Magpasalamat—Naghahari Na ang Mesiyanikong Kaharian ni Jehova
“Pinasasalamatan ka namin, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat, . . . sapagkat naghawak ka na ng iyong dakilang kapangyarihan at nagsimula kang maghari.”—APOCALIPSIS 11:17.
1. Ano ba ang ipinahayag ng pangulo ng Watch Tower Society pagkatapos ng kaniyang paglalakbay sa Europa noong 1911?
MAAGA noong 1911, ang pangulo ng Watch Tower Society, si C. T. Russell, ay nagbigay ng sunud-sunod na mga pahayag sa Bibliya sa mga pangunahing siyudad ng Europa. Tungkol sa paglalakbay na iyon, si Russell ay sumulat ng ganito sa The Watch Tower, Mayo 15, 1911: “Kami’y nagtaka nang makakita ng napakaraming ebidensiya ng kaunlaran sa lahat ng dako . . . Batid ng aming mga mambabasa na mga ilang taon na naming inaasahan na ang Panahong ito ay matatapos sa isang kalagim-lagim na panahon ng kapighatian, at aming inaasahan na ito ay darating na biglang-bigla at nang matindi hindi magtatagal pagkatapos ng Oktubre, 1914, na, sa abot ng aming nauunawaan sa Kasulatan, ay petsa na kung kailan ang mga Panahong Gentil—ang takdang panahon ng pamamahala ng mga Gentil sa lupa—ay matatapos; samakatuwid, ito ang panahon na ang Mesiyanikong kaharian ay itinakdang magsimula ng paghahawak ng kapangyarihan.” Natupad ba ang inaasahang ito?
2. Papaano nasira ang kapayapaan noong 1914, at ano ang nakalulungkot na resulta?
2 Noong unang kakalahatian ng 1914, waring ang daigdig ay panatag at ligtas sa digmaan. Ngunit hindi nagtagal at ang kapayapaan ay biglang nasira nang paslangin ang tagapagmana ng trono sa Austria-Hungary ng isang taga-Serbia noong Hunyo 28, 1914. Hindi nagtagal at ang Austria-Hungary ay nagdeklara ng giyera laban sa Serbia. Ang Rusya ay kumampi sa Serbia, kaya ang Alemanya ay nagdeklara ng giyera laban sa Rusya noong Agosto 1. Pagkatapos ang Alemanya ay nagdeklara ng giyera laban sa Pransiya noong Agosto 3; ang Gran Britanya laban sa Alemanya noong Agosto 4; ang Montenegro laban sa Austria-Hungary noong Agosto 7; ang Hapon laban sa Alemanya noong Agosto 23; ang Austria-Hungary laban sa Belgium noong Agosto 28. Marami ang may paniwala na hindi naman magtatagal at ang digmaan ay matatapos. Sa halip, ito ay unti-unting nagpatuloy hanggang sa maging ang pinakamalupit na digmaan sa kasaysayan magpahanggang noong panahong iyon, at 19 pang bansa ang sumali upang ito’y maging isang pandaigdig na pagbububo ng dugo na ang nasawi ay mahigit na 13,000,000 buhay ng mga kawal at mga sibilyan, at mahigit na 21,000,000 ang napinsala at nasugatan.
3, 4. Ano ang naganap sa punong-tanggapan ng Samahan noong Biyernes ng umaga, Oktubre 2, 1914?
3 Noong Biyernes ng umaga, Oktubre 2, 1914, ipinahayag ni Russell sa mga tauhan ng punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York: “Natapos na ang mga panahong Gentil; tapos na ang araw ng kanilang mga hari.” Ito ay sinalubong ng masiglang palakpakan ng pamilya sa Bethel, “ang bahay ng Diyos.”
4 Ano ang katuwiran ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama na lubhang magalak noong umagang iyon ng Oktubre? Saan nanggaling ang pananalitang “mga Panahong Gentil”? Ano ang patotoo na ang mga Panahong Gentil ay natapos noong Oktubre 1914? At papaano ka dapat maapektuhan niyan?
Ang Jerusalem at ang mga Panahong Gentil
5. Saan nanggaling ang pananalitang “mga Panahong Gentil”?
5 Ang pananalitang “mga Panahong Gentil,” o “itinakdang mga panahon sa mga bansa,” ay galing sa dakilang hula ni Jesus tungkol sa pagkapuksa ng Jerusalem. (Lucas 21:5-36, King James Version) Dalawang araw bago niya salitain ang hula, si Jesus ay humarap sa mga tao sa Jerusalem bilang kanilang Mesiyas. Samantalang siya’y mapakumbabang nakasakay sa isang asno patungo sa siyudad, ang karamihan ng mga Judio ay nagsigawan sa tagumpay, gaya ng pagkahula ng Zacarias 9:9. “Mapalad ang Isa na pumaparito bilang ang Hari sa pangalan ni Jehova,” ang kanilang malakas na ipinagsigawan.—Lucas 19:28-40.
6, 7. Anong kakila-kilabot na sala laban sa dugo ang dinala sa kanilang sarili ng unang-siglong mga taga-Judea, at ano ang resulta?
6 Ngunit batid ni Jesus na ang opinyong publiko ay di-magtatagal at mababaling laban sa kaniya dahilan sa nakamamatay na pagkapoot ng mga pinunong relihiyoso sa Jerusalem sa ilalim ng impluwensiya ng kanilang ama, ang Diyablo. (Genesis 3:15; Juan 8:44) Di-nagtagal pagkatapos, noong Nisan 14, isang lubhang karamihan ng mga Judio ang humiling na patayin si Jesus. “Ang kaniyang dugo ay sumaamin at sumaaming mga anak,” ang inihiyaw nila sa nag-aatubiling gobernador Romano. (Mateo 27:24, 25) Sa halip na tanggapin si Jesus bilang Mesiyanikong Hari, ang mga punong saserdote ay nagpahayag: “Wala kaming hari kundi si Caesar.” (Juan 19:15) Ang tunay na Mesiyas ay ipinako pagkaraan nito sa isang pahirapang tulos upang mamatay, pagkatapos na walang-katotohanang paratangan na isang manghihimagsik laban sa Roma at isang mamumusong laban sa Diyos ng mga Judio.—Marcos 14:61-64; Lucas 23:2; Juan 18:36; 19:7.
7 Ang galit ng Diyos ay tiyak na darating sa mga taga-Judea dahilan sa kanilang kakila-kilabot na sala laban sa dugo. Ang Jerusalem, na may marikit na templo, ay hindi na matatawag na “ang lunsod ng dakilang Hari,” si Jehova. (Mateo 5:35; Lucas 13:33-35) Mga ilang araw bago sumapit ang kamatayan ni Jesus, ang kaniyang mga alagad ay nagsalita nang may paghanga sa mga gusali ng templo sa lunsod na iyon. Bilang tugon, inihula ni Jesus: “Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita, darating ang mga araw na walang maiiwan ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.”—Lucas 21:5, 6.
8. Nang banggitin ni Jesus ang “tanda” ng mga pangyayaring hahantong sa pagkawasak ng Jerusalem, ano pa ang kasali roon?
8 May pagtatakang nagtanong ang mga alagad ni Jesus: “Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda pagka malapit nang mangyari ang mga bagay na ito?” (Lucas 21:7) Sa pagtugon ay wastong inihula ni Jesus ang mga pangyayari na humantong sa pagkapuksa ng Jerusalem, at isinusog niya ang makahulugang pananalitang ito: “Yuyurakan ng mga Gentil ang Jerusalem, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.” (Lucas 21:8-24, KJ) Sa gayo’y humula si Jesus ng isang bagay na magaganap pagkatapos pa na mawasak ang Jerusalem—isang bagay na maghihintay pa “hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.” Tungkol sa “tanda,” sinabi ni Jesus: “Pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 21:31) Samakatuwid, ang tanda ay magkakaroon ng dalawang katuparan. Ang una, o maliit, na katuparan ay magpapakilala na ‘malapit na ang pagkawasak ng Jerusalem.’ (Lucas 21:20) Ang ikalawa, at lalong malaki, na katuparan ay darating pagka tapos na ang mga Panahong Gentil, at ipakikita nito na “ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”—Ihambing ang Mateo 24:3.
Ang Makalupang Jerusalem ay Hinalinhan ng Isang Lalong Dakilang Lunsod
9. Kailan iniwala ng makalupang Jerusalem ang kaniyang pantanging katayuan, at ano ang humalili sa kaniya?
9 Sa pagsasabing ang “Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa matupad ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” ibig bang sabihin ni Jesus na ang makalupang lunsod ay sa wakas mapapasauli sa pabor ng Diyos? Hindi. Pagkatapos patayin ang sinisintang Anak ng Diyos, naiwala magpakailanman ng Jerusalem ang kaniyang pantanging katayuan at sa kaniya’y humalili ang isang lalong higit na dakilang “lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem.”—Hebreo 12:22; Mateo 23:37, 38; 27:50, 51.
10. Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “makalangit na Jerusalem”?
10 Ang pananalitang “makalangit na Jerusalem” ay ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa di-mawawasak na makalangit na Kaharian na doon tinawag ang pinahirang mga Kristiyano.a (Hebreo 11:10; 12:22, 28) Nang isulat ito ni apostol Pablo, ang makalupang lunsod at ang templo roon ay lubhang hinahangaan pa ng mga Judio. Sa gayon, ipinaalala ni Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo na “wala tayong lunsod na namamalagi, kundi ang masikap na hinahanap natin ay yaong lunsod na darating.”—Hebreo 13:14.
Bakit Tinatawag na Makalangit na Jerusalem
11. Nang hindi pa naiwawala ng makalupang Jerusalem ang pagsang-ayon ni Jehova, sa ano ito kumakatawan?
11 Ang Jerusalem ay matagal na kabisera ng bansang Israel, na ang mga hari’y sinasabing “nakaupo sa trono ni Jehova.” (1 Cronica 29:23) At, si Jehova ay gumawa ng tipan kay David na ang paghahari ay mananatili sa kaniyang sambahayan magpakailanman. Tulad ng modernong-panahong mga kabisera, halimbawa ang Washington, Moscow, Canberra, at Pretoria, na ginagamit upang kumatawan sa kani-kanilang mga pamahalaan, ang Jerusalem naman ay ginagamit sa Bibliya upang kumatawan sa kaharian ng mga nasa angkan ni David.—2 Samuel 7:16; Lucas 1:32.
12. Papaano dapat ikapit ang terminong “mga Panahong Gentil”?
12 Ang kaharian ni David ay may limitadong sakop, na sumasaklaw lamang sa itinakda ng Diyos na mga hangganan ng sinaunang Israel. Ang makalupang Jerusalem ay isa lamang tipo kung gayon ng tunay na Mesiyanikong Kaharian na maghahari buhat sa langit at sasakop sa buong lupa. (Awit 2:2, 7, 8; Daniel 7:13, 14; 2 Timoteo 4:18) Kaya, ang aklat na The Time Is At Hand, lathala ng Watch Tower Society noong 1889, ay malinaw na nagsabi: “Ang terminong mga ‘Panahon ng mga Gentil’ ay ikinapit ng ating Panginoon sa panahon ng kasaysayan ng lupa sa pagitan ng pag-aalis ng tipikong Kaharian ng Diyos, ang Kaharian ng Israel. (Ezek. 21:25-27), at ng pagpapakilala at pagkatatag ng antitipo nito, ang tunay na Kaharian ng Diyos.”
Mga Panahong Gentil—Gaanong Kahaba?
13. Kailan nagsimula ang mga Panahong Gentil, at bakit iyan ang sagot mo?
13 Ang tipikong kaharian ng Diyos ay ibinagsak ng hari ng Babilonya na si Nabukodonosor noong 607 B.C.E. Nang sumapit ang ikapitong buwan ng mga Judio, mga kalagitnaan ng Oktubre, ang lupain ay giba na.b (2 Hari 25:8, 9, 22, 25, 26) Bilang patotoo na ito’y nangyari sa kapahintulutan ng Diyos, si Nabukodonosor ay binigyan ng Diyos na Jehova ng isang panaginip. Iyon ay tungkol sa isang punungkahoy na pinutol at hinayaang muling tumubo pagkaraan ng isang yugto ng “pitong panahon.” Ang panaginip ay nagkaroon ng unang katuparan nang si Nabukodonosor ay ibalik sa kaniyang trono pagkatapos ng isang pansamantalang kalagayan ng pagkabaliw.—Daniel 4:10-17, 28-36.
14. Ano ang pinakamahalagang punto ng panaginip ni Nabukodonosor?
14 Gayunman, ang tema ng panaginip ni Nabukodonosor ay nagpapakita na ang pangunahing katuparan nito ay tungkol sa tipikong kaharian ng Diyos, na pinayagang ‘putulin’ ng haring Gentil. Ang panaginip ay natapos sa ganitong pagpapahayag ng layunin: “Upang makilala ng mga taong nabubuhay na ang Kataas-taasan ay Hari sa kaharian ng mga tao at ibinibigay niya ito sa kaninumang kaniyang ibigin, at itinataas niya sa ibabaw niyaon kahit ang pinakamababa sa mga tao.”—Daniel 4:17.
15. Papaano nakatugon si Jesu-Kristo sa kahilingan bilang “ang pinakamababa sa mga tao”? (Mateo 11:29)
15 Iisa lamang ang nakatugon sa kahilingan na sa lahat ng paraan ay matatawag na “ang pinakamababa sa mga tao.” Ang bugtong na Anak ng Diyos ay nagpatunay na siya nga iyon sa pamamagitan ng kusang pag-iiwan sa kanyang makalangit na kaluwalhatian upang isilang na isang tao, si Jesus, na dumanas ng pinakaaba at malupit na kamatayan sa kamay ni Satanas. (Filipos 2:3, 5-11) Pagkatapos na siya’y buhayin at makabalik sa makalangit na kaluwalhatian, si Jesus ay naghintay pa hanggang sa matapos ang yugtong pitong panahon ng pamamahalang Gentil bago iniluklok bilang Mesiyanikong Hari sa sangkatauhan.—Hebreo 10:12, 13.
16. Papaanong sa pamamagitan ng aklat ng Apocalipsis ay natulungan ang mga Kristiyano na matantiya kung kailan natapos ang pitong panahon?
16 Ngunit papaano naunawaan ng mga Saksi ni Jehova ang haba ng pitong panahon? Isinisiwalat ng Bibliya na ang “isang panahon at mga panahon at kalahati ng isang panahon,” o tatlo at kalahating mga panahon, ay katumbas ng 1,260 araw. (Apocalipsis 12:6, 14) Samakatuwid, kung dodoblehin ang bilang na iyan, o pitong panahon, iyan ay magiging 2,520 araw. Batay sa makahulang alituntunin na ang “isang araw ay katumbas ng isang taon,” ang pitong panahon ay makakatumbas ng 2,520 taon. (Bilang 14:34; Ezekiel 4:6) Sa pamamagitan ng ganitong pagtantiya, ang mga Panahong Gentil, na nagsimula noong Oktubre 607 B.C.E., ay natapos makalipas ang 2,520 taon, na papatak sa Oktubre 1914.
17. Anong masayang pahayag ang itinakdang gawin noong 1914?
17 Noong Oktubre 1914, ang Diyos na Jehova ang naglagay ng kaniyang sinisintang Anak, ang Panginoong Jesu-Kristo, sa trono sa makalangit na Kaharian. Sa wakas, ang pangitain sa Apocalipsis ng Kristiyanong apostol na si Juan ay nagsimulang matupad, at maipahahayag na: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo, at siya [si Jehova] ay maghahari magpakailan at kailanman.” (Apocalipsis 1:10; 4:1; 11:15) Anong ningning na balita ito at anong laking dahilan para lubusang magsaya ang lahat ng mga kasamang tagapagmana at mga sakop ng Kahariang iyan!—Apocalipsis 11:17.
18. Bakit nakalulungkot na mga kalagayan ang nagpapahirap sa sangkatauhan buhat noong 1914?
18 Totoo, para sa karamihan ng tao, sila’y hindi gaanong nakaranas ng kaligayahan sa lupa sapol noong 1914. Ngunit ang mga abang kalagayan sa lupa ay patotoo na halos matatapos na ang pamamahala ni Satanas. Papaano natin nalalaman ito? Ipinakikita ng aklat na Apocalipsis na ang pagkatatag ng Kaharian ng Diyos ay nagbunga ng isang digmaan sa langit. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay pinalayas sa langit at dito na lamang sila sa kapaligiran ng ating mundo. Pagkatapos makita ang tagumpay na ito sa isang makahulang pangitain, narinig ni Juan ang isang malakas na tinig na nagsasabi: “Mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:1-12.
19. Bakit lubhang napasasalamat ang mga tunay na Kristiyano na sila’y buháy sa panahong ito?
19 Ang lumalalang mga kalagayan ng daigdig sapol noong 1914 ay patotoo na natutupad na ang pangitain ni Juan at na ang wakas ng lahat ng taong tumatangging pailalim sa paghahari ng Diyos ay mapanganib na palapit nang palapit. (Lucas 21:10, 11, 25-32) Anong laking katuwaan ang mabuhay sa kahanga-hangang panahong ito na ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang lulutas sa dakilang isyu ng kaniyang pagkasoberano sa lupa! Pagkatapos, ang lupa ay gagawing isang magandang paraiso, at ang matuwid na mga taong makaliligtas ay isasauli sa kasakdalan. Kahit ang mga patay ay bubuhayin at bibigyan ng pagkakataong makatugon sa kahilingan ukol sa buhay na walang-hanggan.—Apocalipsis 20:1-3, 12, 13; 21:3-5.
Isang Modernong Pangangailangan na Magbago ng Paniwala
20. (a) Sa lupa, sino ang napatunayang mga tunay na lingkod ni Jehova bago sumapit ang 1914? (b) Anong mga pagbabago ng paniniwala ang handang gawin ng tapat na mga pinahirang Kristiyano?
20 Sa loob ng 38 taon bago sumapit ang 1914, ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay tumukoy sa petsang iyan bilang ang taon na matatapos ang mga Panahong Gentil.c Anong litaw na patotoo nga iyan na sila ang mga tunay na lingkod ni Jehova! Gayunman, tulad ng unang-siglong mga lingkod ng Diyos, sila ay nagkaroon din ng ilang mga maling inaasahan. Halimbawa, kanilang inasahan na ang buong bilang ng pinahirang mga Kristiyano ay bubuhayin sa langit hindi lalampas ang Oktubre 1914. Sila’y may paniwala rin na ang digmaang nagsimula noong 1914 ay tuwirang hahantong sa katapusan ng sanlibutan ni Satanas.
21. Anong disiplina ang naranasan ng mga tunay na Kristiyano noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I?
21 Ngunit, sumapit ang panahon na natalos ng pinahirang mga Kristiyano na malaki pa ang gawaing kailangang gawin nila sa lupa. Dahilan sa kanilang pagpapatuloy sa pangmadlang pagpapatotoo sa panahon ng Digmaang Pandaigdig I, sila’y dumanas ng marahas na pag-uusig buhat sa makapulitikang mga pinunò, na sinulsulan ng klero ng Sangkakristiyanuhan. (Awit 2:1-6) Ang gawain ng mga tunay na Kristiyano ay dumanas ng matinding dagok noong Hunyo 21, 1918, nang ang mga pangunahing opisyales ng Watch Tower Society sa Estados Unidos ay sinintensiyahan ng 20 taóng pagkabilanggo sa ilalim ng mga paratang na walang katotohanan.
22, 23. (a) Ano na ang nagagawa ng tapat na pinahirang mga Kristiyano buhat noong 1919, at ano ang dalawang uri ng pagtugon? (b) Ano ba ang modernong antitipikong di-tapat na Jerusalem?
22 Ang Digmaang Pandaigdig I ay biglang natapos noong Nobyembre 1918. Pagkatapos, noong Marso 25, 1919, ang mga opisyales ng Watch Tower Society ay pinalaya buhat sa pagkabilanggo. Nang bandang huli sila ay lubusang pinawalang-sala. Isang di-inaasahang panahon ng kapayapaan ang umiral para sa tapat na mga pinahirang Kristiyanong iyon, kahalintulad ng mga pagkakataon na napaharap sa mga unang alagad ni Kristo pagkatapos na sila’y sangkapan ng kapangyarihan ng banal na espiritu noong 33 C.E.—Gawa 2:17-21, 41.
23 Magbuhat noong 1919, ang tapat na pinahirang mga Kristiyano bilang isang grupo ay masigasig na tumugon sa utos na napapaloob sa mga salita ni Jesus sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Kaya naman halos apat na milyong “mga ibang tupa” ni Kristo ang nagtalaga ng kanilang buhay upang maglingkod kay Jehova kaisa ng pinahirang nalabi. (Juan 10:16) Ang Sangkakristiyanuhan, sa ilalim ng impluwensiya ng kaniyang klero, ay patuloy na tumatanggi sa balita ng Kaharian. Ang kaniyang pagtangkilik sa makapulitikang mga panukala ng tao at ang kaniyang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova ay kahalintulad ng nakagigitlang trato kay Kristo ng unang-siglong mga mamamayan ng Judea. Kung papaanong isinagawa ni Jehova ang kaniyang inihatol sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin niya sa antitipikong di-tapat na Jerusalem, samakatuwid baga, ang Sangkakristiyanuhan. At kung papaanong ang salinlahi na nakarinig ng mensahe ni Kristo ng paghuhukom ay patuloy na nabuhay hanggang sa masaksihan nila ang pagkawasak na kaniyang inihula, ganoon din na ang kasalukuyang salinlahi magbuhat noong 1914 “ay sa anumang paraan hindi lilipas” hanggang sa sumapit ang inihulang “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21, 22, 34.
24. Upang makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos, ano ang kailangang gawin natin?
24 Ano ang kailangang gawin natin upang makaligtas sa malaking kapighatian at patuloy na mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos? Anuman ang maling inaasahan na tinaglay ng sinuman sa atin, tayo’y kailangang mag-ingat upang huwag makatulog sa ating mga tungkulin bilang Kristiyano. (Habacuc 2:3; 1 Tesalonica 5:1-6) Yaong mga nakakaalaala pa ng mga pangyayari buhat noong 1914 ay patuloy na kumakaunti. Kung gayon, tayo’y kailangang maging gising. Walang panahong dapat sayangin. (Mateo 24:42) Lahat ng ibig makaligtas sa katapusan ng balakyot na sanlibutan ni Satanas ay kailangang kumilos na ngayon sa paraan na nagpapakitang sila’y kumikilos na kasuwato ng kinasihang mga salita: “Pinasasalamatan ka namin, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat, . . . sapagkat naghawak ka na ng iyong dakilang kapangyarihan at nagsimula kang maghari.”—Apocalipsis 11:17.
[Mga talababa]
a Tingnan ang The Watchtower ng Marso 15, 1983, pahina 22.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kung bakit ito ang pasimula ng mga Panahong Gentil, tingnan ang “Let Your Kingdom Come,” kabanata 14, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Noong 1876 si C. T. Russell ay sumulat ng isang artikulong pinamagatang “Mga Panahong Gentil: Kailan Matatapos?,” na inilathala sa magasing Bible Examiner, Oktubre 1876. Sa pahina 27, sinabi ng artikulo: “Ang pitong panahon ay matatapos sa A.D. 1914.”
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sa ano kumakatawan ang sinaunang Jerusalem, ngunit papaano naiwala ang kaniyang pantanging katayuan?
◻ Kailan nagsimula at natapos ang mga Panahong Gentil, at ano ang inihulang resulta?
◻ Ano ang inilarawan ng pagkawasak ng di-tapat na Jerusalem?
◻ Papaano natin nalalaman na ang malaking kapighatian ay malapit na, at ano ang kailangang gawin natin upang makaligtas?
[Larawan sa pahina 16]
Ang Jerusalem pati kaniyang templo ay nawala sa kaniyang dakilang katayuan, ngunit patuloy na pinagpala ng Diyos ang kaniyang Anak, ang Mesiyas, anupa’t kinakausap pa man din niya nang tuwiran buhat sa langit