Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 10/15 p. 4-7
  • Lunas Para sa Lahat ng Sakit—Maaaring Masumpungan!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lunas Para sa Lahat ng Sakit—Maaaring Masumpungan!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malusog na Pagpapasimula
  • Ano ba ang Sakit?
  • Ang Paghahanap ng Kalusugan
  • Ang Lunas ay Malapit Na!
  • Sakdal na Kalusugan Para sa Lahat
    Gumising!—1995
  • Kalusugan Para sa Lahat—Isang Mahalagang Pangangailangan
    Gumising!—1987
  • Manatili sa Iyong Pananampalataya at Espirituwal na Kalusugan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Mabuting Kalusugan Para sa Lahat—Malapit Na!
    Gumising!—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 10/15 p. 4-7

Lunas Para sa Lahat ng Sakit​—Maaaring Masumpungan!

SA BUONG nalakarang mga panahon, patuloy ang pagsisikap na masumpungan ang lunas para sa lahat ng sakit. Sa taun-taon, bilyung-bilyong dolyar ang ginugugol sa serbisyong pangkalusugan. Ang iba sa pinakadakilang mga talento ng daigdig, sa paggamit ng pinakamasulong na teknolohiya, ay nagsasagawa ng pananaliksik sa medisina. Subalit ang mga tao sa buong lupa ay dumaranas pa rin ng sakit, at ang nakapipinsalang mámamatay na mga sakit ay patuloy sa gitna natin. Ang kalagayan natin ay hindi gaanong nagbago sapol noong mga kaarawan ni Moises. Mahigit na 3,000 taon na ngayon ang nakalipas siya’y sumulat: “Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitumpong taon; at kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walumpong taon, gayunman puno ng hirap at kapanglawan.”​—Awit 90:10.

Malusog na Pagpapasimula

Datapuwat ang sangkatauhan ay nagsimula na sakdal. Sina Adan at Eva ay namuhay sa isang malinis na kapaligiran na doo’y walang umiiral na sakit, doon sa magandang halamanan ng Eden. Sila’y binigyan ng maraming pagkain na nakapagpapalusog at kasiya-siya. Sila’y may trabaho roon na nakapagpapasigla at kasiya-siya. At sila’y may malusog na katawan at pag-iisip.​—Tingnan ang Genesis 1:26-30.

Sinabihan din sila ng Diyos kung paano nila mapananatili ang kanilang kasakdalan. Una, kaniyang sinabi sa kanila ang dapat nilang gawin: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” Pagkatapos ay kaniyang sinabihan sila kung ano ang hindi nila dapat gawin: “Ngunit sa bunga ng punungkahoy na pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain nito sapagkat sa araw na kumain ka tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 1:28; 2:17) Kung sila, at balang araw ang kanilang mga supling, ay susunod sa dalawang mga pangunahing utos na ito, sila ay makapananatili magpakailanman sa kanilang kalusugan, kaligayahan, at sakdal na kalagayan.

Maraming tao sa ngayon ang may palagay na ang ulat na iyan tungkol kay Adan at kay Eva ay di-naaayon sa siyensiya, na ito’y isang alamat lamang. Subalit imbes na walaing-bahala ang mga bagay na ito, suriin natin.

Sa mga pangungusap na alam natin sa ngayon, ang unang utos ay nagsabi sa kanila na kailangan pangalagaan nila ang kanilang kapaligiran. Ang ikalawa ay nagsabi sa kanila na ang kanilang estilo ng pamumuhay ay kailangang panatilihin nila sa loob ng hangganan na itinakda ng Diyos. Ito ba’y alamat na di-naaayon sa siyensiya o ito ba’y nagdiriin ng saligan para sa malusog na pamumuhay? Pansinin ang sinasabi tungkol diyan ng aklat na Health and Disease na ang awtor ay si René Dubos at Maya Pines: “Isa sa di-gaanong nauunawaang bagay na may impluwensiya sa sakit ay ang kapaligiran. Kung saan nakatira ang isang tao at kung paano siya namumuhay ay maaaring magkaroon ng lalong epekto sa kaniyang kalusugan​—malimit na sa di-inaasahang mga paraan​—kaysa mga mikrobyo na umaapekto sa kaniya o sa mga genes na kaniyang namana.”

Ano ba ang Sakit?

Sa kontekstong ito, ang sakit ay may malaking kaugnayan sa kung paano tayo namumuhay at kung paano tayo nakikitungo sa ating kapaligiran. Sa ngayon inaakala natin na ang ating sibilisadong paraan ng pamumuhay ay may malaking nagawa upang mapahusay ang kalagayan ng ating kalusugan. Subalit pansinin ang sinasabi nina Dubos at Pines: “Ang mga katutubong taga-Australia, na namumuhay nang halos nakabukod ayon sa kultura ng Panahong Bato, ay halos hindi nagkakasakit. Sa katunayan, sa pinaka-adelantadong mga lipunan lamang, sa pamamagitan ng siyensiya ng modernong medisina nasasaksihan ng sibilisadong tao ang kalusugan ng pinaka-primitibong mga tao na kanilang tinatamasa bilang isang karapatan sa kapanganakan nila.”

Isa na sa “pinaka-primitibong mga tao” na binanggit ng mga awtor ay ang Mabaans ng Sudan. “Ang Mabaans ay nagtatamasa ng mahabang buhay na pambihirang makita kahit na sa lipunan na maunlad sa panggagamot. Isa pa, sa kanilang mga huling taon ng katandaan ay halos wala silang nararanasang mga sakit na kaakibat ng katandaan. Ang mga siyentipiko ay nagtataka pa rin sa pambihirang kalusugan ng mga Mabaans, subalit ang kanilang matatag, tahimik na kapaligiran ay tunay na isang mahalagang dahilan nito.” Upang idiin ang impluwensiya ng kapaligiran, isinusog pa ng mga awtor: “Pagka ang isang Mabaan ay lumipat ng tahanan sa siyudad ng Khartoum, 650 milya [1,050 km] ang layo, siya’y dumaranas ng maraming sakit na noon lamang niya naranasan.”

Sa kabaligtaran, ang ating “sibilisadong” paraan ng pamumuhay ay nagdulot ng polusyon sa hangin at tubig, ng pagkahubad ng mga gubat, ng labis na populasyon, at ng malnutrisyon para sa maraming tao. Ang kawalang-pakundangan ng tao sa kapaligiran ay nagdulot lamang ng malaking panganib sa kaniyang kalusugan at gayundin pinagbabantaan pa nito ang kaniyang pananatiling buháy sa lupa.​—Tingnan ang Apocalipsis 11:18.

Kung gayon, hindi katakataka na ang sakit ay kung minsan binabanggit na “isang resulta ng sibilisadong pamumuhay.” Ating itinuturing na tayo’y sibilisado dahilan sa hindi na tayo doon sa gubat naninirahan. Bagkus, tayo’y namumuhay sa mga siyudad na pagkalapit-lapit sa isa’t-isa, kung hindi man patung-patong. Sa katunayan, ang salitang “sibilisado” ay galing sa salitang-ugat sa Latin na nangangahulugang mamamayan o naninirahan sa siyudad. Subalit saan ba nanggaling ang ideya ng paninirahan sa siyudad?

Ang unang rekord nito ay nasa Genesis 11:4: “Ngayo’y sinabi nila: ‘Halikayo! Magtayo tayo ng isang siyudad at gayundin isang tore na ang taluktok ay umaabot sa langit, at gumawa tayo ng bantog na pangalan para sa ating sarili, sapagkat baka tayo mangalat sa balat ng buong lupa.’” Ang mungkahing iyan noong mga kaarawan ni Nimrod ay labag sa layunin ng Diyos na sinabi kay Adan, samakatuwid baga, na “punuin ang lupa at supilin” ito. Para magawa iyon, sila’y kinakailangang kumalat habang sila’y dumarami. Sa hindi paggawa nito, at sa iba pang mga kadahilanan, si Nimrod ay nakilala bilang “kasalungat ni Jehova.” (Genesis 10:9) Ang pagsalansang na iyan, lakip na ang paghihimagsik sa halamanan ng Eden, ang humila sa tao tungo sa pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay.

Kahit na ngayon, ang karamihan ng sakit na dinaranas ng mga taong nasa nakaririwasang mga bansa ay resulta ng estilo ng kanilang pamumuhay.

Ang Paghahanap ng Kalusugan

Natalos ng mga autoridad na ang mga problema ng tao sa kalusugan ay hindi nalulutas sa pamamagitan lamang ng higit pang mga gamot, higit pang mga doktor, o higit pang mga ospital, bagamat tiyak na ito’y magdudulot ng kabutihan sa sandaliang panahon. Bagkus, kailangan ang malaking pagbabago sa pamumuhay ng mga tao at gayundin sa paraan ng pakikitungo ng mga tao sa kapaligiran. Halimbawa, si Dr. Halfdan Mahler, direktor-heneral ng WHO (World Health Organization), sa isang sanaysay tungkol sa World Health Day, Abril 7, 1983, ay sumulat:

“Ano ang maaaring gawin ng mga tao tungkol sa kanilang kalusugan? Sila’y maaaring kumilos, bilang indibiduwal at bilang isang komunidad, upang magkaroon sila ng sapat at tamang uri ng pagkain. Maaari silang magsama-sama upang magsikap na ang magamit nila’y ang pinakamalinis na tubig na maaaring makuha, na tinitiyak na iyon ay malinis. Maaaring ang sundin nila ay mga pamantayan ng kalinisan sa loob at sa palibot ng kanilang tahanan, sa mga pamilihan, sa mga paaralan, sa mga pagawaan, sa mga kainan at restaurant. Maaaring matutuhan nila kung paano mag-aanak nang kung ilan lamang upang magkaroon ang bawat isang anak ng pagkakataong mabuhay, makapag-aral, at magkaroon ng disenting uri ng pamumuhay.”

Maliwanag, ang mga hakbang na ito ay ukol sa mabuting kalusugan. Subalit ang mga tanong ay: Paanong ang mga dukha sa mga bansang maralita ay magkakaroon ng sapat na pagkain, malinis na tubig, at makasusunod sa mga pamantayan ng kalinisan? Saan nila kukunin ang salapi at ang pagkadalubhasa na kinakailangan upang makamit ang mga bagay na ito?

Kapuna-puna, isang artikulo sa World Health, ang opisyal na magasin ng WHO, ang nagsasabi: “Gunigunihin ninyo ang isang ulirang daigdig na doon lahat ng pagkadalubhasa, gastos, kapangyarihan at kayamanan ng tao na sa kasalukuyan walang pinaggugugulan kundi mga pamatay na armas ay gagamitin sa pagpapasulong ng kalusugan ng daigdig!” Ano ang magagawa niyan? Bueno, ayon sa taya ng artikulong iyon ang arms race ay ginugugulan ng daigdig ng humigit-kumulang $600 libong milyon isang taon, o isang milyong dolyar sa isang minuto. Subalit “ang 14-taóng kampanya upang lipulin ang berdugong sakit na bulutong sa pagitan ng 1967 at 1980 ay ginugulan ng daigdig ng $300 milyon lamang.” Kayat iyon ay nagtatapos sa ganito: “Maliwanag, kung kahit isang bahagi ng kayamanan na kasalukuyang ginagastos sa mga armas ay gagastusin sa pagsupil, paggamot at pananaliksik sa larangan ng kalusugan, ang daigdig ay tunay na susulong tungo sa Kalusugan para sa lahat pagsapit sa taóng 2000.”

Kumusta naman ang mga tao sa maunlad na mga bansa? Baka sa isang paraan ay mas mabuti sila sa kanilang pamumuhay, ngunit, sang-ayon kay Dr. Mahler, sila man ay “kailangang bumalikat ng kanilang mga pananagutan sa kalusugan, kumain nang may katalinuhan, uminom nang katamtaman, huwag manigarilyo sa ano pa mang paraan, mag-ingat ng pagmamaneho ng sasakyan, magkaroon ng sapat na ehersisyo, matutong mamuhay sa gitna ng kaigtingan ng buhay-siyudad, at magtulungan sa isa’t-isa na gawin ito.”

Kayat kailangan itanong natin: Ang mga bansa ba ay papayag na baguhin ang kanilang mga pamamalakad at bigyan ng pangunahing dako ang pagtataguyod ng kalusugan? Papayag kaya silang kalimutan ang kanilang mga pagkakabaha-bahaging makapolitika at magsama-sama sa kanilang mga pagsisikap pati sa kanilang mga kayamanan upang mapagtagumpayan ang sakit? At ang mga tao ba ay magbabago ng kanilang mga estilo ng pamumuhay tungo sa aakay sa kalusugan? Oo, aaminin ninyo na ito’y mahirap na mangyari. Ang paglunas sa lahat ng sakit ay hindi kailanman mangyayari kung ang mga bansa ang aasahan natin tungkol dito.

Ang Lunas ay Malapit Na!

Kanino, kung gayon, dapat tayong tumingin? Bueno, alalahanin ang pangitain na nakita ng matanda nang apostol na si Juan. Ganito ang pagkalarawan niya roon:

“Sa akin ay ipinakita niya ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, at umaagos buhat sa trono ng Diyos at ng Kordero patungo sa gitna ng maluwang na lansangan. At sa dako rito ng ilog at sa kabilang ibayo ay naroon ang mga punungkahoy ng buhay na namumunga sa labindalawang pag-aani, nagbubunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng punungkahoy ay pampagaling sa mga bansa.”​—Apocalipsis 22:1, 2.

Ang simbolikong “ilog ng tubig ng buhay” ay makikitang “umaagos buhat sa trono ng Diyos at ng Kordero.” Maliwanag, kung gayon, ang Diyos na Jehova at ang Mesianikong Kaharian ng kaniyang Anak ang kailangang asahan natin para sa ‘pagpapagaling sa mga bansa.’ Hindi ba makatuwiran iyan? Ang Diyos ang Maylikha ng katawan ng tao at ng buong lupa. Siya​—higit sa kanino mang doktor o siyentipiko​—ang nakakaalam kung paano ang pinakamagaling na pakikitungo sa mga bagay-bagay upang mapagtagumpayan ang mga sakit. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang sangkatauhan ay palalayain na buhat sa nagdudulot- sakit at kamatayang mga bagay na nararanasan natin ngayon. Yamang sila’y nakikinabang sa dalisay at sinlinaw-kristal na “tubig ng buhay” at sa mga bunga at mga dahon ng “mga punungkahoy ng buhay”​—ang buong paglalaan ni Jehova ukol sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan​—ang sangkatauhan ay gagaling na nang panghabang-panahon sa lahat ng kaniyang sakit, espirituwal at pisikal.a Ang mga tao ay isasauli sa maligaya, malusog, sakdal na kalagayan na tinatamasa ng kanilang mga ninuno noon, sina Adan at Eva, sa pasimula pa lamang.

Ang panahon para sa pagkilos ng Kaharian ng Diyos “upang ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa” ay malapit na. (Apocalipsis 11:18) At kung magkagayon, ang marami pang bahagi ng hula ng Bibliya ay matutupad sa isang isinauling paraiso. (Isaias 33:24; 35:5, 6) Ito’y mabuting balita para sa lahat ng naghahangad ng mabuting kalusugan sa paraan ng Diyos. Hindi na magtatagal at ang “bagong lupa” na nakita ni Juan ay darating dito, na doon ay “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man.”​—Apocalipsis 21:1, 4.

Makabilang ka kaya sa mga taong makakaligtas pagka winakasan na ang marumi at nabubulok na sistemang ito ng mga bagay upang mabuhay sa malinis na “bagong lupa”? Kung matalinong gagamitin mo ang panahon na natitira pa para matuto nang higit at higit pa tungkol sa Kaharian ng Diyos at gagawin ang kaniyang iniutos, ikaw ay mabubuhay at masasaksihan mo pagka nilunasan na ang lahat ng sakit.

[Talababa]

a Para sa detalyadong paliwanag ng mga talatang ito Apo 22:1, 2, pakitingnan ang “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules!, lathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share