Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/15 p. 15-20
  • Maghintay Nang “May-pananabik na Pag-asam”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maghintay Nang “May-pananabik na Pag-asam”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagiging Mapagbantay sa Panahon ng Pagkanaririto ni Kristo
  • Bakit Darating si Jesu-Kristo?
  • May-Pananabik na Naghihintay sa Pagkakasiwalat kay Kristo
  • “Ang May-Pananabik na Pag-asam ng Paglalang”
  • Nangangahulugan ng Kaligtasan ang Pagtitiis ni Jehova
  • Patuloy na Maghintay Nang May Pagbabata
  • Manatiling Laging Handa!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Magsaya Tayo sa Ating Pag-asa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Patuloy na Maghintay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Ang Ating Aktibong Lider sa Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/15 p. 15-20

Maghintay Nang “May-pananabik na Pag-asam”

“Ang may-pananabik na pag-asam ng paglalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.”​—ROMA 8:19.

1. Ano ang pagkakahawig sa situwasyon ng mga Kristiyano sa ngayon at sa mga Kristiyano noong unang siglo?

ANG situwasyon ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nakakahawig niyaong sa mga Kristiyano noong unang siglo. Isang hula ang nakatulong sa mga lingkod ni Jehova noon na matiyak kung kailan nakatakdang lumitaw ang Mesiyas. (Daniel 9:24-​26) Sinabi rin ng hulang iyon ang pagkapuksa ng Jerusalem ngunit hindi nagbigay ng mga impormasyon na magpapangyaring patiunang malaman ng mga Kristiyano kung kailan wawasakin ang lunsod na iyon. (Daniel 9:26b, 27) Sa katulad na paraan, isang hula na ibinigay ng Diyos ang nag-udyok sa taimtim na mga estudyante ng Bibliya noong ika-19 na siglo para umasam. Sa pamamagitan ng pag-uugnay sa “pitong panahon” ng Daniel 4:25 sa “mga panahon ng mga Gentil,” kanilang inasahan na tatanggapin ni Kristo ang kapangyarihan sa Kaharian noong 1914. (Lucas 21:24, King James Version; Ezekiel 21:25-​27) Bagaman maraming hula sa aklat ng Daniel, wala sa mga ito ang nagpapangyari sa mga estudyante ng Bibliya sa ngayon na matantiya kung kailan eksaktong pupuksain ang buong sistema ng mga bagay ni Satanas. (Daniel 2:31-​44; 8:23-​25; 11:36, 44, 45) Gayunman, malapit na itong mangyari, sapagkat nabubuhay tayo sa “panahon ng kawakasan.”​—Daniel 12:4.a

Pagiging Mapagbantay sa Panahon ng Pagkanaririto ni Kristo

2, 3. (a) Ano ang nagsisilbing pangunahing patotoo na tayo ay nabubuhay sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo taglay ang makaharing kapangyarihan? (b) Ano ang nagpapakita na ang mga Kristiyano ay dapat na manatiling mapagbantay sa panahon ng pagkanaririto ni Jesu-Kristo?

2 Totoo, dahil sa isang hula ay naghintay ang mga Kristiyano bago pagkalooban si Kristo ng kapangyarihan sa Kaharian noong 1914. Ngunit ang “tanda” na ibinigay ni Kristo tungkol sa kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay ay nagtampok ng mga pangyayari. At karamihan sa mga ito ay masasaksihan matapos magsimula ang kaniyang pagkanaririto. Ang gayong mga pangyayari​—mga digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, salot, paglago ng katampalasan, pag-uusig sa mga Kristiyano, at pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig​—ay nagsisilbing pangunahing patotoo na tayo ngayon ay nabubuhay sa pagkanaririto ni Kristo taglay ang makaharing kapangyarihan.​—Mateo 24:3-​14; Lucas 21:10, 11.

3 Gayunman, ang buong diwa ng panghuling payo ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, . . . manatili kayong mapagbantay.” (Marcos 13:33, 37; Lucas 21:36) Ang maingat na pagbasa sa konteksto ng mga payong ito na maging mapagbantay ay nagpapakita na ang pangunahing tinutukoy ni Kristo ay hindi ang pananatiling mapagbantay sa tanda ng pagsisimula ng kaniyang pagkanaririto. Sa halip, inuutusan niya ang kaniyang mga tunay na alagad na manatiling mapagbantay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Bakit kailangang manatiling mapagbantay ang mga tunay na Kristiyano?

4. Sa anong layunin magsisilbi ang tanda na ibinigay ni Jesus?

4 Ibinigay ni Jesus ang kaniyang dakilang hula bilang sagot sa tanong: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito [mga pangyayaring hahantong sa pagkapuksa ng Judiong sistema ng mga bagay], at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Ang inihulang tanda ay magpapakilala hindi lamang sa pagkanaririto ni Kristo kundi gayundin sa mga pangyayaring hahantong sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.

5. Paano ipinakita ni Jesus na samantalang naririto sa espirituwal na paraan, siya ay “darating” pa lamang?

5 Ipinakita ni Jesus na sa panahon ng kaniyang “pagkanaririto” (Griego, pa·rou·siʹa) ay darating siya taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian. Hinggil sa gayong “pagdating” (ipinahihiwatig ng mga anyo ng Griegong salita na erʹkho·mai), ipinahayag niya: “Kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. . . . Ngayon ay pag-aralan ang puntong ito mula sa puno ng igos bilang ilustrasyon: Sa sandaling ang mga bagong sanga nito ay nagiging murà at nagsisibol ito ng mga dahon, alam ninyo na ang tag-init ay malapit na. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya [ang Kristo] ay malapit na na nasa mga pintuan. . . . Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. . . . Patunayan din ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”​—Mateo 24:30, 32, 33, 42, 44.

Bakit Darating si Jesu-Kristo?

6. Paano sasapit ang pagkapuksa ng “Babilonyang Dakila”?

6 Bagaman naririto bilang Hari mula pa noong 1914, hahatulan pa ni Jesu-Kristo ang mga organisasyon at mga indibiduwal bago ilapat ang hatol sa mga masusumpungan niyang balakyot. (Ihambing ang 2 Corinto 5:10.) Malapit nang ilagay ni Jehova sa isip ng mga pulitikal na tagapamahala na puksain ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:4, 5, 16, 17) Espesipikong sinabi ni apostol Pablo na pupuksain ni Jesu-Kristo “ang taong tampalasan”​—ang apostatang klero ng Sangkakristiyanuhan, isang prominenteng bahagi ng “Babilonyang Dakila.” Sumulat si Pablo: “Ang isa na tampalasan ay isisiwalat, na siyang papatayin ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig at dadalhin sa wala sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang pagkanaririto.”​—2 Tesalonica 2:3, 8.

7. Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, anong hatol ang ilalapat niya?

7 Hindi na magtatagal, hahatulan ni Kristo ang mga tao ng mga bansa batay sa pakikitungo nila sa kaniyang mga kapatid na naririto pa sa lupa. Mababasa natin: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon siya ay uupo sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao mula sa isa’t isa, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing sa kaniyang kaliwa. . . . Sasabihin ng hari sa [mga tupa], ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ay ginawa ninyo iyon sa akin.’ . . . At [ang mga kambing] ay magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang-hanggan.”​—Mateo 25:31-46.

8. Paano inilalarawan ni Pablo ang pagdating ni Kristo upang isagawa ang hatol sa mga di-makadiyos?

8 Gaya ng ipinakikita sa talinghaga ng mga tupa at kambing, isasagawa ni Jesus ang pangwakas na hatol laban sa lahat ng di-makadiyos. Tiniyak ni Pablo sa nagdurusang mga kapananampalataya ang “ginhawa na kasama namin sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagdadala siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito mismo ay daranas ng panghukumang kaparusahan na walang-hanggang pagkapuksa mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang lakas, sa panahon na siya ay darating upang luwalhatiin may kaugnayan sa kaniyang mga banal.” (2 Tesalonica 1:7-10) Yamang malapit na ang lahat ng kapana-panabik na pangyayaring ito, hindi ba dapat tayong manampalataya at sabik na magbantay sa pagdating ni Kristo?

May-Pananabik na Naghihintay sa Pagkakasiwalat kay Kristo

9, 10. Bakit ang mga pinahirang naririto pa sa lupa ay may-pananabik na naghihintay sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo?

9 “Ang pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit” ay hindi lamang upang puksain ang mga balakyot kundi upang gantimpalaan din ang mga matuwid. Ang mga nalabi sa pinahirang mga kapatid ni Kristo na naririto pa sa lupa ay maaari pang magdusa bago ang pagkakasiwalat kay Kristo, ngunit ikinagagalak nila ang kanilang maluwalhating pag-asa sa langit. Sa mga pinahirang Kristiyano, sumulat si apostol Pedro: “Patuloy kayong magsaya yamang kayo ay mga kabahagi sa mga pagdurusa ng Kristo, upang kayo ay makapagsaya at mag-umapaw din sa kagalakan sa panahon ng pagkakasiwalat ng kaniyang kaluwalhatian.”​—1 Pedro 4:13.

10 Ang mga pinahiran ay determinadong manatiling tapat hanggang sa ‘tipunin sila [ni Kristo] sa kaniya’ upang ang “subok na katangian” ng kanilang pananampalataya “ay masumpungang dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.” (2 Tesalonica 2:1; 1 Pedro 1:7) Hinggil sa gayong tapat na mga Kristiyanong inianak sa espiritu, maaaring sabihin: “Ang patotoo tungkol sa Kristo ay ginawang matatag sa inyo, upang huwag kayong magkulang ng anumang kaloob, habang may pananabik ninyong hinihintay ang pagsisiwalat sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”​—1 Corinto 1:6, 7.

11. Habang hinihintay ang pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo, ano ang ginagawa ng pinahirang mga Kristiyano?

11 Nakikiisa ang pinahirang nalabi sa damdamin ni Pablo, na sumulat: “Ibinibilang ko na ang mga pagdurusa sa kasalukuyang kapanahunan ay hindi nagkakahalaga ng anuman kung ihahambing sa kaluwalhatian na isisiwalat sa atin.” (Roma 8:18) Ang kanilang pananampalataya ay hindi kinakailangang suhayan ng mga pagtantiya sa panahon. Sila’y nananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova, anupat naglalaan ng kahanga-hangang halimbawa sa kanilang mga kasamahan, ang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Batid ng mga pinahirang ito na malapit na ang wakas ng balakyot na sistemang ito, at sinusunod nila ang payo ni Pedro: “Bigkisan ang inyong mga pag-iisip ukol sa gawain, panatilihing lubos ang inyong katinuan; ilagak ang inyong pag-asa sa di-sana-nararapat na kabaitan na dadalhin sa inyo sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.”​—1 Pedro 1:13.

“Ang May-Pananabik na Pag-asam ng Paglalang”

12, 13. Paano “ipinasakop sa kawalang-saysay” ang sangnilalang, at ano ang inaasam ng ibang mga tupa?

12 Mayroon din bang dahilan ang ibang mga tupa para mamuhay nang may-pananabik na pag-asam? Tiyak na mayroon. Matapos banggitin ang maluwalhating pag-asa niyaong mga inampon ni Jehova bilang kaniyang “mga anak” na inianak sa espiritu at “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” sa makalangit na Kaharian, sinabi ni Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng paglalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop dito, salig sa pag-asa na ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:14-21; 2 Timoteo 2:10-12.

13 Dahil sa pagkakasala ni Adan, ang lahat ng kaniyang inapo ay “ipinasakop sa kawalang-saysay,” yamang isinilang na alipin ng kasalanan at kamatayan. Hindi nila mapalaya ang kanilang sarili mula sa gayong pagkaalipin. (Awit 49:7; Roma 5:12, 21) O, gayon na lamang ang pananabik ng ibang mga tupa na ‘makalaya sa pagkaalipin sa kasiraan’! Ngunit bago mangyari iyan, kailangan munang maganap ang ilang bagay alinsunod sa mga panahon at kapanahunan ni Jehova.

14. Ano ang magiging kahulugan ng “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos,” at paano ito hahantong sa ‘paglaya ng sangkatauhan sa pagkaalipin sa kasiraan’?

14 Kailangan munang ‘maisiwalat’ ang nalabi ng pinahirang “mga anak ng Diyos.” Ano ang magiging kahulugan nito? Sa panahong itinakda ng Diyos, magiging maliwanag sa ibang mga tupa na ang mga pinahiran ay sa wakas ‘natatakan’ at niluwalhati na upang magharing kasama ni Kristo. (Apocalipsis 7:2-4) ‘Isisiwalat’ din ang binuhay-muling “mga anak ng Diyos” kapag nakibahagi sila kay Kristo sa pagpuksa sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. (Apocalipsis 2:26, 27; 19:14, 15) Pagkatapos, sa loob ng Sanlibong Taong Paghahari ni Kristo, sila’y higit pang ‘isisiwalat’ bilang makasaserdoteng mga alulod sa pamamahagi ng mga pakinabang sa haing pantubos ni Jesus sa ‘sangnilalang.’ Hahantong ito sa ‘paglaya ng sangkatauhan sa pagkaalipin sa kasiraan’ at sa dakong huli ay pagpasok sa “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21; Apocalipsis 20:5; 22:1, 2) Taglay ang gayong dakilang pag-asa, nakapagtataka ba na ang ibang mga tupa ay “naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos” nang “may-pananabik na pag-asam”?​—Roma 8:19.

Nangangahulugan ng Kaligtasan ang Pagtitiis ni Jehova

15. Ano ang hindi natin dapat kalimutan kailanman hinggil sa pagsasaoras ni Jehova ng mga pangyayari?

15 Si Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon. Mapatutunayang sakdal ang kaniyang pagsasaoras ng mga pangyayari. Ang mga bagay-bagay ay maaaring hindi laging nagaganap sa paraan na inaasahan natin. Gayunman, lubusan tayong makapagtitiwala na lahat ng pangako ng Diyos ay matutupad. (Josue 23:14) Maaaring pinahihintulutan niyang magpatuloy ang mga bagay nang mas matagal kaysa sa inaasahan ng marami. Ngunit sikapin nating maunawaan ang kaniyang mga daan at hangaan ang kaniyang karunungan. Sumulat si Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Anong di-masaliksik ng kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan! Sapagkat ‘sino ang nakaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang tagapayo?’ ”​—Roma 11:33, 34.

16. Sino ang nasa kalagayang makinabang sa pagtitiis ni Jehova?

16 Sumulat naman si Pedro: “Mga iniibig, yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito [ang pagkapuksa sa matandang “mga langit” at “lupa” at paghalili rito ng ipinangako ng Diyos na “mga bagong langit” at “bagong lupa”], gawin ninyo ang inyong sukdulang makakaya upang sa wakas ay masumpungan niya na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan. Karagdagan pa, ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” Dahil sa pagtitiis ni Jehova, milyun-milyon pa ang nabibigyan ng pagkakataon na makaligtas sa “araw ni Jehova,” na darating nang di-inaasahan “gaya ng isang magnanakaw.” (2 Pedro 3:9-15) Ang kaniyang pagtitiis ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa bawat isa sa atin na ‘patuloy na isagawa ang ating sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.’ (Filipos 2:12) Sinabi ni Jesus na dapat tayong ‘magbigay-pansin sa ating sarili’ at “manatiling gising” kung ibig nating sang-ayunan at magtagumpay sa “pagtayo sa harap ng Anak ng tao” kapag dumating siya upang humatol.​—Lucas 21:34-​36; Mateo 25:31-​33.

Patuloy na Maghintay Nang May Pagbabata

17. Anong mga salita ni apostol Pablo ang dapat nating isapuso?

17 Hinimok ni Pablo ang kaniyang espirituwal na mga kapatid na ituon ang kanilang mga mata, “hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita.” (2 Corinto 4:16-​18) Ibig niyang walang magpalabo sa makalangit na gantimpalang nakalaan sa kanila. Tayo man ay mga pinahirang Kristiyano o kabilang sa ibang mga tupa, ingatan natin sa isipan ang kamangha-manghang pag-asang nakalaan sa atin at huwag tayong susuko. ‘Patuloy tayong maghintay nang may pagbabata,’ na pinatutunayang “hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa, kundi ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.”​—Roma 8:25; Hebreo 10:39.

18. Bakit may-pagtitiwalang maipauubaya natin sa kamay ni Jehova ang mga panahon at kapanahunan?

18 May-pagtitiwalang maipauubaya natin sa kamay ni Jehova ang mga panahon at kapanahunan. “Hindi na magtatagal” ang katuparan ng kaniyang mga pangako ayon sa kaniyang itinakdang panahon. (Habacuc 2:3) Samantala, nagkakaroon ng higit pang kahulugan para sa atin ang payo ni Pablo kay Timoteo. Ganito ang sabi niya: “May-kataimtimang inuutusan kita sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus, na itinalagang humatol sa mga buháy at sa mga patay, at sa pamamagitan ng paghahayag sa kaniya at sa kaniyang kaharian, ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan . . . Gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.”​—2 Timoteo 4:1-5.

19. Ano ang napapanahon pa rin na gawin ng bayan ni Jehova, at bakit?

19 Buhay ang nakataya​—ang sa atin at yaong sa ating kapuwa. Sumulat si Pablo: “Magbigay ka ng palagiang pansin sa iyong sarili at sa iyong turo. Mamalagi ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Napakaigsi na ng panahon para sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Habang hinihintay natin nang may-pananabik na pag-asam ang kapana-panabik na mga pangyayaring malapit nang maganap, higit kailanman ay talastasin natin na ito’y panahon at kapanahunan pa rin ni Jehova para ipangaral ng kaniyang bayan ang mabuting balita ng Kaharian. Dapat na maisakatuparan ang gawaing iyan ayon sa kaniyang ninanais. “Kung magkagayon,” gaya ng sabi ni Jesus, “ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

[Talababa]

a Tingnan ang kabanata 10 at 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Bilang Repaso

◻ Hinggil sa mga pagtantiya ng panahon, paanong ang ating situwasyon ay nakakahawig niyaong sa mga Kristiyano noong unang siglo?

◻ Bakit dapat ‘manatiling mapagbantay’ ang mga Kristiyano, kahit na sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo?

◻ Bakit may-pananabik na naghihintay ang sangnilalang sa “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos”?

◻ Bakit may-pagtitiwalang maipauubaya natin sa kamay ni Jehova ang mga panahon at kapanahunan?

[Larawan sa pahina 17]

Ang mga Kristiyano ay dapat na manatiling gising sa paghihintay sa pagdating ni Kristo

[Larawan sa pahina 18]

Nananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova ang mga pinahirang nalabi, na hindi ibinabatay ang kanilang pananampalataya sa mga pagtantiya ng panahon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share