Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 8/15 p. 10-15
  • Nisan 14—Kailangang Alalahanin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nisan 14—Kailangang Alalahanin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Araw na Dapat Alalahanin
  • Ano ang Nangyari? Ano ang Kahulugan Niyaon?
  • Kaluwalhatian, Pag-ibig, at Pagkakaisa
  • Hapunan ng Panginoon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kung Bakit ang Hapunan ng Panginoon ay May Kahulugan Para sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Bakit Kailangang Ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ang Hapunan ng Panginoon—Paano Ito Ipinagdiriwang?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 8/15 p. 10-15

Nisan 14​—Kailangang Alalahanin

“Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.”​—1 CORINTO 11:24.

1. Paano dinaig ni Jesus ang sanlibutan?

“KAYO’Y magpakatibay! Dinaig ko ang sanlibutan.” Sa ganiyang mga pananalitang pang-aliw at pampatibay-loob, pinatibay ni Jesus ang kaniyang 11 tapat na mga apostol noong gabi bago siya namatay. Pinatunayan ni Jesus na siya’y isang mananaig sa sanlibutan! Kaniyang pinagtagumpayan ang bawat pagtatangka ng kaniyang Kaaway, si Satanas na Diyablo, na sirain ang kaniyang katapatan kay Jehova. At ngayon, nang siya’y nakabayubay sa pahirapang tulos at mga ilang oras na lamang at papanaw na, siya’y nagtitiwala na makapananatili siya sa kaniyang integridad o katapatan hanggang sa kahuli-hulihang sandali.​—Juan 16:33; Hebreo 12:2.

2. Bakit itinatag ni Jesus “ang hapunan ng Panginoon”?

2 Ang napakahalagang pangyayaring ito ay naganap may labing siyam na raan at limamput-dalawang taon na ang nakalipas, noong ika-14 na araw ng Nisan, ang unang buwang lunar ng sagradong kalendaryo ng mga Judio. Ang araw na ito ay hindi kailanman malilimutan ng kaniyang tapat na mga tagasunud-yapak. Upang huwag makalimutan ng kaniyang tapat na mga tagasunod ang kahalagahan ng araw na ito, itinatag ni Jesus ang isang natatanging alaalang hapunan, na tinutukoy ni apostol Pablo na “ang hapunan ng Panginoon.” Kinasihan si Pablo na ilahad nang okasyong ito ang iniutos noon ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” (1 Corinto 11:20, 24) Kung dinidibdib mo ang pagiging isa sa mga tagasunod ni Jesus, iyo bang nauunawaan kung bakit iniutos niya iyan, kung ano ang hinihiling niya sa iyo na gawin mo, at kung ano ang kahulugan nito para sa iyong hinaharap?

Isang Araw na Dapat Alalahanin

3. Bakit, at sa ilalim ng anong mga kalagayan, ginawa ang Nisan 14 na isang araw na dapat alalahanin?

3 Hindi ito ang unang-unang pagkakataon sa kasaysayan ng tao na ang Nisan 14 ay iniutos na alalahanin. Noong 1513 B.C.E., sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Moises, ay iniutos ni Jehova sa mga Israelita: “Ang araw na ito [Nisan 14] ay inyong aalalahanin, at sa buong panahon ng inyong lahi ay inyong ipagdiriwang bilang isang kapistahan kay Jehova.” Ano’t mayroong pagdiriwang noon? Si Jehova mismo ang sumasagot: “Ito ang hain ng paskua kay Jehova, na lumampas sa mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto nang kaniyang salutin ang mga Ehipsiyo.​—Exodo 12:14, 27.

4. Anong mahalagang mga suliranin ang kasangkot sa pagkaligtas ng Israel buhat sa Ehipto?

4 Ang kagila-gilalas na pagliligtas na iyon sa Ehipto ng lahat ng panganay na Israelita, tao at hayop, ay naganap noong gabi ng Nisan 14. Ito ang ikasampu pagkatapos ng siyam na mga parusang pinapangyari laban sa mga demonyong diyos ng mga Ehipsiyo, at dito’y idinidiin ang dating layunin ni Jehova na sinalita sa hambog na si Faraon: “Ang totoo, dahil dito ay pinamalagi pa kitang buháy, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan at upang ang aking pangalan ay maihayag sa buong lupa.” Mga ilang araw ang nakalipas at ang pangalan at kapangyarihan ni Jehova ay minsan pang ipinakilala nang kaniyang iligtas sa Dagat na Pula ang angaw-angaw na mga Israelita at ang isang lubhang karamihan, pagkatapos na malunod ang pinakamagagaling sa hukbo ni Paraon. Hindi nga katakataka na si Moises at ang mga Israelita ay umawit: “Umawit tayo kay Jehova, sapagkat siya’y nagtagumpay nang buong kadakilaan!​—Exodo 9:16; 15:1.

5. Ano ang layunin ng pagdiriwang ng Paskua?

5 Pagkatapos nito at nang ang mga Israelita ay nananahan na sa lupain na ipinangako na ibibigay sa kanilang ninunong si Abraham, iniutos na ang Paskua ay ipagdiwang ng bansa minsan sa bawat taon sa Jerusalem, bilang pagsunod sa utos na nasa Deuteronomio 16:1-8. Sa ganoo’y isinaayos ni Jehova na ang Nisan 14 ay laging magugunita ng kaniyang bayan noon. Ano ang layunin nito? Ito’y isang araw na ukol sa pagdakila sa pangalan ni Jehova, sa paggunita sa kaniyang dakilang mga gawa ng pagliligtas. Kayat makalipas ang daan-daang taon ang kahulugan ng paskua ay nangingibabaw sa puso at kaisipan ng mga magulang ni Jesus na ayon sa sabi sa atin, “nahirati nang pumaroon sa taun-taon sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng kapistahan ng paskua.” Sang-ayon sa kaugaliang Judio, ang kanilang anak na si Jesus ay kasa-kasama nila.​—Lucas 2:41, 42.

6. Sa anong mga dahilan nasasabik si Jesus na ganapin ang Paskua noong 33 C.E. kasama ang kaniyang tapat na mga apostol?

6 Pagkatapos na bautismuhan si Jesus sa Jordan at magsimula ng kaniyang ministeryo, malamang sa siya’y magpapatuloy na magdiwang ng Paskua kasama ni Maria, ang kaniyang makalupang ina, at ang mga anak nito, na kaniyang mga kapatid sa ina. Datapuwat, para sa Nisan 14, 33 C.E., isinaayos ni Jesus na ipagdiwang ito kasama ng kaniyang 12 apostol. Sinasabi sa atin ng ulat ni Lucas kung ano ang nadama ni Jesus tungkol sa okasyong ito: “Ang ibig ko sana’y kainin ang hapunang ito ng paskua kasama kayo bago ako maghirap!” (Lucas 22:15, Today’s English Version) Bakit ganiyan na lamang ang pagnanasa ni Jesus? Sapagkat alam niya ang kahulugan ng mga pangyayaring saglit na lamang at magaganap na di-malilimot na araw na iyon na nagsimula pagkalubog ng araw. Batid din ni Jesus na ang gayong mga pangyayari ay higit na mahalaga kaysa nangyari noong 1513 B.C.E. Ang mga pangyayaring ito ay dadakila sa pangalan ni Jehova higit kailanman at ilalatag nito ang saligan para sa pagpapala sa mga angkan sa lupa. Gayundin, marami pa siyang sasabihin sa kaniyang mga alagad bago siya mamatay, upang sila’y patibaying-loob na manatiling tapat na mga tagasunod niya. Kaya naman sa pamamagitan ng mga ulat ng Ebanghelyo ay napapakinggan natin, wika nga, ang sinabi at ginawa ni Jesus.​—Juan 12:31; 17:26.

Ano ang Nangyari? Ano ang Kahulugan Niyaon?

7. (a) Anong mga pangyayari noong huling pagdiriwang ni Jesus ng hapunan ng Paskua ang humantong sa kaniyang pagtatatag ng Memoryal o alaala ng kaniyang kamatayan? (Juan 13:1-30) (b) Ilahad ang ginawa ni Jesus sa pagtatatag ng Hapunan ng Panginoon.

7 Samantalang nagaganap ang hapunan, si Jesus ay tumayo at hinugasan ang paa ng kaniyang mga alagad, sa ganoo’y nagpapakita ng isang ulirang halimbawa ng kababaang-loob. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Pagkatapos, bumaling siya kay Judas at ang sabi: “Ang ginagawa mo ay gawin mong madali.” Ganito ang pag-uulat ni Juan: “Siya’y umalis agad. At noon ay gabi.” (Juan 13:21, 27, 30) Pagkatapos nito saka itinatag ni Jesus ang Memoryal o alaala ng kaniyang kamatayan. Tungkol sa nangyari ganito ang paglalahad ni Mateo na mismong nakakita: “At samantalang sila’y nagsisikain, dumampot si Jesus ng tinapay at, pagkatapos pagpalain iyon, kaniyang pinagputul-putol at, samantalang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kanin ninyo. Ito’y nangangahulugan ng aking katawan.’ At, dumampot siya ng isang kopa at, pagkatapos magpasalamat, kaniyang ibinigay iyon sa kanila, na ang sabi: ‘Magsiinom kayong lahat diyan; sapagkat ito’y nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na ibubuhos alang-alang sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Datapuwat sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.’ Sa wakas, pagkatapos na makaawit ng mga papuri, sila’y nagsiparoon sa Bundok ng mga Olibo.”​—Mateo 26:26, 30; tingnan din ang Marcos 14:22-26; Lucas 22:19, 20, at 1 Corinto 11:23-26.

8. Bakit napakahalaga na maunawaan ang kahulugan ng mga salita at ginawa ni Jesus sa pagtatatag ng Memoryal?

8 Ano ba ang lubusang kahulugan ng sinabi at ginawa ni Jesus nang okasyong iyon? Idiniriin ni Pablo kung gaanong kahalaga ito para sa lahat ng mga pinahirang tagasunod ni Kristo, na ang sabi: “Kaya sinuman na di-nararapat kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon ay nagkakasala tungkol sa katawan at dugo ng Panginoon.” Tiyak na wala sa pinahiran ang nagnanais na siya’y maging ‘di-karapat-dapat’ sa paningin ni Jehova, na ang resulta ay ang paghatol sa kaniya. At, ang “malaking pulutong” ay nagnanais na sila’y ibilang na karapat-dapat bilang mga kasamahan ng pinahirang nalabi. Kung gayon, bagamat natapos na ang isa pang Memoryal noong Huwebes, Abril 4, 1985, napapanahon pa rin na tayong lahat ay magsuri ng bagay na ito.​—1 Corinto 11:27.

9. (a) Bakit ang pagkasalin ng mga salita ni Jesus na, “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan,” ay lalong tama kaysa “Ito ang aking katawan”? (Tingnan ang talababa.) (b) Ano ang pantanging kahulugan na ibinigay ni Jesus sa tinapay? (c) Sa alak?

9 Sinabi ni Jesus, “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan.”a Sa pananalitang ito, ang tinapay ay binigyan ni Jesus ng pantanging kahulugan​—iyon ay isang simbolo o sagisag ng kaniyang sariling sakdal na katawang laman na kaniyang inihandog “alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Juan 6:51) Gayundin naman, nang kaniyang sabihin tungkol sa kopa ng alak: “Ito’y nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ . . . ibubuhos . . . sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan,“ kaniyang ginagamit ang pinakasim na alak sa kopa bilang isang simbolo ng kaniyang sariling dugo. Ang dugong ito ang saligan ng pagpapairal ng “isang bagong tipan.” Ang kaniyang itinigis na dugo ay magsisilbing paraan din ng ‘pagpapatawad sa mga kasalanan.’​—Mateo 26:28; Jeremias 31:31-33; Hebreo 9:22.

10. Ano ang ipinahihiwatig ng pakikibahagi sa tinapay at alak?

10 Kung gayon, ano ang ipinahihiwatig ng mga nakikibahagi sa tinapay at sa alak kung selebrasyon ng Memoryal? Ang ganoong kilos ay nagpapakilala sa mga nakikibahagi, at sa mga naroroong nagmamasid, na sila’y nakinabang na sa haing pantubos na inihandog ni Kristo Jesus, subalit sa isang natatanging paraan at sa natatanging layunin. Papaano ba gumagana ito? Salig sa kanilang pananampalataya sa hain ni Kristo at sa kanilang pag-aalay ng sarili kay Jehova, ikinakapit sa kanila ng Diyos ang bisa ng inihandog na hain ni Jesus bilang tao. Sa anong layunin? Upang sila’y maibilang na sakdal na mga tao at sa ganoo’y magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Pagkatapos sila’y nagiging mga anak ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at sila ngayon ay kaniyang mga espirituwal na anak na. Maaari nang isakripisyo nila ngayon ang kanilang karapatan na mabuhay sa lupa bilang kapalit ng isang makalangit na mana. Lahat na ito ay magaganap bago pa man sila makibahagi sa Hapunan ng Panginoon.​—Roma 5:1, 2, 8; 8:15-17; Santiago 1:18.

11, 12. (a) Ano pang dalawang karagdagang bagay ang ipinakikita ng pag-inom ng alak? (b) Ipaliwanag ang tipan na ginagawa ni Jesus sa mga nakikibahagi.

11 Isaalang-alang natin ngayon kung ano pa ang ipinahihiwatig ng pag-inom ng alak. Bagamat ibinibilang na matuwid ni Jehova ang kaniyang espirituwal na mga anak at kaniyang inaari silang kaniyang mga anak, sila ay nasa di-sakdal na laman pa. Sila’y maaari pa ring magkasala at kanilang kinikilala ito. Sa pag-inom ng alak, kanilang kinikilala ang kanilang pagdepende araw-araw sa dugo ni Kristo Jesus, na “ibinuhos alang-alang sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”​—1 Juan 1:9, 10; 2:1.

12 Datapuwat, mayroon pang isang bagay, na ipinahihiwatig ang pag-inom ng alak. Ang mga nakikibahagi ay nagpapatotoo na sila ay kasali sa “bagong tipan” na noong sinaunang panahon ay kinasihan ni Jehova si Jeremias na ihula. Ang tipan na ito ay nagkakabisa sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Ang mga kasali sa tipang iyan ay ang Diyos na Jehova at ang kaniyang espirituwal na mga anak, na lahat-lahat ay bumubuo ng espirituwal na Israel. Bawat miyembro nito ay pinili ng Diyos. Si Jesus ang Tagapamagitan ng tipan, na sa pamamagitan nito kaniyang tinutulungan ang 144,000 miyembro ng tipan na maging bahagi ng binhi ni Abraham. (Jeremias 31:31-34; 2 Tesalonica 2:13; Hebreo 8:10, 12; 12:22-24; Galacia 3:29) Ang mga ito rin ang isinasali ni Jesus sa isang ‘tipan ukol sa isang kaharian.’ Kaya naman, sila balang araw ang gagamitin kasama ng kanilang Haring si Jesu-Kristo upang magsilbing alulod sa pagpapala ni Jehova sa lahat ng mga angkan sa lupa.​—Lucas 22:28-30; Juan 6:53; Apocalipsis 5:9, 10; Genesis 22:15-18.

13. Ano ang mga bagay na dapat ngayong alalahanin sa Nisan 14?

13 Oo, sa pagsusuri natin sa lubos na kahulugan ng mga sinabi ni Jesus nang araw na ito na dapat alalahanin, nagugunita natin ang pag-ibig ni Jehova sa paglalaan ng kaniyang mahal na Anak. Nagugunita rin natin ang pag-ibig ni Jesus sa paghahandog ng kaniyang buhay bilang hain para sa lahat na sumasampalatayang mga tao. (Juan 3:16; Roma 5:8; 1 Timoteo 2:5, 6) Datapuwat, mayroon pang mga ibang mahalagang katotohanan na tinalakay si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad nang gabing iyon. Sa mga sumulat ng Bibliya, tanging si apostol Juan lamang ang nag-uulat ng pag-uusap na ito.

Kaluwalhatian, Pag-ibig, at Pagkakaisa

14. (a) Paanong si Jehova ay naluluwalhati sa bawat pagdiriwang ng Memoryal? (b) Anong bahagi ang ginagampanan ng pag-ibig sa pag-aalaala kay Jesus, at anong pagsusuri-sa-sarili ang dapat na mapukaw sa isip ng lahat na nakikibahagi?

14 Sinabi ni Jesus: “Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Diyos ay niluluwalhati may kaugnayan sa Kaniya.” (Juan 13:31) Sapol nang iligtas ang Israel buhat sa Ehipto, ang Nisan 14 ay sa tuwina kaugnay ng pagbabangong-puri ng pangalan ng Diyos, ng kaniyang soberaniya, at ng kaniyang kapangyarihan. Ngayon, na sa si Jesus ay nanatiling tapat hanggang kamatayan at pagkatapos na siya’y buhaying-muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, lalo pang malaking karangalan at kaluwalhatian ang kinakamit ng pangalan ng Diyos. (Ihambing ang Kawikaan 27:11.) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kanilang patunayan ang kanilang pagkaalagad sa pamamagitan ng pagsunod sa isang “bagong utos” na ‘mag-ibigan sa isa’t-isa gaya ng pag-ibig niya sa kanila.’ (Juan 13:34, 35) Ang lawak ng ating pag-ibig sa ating mga kapatid ay nagbabadya ng ating pagpapahalaga sa pag-ibig na ipinakita ni Jesus para sa atin sa panahong iyan.​—1 Juan 4:19.

15. (a) Anong pag-asa sa buhay ang iniaalok sa lahat ng nakikibahaging mga karapat-dapat? (b) Paanong pinatutunayan ang pag-ibig kay Jesus?

15 Ang pag-asa na balang araw ay makapamuhay sa isang makalangit na tahanan ay bahagi ng kagalakan na nakaharap sa mga pinili upang maging mga tagapamahalang kasama ni Kristo. (Apocalipsis 20:6) Ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa pag-asang ito: “Ako’y yayaon upang ipaghanda ko kayo ng isang dako. . . . Ako’y babalik at tatanggapin ko kayo sa aking sarili sa tahanang iyon.” (Juan 14:2-4) Anong ligayang pagkakataon iyan para sa mananatiling tapat! Kaya naman, ipinayo ni Jesus, “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Ito’y nangangahulugan na lahat ng kaniyang mga utos, kasali na ang pagtuturo at paggawa ng mga alagad.​—Juan 14:15, 21; Mateo 28:19, 20.

16. (a) Paanong idiniin ni Jesus ang pangangailangan ng pagkakaisa ng kaniyang mga tagasunod, at bakit napakahalaga ang pagkakaisang ito? (b) Ano ang kailangang harapin ng lahat ng tagasunod ni Jesus, ngunit ano ang tumutulong sa kanila na gawin ito?

16 Anong pagkahala-halaga nga na ang mga tagasunod ni Jesus ay makaisa niya at sila’y magkaisa-isa! Ginagamit ni Jesus ang halimbawa ng isang punong-ubas at ng mga sanga nito upang idiin ang mga katotohanang iyan. Ang resulta ng pagkakaisa ay pamumunga, at ito ang lumuluwalhati sa Ama. (1 Corinto 1:10; Juan 15:1, 5, 8) Ang pag-uusig at pananalansang ay nakaharap sa lahat ng mga tagasunod ni Jesus. Subalit nakapagpapatibay-ng-pananampalataya na maalaman na si Jesus ay nanatili sa kaniyang katapatan o integridad bilang isang mananaig sa sanlibutan sa kabila ng lahat ng pananalakay ni Satanas!​—Juan 15:18-20; 16:2, 33.

17. Talakayin ang ilan sa hiniling ni Jesus sa kaniyang panalangin na nasusulat sa Juan kabanata 17.

17 Ang gabi ay nagtatapos at ito’y sinasarhan ni Jesus ng isang taus-pusong panalangin sa kaniyang Ama. Ang pagluwalhati sa kaniyang Ama ang nauuna sa kaniyang binigkas na panalangin. Kaniyang idinadalangin na ang kaniyang mga tagasunod ay iligtas sa balakyot na isa, si Satanas, habang sila’y nananatiling hiwalay sa sanlibutan. At kaniya ring idinadalangin na ang ganoong maibiging pagkakaisa na umiiral sa pagitan niya at ng kaniyang Ama ay magpatuloy na makita sa kaniyang patuloy na dumaraming tagasunud-yapak.​—Juan kabanata 17.

18. Kung isasaalang-alang ang kabuuang bilang ng dumalo sa Memoryal noong 1984, bakit lubhang kakaunti ang nakibahagi sa mga emblema?

18 Ating naisaalang-alang ngayon ang ilan lamang sa mahalagang mga katotohanan at kaisipan na ibinahagi ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang gabing iyon mga 1,952 na taon na ngayon ang nakalipas, subalit tiyak na tumutulong ito sa atin na maunawaan kung bakit ang Nisan 14 ay tunay na karapat-dapat na alalahanin. Hindi nga katakataka, kung gayon, na noong nakalipas na taon 7,416,974 na mga Saksi ni Jehova at kanilang mga kaibigan ang nakaunawa ng kahalagahan ng pagtitipon upang ganapin ang Hapunan ng Panginoon. Gayunman, sa lubhang karamihang iyon, mayroon lamang 9,081 ang bumahagi sa mga emblema. Bakit? Sapagkat ang lubhang karamihan ng mga Saksi ni Jehova ngayon ay may paniwala na sila’y bahagi ng “malaking pulutong” na nakatayo “sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” Ang mga ito ay umaasang mabubuhay sa planetang Lupa bilang kanilang walang hanggang tahanan, hindi sila umaasang mabubuhay sila sa langit na kung saan ang 144,000 ay “maghaharing kasama [ni Kristo] sa loob ng isang libong taon.”​—Apocalipsis 7:9; 20:6; Awit 37:11.

19. Ano ang nagsisilbing batayan para sa pag-aaral sa susunod na linggo, at bakit mahalaga na lahat ay dumalo?

19 Datapuwat, may mga tanong na bumangon tungkol sa kaugnayan ng Hapunan ng Panginoon at ng “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa.” (Juan 10:16) Angkop nga, kung gayon, na ang mga bagay na ito ay talakayin sa susunod na artikulo, upang huwag magkaroon ng maling pagkaunawa ang sinuman pagka sumapit na naman uli ang isa pang selebrasyon ng Memoryal.​—1 Tesalonica 5:21.

[Talababa]

a Ganito ang salin ng mga ibang salin ng Bibliya, “Ito ang aking katawan.” (Tingnan ang King James Version, Katolikong Douay Version, The New English Bible, at iba pang modernong mga bersiyon.) Datapuwat, ang salitang Griego na ginagamit para sa “is” (sa Ingles) ay e·stin, sa diwa na nangangahulugan, nagpapahiwatig, kumakatawan. (Tingnan ang talababa sa Mateo 26:26, NW Ref. Bi.) Ang salitang Griego ring iyan ang makikita sa Mateo 9:13, at Mat 12:7 at sa dalawang kaso ay isinaling “meaneth” (KJ) at “means” (NE at iba pang modernong salin).

Natatandaan Mo Ba​—

◻ Sino ang nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal?

◻ Anong mahalagang mga bagay ang dapat maalaala tungkol sa Memoryal?

◻ Paano pinatutunayan ang araw-araw na pag-aalaala kay Jesus?

◻ Anong mahalagang usapin ang sa tuwina’y kaugnay ng Nisan 14?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share