema ng mga bagay na “tinatahanan ng katuwiran.”—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:14; 2 Pedro 3:13.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” kabanata 14, at ang apendise sa kabanatang ito sa may dulo ng aklat.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit hindi dapat kaligtaan ng mga Kristiyano ang tungkol sa panahon sa kronolohiya ng Bibliya?
◻ Nagkaroon ng anong natatanging kahulugan ang salitang “pagkanaririto”?
◻ Bakit angkop pa rin na ipanalanging dumating na sana ang Kaharian ng Diyos?
◻ Paano mo sasagutin ang mga pumipintas sa mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa kronolohiya?
◻ Bakit mapanganib na ipagmatuwid na tayo’y hindi kailangang mag-apura sa panahon nating ito?
[Kahon sa pahina 18]
Mga Bagay na Dapat Bantayan ng mga Kristiyano
Ang wakas ng “tinakdang mga panahon sa mga bansa.”—Lucas 21:24.
“Ang tanda” ng pagkanaririto ni Kristo “at ang katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 24:3–25:46.
Ang malinaw na pagkakakilanlan sa uring “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
Ang “tanda ng Anak ng tao,” kung kailan siya ‘dumarating’ upang isakatuparan ang mga kahatulan ni Jehova.—Mateo 24:30.
[Larawan sa pahina 17]
Si C. T. Russell at ang kaniyang mga kasamahan ay nanatiling nagbabantay