“Wala Pa Akong Nakilalang Isa na Nagsisinungaling”
SI Mike ay tumanggap ng patawag na humarap sa lokal na hukuman sa Brooklyn dahil sa isang paglabag sa pagpaparada ng sasakyan. Isang bagay lamang, bagaman ang patawag ay nagtataglay ng numero ng kaniyang kotse, alam ni Mike na siya ay nasa trabaho sa punong-tanggapan ng Watchtower sa nabanggit na oras. Isa pa, hindi nga niya alam ang lugar ng kalye kung saan sinasabing nakaparada ang kaniyang kotse. Kaya ipinasiya niya na iapela ang multa.
Nang iharap niya ang kaniyang sarili sa hukuman na nakadamit nang maayos, ibinigay niya ang patawag sa kawani sa hukuman, isang may edad na lalaki na maputi ang buhok. Pagkatapos si Mike ay tinawag sa harap ng hukom at sinabihang siya’y maupo. Sa puntong iyon ang kawani ay nagsalita at tinanong ang hukom: “Kagalang-galang na hukom, sa pagtingin sa lalaking ito, alam po ba ninyo kung ano ang relihiyon ng lalaking ito?” Ang hukom ay sumagot: “Hindi ko alam . . . Siya’y isang Katoliko.” Marahil siya ay nailigaw ng Portuges na apelyido ni Mike. Ang kawani ay sumagot: “Hindi po. Sa pagtingin lamang sa kaniya, masasabi ninyo na siya ay isang Saksi ni Jehova. Sa katunayan, pagpasok niya sa pinto, alam ko na siya ay isang Saksi, at ito’y pinatutunayan ng kaniyang tirahan!”
Saka sinimulan ng palakaibigang hukom ang pagtatanong kay Mike tungkol sa mga bagay sa patawag. Ang paglalarawan ay katugma ng kotse ni Mike maliban sa isang detalye—wala ang modelo ng kotse. Sinabi ng kawani ng hukom: “Itanong po ninyo kung anong uri ng kotse mayroon siya.” Hawak-hawak ang resibo ng rehistro, magalang na sinagot ni Mike ang tanong. Nang ang patawag o abiso ay pinawalang-sala dahil sa di-kompletong katibayan, iginiit ng kawani sa hukuman na magsalitang muli.
Sabi niya: “Kagalang-galang na hukom, nais ko pong sabihin sa inyo at sa lahat ng naririto—kilala ko po ang mga Saksi ni Jehova sa loob ng 30 taon, at wala po akong nakilalang isa man na nagsisinungaling. Nang sabihin niya na hindi ito ang tiket niya, naniniwala ako sa kaniya, at pinatutunayan nito na ito ay hindi niya kotse. Talagang iginagalang ko ang mga taong ito. Mabubuti silang tao, at ibig ko ng mga taong nagsasabi ng totoo.”
Saka sabi pa niya: “Isang bagay lamang ang hindi ko sinasang-ayunan—hindi sa ako’y tama.” At bumabaling kay Mike, sinabi pa niya: “Marahil tama ka at ako’y mali. Ito’y ang inyong paniniwala tungkol sa pagsasalin ng dugo.”
Si Mike ay sumagot: “Kung nais po ninyo, dadalhan ko kayo ng ilang impormasyon tungkol sa aming paninindigan sa pagsasalin ng dugo.” Ang kawani ay may kabaitang tumanggi. Subalit isang babae na nasa loob ng silid ay nagsalita: “Hindi sulit ang magpasalin ng dugo. Maaari kang magkaroon ng AIDS mula rito ngayon.” Lahat ng nasa hukuman ay tumango o sumang-ayon—at si Mike ay umalis na maligaya at naginhawahan.