Mabuting Kalusugan Para sa Lahat—Malapit Na!
“ANG ideya na hindi na muling pagkakasakit kailanman . . . ay popular sa kasalukuyan,” ang ulat ng Alemang magasing pambalita na Focus. Gayunman, hindi na bago ang ideyang ito. Nang magsimula ang buhay ng tao, hindi kailanman hinangad ng Maylalang na magkasakit man lamang ang sangkatauhan. Ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan ay hindi lamang “isang katanggap-tanggap na antas ng kalusugan para sa lahat ng tao sa daigdig.” (Amin ang italiko.) Nilayon ng ating Maylalang ang sakdal na kalusugan para sa lahat!
Kung gayon, bakit kaya tayo nagdurusang lahat sa karamdaman at sakit? Sinasabi sa atin ng Bibliya na ginawa ng Diyos na Jehova ang mga magulang ng buong sangkatauhan, sina Adan at Eva, na sakdal. Nang matapos niya ang kaniyang paglalang, “nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” Hindi kailanman hinangad ng ating maibiging Maylalang na ang buhay ng tao ay salutin ng sakit at kamatayan. Subalit nang piliin nina Adan at Eva na iwan ang daan ng buhay na inilaan para sa kanila, nahulog sila sa pagkakasala. Ang bunga ng Adanikong kasalanan ay kamatayan, na naipamana sa lahat ng tao.—Genesis 1:31; Roma 5:12.
Hindi basta pinabayaan na lamang ni Jehova ang sangkatauhan. Ni tinalikuran man niya ang kaniyang orihinal na layunin para sa kanila at sa lupa. Sa buong Bibliya, ipinaaalam niya ang kaniyang layunin na isauli ang masunuring mga tao sa kanilang orihinal na kalagayan ng mabuting kalusugan. Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ipinakita niya ang kapangyarihan ng Diyos na magpagaling ng mga kapansanan. Halimbawa, pinagaling ni Jesus ang pagkabulag, ketong, pagkabingi, manas, epilepsi, at paralisis.—Mateo 4:23, 24; Lucas 5:12, 13; 7:22; 14:1-4; Juan 9:1-7.
Malapit nang tagubilinan ng Diyos ang kaniyang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, na pangasiwaan ang mga gawain ng daigdig ng sangkatauhan. Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, ang hula ni Isaias ay matutupad: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ Ang bayan na mananahanan sa lupain ay yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang kamalian.” (Isaias 33:24) Paano ito magaganap?
Mapapansin natin na ang propeta ay sumulat hinggil sa bayan na “pinagpaumanhinan sa kanilang kamalian.” Kaya, ang orihinal na sanhi ng karamdaman—ang minanang kasalanan ng sangkatauhan—ay aalisin. Paano? Ang halaga ng haing pantubos ni Jesus ay ikakapit sa masunuring sangkatauhan, sa gayo’y inaalis ang ugat ng sakit at kamatayan. Ang malaparaisong mga kalagayan ay mararanasan sa bawat sulok ng lupa. Ang Kristiyanong apostol na si Juan ay sumulat: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Iyan ay malapit na!—Apocalipsis 21:3, 4; Mateo, kabanata 24; 2 Timoteo 3:1-5.
Pananatiling Timbang
Samantala, ang karamdaman at sakit ay bahagi na ng buhay ng milyun-milyong tao. Kaya likas lamang para sa mga indibiduwal na mabahala hinggil sa kanilang kalusugan at hinggil sa kalusugan ng kanilang mga minamahal.
Lubhang pinahahalagahan ng mga Kristiyano sa ngayon ang mga pagsisikap ng propesyon ng medisina. Gumagawa sila ng makatuwirang mga hakbang upang maging malusog o manatiling malusog. Gayunman, ang pangako ng Bibliya tungkol sa isang kinabukasan na malaya sa karamdaman ay tumutulong sa atin na manatiling timbang sa bagay na ito. Hangga’t hindi pa pinangangasiwaan ng Mesiyanikong Hari ang mga gawain ng sangkatauhan, ang sakdal na kalusugan ay talagang imposible. Gaya ng nakita natin, maging ang pinakamakapigil-hiningang mga tuklas ay hindi nagpangyaring maabot ng medisina ang pinakamakatas na mansanas sa tuktok ng punungkahoy—ang mabuting kalusugan para sa lahat.
Ang tunguhing “isang katanggap-tanggap na antas ng kalusugan para sa lahat ng tao sa daigdig” ay malapit nang maabot. Ngunit hindi sa pamamagitan ng UN o ng World Health Organization o ng mga tagaplano ng kapaligiran o ng mga repormador ng lipunan o ng mga manggagamot. Ang pag-abot na iyan ay nakalaan kay Jesu-Kristo. Kay laking kagalakan nga iyon kapag ang sangkatauhan sa wakas ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos”!—Roma 8:21.
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang lahat ay magkakaroon ng mabuting kalusugan sa bagong sanlibutan ng Diyos