Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/15 p. 15-20
  • “Lubusang Ganapin Mo ang Iyong Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Lubusang Ganapin Mo ang Iyong Ministeryo”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Lubusang Gaganapin ang Ministeryo
  • Kailangan ang Payo
  • Lumayo sa mga Apostata
  • Pagpapala Mula sa Pagsasamahang Kristiyano
  • Ang Gawain ng Ebanghelisador
  • Pagganap sa Gawain
  • Ano ang Makatutulong sa Atin Upang Magamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Aklat ng Bibliya Bilang 55—2 Timoteo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Timoteo—“Isang Tunay na Anak sa Pananampalataya”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Aklat ng Bibliya Bilang 54—1 Timoteo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/15 p. 15-20

“Lubusang Ganapin Mo ang Iyong Ministeryo”

“Taimtim na ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Diyos at ni Kristo Jesus, na siyang huhukom sa mga buhay at sa mga patay, . . . na lubusang ganapin mo ang iyong ministeryo.”​—2 TIMOTEO 4:1, 5.

1. Ano ang kaugnayan ni Pablo at Timoteo?

NANG isulat ni apostol Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, mayroon nang tatlumpong taóng itinataguyod ni Pablo ang kaniyang tunguhin bilang isang ministro ng Diyos. Maraming pagpapala ang tinanggap niya mula kay Jehova. (2 Timoteo 1:2) Pinili ni Pablo si Timoteo upang gumawang kasama niya sa pagdalaw sa mga kongregasyon. Kanilang tinamasa na magkasama ang maraming taon ng mabungang mga karanasan.​—Gawa 16:1-5.

2. Ano ang kahulugan ng mga salita ni Pablo sa 2 Timoteo 4:6-8?

2 Ngayo’y dumating na ang panahon upang matapos ang ministeryo ni Pablo. Siya’y sumulat: “Ako’y ibinubuhos na na gaya ng inuming handog at ang takdang panahon ng aking pagpanaw ay nalalapit na, nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka natapos ko na ang aking pagtakbo, iningatan ko ang pananampalataya. Buhat ngayon ay nakalaan sa akin ang korona ng katuwiran, na ang Panginoon, ang matuwid na hukom, ang magbibigay sa akin bilang isang gantimpala sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman na naghahangad ng kaniyang pagpapakita.” (2 Timoteo 4:6-8) Pinahihiwatig nito na ang kamatayan ni Pablo ay malapit na. Ang pagkaalam ay na namatay si Pablo nang dahil sa pag-uusig ni Nero noong 66 C.E. Nang siya’y nakaharap sa kamatayan, ano kaya ang naisip ni Pablo? Baka ganito: Ginanap ko kaya ang aking paglilingkod nang buong husay? Natapos ko ba nang matagumpay ang aking ministeryo? Oo, maaaring naipahayag ni Pablo ang ganitong pananalig! Napakatibay ng kaniyang pananampalataya, at siya’y nagtitiwala noon na kakamtin niya ang gantimpala na paitaas na pagkatawag. Anong laki marahil ng kaniyang kasiyahan at siya’y hindi lumihis kailanman sa gawaing iniatas sa kaniya!

3. Bago siya namatay, anong kabutihan ang kaipala nagawa ni Pablo kay Timoteo?

3 Si Pablo ay nagkaroon pa ng kaunting panahon na gumawa ng mabuti. Bago siya nakatulog sa kamatayan, anong kabutihan ang kaipala’y nagawa ni Pablo kay Timoteo? Kinasihan siya na magbigay ng mahalagang payo. Mababasa natin ang kaniyang kaisipan at mga salita sa aklat ng Ikalawang Timoteo. Ito ang mga huling sulat niya sa Kasulatan alang-alang sa ating kapakanan.

4. Anong payo ang ibinigay ni Pablo kay Timoteo?

4 Hindi pa natatapos ni Timoteo noon ang iniatas na ministeryo sa kaniya, kaya’t sumulat si Pablo: “Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Diyos at ni Kristo Jesus, na siyang hukom sa mga buháy at sa mga patay at sa pamamagitan ng kaniyang pagpapakita at ng kaniyang kaharian, ay ipangaral mo ang salita, gawin mo ito agad-agad sa kaaya-ayang panahon, sa maligalig na panahon, sumaway ka, magbigay ka ng pangaral, magpayo ka, nang may pagbabata at sining ng pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na hindi nila pakikinggan ang magaling na aral, kundi, ayon sa kanilang sariling kagustuhan, sila’y magbubunton para sa kanilang sarili ng mga tagapagturo upang kumiliti sa kanilang tainga at ang mga ito ang siyang maglalayo ng kanilang tainga sa katotohanan, at ibabaling sa walang katotohanang mga katha, ngunit ikaw ay maging timbang sa lahat ng bagay, magtiis ka nang may kahirapan, gawin mo ang gawa ng isang ebanghelisador, lubusang ganapin mo ang iyong ministeryo.”​—2 Timoteo 4:1-5.

5. Bakit tayo ay lubhang interesado sa payo ni Pablo?

5 Ang mainam na payong iyon ay tiyak na nakabuting mainam kay Timoteo, subalit tayo ba ay nakikinabang din diyan? Tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” na tungkol doon ay sumulat si Pablo. Maraming tao ngayon ang ‘may anyo ng kabanalan ngunit itinatakuwil ang kapangyarihan niyaon.’ (2 Timoteo 3:1-5) Ang gayong mga tao ay nakikinig lamang sa mga “tagapagturo” na mangingiliti sa kanilang mga tainga. Gayunman, bukod sa pangangaral ng salita sa isang pulong ng isang kongregasyon, ang mga tunay na Kristiyano ay obligado na mangaral sa lahat, na hinahanap ang mga taong tutugon sa “salita.” Kayat ang payong ito ay angkop sa ngayon sa Kristiyanong mga saksi ni Jehova.

Kung Paano Lubusang Gaganapin ang Ministeryo

6. (a) Bakit tayo dapat ‘mangaral ng salita’? (b) Ano ang mapapakinabangan sa pag-aasikaso natin sa kung paano natin isinasagawa ang ating ministeryo?

6 Ang ministeryo ay may sarisaring bahagi; maraming bagay na dapat gawin ng ministro. Una, binanggit ni Pablo, “ipangaral mo ang salita.” Ito ay ang salita na isinisiwalat ni Jehova sa kanila. Ito ang salitang katotohanan na sinalita ni Jesus. Pinapangyayari ni Jehova na makilala na ang pabalitang ito ay para sa sangkatauhan sa isang takdang panahon, at ang kaniyang mga saksi sa lupa ang maghaharap ng kaniyang panig sa usaping iyon. Ang paraan ni Jehova ay magbigay ng babala bago siya kumilos. (2 Cronica 36:15, 16; Isaias 42:9; 43:12; Jonas 3:2-4) Ang ibubunga ng kaniyang mensahe ay kabutihan para sa makikinig dito; maaari silang makanlong sa dako ng kaligtasan. Ang mga hindi nakikinig ay parurusahan pagka si Jehova’y kumilos na upang maghukom. Sila ang mananagot sa kanilang sariling kagagawan. (Gawa 20:20, 21, 26, 27) Subalit, ang landas ng karunungan para sa isang ministro ng Diyos ay: “Asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa mo nito’y ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang nakikinig sa iyo.”​—1 Timoteo 4:16.

7. Bakit isang gawain ito na dapat gawin agad-agad kahit na kung waring maligalig ang mga kalagayan?

7 Ang gawaing pangangaral ay isinasagawa sa sarisaring mga kalagayan, subalit ito’y kailangang sumulong. “Gawin mo ito agad-agad sa kaaya-ayang panahon, sa maligalig na panahon,” ang isinulat ni Pablo. Ang pasabi ay mangangahulugan ng buhay para sa mga tao. Kung gayon, sa ano mang mga kalagayan naroroon ang tapat na ministro kaniyang itinuturing na ang pasabi ay kailangang gawin agad-agad at humahanap siya ng mga paraan upang maihayag ang salita, kahit na mayroong bumangon na pananalansang sa pangangaral. Malinaw na nakikita natin ito sa pamamagitan ng halimbawa ni Jesus at sa ulat sa aklat ng Mga Gawa sa Bibliya.

8. (a) Ano ang tutulong sa ministro na mangaral ng salita? (b) Bakit ang pagsaway ay bahagi ng ministeryo?

8 Upang maipangaral ang salita, sa loob man o sa labas ng kongregasyon, kailangang alam ng ministro ang salita ng Diyos, at siya’y nag-aaral nito. Kailangang mayroon siyang panahon sa pag-aaral, na pinag-iisipan at binubulay ito at nagsisikap na maunawaan itong mabuti. Ang pangangaral ay kailangang nakasalig sa mga aral ng katotohanan. Sinabi ni Pablo kay Timoteo na ang tagapangasiwa ay kailangang “nakahawak nang mahigpit sa tapat na salita kung tungkol sa kaniyang sining ng pagtuturo, upang kapuwa makapagpayo siya sa pamamagitan ng magaling na aral at masaway niya ang mga sumasalungat.” (Tito 1:9) Ang Salita ng Diyos ay pangsaway sa mga lumilihis sa mga kahilingan ni Jehova, sila’y itinutuwid alang-alang din sa kaniyang ikabubuti. Ito’y pawang bahagi ng lubusang pagganap ng ministeryo.

Kailangan ang Payo

9. Bakit kailangan ang payo sa Kristiyano?

9 Kung minsan kailangan ang mga paalaala sa mga hindi gumagawa ng lahat ng bagay na dapat nilang gawin o sila’y kulang ng pagpapahalaga at sikap sa pagsamba kay Jehova. Ang payo sa Kristiyano ay lubhang pinahahalagahan ng mga taong umiibig kay Jehova. Kinagagalak nila na mapakinggan ang sinasabi ni Jehova at para sa kanila ay mayamang espirituwal na pagkain iyon. (Isaias 55:3; Hebreo 12:5, 6) Kayat isang mabuting paglilingkod sa ating mga kamanggagawa​—at pati sa mga taong interesado na sumamba kay Jehova​—na payuhan sila sa Salita ng Diyos. Si Pablo ay nagbigay din ng maraming payo.​—Roma 15:30; 16:17; 1 Corinto 1:10, 11; 1 Timoteo 4:13; 6:11, 12; Hebreo 10:24.

10. Bakit kailangan ang pagbabata kung nagpapayo?

10 Kailangan din na alam ng nag-alay na ministro kung paano pasusulungin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Marahil ay nangangailangan ng malaking tiyaga at pagtitiis ang pagpapayo sa mga hindi agad tumutugon. Mayroong iba na kulang din ng pagpapahalaga sa pagsisikap na sila’y mabigyan ng payo at pampatibay-loob. Gayumpaman, kailangang gawin ito, lalo ng lahat ng hinirang na matatandang Kristiyano. Nasasangkot ang sining ng pagtuturo. Mientras ginagamit ng isang tao ang Salita ni Jehova, lalo siyang nagiging bihasa sa paggamit nito. Pagka nakilala ng isang tagapagturo ang isang nag-aaral, siya’y dapat na maghatid dito ng impormasyon. Mainam ang pagkasabi ni Pablo tungkol sa wastong paraan na ito’y nasa 1 Tesalonica 5:14: “Ipinamamanhik namin sa inyo mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, aliwin ang mga kaluluwang namamanglaw, alalayan ang mahihina, maging mapagbata sa lahat.”

Lumayo sa mga Apostata

11. Ano ang dapat nating gawin sa mga apostata?

11 Ibig ni Pablo na si Timoteo ay manatiling timbang, o maging mapagbantay sa lahat ng bagay. Hindi niya dapat hayaan ang kaniyang sarili na matulad sa mga hindi sumusunod sa magaling na aral at naglalayo ng kanilang tainga sa katotohanan. Ang tunay na ministro ng Diyos ngayon ay hindi nagagambala at nababahala sa kaniyang mga gawain pagka nakita niya na mayroong humihiwalay sa Salita ng Diyos at sa magaling na turo nito. Tayo’y pinaalalahanan na antimano na magkakaroon ng mga apostata at mga taong ibig na ang kanilang mga tainga’y kilitiin. Ang payo na gaya ng nasa 2 Juan 9-11, 1 Corinto 5:11-13 at 2 Timoteo 3:5 ay nagpapayo sa atin na huwag tayong makisama sa mga taong humihiwalay sa katotohanan. At hindi rin natin dapat bilhin o basahin ang kanilang mga sinulat. Maraming iba na may ibig na makinig sa katotohanan at sa mga taong ito kailangan tayong makisama bilang mga Kristiyano.​—1 Timoteo 6:20, 21.

12. Bakit mayroong ganitong matatag na paninindigan ang ministrong Kristiyano?

12 Si Pablo ay nagpayo: “Ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sásamâ, na magdaraya at sila rin ang mga madadaya.” (2 Timoteo 3:13) Sa liwanag ng patiunang babala niya, ang ministrong Kristiyano ay hindi nakikisama sa gayong mga tao. Kaniyang dinidinig ang mabuting payo ng apostol: “Subalit, ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at naakay ka na paniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino mo natutuhan ang mga iyon at mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang banal na mga kasulatan, na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya na may kaugnayan kay Kristo Jesus. Ang lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:14-17) Ang regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay isang malaking pagpapala sa mga nagsisikap na ganapin ang kanilang ministeryo.

Pagpapala Mula sa Pagsasamahang Kristiyano

13. Paanong ang pakikisama kay Pablo sa ministeryo ay napakinabangan ni Timoteo, at paano tayo makikinabang?

13 Isang tunay na pagpapala kay Timoteo na makasama si Pablo nang maraming taon, at nasaksihan niya kung paano kumikilos ang isang tapat at maygulang na ministro ng Diyos. Ginamit ni Pablo ang kaniyang mga karanasan bilang isang mabuting tagapagpaalaala kay Timoteo: “Sinunod mong lagi ang aking turo, ang aking landasin sa buhay, layunin, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, mga pag-uusig, paghihirap, anomang mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio, sa Listra, anomang mga pag-uusig ang tiniis ko; ngunit sa lahat na ito ay iniligtas ako ng Panginoon. Sa katunayan, lahat ng ibig mamuhay na may maka-Diyos na kabanalan kaisa ni Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:10-12) Bagamat tayo sa ngayon ay hindi natin tuwirang kasama si Pablo, ang malawak na ulat ng kaniyang buhay na nasa Bibliya ay makakatulong din sa atin.

14. Bakit tayo kailangang handa na magtiis ng kahirapan?

14 Binanggit ni Pablo ang kaniyang mga pag-uusig at mga paghihirap, at ang kaniyang payo sa ministrong Kristiyano ay maging handa sila na dumanas ng kahirapan. (2 Timoteo 4:5) Malimit na kinakailangan na tayo’y dumaan sa anomang uri ng pag-uusig sa lubusang pagganap ng ating ministeryo. Isang pribilehiyo na manatiling tapat sa gitna ng pagsubok at ating pagalakin ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Ang maaaring ibunga nito ay isang pagpapatotoo sa ikapupuri ni Jehova!

Ang Gawain ng Ebanghelisador

15. Bakit kailangan tayong mangaral ng ebanghelyo para lubusang maganap ang ating ministeryo?

15 Ang pangangaral ng ebanghelyo ay isang malaking bahagi ng panahon ng tapat na ministrong Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng bansa ang mabuting balita ay kailangang maipangaral muna.” (Marcos 13:10) Kaniyang niliwanag na ang katapusan ay hindi darating hanggat hindi sapat na naipangangaral ang mabuting balita. Nagkaroon si Pablo ng pribilehiyo na maibahagi ang mabuting balita sa maraming mananampalataya sa buong Imperyong Romano. Ang resulta nito ay may napatatag na mga bagong kongregasyon at humirang ng mga tagapangasiwa. Sila naman ay nakibahagi sa kanilang mga kapatid na Kristiyano sa gawaing pangangaral at sa gayo’y lumaganap ang gawaing ito. Karamihan ng gawain ay isinagawa noon na gaya ng pagkasabi ni Pablo, ‘pagtuturo sa madla at sa bahay-bahay.’ (Gawa 20:20) Nagkaroon ng mabubungang resulta noon, at napakaiinam din ang mga resulta sa ngayon na ang pangangaral ng mga Kristiyano ay isinasagawa sa buong daigdig.​—Juan 14:12.

16. Ano ang patotoo na marami ang nagkakapit ng payo ni Pablo sa 2 Timoteo 4:5?

16 Taglay ang pananampalataya, marami ang nagsasamantala sa pagkakataon na mapalawak ang kanilang gawain sa pangangaral ng ebanghelyo. Libu-libo ang pumasok sa pagmimisyonero, at daan-daang libo ang nakikibahagi sa paglilingkurang payunir. Sa 203 bansa ay mayroon na ngayon mahigit na 2,842,531 na naglilingkod bilang mga ebanghelisador sa mahigit na 47,869 kongregasyon, at patuloy na dumadami pa. Ang kamangha-manghang mga bagay na ito ay patotoo na ang nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay nagsasapuso ng inihabilin sa kanila na “lubusang ganapin” ang kanilang ministeryo.

Pagganap sa Gawain

17. Ano ang ibig ni Jehova na makita na ginagawa ng kaniyang mga lingkod tungkol sa gawaing iniatas sa kanila ngayon?

17 Ang kaniyang mga pinahiran ay inatasan ni Jehova ng isang ministeryo, at ang “malaking pulutong” ay gumagawang kasama at kaisa nila. Sa hula, sa Ezekiel kabanatang 9, ang gawaing ito ay inihahalintulad sa paglalagay ng tanda sa mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at naghihinagpis. Batid natin buhat sa hulang iyan na darating ang panahon na ang lalaking may tintero ng manunulat ay magsasabi: “Nagawa ko na ayon sa iyong iniutos sa akin.” Si Jehova ay nalulugod sa kaniyang mga lingkod pagka kanilang ginawa ang kaniyang iniutos sa kanila.​—Ezekiel 9:4, 11; Genesis 6:22; 1 Corinto 4:2.

18, 19. Ano ang ilang paraan na doo’y maikakapit mo ngayon ang payo ni Pablo sa 2 Timoteo 4:1-5?

18 Samantalang sinusubaybayan natin ang mga kalagayan ng daigdig na nagaganap kasuwato ng mga hula tungkol sa mga huling araw na ito, ating lalong nadarama ang pagkaapurahan ng pangangaral na iniatas sa atin. Mga buhay ang nakataya. Ang pagtitipon ay naisagawa at pinabibilis ito ni Jehova sa panahong ito. (Isaias 60:22) Kung gayon, anoman ang iyong pananagutan bilang isang nag-alay na lingkod ni Jehova, gawin mo iyon upang lubusang makalugod sa kaniya. (Colosas 1:10; 3:23, 24) Laging isaisip ang gawaing ibinigay sa iyo at sikaping ganapin iyon ng lubusan. Kung ikaw ay may mga tungkulin sa Kingdom Hall, lubusang tapusin mo iyon. Kung ikaw ay inatasan na makibahagi sa mga aktibidades sa isang grupo ng Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon, gampanan mo iyon at kayo’y magpayo at magpatibay-loob sa isa’t-isa. Kung ikaw ay isang payunir o isang misyonero, magsumikap ka upang matugunan mo ang mga tunguhin na hinihingi sa paglilingkod.​—Roma 12:6-9.

19 Maaari mong itanong sa iyong sarili, Mayroon pa kaya akong magagawa nang higit upang matulungan ang mga ibang Kristiyano, lalo na ang mga baguhan sa kongregasyon, upang mapatibay sila? Kung isa kang hinirang na matanda sa kongregasyon, alamin ang ayos ng “kawan” at pangalagaan mong mabuti ang lahat ng mga kaugnay doon. Asikasuhin mo ang lahat upang walang sinoman na maging mabagal o walang bunga tungkol sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo. (2 Pedro 1:5-8) Higit sa lahat, maging alisto ka sa iyong ginagawa sa gawaing pag-eebanghelyo sa layunin na iyong ‘lubusang maganap ang iyong ministeryo.’

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ang kalagayan ni Pablo nang isulat niya ang Ikalawang Timoteo?

◻ Bakit mahalaga na ipangaral ang salita?

◻ Bakit mahalaga ang payo?

◻ Paano dapat tratuhin ang mga bulaang guro?

◻ Bakit napakahalaga ngayon ang pag-eebanghelisador?

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo ay tumulong sa kaniya na ‘lubusang ganapin ang kaniyang ministeryo’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share