Ang Di-pagsisinungaling ang Nagtatangi sa Kanila
GANIYAN na lamang ang kaniyang panlulupaypay nang makita niya ang parking ticket sa ilalim ng wiper ng kaniyang kotse. Ang multa ay $25 (U.S.), at siya’y nagdaramdam sapagkat iyon ay di-makatuwiran. Wala namang mga karatula na nagbabawal ng pagpaparking. At ang totoong nakalulungkot ay na sapagkat siya’y tagamalayong lugar hindi niya magagawa na bumalik sa siyudad upang iyapela ang kaniyang kaso. Kaya’t kinunan niya ng mga ritrato ang lugar na iyon upang patunayan na wala namang mga nagbabawal na regulasyon sa pagpaparking. At yamang isa siya sa mga Saksi ni Jehova, ipinakiusap niya sa isang kapuwa Saksi na ito ang kumatawan sa kaniya sa traffic court.
Narito ang report ng kaniyang kaibigan tungkol sa naganap sa korte nang umagang iyon:
“Pagka ikaw ay tinawagan na humarap sa hukom, kailangang ibigay mo ang iyong pangalan at address. Pagkatapos ay kanilang pinasusumpa ka. Bago nila ako pinasumpa, ang court clerk, na isang may-edad nang maginoo, ang humiling na ulitin ko raw ang aking address. Nang sabihin ko, ‘124 Columbia Heights,’ marahil ay nakilala niya sa aking address na ito ang pandaigdig na hedkuwarters ng Watch Tower Society at ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y bumaling sa hukom at sinabi niya: ‘Huwag kang mag-alaala, Judge. Sila’y mabubuting tao. Sila’y hindi nagsisinungaling! Kailanma’y hindi sila nagsisinungaling! Hindi sila maaaring magsinungaling! Ang kanilang relihiyon ang hindi nagpapahintulot niyan, at sila’y istrikto sa bagay na iyan. Kailanma’y wala akong nakikilalang sinuman sa kanila, maging lalaki man o babae, na nagsisinungaling. Sila’y mga taong tapat saanman sila naroroon. Marami na akong karanasan sa kanila na nakaiwas sana sila sakaling sila’y bibigyan ng isang parking ticket kung sila’y medyo magsisinungaling, subalit hindi nila ginagawa iyon.’
“Pagkatapos, bumaling siya sa akin at ang sabi, ‘Alam ko na hindi ka magsisinungaling sapagkat batid mo kung sino ang maliligalig sa kaniyang libingan kung sakaling magsinungaling ka?’ ‘Sino po ba iyon?’ ang tanong ko. ‘Ang Judge, si Judge Rutherford [naging presidente ng Watch Tower Society],’ ang sagot niya. ‘Ako’y dating kartero na naghahatid ng sulat sa kaniya may 47 taon na ngayon ang nakaraan. Kilala ko ang mga Saksi ni Jehova bago sila naging ganitong karami. Si Judge ay isang taong pambihira!’
“Pagkatapos ng lahat na ito, ang hukom sa hukumang iyon ay hindi man lang nag-abala na ako’y panumpain. Kaniyang hiniling sa akin na iprisenta ko ang aking kaso, at ganoon nga ang ginawa ko. Ang kaniyang hatol? ‘Walang kasalanan.’”
Ibig ng mga Saksi ni Jehova na ‘mamuhay nang marangal sa lahat ng bagay.’ (Hebreo 13:18) At ang kanilang pagkapit nang mahigpit sa marangal na pamumuhay ang isa sa maraming paraan na kanilang ipinagkakaiba nila sa sanlibutan.