Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 10/15 p. 3-4
  • Lunas Para sa Lahat ng Sakit—Panaginip ba Lamang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lunas Para sa Lahat ng Sakit—Panaginip ba Lamang?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Kayhirap na Paniwalaan
  • Ang Paglaban sa Sakit at Kamatayan—Naipagwawagi Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ang Salot sa Ika-20 Siglo
    Gumising!—1997
  • Paghihiganti ng mga Mikrobyo
    Gumising!—1996
  • Hula 3. Sakit
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 10/15 p. 3-4

Lunas Para sa Lahat ng Sakit​—Panaginip ba Lamang?

KAY tanda-tanda na ni Juan noon. Siya’y itinapon sa isang maliit na isla sa loob ng ilang panahon. Wari noon na siya ay namumuhay na nag-iisa sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay. Subalit nang siya’y nasa ganiyang kalagayan siya’y tumanggap ng mensahe na punô ng pampalakas-loob para sa kaniya​—at para sa atin.

Sa isang pambihirang pangitain si Juan ay nakarinig ng malakas na tinig na nanggagaling sa langit at nagsasabi: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . at papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”

Pagkatapos, siya’y nakakita ng ilog na kumikislap at sinlinaw-kristal ang tubig. Sa pampang nito ay nakita niyang tumutubo ang malalagong namumungang punungkahoy. Ang dahon ng mga punungkahoy ay ukol sa pagpapagaling sa mga bansa. Anong pambihirang karanasan!

Kung ikaw ang nakarinig at nakakita ng gaya ng narinig at nakita ni Juan, hindi ka ba magagalak nang dikawasa pagka nalaman mo na balang araw lahat ng kirot at pagdurusa ay mawawala at lahat ng sakit ay gagaling na? Oo, parang pagkabuti-buti upang paniwalaan!

Bakit Kayhirap na Paniwalaan

Ang nangyari roon ay isang makasaysayang pangyayari na naganap noong 96 C.E. sa isla ng Patmos, na nasa baybayin ng kasalukuyang bansa ng Turkey. Ang matanda nang si Juan ay yaong minamahal na apostol ni Jesu-Kristo, at ang kaniyang nakita ay isinulat niya sa banal na Bibliya.​—Apocalipsis 1:9; 21:3, 4; 22:1, 2.

Bagaman gayon, karamihan ng tao ngayon ay nahihirapang maniwala na darating ang panahon na mawawala ang mga sakit. Bakit? Yamang ang kalikasan ng tao ay gaya na nga ng nakikita natin ngayon, ang hilig natin ay tanggihan ang anuman na waring malayo sa ating karaniwang nararanasan ngayon.

Tungkol sa matagal nang pakikipagpunyagi ng tao laban sa sakit, si Richard Fiennes, patologo sa Zoological Society of London, ay sumulat sa kaniyang aklat na Man, Nature and Disease:

“Nakikini-kinita na ba ang wakas ng pakikipagpunyaging ito? Ang tao ay nakikibaka sa isang hydra. Pagka naalis ang isang ulo, mayroon namang lilitaw na kahalili. Ang di-napapanahong sakit, kawalang-kaya, at ang kamatayan ang siya pa ring pinakamahihigpit na problema ng tao; samantalang noong mga araw na nakalipas ang tuberkulosis, pulmonya, at kamatayan na likha ng panganganak ang mga problema, sa ngayon, ang koronaryong sakit sa puso, stroke, kanser at iba pa ay nagsihalili.”

Ang mga berdugo ng “nakalipas na mga araw” ay hindi pa lubusang napapawi. Iniulat ng The Economist ng London na “sa Asia, Aprika at Timog Amerika, isang tao sa 10 ang may kapansanan. Karamihan ng mga dukha ay nagkakasakit ng matinding pagkukurso at pulmonya sa panahon na ikinabubuhay nila. . . . Angaw-angaw pa ang namamatay dahilan sa sakit na gaya ng malaria o sistosomiasis (alalaong baga, bilharzia [na likha ng isang parasito sa dugo]); ang iba naman ay lulumpuhin ng ketong.”

Maging sa maunlad na mga bansa ang mga ibang ulo ng “hydra” ay nakalilito sa mga eksperto. “Ang mga doktor sa ngayon ay napapaharap sa mga sakit na maaaring grabe pa kaysa dakilang mga berdugo na gaya ng bulutong at diphtheria,” ang isinulat ni Edward Edelson sa Daily News ng New York.

Mga ilang taon na ang nakalipas, ang pangalang AIDS ay halos walang kabuluhan sa karamihang mga tao. Sa ngayon, ang nakamamatay na sakit na ito ay halos kilala na ng lahat, gaya rin ng Legionnaires’ disease at ng shock syndrome o mga sintomas ng pagkagitla. Ang iba pang mga berdugo ay: Ebola fever, Lassa fever, Korean hemorrhagic fever, Reye’s syndrome, Kawasaki disease, hemolytic uremic syndrome, at iba pa. “Ang isang hiwaga na dala ng pambihirang mga sakit na ito ay na kadalasan napapaharap ang mga doktor sa mga palaisipan na di-matarok,” ang sabi ni Edelson.

Sa kabila ng pagsulong sa medisina, karamihan ng mga tao ay matatag na sa kanilang paniniwala na ang sakit at kamatayan ay talagang hindi maiiwasan. Mahirap na gunigunihin nila na may panahong darating na ang kamatayan, kirot, at sakit ay mapaparam na.

Kung gayon, kumusta naman ang pambihirang pangitain na nakita ni Juan? Ito ba’y magiging isang panaginip lamang na parang bula? Mayroong mabubuting dahilan upang maniwala na hindi nga magkakagayon. Karakaraka pagkatapos na marinig ang kahanga-hangang mga pangako, ganito ang katiyakan na ibinigay kay Juan: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” (Apocalipsis 21:5; 22:6) Paano nga matutupad ang mga salitang ito? At makikita ba natin ang katuparan ng mga ito sa panahon na ikinabubuhay natin?

[Dayagram/Mapa sa pahina 3]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Malaganap pa rin ang dating nakamamatay na mga sakit

Ketong

Ketong at Malaria

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share