Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 6/15 p. 5-7
  • Kaylapit-Lapit Nang Mawala ang Sakit o Kamatayan!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaylapit-Lapit Nang Mawala ang Sakit o Kamatayan!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinagmulan ng Sakit at Kamatayan
  • Sa Lupa ba o sa Langit?
  • Bakit Kaylapit-lapit Na?
  • Mabuting Kalusugan Para sa Lahat—Malapit Na!
    Gumising!—2001
  • Kapag Wala Nang Sakit!
    Gumising!—2007
  • Apocalipsis 21:4—“Papahirin Niya ang Bawat Luha”
    Paliwanag sa mga Teksto sa Bibliya
  • Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 6/15 p. 5-7

Kaylapit-Lapit Nang Mawala ang Sakit o Kamatayan!

WALANG sinumang gustong magkasakit, ni gusto man ng mga tao na mamatay. Isang propesor ng medical sociology ang nagsabi: “Ang pananaliksik ukol sa lalong mahabang buhay ay waring halos palasak na sa buong kasaysayan at sa karamihan ng mga lipunan. Ito ay may kaugnayan sa pangunahing pagsisikap na mapamalagi ang sarili . . . Si Ponce de Leon ang pinakatanyag sa isang mahabang hanay ng mga lalaking gumugol ng kanilang buhay sa paghahanap ng isang lalong mahabang buhay. Ang kalakhang bahagi ng siyensiya ng medisina ay nakatalaga sa pagpapahaba ng buhay sa pamamagitan ng paglaban sa sakit at kamatayan.”

Ang kamatayan ay lumalabag at lumilikha ng pagdurusa sa ating panloob na naturalesa kung kaya pagka ito’y dumating sa mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya, halos natural lamang na sikapin nating mabawasan ang hapding dulot nito. Ang aklat na Funeral Customs the World Over ay nagsasabi: “Walang grupo, gaano mang ka-primitibo sa isang banda o ka-sibilisado sa kabilang banda, na kung papayagan sa ganang sarili at sa sariling kaya ang hindi naglilibing sa mga miyembro nito nang may seremonya. . . . Ito’y nagtatakip ng matinding naisin sa lahat ng dako. Ang pagsasagawa nito ay waring ‘tama,’ at ang hindi pagsasagawa nito, lalo na para sa mga taong may malalapit na kaugnayan dahil sa pagiging magkakasambahay, sa damdamin, sa pamumuhay nang sama-sama, sa iisang karanasan o iba pang mga kaugnayan, ay waring ‘mali,’ isang di-likas na kakulangan, isang bagay na dapat ihingi ng paumanhin o ikahiya. . . . [Ang tao] ay isang kinapal na naglilibing sa kaniyang patay nang kasabay ng seremonya.”

Ang Pinagmulan ng Sakit at Kamatayan

Ang ideya na balang araw maaalis na ang sakit at kamatayan ay lubhang nakaaakit sa marami, ngunit mayroon bang batayan ang ganiyang paniwala? Tunay na mayroon, at iyon ay kapuwa rasonable, mapanghahawakan, at walang mintis. Iyon ay ang kinasihang Salita ng ating Maylikha​—ang Banal na Bibliya.

Ang aklat na iyan ay malinaw na nagpapaliwanag ng pinagmulan ng kasawian ng tao. Sinasabi niyan sa atin na ang unang tao, si Adan, ay nilalang ng Diyos at inilagay sa isang tahanang halamanang paraiso na naroon sa isang lugar sa Gitnang Silangan. Si Adan ay nilalang na sakdal; hindi niya nakikilala ang sakit at kamatayan. Hindi nagluwat at siya’y binigyan ng isa ring sakdal na asawang babae, at sila’y magkasamang nagtamasa ng pag-asa na buhay na walang-hanggan sa lupa.​—Genesis 2:15-17, 21-24.

Ang ulirang kalagayang ito ay hindi nagtagal. Bakit? Sapagkat si Adan ay mapag-imbot na pumili ng isang landas ng buhay na hiwalay sa Diyos. Puspusang pagpapagal, kirot, sakit, at kamatayan ang naging bunga sa wakas. (Genesis 3:17-19) Ang kaniyang mga supling ay nagmana ng malungkot na buhay na pinili ni Adan. Ang Roma 5:12 ay nagpapaliwanag: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan ay sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayo’y lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” Isinususog pa ng Roma 8:22: “Alam natin na lahat ng nilalang ay patuloy na dumaraing nang sama-sama at nagdurusang sama-sama hanggang ngayon.”

Sa Lupa ba o sa Langit?

Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na malapit nang kumilos ang Diyos upang isauli ang masunuring mga tao sa maligayang kalagayan na iniwala nina Adan at Eva. Sinasabi ng Apocalipsis 21:3, 4: “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Isang sinaunang propeta ang nagkaroon din ng pangitain tungkol sa panahon na “walang tumatahan doon ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”​—Isaias 33:24.

Maguguniguni mo ba ang isang daigdig na walang mga ospital, mga punerarya, at mga libingan? Maguguniguni mo ba ang buhay na patu-patuloy, wala kahit man lamang banta ng paghihirap at kamatayan? Oo, ang pangako ng Diyos ay pumupukaw ng mga damdamin na nasa kaloob-looban nating lahat. Subalit, papaano tayo makatitiyak na ang kahanga-hangang pag-asang ito ay para sa ating planetang Mundo​—hindi para sa langit? Pansinin ang konteksto ng binanggit nang mga teksto sa Kasulatan. Ang mga unang bersikulo ng Apocalipsis kabanata 21 ay tumutukoy ng “isang bagong langit at isang bagong lupa.” Malinaw ang pangungusap na ang Diyos ay doroon sa sangkatauhan at sila’y magiging kaniyang bayan. Ang pangako na nasa aklat ng Isaias na walang sinumang magkakasakit ay sinusundan ng pagtukoy sa “bayan na tumatahan sa lupain,” na “pinatawad sa kanilang kasalanan.”

Kaya ang nakapagpapatibay-loob na mga pangakong ito ay tumutukoy sa buhay sa lupa! At ito’y kasuwato ng panalangin ni Jesus sa kanyang Ama: “Gawin nawa ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:10.

Bakit Kaylapit-lapit Na?

Natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang milyun-milyon sa pagkaunawa na ang mga pangakong ito’y matutupad sa malapit na hinaharap. Subalit, saan ibinabatay ang kanilang katiyakan tungkol dito? Ito’y batay sa labis-labis na ebidensiya na tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw” ng kasalukuyang sistema, o pamamalakad, ng mga bagay sa lupa. (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga alagad ni Jesus ay humingi ng isang tanda tungkol sa kung kailan mangyayari ang katapusan ng sistema ng mga bagay. Bilang tugon isa-isang inihula ni Jesus ang patuloy na lumulubhang mga pangyayari sa daigdig na patuluyang nagaganap sapol nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914.a Pagkatapos ay kaniyang isinusog: “Pagka nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan na. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” Samakatuwid ang ilan na kabilang sa salinlahi na nabubuhay noong 1914 ay buháy pa upang makita nila ang katapusan ng kasalukuyang sistema.​—Mateo 24:33, 34.

Sa panahong iyon iniutos ng Diyos na Jehova sa kaniyang Anak, si Kristo Jesus, na humayo at puksain ang lahat ng pinagmumulan ng pagdurusa at paghihirap sa ibabaw ng magandang planetang ito na Mundo. Tinutukoy ng Bibliya ang pag-aalis ng kabalakyutan bilang ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon.​—Apocalipsis 16:14, 16.

Isang lubhang karamihan ng mga taong may takot sa Diyos ang makaliligtas sa nakasisindak na pangyayaring ito at mabubuhay upang makita ang pagpapasimula ng mapayapang paghahari ni Kristo Jesus. (Apocalipsis 7:9, 14; 20:4) Bagaman ang kaniyang paghahari ay magmumula sa langit, ang kapaki-pakinabang na mga resulta nito ay tatamasahin ng lahat ng mga taong nabubuhay sa lupa​—kapuwa ang nakaligtas sa digmaan ng Armagedon at ang milyun-milyon na sunud-sunod na bubuhayin. At kung magkagayon ay matutupad ang pangako: “Siya’y [si Kristo] kailangang maghari hanggang mailagay ng Diyos ang lahat ng kaniyang kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.”​—1 Corinto 15:25, 26.

Kung gayon ay maibubulalas natin nang may pagtitiwala: “Kaylapit-lapit nang mawala ang sakit o kamatayan!” Ito’y hindi isang di-kapani-paniwalang panaginip, ni ito man ay isang guniguni. Ito ang tiyak na pangako ng Diyos na Jehova, “na hindi maaaring magsinungaling.” Ilalagak mo ba ang iyong tiwala sa pag-asang ito? Ito’y pakikinabangan mo nang walang-hanggan!​—Tito 1:2.

[Talababa]

a Para sa higit pang patotoo na ang sangkatauhan ay nabubuhay sa huling mga araw, tingnan ang kabanata 18 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 7]

Ang sakit at kamatayan ay malapit nang halinhan ng masiglang kalusugan at buhay na walang-hanggan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share