Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 8/1 p. 8-13
  • Sino ang Wastong Makababasa sa “Tanda”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Wastong Makababasa sa “Tanda”?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang “Tanda” para sa Kaarawan Natin
  • Ang Itinakdang Panahon ng Paglitaw ng “Tanda”
  • Magpasalamat—Naghahari Na ang Mesiyanikong Kaharian ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 8/1 p. 8-13

Sino ang Wastong Makababasa sa “Tanda”?

“Kayong mga mapagpaimbabaw, alam ninyo kung paano susuriin ang panlabas na anyo ng lupa at ng langit, ngunit ano’t hindi ninyo nalalaman kung papaano susuriin ang partikular na panahong ito?”​—LUCAS 12:56.

1, 2. Ano ang napapag-alaman ng mga kaaway ni Jesus buhat sa anyo ng langit, ngunit ano ang hindi nila maunawaan?

ANG matatalinong marino ay marunong umunawa ng anyo ng langit, at kanilang sinusunod ang sinasabi ng ipinahihiwatig nito. Gaya ng pagkasabi ng magkatugmang dalawang taludtod na ganito: “Pulang langit tuwing gabi, magdaragat nagagalak gabi-gabi,/Pulang langit sa umaga, sila’y naghahanda nang maaga.”

2 Ganiyan din ang puntong lalong pinatingkad ng Panginoong Jesu-Kristo nang kaharap ng kaniyang mga kaaway. Tungkol doon ang manunulat ng Ebanghelyong si Lucas ay nag-ulat: “Nang magkagayo’y nagpatuloy din siya ng pagsasabi sa karamihan ng mga tao: ‘Pagka nakikita ninyong bumangon sa kanluran ang isang alapaap, agad ninyong sinasabi, “May darating na bagyo,” at nagkakagayon nga. At pagka nakikita ninyong humihihip ang hanging timugan, sinasabi ninyo, “Iinit na maigi,” at ito’y nangyayari. Kayong mga mapagpaimbabaw, alam ninyo kung paano susuriin ang panlabas na anyo ng lupa at ng langit, ngunit ano’t hindi ninyo nalalaman kung papaano susuriin ang partikular na panahong ito?’”​—Lucas 12:54-56.

3. Anong “tanda” na nagpapatunay na si Jesus ang Mesiyas ang hindi maitago ng kaniyang mga kaaway?

3 Ang lagay ng panahon ay nahuhulaan ng hambog na mga kaaway na ito, subalit sila’y lubhang mapagpaimbabaw at mangmang sa espirituwal upang maunawaan ang mga bagay-bagay na totoong mahalaga. Si Jesus ay gumanap ng iba’t ibang tanda na tumulong sa mga taong tapat-puso upang sumampalataya sa kaniya. (Juan 2:23) Subalit, lalo na ang kaniyang kamatayan noong Araw ng Paskua ng 33 C.E. at ang kaniyang pagkabuhay mag-uli noong ikatlong araw ay isang “tanda” na nagpapatunay na siya ang Mesiyas, o Kristo. (Mateo 12:38-41; Lucas 11:30) Natural, ang mga kaaway ni Jesus ay nagsikap na itago ang “tanda” na iyon. (Mateo 27:62–28:20; Gawa 4:1-4) Subalit bago siya umakyat sa langit mahigit na 500 mga Judio ang naging mga saksi sa kaniyang pagkabuhay-muli. (1 Corinto 15:3-6) Gayundin naman, sa ngayon ay mayroong isang “tanda” na hindi maitatago. Ang pagbasa sa tandang ito ay kinasasalalayan ng buhay at kamatayan. Subalit ano ba ang “tanda” na iyan? At sino ang wastong nakababasa nito?

Ang “Tanda” para sa Kaarawan Natin

4. Sa ngayon, anong “tanda” ang nakikita, at ano ang ilan sa mga bahagi nito? (Mateo 24:3)

4 Ang mga alagad ni Jesus ay nagtanong sa kaniya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Bilang tugon, inihula ni Kristo ang wala pang nakakatulad na mga digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, at iba pang bahagi ng “tanda” ng kaniyang di-nakikitang “pagkanaririto,” taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Ang isang pangunahing bahagi ay ang pandaigdig na gawain na pangangaral ng Kaharian na isinasagawa ngayon sa 203 mga bansa ng mahigit na 2,840,000 mga saksi ni Jehova. Malimit na itinatawag-pansin ito sa mga lathalain ng Watch Tower pati ang iba pang ebidensiya na katuparan ngayon ng “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus.​—Mateo, kabanata 24, 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21.

5. Bakit hindi kalabisan ang sinabi ni Jesus nang sabihin niyang ang mga Judio noong unang siglo ay “isang balakyot at mangangalunyang salinlahi”?

5 Hindi maikakaila na sapol nang maganap ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914 patuloy na dumarami ang ebidensiya na katuparan ng “tanda.” Ano ba ang kahulugan nito para sa atin? Bueno, hindi natin ibig maging katulad ng mga Judio may 19 na siglo na ngayon ang nakalipas na mahuhusay bumasa tungkol sa lagay ng panahon, ngunit hindi nila pinapansin ang malinaw na ebidensiya na kanilang nakikita at hindi nila ibig na manghinuha kung ano baga ang kahulugan nito. Malaon pa bago nito, binigyan ng Diyos ng kapangyarihan si Moises na magsagawa ng tatlong tanda upang patunayan na siya’y sinugo ng Diyos sa nagdurusang mga Israelita. (Exodo 4:1-31) Subalit sa harap ng higit pa sa tatlong mga tanda, ang mga Judio ng lahi ng mga tao na nabuhay noong unang siglong iyon ay ayaw na maniwala na ang Mesiyas ang Siyang lalong dakilang propeta kaysa kay Moises. (Juan 4:54; Hebreo 2:2-4) Kaya naman hindi kalabisan ang sinabi ni Jesus nang kaniyang sabihin na sila’y “isang balakyot at mangangalunyang salinlahi.”​—Mateo 12:39.

6. Ano ang sinasabi ng may kaalamang mga tao tungkol sa mga kalagayan sa daigdig?

6 Ang mga tao sa ika-20-siglong lahing ito na ayaw o ayaw maniwala sa ikalawang pagparito ni Jesu-Kristo ay hindi nakababasa nang tama ng “tanda” ng wakas ng sistemang ito. Subalit ang kasalukuyang mga kalagayan ay hindi nakapagpapatibay-loob, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa:

“Sang-ayon sa Pangkalahatang Kalihim Javier-Perez de Cuellar ng United Nations ang daigdig ay nasa pinakamaselang na yugto sa pagbuo ng ugnayang pandaigdig at waring nanghihina ang kilusan sa pagtatayo ng isang makatarungan, mapayapa at matatag na kalakarang pandaigdig. . . . ‘Ang . . . pagkawala sa mga bansa ng tiwala sa isa’t-isa ay nagbubukas ng daan para sa igtingan at alitan,’ ang sabi ng Pangkalahatang Kalihim ng U.N.”​—Indian Express, Oktubre 22, 1983.

“Marami sa atin ang matagal nang nagsasabi na sa digmaang nuklear angaw-angaw na mga taong walang malay ang masasawi at ang maraming bahagi ng daigdig ay hindi matatahanan . . . Isang grupo ng iginagalang na mga siyentipiko ang may lalong kalagim-lagim na pangitain​—ng isang digmaang nuklear, o kahit na ang isang pangkalahatang pagsubok ng mga superpowers na gamitin ang kanilang mga armas nuklear, ay magkakaepekto sa klima sa buong daigdig na ang resulta’y pagkasawi ng bilyun-bilyon imbis na milyun-milyon lamang at posible na malipol dito sa lupa ang buhay ng tao. Ang dalawang-taóng pag-aaral ay ginawa para sa Conference on the Long-term Worldwide Biological Consequences of Nuclear War. Ang konklusyon nito ay pinagtibay ng mahigit na 100 siyentipiko . . . Si Carl Sagan . . . ay ganito ang tuwirang sabi tungkol sa magiging bunga ng digmaang nuklear: ‘Ang pagkalipol ng tao ay malamang na mangyari.’”​—The Express (Easton, Pa.), Nobyembre 3, 1983.

7. Saan dapat humanap ng tiyak na pag-asa ang mga umiibig sa buhay sa isang lalong mainam na daigdig?

7 Ganiyan ang malungkot na pangitain ng mga ilang responsableng, mapanghahawakang mga komentarista. At ito’y lalo nang madilim sapagkat sila’y hindi makaturo sa anumang lunas para iwasan ang kapahamakan na kanilang nakikini-kinita. Oo, ang mga umiibig sa buhay sa isang lalong mainam na daigdig ay nagnanais ng impormasyon na nagbibigay-pag-asa. Nakatutuwa naman, mayroong paraan ng kaligtasan buhat sa napipintong kasakunaan ng daigdig, sapagkat noong nakaraan ay mayroon ding nakaligtas sa isang pangglobong kasakunaan na katulad din nito. Aba, kung hindi nagkaroon ng mga nakaligtas sa Delubyo noong kaarawan ni Noe, wala sa lupa ngayon ang mahigit na 4,000,000,000 katao! Tanging iisang aklat​—ang Banal na Bibliya​—ang nagbibigay sa atin ng hustong salaysay kung papaanong ang walong mga tao, kasama na ang mga hayop, ay nakaligtas sa pangglobong bahang iyon.

8. Hindi katulad ng iba, ano ang kailangang gawin ng mga alagad ni Jesus pagka ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay malapit na malapit nang alisin?

8 Yamang ang Aklat ding iyan ang nagbibigay sa atin ng paglalarawan ng mga kalagayan na inilahad ni Jesus na magaganap sa lupa pagka ang kasalukuyang pabagsak na sistema ng mga bagay ay aalisin na, hindi ba dapat tayong magsikap na basahin nang husto ang “tanda” na iyan? Tatlumput-pitong taon bago ang Jerusalem ay iniwasak ng mga hukbong Romano noong 70 C.E., ibinigay ni Jesus ang mahabang talaang iyan ng mga bahaging bumubuo ng “tanda” na magpapakilalang malapit na malapit na ang pangglobong kapahamakan na inilalarawan ng Baha. Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi niya: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa’y manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon dahilan sa hugong ng dagat at mga daluyong, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa; sapagkat yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit. At saka nila makikita ang Anak ng tao na napariritong nasa alapaap na taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Ngunit pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”​—Lucas 21:25-28.

9. Mula noong 1895 hanggang 1931, paano inilathala sa harap ng pabalat ng magasing ito ang misyon nito?

9 Ang bahagi ng hulang iyan ay napalathala sa pangharap na pabalat ng mga labas ng Watch Tower ng Enero 1, 1895, hanggang Oktubre 1, 1931. Nasa itaas ng siniping iyan sa Bibliya ang isang bantayang tore na pinagmumulan ng mga silahis ng liwanag, samantalang isang nagngangalit na dagat ang humahampas ang mga alon sa pundasyong bato na kinatatayuan ng tore. Ganiyan inilathala ng magasing ito ang misyon nito sa isang salinlahi, at ang iba sa mga kabilang sa lahing ito ay mga buháy pa at nagbabasa ng mismong magasing ito ngayon.

10. Paano natin maiiwasan ang pagkatakot na dinaranas ng mga lider na tao ngayon?

10 Sa ngayon, ang mga lider ng daigdig, na ang mga puso ay nagsisipanlupaypay dahil sa takot, ay nagbibigay ng kanilang sariling pagpapakahulugan sa mga bahagi ng “tanda.” Subalit ang ating pinakamahusay na tagapagbigay ng kahulugan dito ay si Jesu-Kristo, at kung uunawain natin ang “tanda” ayon sa kahulugan na kaniyang ibinigay dito, hindi tayo magkakaroon ng takot na gaya ng mga lider ng daigdig na walang alam sa lunas tungkol sa kasalukuyang kaguluhan ng daigdig. Bagkus, tayo’y mangagagalak sapagkat ang ating kaligtasan buhat sa balakyot na sistemang ito ay palapit na nang palapit.

Ang Itinakdang Panahon ng Paglitaw ng “Tanda”

11. Paano ipinakita ni Jesus na ang mga pangyayari sa daigdig na tanda ng wakas ay magaganap sa itinakdang panahon?

11 Ang mga pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa takdang panahon. Sa papaano nga? Bueno, bago ibinigay ni Jesus ang hula na nasusulat sa Lucas 21:25-28, kaniyang inihula ang ikalawang pagkapuksa ng Jerusalem. Bilang katuparan ng kaniyang sinabi, naganap nga iyon noong 70 C.E. Tungkol sa nakaligtas na mga Judio, sinabi ni Jesus: “Sila’y mamamatay sa pamamagitan ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa; at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang itinakdang mga panahon sa mga bansa ay matupad.” Ang mga bansang iyon ay mga di-Judio, o mga Gentil. Samakatuwid, ang yugto ng panahon ng pagyurak ay kalimitang tinatawag na “ang mga panahon ng mga Gentil.” (Lucas 21:24, NW; King James Version) Kailan natapos ang mga ito? Bueno, higit pa ang kasangkot kaysa nangyari sa makalupang Jerusalem. Samakatuwid ang petsa nang mapasa-ilalim ng mga Israelis ang matandang napapaderang lunsod ng Jerusalem, o ang bagay na ito ang kabisera ng modernong may-kasarinlang bansa ng Israel ay hindi siyang dapat pagbatayan. Ang dapat pagbatayan ay ang talaorasan ng Diyos!

12. Kailan nagsimula ang mga Panahong Gentil, gaanong kahaba, at kailan natapos?

12 Sinimulang yurakan ng mga Gentil na Romano ang Jerusalem noong 63 B.C.E. Subalit bago pa noon ang mga Gentil na Griego, Persiano, at mga Babiloniko ang yumurak na sa “lunsod ng dakilang Hari” na si Jehova. (Mateo 5:34, 35) Ito at ang templo nito ay niwasak ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E. Mula noong panahong iyon patuloy, nagsimula ang pagyurak ng mga Gentil sa kumakatawan sa Kaharian ng Diyos, at tunay na nagsimula nga ang mga Panahong Gentil. Ang mga Panahong Gentil na iyon ay pito, bawat isa ay katumbas ng isang makahulang taon na may 360 mga araw. Samakatuwid, kung “bawat araw ay isang taon,” lahat ng “pitong panahon” ay 2,520 mga taon lahat-lahat. (Daniel, kabanata 4, Bilang 14:34; Ezekiel 4:6) Pasimula sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ang mga ito ay matatapos sa 1914 C.E.

13. Magmula pa kailan alam na ng mga estudyante sa Bibliya ang petsa kung kailan matatapos ang mga Panahong Gentil?

13 Sing-aga ng 1880, ang magasing Watch Tower ay nagsabi na ang mga Panahong Gentil ay aabot hanggang sa taóng 1914. Pagkatapos, nang ilathala ang aklat na The Time Is at Hand noong 1889, sa mga estudyante sa Bibliya sa buong daigdig ay itinawag-pansin ang bagay na ang mga Panahong Gentil ay matatapos noong taglagas ng 1914.

14. Sa kabila ng nangyari sa Jerusalem noong 1948, bakit natin masasabi na ang mga Panahong Gentil ay natapos noong 1914?

14 Bueno, nang taon bang iyon ay natapos ang pagyurak sa matandang Jerusalem ng mga bansang Gentil o di-Judio? Hindi, sapagkat noong 1914 ang lunsod na ito ay hawak pa rin ng Imperyo ng Turkey, na kaalyada ng imperyo ng Alemanya. Noong Disyembre 9, 1917, ito ay nakuha buhat sa mga Turko ng mga sundalong British sa ilalim ni Heneral Allenby. Ang Jerusalem ay nagpatuloy sa ilalim ng pamamahala ng Britaniya na binigyan ng karapatang mamahala rito ng Liga ng mga Bansa hanggang 1948. Pagkatapos ay lumaban ang mga Judio at kanilang nasakop ang kanlurang bahagi ng modernong Jerusalem sa labas ng dating lunsod na napapadiran. Ang lunsod na napapadiran ay nasakop ng mga Muhamadano. Papaano nga natin masasabi na natapos noong 1914 ang mga Panahong Gentil? Sapagkat nang taon na iyon ang gobyerno ng dakilang Haring si Jehova ay isinilang sa langit.

15, 16. (a) Kailan natapos ang matandang Jerusalem sa pagiging “ang lunsod ng dakilang Hari,” si Jehova, ngunit anong lalong mataas na Jerusalem ang umiiral ngayon? (b) Saan, kung gayon, iniluklok ni Jehova si Jesu-Kristo bilang Hari?

15 Nang si Jesus ay nasa lupa, ang templo ng Diyos ay nasa Jerusalem, at si Jesus ay doon sumasamba. Samakatuwid ang Jerusalem ay matatawag noon na “ang lunsod ng dakilang Hari,” si Jehova. (Mateo 5:34, 35) Subalit tunay na sa kahima-himalang pagkapilas ng tabing sa templo noong mamatay si Jesus noong Araw ng Paskua ng 33 C.E., natapos na ang karapatang tinatamasa nito bilang ang maharlikang lunsod ni Jehova. Ang pagwawasak sa Jerusalem at sa templo nito ng mga Romanong Gentil noong 70 C.E. ang nagpapatunay sa bagay na iyan. Nakatutuwang sabihin na para sa mga Judiong Kristiyano noon, at para sa lahat ng Kristiyano magbuhat na noon, mayroong isa pang Jerusalem, na lalong mataas, ang “makalangit na Jerusalem.”​—Hebreo 12:22.

16 Kasuwato ng katotohanang iyan, ang hula ni Jesus na nasusulat sa Lucas 21:24 ay nagsimula ng katuparan sa makalupang Jerusalem ngunit ang katapusang katuparan ay kumakapit sa “makalangit na Jerusalem.” Oo, sapagkat ang “makalangit na Jerusalem” ang kahalili ng makalupang Jerusalem bilang “ang lunsod ng dakilang Hari” na si Jehovang Diyos. Doon, sa makalangit na “lunsod,” na iyon iniluklok ng “dakilang Hari” si Jehova, ang kaniyang niluwalhating Anak na si Jesu-Kristo nang matapos ang mga Panahong Gentil noong 1914.

17. Sa katapusan ng mga Panahong Gentil, ano ang iniutos ni Jehova sa iniluklok na Haring Jesu-Kristo, at sino ang naghandog na kusa ng kanilang sarili sa paglilingkuran sa kaniya?

17 Iyan ang itinakda ng Diyos na panahon upang ibigay ni Jehova sa kaniyang nakaluklok na Anak na si Jesu-Kristo ang utos na nasa Awit 110:2, 3: “Pararatingin ni Jehova ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion, na sinasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’ Ang bayan mo ay kusang maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong panlaban. Sa kagandahan ng kabanalan, buhat sa bukang-liwayway ng umaga, nasa iyo ang iyong hukbo ng mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog.” Bilang katuparan ng hulang ito, ang nag-alay na “bayan” na sumusunod sa yapak ni Jesus at kumikilala na natapos na ang mga Panahong Gentil noong 1914 ay naghandog na kusa ng kanilang sarili upang maglingkod bilang mga tagapagbalita ng bagong kasisimulang paghahari ng Diyos na Jehova sa makalangit na Sion sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Kristo. Subalit ang umano’y mga bansang Kristiyano ay hindi kusang nagpasakop sa bagong kaluluklok na Hari ni Jehova. Ang totoo pa nga, sila’y napatunayang kaniyang “mga kaaway,” sapagkat sila’y nagbaka-baka sa unang digmaang pandaigdig sa kasaysayan ng tao dahil sa suliranin ng pananakop sa daigdig. Sa buong daigdig sila rin ay nagbangon ng pananalansang sa pagbabalita ng Kaharian ng Diyos.

18. Noong 1918, ano ang patotoo na may pagkapoot laban sa Kaharian ng Diyos?

18 Ang pagkapoot laban sa Kaharian ng Diyos ay lalong nahalata noong 1918. Noong Mayo 8, 1918, ang editor ng magasing Watch Tower at ang ilan sa kaniyang mga kasamang manggagawa ay inaresto noong kasalukuyang nasa kainitan ng digmaan. Nang malaunan, noong Hunyo 21, sila’y sinintensiyahan nang maraming taóng pagkabilanggo sa piitang pederal sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Pagkatapos lamang ng digmaan at nang sila’y may siyam na buwang nabibilanggo saka binigyan ng karapatang magpiyansa ang mga ministrong ito ng Kaharian ng Diyos. Sa kalaunan, sila’y pinawalang-sala sa lahat ng mga maling paratang laban sa kanila.

19. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ano ang naging paninindigan ng Federal Council ng mga iglesya sa Amerika tungkol sa Liga ng mga Bansa?

19 Ang Digmaang Pandaigdig I ay natapos noong Nobyembre 11, 1918, at nang sumunod na buwan ang Federal Council of the Churches of Christ sa Amerika ay nagpahayag sa madla na siya’y katig sa noo’y iminungkahing Liga ng mga Bansa. Ang relihiyosong kapulungang iyan ay nagpahayag na ang Liga “ang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” Sa mga kadahilanang pulitikal ay ipinagwalang-bahala iyan ng Estados Unidos ng Amerika at hindi sumali sa Liga, siya’y sumali sa World Court lamang. Gayunman ang Liga ay umandar din nang pasimula ng 1920, at ang mga miyembro ng Federal Council of the Churches ay nagbigay ng kanilang basbas at pagsuporta rito.

20. Ano ang paninindigan noon ng mga lingkod ni Jehova tungkol sa Liga, at ano ang kanilang pinasimulang ianunsyo?

20 Sa kabilang panig, ang magasing Watch Tower at ang bayan ni Jehova na namamahagi ng magasing ito ay tumanggi na kumilala sa Liga ng mga Bansa bilang ang makapulitikang kahalili ng Kaharian ng Diyos. Kailanman ay hindi nila kinilala ito bilang katuparan ng huwarang panalangin na itinuro ni Jesu-Kristo: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, ganoon din sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Hindi nila inihandog ang kanilang sarili para sa paglilingkod sa gawang-taong panghaliling iyan, na palsipikado! Bagkus, ang kanilang itinaguyod ay ang tunay na Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo sa “makalangit na Jerusalem.” Sa tulong ng Diyos, tama ang pagkabasa nila sa “tanda” ng “pagkanaririto [ni Jesus] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kaya’t kanilang pinasimulang ianunsyo sa buong daigdig ang Kaharian.

Ano ang Inyong Sagot?

◻ Anong “tanda” ang nakikita ngayon, at ano ang ilan sa mga bahagi nito?

◻ Paano natin maiiwasan ang pagkatakot na dinaranas ngayon ng mga lider na tao?

◻ Kailan nagsimula at natapos ang mga Panahong Gentil?

◻ Sa anong “Jerusalem” iniluklok ni Jehova si Jesu-Kristo bilang Hari?

◻ Ano ang pagkakilala ng mga lingkod ni Jehova sa Liga ng mga Bansa?

[Chart sa pahina 11]

Oktubre, 607 B.C.E. ​— Oktubre, 1 B.C.E. = 606 taon

Oktubre, 1 B.C.E. ​— Oktubre, 1914 C.E. = 1,914 taon

PITONG PANAHONG GENTIL = 2,520 taon

[Larawan sa pahina 10]

Yaong mga wastong bumabasa sa “tanda” ay makaliligtas sa katapusan ng sistemang ito, gaya ng walong katao na nakaligtas sa Baha

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share