Maging Tapat Ka sa Diyos “na Nakakakita sa Lihim”
“Manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay gagantihin ka.”—MATEO 6:6.
1, 2. Anong halimbawa ang nagpapakita na ang inaakala mong mga bagay na lihim ay nahahayag sa madla? (1 Samuel 21:7; 22:9)
MGA ilang taon na ngayon ang lumipas isa sa mga Saksi ni Jehova ay tumilepono sa kaniyang kapatid na lalaki sa Long Island, New York. Yamang ang kaniyang kapatid na ito ay may naiibang pananampalataya, kaniyang ibinalita ang tungkol sa pangako ng Diyos na alisin ang kabalakyutan sa lupa at isauli ang mga kalagayang malaparaiso. Nang matapos ang kanilang pag-uusap at isabit na ng kapatid na lalaki ang telepono, ginulat ang Saksi ng isang tinig na nagsasabi, “Sandali lamang, nais kong magtanong.”
2 Iyon ay ang telephone operator. Siya pala’y nakikinig sa usapang iyon, na naaari namang gawin ngunit lihis iyon sa kaayusan at patakaran ng kompanya. Ang Saksi ay natuwa dahil sa ang kaniyang mga salita ay nakapukaw ng ganiyang interes, at gumawa siya ng kaayusan upang subaybayan iyon, subalit sila’y nabigla sapagkat may iba palang nakapakinig ng kanilang pag-uusap. Oo, ang iba’y nakakakita at nakakarinig kung minsan ng ating iniisip na lihim.—Eclesiastes 10:20.
3. Sa paanong ang buhay ng mga Kristiyano ay laging nakabilad sa paningin ng iba?
3 Ito’y hindi dapat maging sanhi ng malalaking mga problema para sa mga tunay na Kristiyano, na nagsisikap na maging tapat sa Diyos sa tuwina. Sinabi ni apostol Pablo: “Kami’y naging panoorin sa dulaan ng sanlibutan at sa mga anghel, at sa mga tao.” (1 Corinto 4:9) Dito’y ipinahihiwatig niya ang tungkol sa isang pangyayari sa tanghalang-dulaan ng mga gladiator. Bago ganapin ang panghuling bahagi itinatanghal ng mga Romano yaong mga makikipaglaban at marahil mga mamamatay. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay nasa tanghalan din at nakabilad sa harap ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak, kamanggagawa, kapitbahay, at kamag-aral. Ang mga nagmamasid ay maaaring magkaroon ng mabuti o masamang opinyon tungkol sa pagka-Kristiyano batay sa kanilang nakikita sa atin.—1 Pedro 2:12.
4. Paano maaaring maapektuhan ang isang tao ng kaalaman na siya’y pinagmamasdan ng iba?
4 Pagka alam natin na ang iba ay nagmamasid, tayo’y maaaring bumabagay sa okasyong iyon, at ang hangarin natin ay katulad din ng kay Pablo: “Sa ano mang paraan ay hindi kami nagbibigay ng ano mang dahilan sa ikatitisod, upang huwag mapulaan ang aming ministeryo.” (2 Corinto 6:3) Ang ating pagkaalam na ang mga iba ay nagmamasid ay maaaring magpatibay sa ating pasiya na gawin ang tama. Subalit, ano kung napaharap tayo sa isang pagsubok tungkol sa mga prinsipyong Kristiyano at ito’y hindi nakikita ng iba?
Hindi Lamang ang Panlabas ang Tinitingnan Niya
5. Ano ang pagkakaiba ng pangmadla at ng pribadong buhay ng mga pinunong Judio?
5 Maraming mga pinunong relihiyosong Judio noong unang siglo na sa panlabas ay makikitaan ng isang uri ng pagkatao, at sa panloob naman ay ibang uri ng pagkatao. Si Jesus ay nagbabala nang ibigay niya ang kaniyang Sermon sa Bundok: “Mag-ingat kayo na huwag sa harap ng mga tao magsigawa ng katuwiran upang makita nila iyon.” (Mateo 6:1, 2) Ang mga pinunong relihiyoso ay gaya ng mga sisidlan na malinis sa labas ngunit ‘sa loob ay puno ng pagpapaimbabaw at katampalasanan,’ tulad ng “mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay puno ng mga buto ng patay na mga tao at ng lahat ng karumaldumal.”—Mateo 23:25-28; ihambing ang Awit 26:4.
6. Ano ang nakikita ni Jehova sa atin?
6 Ang mga salitang iyan ay dapat tumulong sa atin na maunawaang si Jehova’y interesado sa higit pa sa maaaring makita ng mga tao. Ipinayo ni Jesus: “Pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid at, kung mailapat mo na ang iyong silid, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay gagantihin ka.” (Mateo 6:6) Oo, naririnig ng Diyos ang ating mga panalangin na ipinahahatid sa kaniya pagka tayo ay nakahiwalay sa mga ibang tao. Walang hindi napapansin ng Diyos. Kaniyang nakikita ang pagkabuo ng isang tao sa mula’t-sapol naging binhing sumisibol pa lamang, baka binabasa niya ang orihinal na materyal na sa bandang huli huhubog sa ugali ng taong iyon. (Awit 139:15, 16; Genesis 25:23) Naaari pa rin niyang basahin ang lihim na mga hilig ng ating mga puso. (1 Samuel 16:7; 1 Hari 8:39; Jeremias 17:10; Gawa 1:24) Pag-usapan natin kung paanong ang katotohanang ito ay mapapakinabangan natin.
7. Saan maaaring gumawa ang isang Kristiyano ng pagpapasulong ng kaniyang pagkatao?
7 Upang maging mga tunay na Kristiyano kailangang pagsumikapan natin na madaig ang malulubhang mga kahinaan at mga kasalanan, gaya rin ng ginawa ng sinaunang mga Kristiyano. (1 Corinto 6:9-11; Gawa 26:20; 1 Pedro 4:1-4) Subalit kumusta naman iyong mga kahinaan na maaaring hindi alam ng mga ibang tao? Bagaman ang mga kahinaang ito ay hindi nalalaman ng mga ibang tao, hindi ibig sabihin na ito’y ipagwawalang-bahala na lamang. Ganiyan ang ipinakikita ng mga salita ni David: “Sinumang lihim na naninirang-puri sa kaniyang kapuwa ay aking patatahimikin. Sinumang may mga matang mapagmataas at pusong palalo ay hindi ko mapagtitiisan.” (Awit 101:5) Kahit na iyon ay ginawa nang lihim, na isa lamang ang nakaririnig, ang paninirang-puri ay masama. Kayat hindi pinalalampas ni David ang ‘lihim’ na kasalanang ito.
8. Paano natin nalalaman na ang nakukubling mga pagkakasala ay nakikita ni Jehova?
8 Hindi rin dapat linlangin ng maninirang-puri ang sarili niya sa pag-iisip na ang gayong kamalian ay hindi papansinin ng Diyos “na nakakakita sa lihim.” Ang totoo, pinatunayan ng Diyos na siya’y interesado sa mga tao at ibig niya’y maging tapat ang mga ito sa kanilang kapuwa kahit na ang kanilang mga ikinikilos ay hindi nakikita ng iba. Alalahanin ang nangyari kay Achan. Noon ay igigiba na ng mga Israelita ang Jerico at lilipulin ang mga tao roon, ang balakyot na mga Canaaneo. Dito’y ipinuwera ang pilak, ginto, at tanso, yamang ang mga ito’y para sa kabang-yaman ng santuaryo ng Diyos. (Josue 6:17-19) Datapuwat, si Achan ay napadala sa tukso at kaniyang kinuha ang isang mamahaling kasuotan, at ang mga ilang pilak at ginto. Siya’y nagtago sa ilalim ng kaniyang tolda, marahil inaakala niyang walang sinumang makakaalam niyaon. Subalit kaniya bang nadaya ang Isa “na nakakakita sa lihim”? Hindi. Pinapangyari ng Diyos na ang kasalanan ni Achan ay mapabilad sa madla, at ito’y nagdala ng kamatayan sa kaniya at sa kaniyang sambahayan.—Josue 7:1, 16-26.
9. Ano ang kailangan nating gawin upang ating makamit at manatili sa atin ang pagsang-ayon ng Diyos?
9 Ganito ang may kapantasang paliwanag ni Elihu tungkol kay Jehova: “Sapagkat ang kaniyang mga mata ay nasa lakad ng tao, at nakikita niya ang lahat niyang mga hakbang. Walang kadiliman ni ano mang matinding pangungulimlim para sa gumagawa ng kasamaan upang ikubli ang kanilang sarili roon.” (Job 34:21, 22) Kung, sa gayon, nais nating magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos na Jehova at manatili ito sa atin, kailangang pagsumikapan natin na mamuhay ayon sa kaniyang mga simulain kapuwa pagka alam natin na ang iba ay nagmamasid sa atin at pagka lumilitaw na ang ating paggawi ay lihim. Sa lahat ng panahon “ang kaniyang mga mata ay nasa mga lakad ng tao.”
10. (a) Anong magandang halimbawa kung tungkol sa lihim na kasalanan ang ipinakita ni Pablo? (b) Ang posibilidad ng lihim na pagkakasala tungkol sa anu-ano ang dapat nating bigyang-pansin?
10 Ang isang Kristiyano ay maaaring mapaharap sa isang pagsubok na lihim sa kaniyang mga kapuwa mananamba. Nangyari iyan kay Pablo samantalang siya ay nasa piitan. Pinaratangan siya ng mga Judio na siya’y “nagbabangon ng mga paghihimagsik” at ‘nagsisikap na lapastanganin ang templo.’ (Gawa 24:1-6) Si Pablo ay nagpatotoo tungkol sa kaniyang kawalang-sala sa harap ng gobernador Romanong si Felix, na ayon sa mga historyador ay malupit at imoral. Ipinakulong ni Felix si Pablo sa “pag-asang bibigyan siya ni Pablo ng salapi.” (Gawa 24:21, 26) Bagaman alam ng apostol ang payo ng Bibliya tungkol sa hindi pagbibigay o pagtanggap ng mga regalo upang maapektuhan niyaon ang gawad na hatol, maaaring magawa niyang mangatuwiran na ang pagbibigay ng suhol ay isang madaling paraan upang siya’y makalaya. Yamang ang suhol ay hindi naman makikita ng iba, walang dapat na ikabalisa si Pablo tungkol sa pagtisod sa kanila. (Exodo 23:8; Awit 15:1, 5; Kawikaan 17:23) Gayunman ay hindi ganoon ang pangangatuwiran ni Pablo. Marami sa mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon ang napaharap sa mga ibang pagsubok, tulad halimbawa niyaong sa kautusan tungkol sa dugo, pag-abuso sa sarili, at pagmamalabis sa alak. Pag-usapan natin kung paanong ang ganiyang mga pagsubok ay maaaring mapaharap sa iyo o sa iyong mga mahal sa buhay.
Sinubok ang Pagsunod sa Kautusan Tungkol sa Dugo
11. Ano ang batayan para sa paninindigan ng Kristiyano tungkol sa paggamit ng dugo?
11 Ang batas ng Diyos tungkol sa dugo ay hindi na bago o hindi na malabo. Sa pamamagitan ng ating ninunong si Noe, ganito ang ipinag-utos ni Jehova sa lahat ng tao: “Ang laman na may kaluluwa—ang dugo nito—ay huwag ninyong kakainin.” (Genesis 9:4) Ang kabanalan ng dugo, na kumakatawan sa buhay na galing sa Diyos, ay idiniin sa Kautusang Mosaiko. Ang dugo ay maaaring gamitin sa dambana, subalit kung hindi sa ganiyang paraan ay kinakailangang ‘ibuhos iyon sa lupa na gaya ng tubig.’ (Levitico 17:11-14; Deuteronomio 12:23-25) Ang pagbabawal ba laban sa paggamit ng dugo upang sumustine sa buhay ay nagpatuloy nang matapos ang Kautusang Mosaiko? Tunay na hindi. Sa tinatawag ng iba na unang konsilyong Kristiyano, ang mga apostol at ang nakatatandang mga lalaki (na siyang bumubuo ng lupong tagapamahala) ay nagpasiya na ang mga Kristiyano’y kailangang ‘umiwas sa idolatriya, sa pakikiapid, sa binigti [yaong ang dugo ay hindi napatulo] at sa dugo.’ Ang maling paggamit sa dugo ay kasingsama rin ng pakikiapid.—Gawa 15:20, 21, 28, 29.
12. Ano ang paninindigan tungkol sa dugo ng mga unang Kristiyano?
12 Ang mga sinaunang Kristiyano ay tumalima sa kautusan ng Diyos tungkol sa dugo. Bagaman ang mga ibang tao noon ay umiinom ng dugo ng mga gladiator upang magsilbing “panlunas” sa epilepsiya, hindi ginagawa iyon ng mga tunay na Kristiyano. Hindi rin naman sila kumakain ng pagkain na may dugo, kahit na ang kanilang pagtanggi ay nagdadala ng kamatayan sa kanila at sa kanilang mga anak. Magmula na noon, ang mga iba’t-ibang teologo at mga iba pa ay sumang-ayon sa katotohanan na ang mga Kristiyano ay nasa ilalim ng kautusan ng Diyos laban sa paggamit ng dugo upang mapairal na patuloy ang buhay.
13. (a) Bakit kung minsan ay baka mapaharap ka sa pagsubok tungkol sa dugo? (b) Anong pangunahing dahilan ng hindi pagpapasalin ng mga Kristiyano ng dugo ang dapat nating laging isaisip?
13 Sa nakalipas na mga panahon ang pagsasalin ng dugo ay naging isang popular na paraan ng paggamot. Kaya naman ang Kristiyano ay maaaring mapaharap sa pagsubok may kinalaman dito. Ang mga doktor, narses, at maging mga kamag-anak man ay baka manghimok sa kaniya na pasalin ng dugo. Mangyari pa, ang mga taong may kabatiran ay nakakaalam na ang pagsasalin ng dugo ay naghaharap ng malulubhang panganib. Ang Time magasin (Nobyembre 5, 1984) ay nagsabi na “humigit kumulang 100,000 mga Amerikano ang nagkakasakit ng hepatitis taun-taon dahil sa pagsasalin sa kanila ng dugo,” at ito’y dahil sa “isang mahiwagang virus na maaaring makilala sa pamamagitan lamang ng paggamit ng elimination.” Iniulat din ng Time ang mahigit na 6,500 na mga kaso ng AIDS (acquired immune deficiency syndrome), ang iba nito’y mga “transfusion-linked cases.” Ang sabi ng report: “Halos kalahati ng mga biktima ang nangamatay, bagamat sa katapus-tapusan ang persentahe ng mamamatay ay baka umabot sa 90% o mas mataas pa.” Mangyari pa, ang kanilang pagtanggi ay hindi isinasalig ng mga Saksi ni Jehova sa argumento na ang dugo ay masamang gamot. Kahit na kung ang mga doktor ay nagbibigay ng katiyakan na lubusang ligtas ang pagpapasalin ng dugo, ang Salita ng Diyos ay nag-uutos sa atin na ‘lumayo tayo sa dugo.’—Gawa 21:25.
14. Sa anong “lihim” na pagsubok tungkol sa dugo maaari kang mapaharap?
14 Isipin mo na lamang kung sa iyo ay sinabing kailangang-kailangan mo ang pagsasalin ng dugo. Ang batas ng Diyos tungkol sa dugo ang sisilid sa iyong isip, di ba? At ang iyong pasiya na sundin ang Diyos, ano man ang maging resulta niyaon agad-agad, ay malamang na tumibay pa kung naroroon na dumaramay sa iyo ang mga kapuwa mo Kristiyano. (Ihambing ang Daniel 3:13-18.) Datapuwat, ano kung sa lihim ay ginipit ka ng isang doktor o isang hukom upang magpasalin ng dugo, at sinabi pa man din sa iyo na siya ang bahalang managot sa harap ng Diyos?
15. Ang mga ibang doktor at mga opisyales ay may anong maling pagkakilala sa ating paninindigan tungkol sa dugo?
15 Ang mga ulat sa mga ibang bansa ay nagpapakita na kung minsan ang mga doktor, ang mga opisyales ng ospital, at ang mga hukom ay may maling akala na ang mga Saksi ni Jehova ay sa harap ng madla tumatangging magpasalin ng dugo ngunit sa pribado o sa kalooban nila ay iba ang nadarama. Minsan isang hukom ang sa ganang sarili niya ay nagsabi na “ang pinakabuod ng problema ay, wala sa relihiyosong mga paniwala [ng pasyente], kundi nasa kaniyang pagtangging lumagda sa isang dati nang nasusulat na awtorisasyon para sa pagsasalin ng dugo. Siya raw ay hindi tumututol sa pagtanggap ng gayong paggamot—datapuwat, hindi niya iuutos na gamitin iyon.” Sa kabaligtaran, imbes na tumangging ‘lumagda sa awtorisasyon para sa pagsasalin ng dugo,’ ang mga Saksi ni Jehova ay nakikilala bilang matinding sumasang-ayon na lumagda sa legal na mga dokumento na nag-aalis ng pananagutan sa mga tauhan ng pagamutan sa pagtangging pasalin ng dugo.a
16. Kung mayroon sino mang lihim na humihikayat sa iyo na pasalin ka ng dugo, ano ang hindi dapat kalimutan?
16 Ang mga doktor at mga hukom ay marahil magsisikap na hikayatin ka na pasalin ng dugo sapagkat nakikita nila na may mga taong kasapi sa mga ibang relihiyon na tumatanggi sa isang paraan ng paggamot subalit pagkatapos ay tinatanggap naman niyon ‘nang lihim.’ May mga opisyales na nagsasabi pang may nakikilala silang Saksi na sumang-ayon nang lihim na pasalin ng dugo. Sakaling mayroon nga, baka ang nagpasaling iyon ay isa lamang baguhan na nakikiugnay sa mga Saksi ni Jehova. Ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay nakababatid na ang gayong pakikipagkumpromiso ay hindi niya palalampasin. Alalahanin nang si David ay nagkasala may kaugnayan kay Bath-sheba at Uria. Nakitang lahat iyon ni Jehova at kaniyang sinugo si Nathan na taglay ang pasabi: “Yamang iyong ginawa sa lihim [si David ang tinutukoy], sa ganang akin, gagawin ko ito sa harap ng buong Israel at sa harap ng araw.” At gaya ng sinabi nga ng Diyos, nang malaunan naranasan ni David ang malungkot na bunga ng kaniyang “lihim” na pagkakasala.—2 Samuel 11:27–12:12; 16:21.
17. (a) Paanong ang pagsang-ayong lihim na salinan ka ng dugo ay makapagdudulot ng suliranin sa iba? (b) Ipaliwanag kung paanong ang isang sister ay nanindigang matatag tungkol sa suliranin ng lihim na pagsasalin ng dugo, at ano ang resulta nito?
17 Ang pag-ibig para sa iyong mga kapatid na Kristiyano ang dapat tumulong sa iyo na paglabanan ang ano mang panggigipit na lihim na sumang-ayon sa paglabag sa kautusan ng Diyos tungkol sa dugo. Sa paano nga? Bueno, kung ang isang doktor o isang hukom ay magsisikap na pilitin ka na pasalin ng dugo, maging sa lihim, dapat mong pag-isipan ang karagdagang suliranin na idudulot niyaon sa susunod na Saksi. Pansinin ang ganitong karanasan:
Si Sister Rodriguez ay ginagamot dahilan sa isang impeksiyon. At nang magkagayo’y naglubha siya; ang diagnosis ng kaniyang doktor ay pagdurugo na panloob at pinayuhan siya na isugod siya sa isang malaking pagamutan. Ganito ang sabi ni Sister Rodriguez sa mga tauhan na naroon sa emergency room: “Ano man ang mangyari, hindi ako maaaring magpasalin ng dugo.” At iyon nga ang kaniyang pinanindigan nang pilitin siya ng mga narses at sabihin na mayroong mga Saksi na nagpasalin ng dugo. Kung mga ilang araw na ang sister na ito ay patuloy na inagasan ng dugo at nanghina, at sa wakas ay dinala siya sa Intensive Care Unit. Nang magkagayo’y tinawag ng ospital ang isang hukom ng Korte Suprema ng estado.
Mga ilang buwan ang nakaraan at ang eksena’y sa ampiteatro ng ospital, ang hukom na ito ay nagpahayag sa mahigit na 150 mga doktor sa paksang “Bueno, Kanino bang Buhay Iyon?” Sinabi pa rin niya na mayroon siyang nakikilalang mga tao na sa primero ay tumangging pasalin ng dugo ngunit nang bandang huli ay pumayag na nang isangkot ang isang hukom. Eh kumusta naman ang tungkol kay Sister Rodriguez? Ibinida niya (ng hukom) na sa pansarilinan kaniyang sinubukan na kumbinsihen ito na maniwalang siya na ‘ang babalikat ng pananagutan’ at ilalagay na ang pagsasalin ay utos ng hukuman. Ano ang ginawa ng sister na ito? Sinabi ng hukom sa nagkakatipon na mga doktor na iyon na ginamit ng babaing ito ang kaniyang buong lakas, at sinabi ni Mrs. Rodriguez sa kaniya na hindi ito maaaring pasalin ng dugo at na dapat niyang iwanan itong mag-isa at lumabas na siya sa kuwartong iyon. Kaya naman, ayon sa paliwanag ng hukom, wala siyang batayan para salinan ang babaing ito laban sa kaniyang mga kagustuhan.
18. Anong determinasyon ang dapat nating liwanagin tungkol sa pagsasalin ng dugo, at posible na ano ang maging mga resulta?
18 Idiniin nito ang kahalagahan ng lubusang pagpapaliwanag na ang ating paninindigan tungkol sa dugo ay di-mababago. Ganiyang-ganiyan ang matatag na paninindigan ng mga apostol na nagsabi: “Kailangang sundin muna namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao.” (Gawa 5:29) Ang kaso ni Sister Rodriguez ay nagpapakita rin ng maaaring maging epekto sa iba ng pakikipagkumpromiso ng isang Saksi. Samantalang may sakit at nanghihina, kinailangan niya noon na humarap sa higit pang mga kagipitan dahilan sa mayroong nauna sa kaniya na marahil lihim na lumabag sa kautusan ng Diyos. Mangyari pa, ang gayong paglabag ay hindi malilingid sa “Hukom ng buong lupa.” (Genesis 18:25) Nakatutuwa na, si Sister Rodriguez ay hindi kumompromiso sa lihim gaya rin nang sa hayagan. At nang malaunan, nang siya’y magsauli na sa mabuting kalusugan, ipinaliwanag niya sa ganoon ding pagtitipon ng mga doktor ang kaniyang patuloy na determinasyon na maging tapat sa Diyos.
19. Sa tuwina, dapat tayong maging palaisip sa anong bagay?
19 Tayo, man naman, ay kailangan ding maging tapat nakikita man ng iba o hindi ang ating mga kilos. Nalulugod si Jehova sa gayong katapatan at tayo’y gagantihin niya; siya’y hahatol nang makatarungan sa mga gawa—publiko man o pribado—niyaong mga lumilihis sa kaniyang mga pamantayan. (Awit 51:6; Job 34:24) Siya’y mapagmahal at nagbibigay ng sakdal na payo na tutulong sa atin upang madaig ang ano mang lihim na mga kahinaan na taglay natin, gaya ng susunod na isasaalang-alang natin.
[Talababa]
a Maraming ospital ang gumagamit ng Form P-47 REFUSAL TO PERMIT BLOOD TRANSFUSION na nilimbag sa Medicolegal Forms with Legal Analysis ng American Medical Association.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Anong katangian mayroon ang Diyos na dapat makaapekto sa ating mga kilos?
◻ Ang karanasan ni Achan ay dapat na magturo sa atin ng anong mahalagang leksiyon?
◻ Anong pinsala ang maaaring ibunga kung ang isang Kristiyano ay lihim na lumalabag sa kautusan ng Diyos tungkol sa dugo?
◻ Ano ang dapat mong ipasiya tungkol sa pangmalas ni Jehova sa dugo?
[Kahon sa pahina 13]
Ang Batas ng Diyos sa Dugo ay Kinikilala Pa Rin na Mabisa
SI JOSEPH PRIESTLEY (1733-1804) ay kilala bilang ang siyentipiko na nakatuklas ng oxygen, subalit siya ay isa ring teologo. Siya’y sumulat:
“Ang pagbabawal ng pagkain ng dugo na ibinigay kay Noe, ay waring obligado na ipinasusunod sa lahat ng kaniyang mga inapo.” Tungkol sa pagsasabi na ang pagbabawal sa Kristiyano ng dugo ay pansamantala lamang, ganito ang isinusog ni Priestley: “Walang nagpapahiwatig, o nagsasabi, na ito’y pansamantala lamang, o binabanggit man ang panahon na matatapos ang gayong pagbabawal. . . . Kung ipagpapakahulugan natin ang pagbabawal na ito ng mga apostol sa liwanag ng ginagawa ng mga sinaunang Kristiyano, na mahirap nating ipagpalagay na hindi nakakaunawa nang husto sa likas at lawak niyaon, wala tayong magagawa kundi manghinuha, na ito’y nilayon na maging lubus-lubusan at panghabang panahon.”
Noong 1646 ay inilathala ang A Bloody Tenet Confuted, or, Blood Forbidden (modernong spelling). Sa pahina 8 ay may konklusyon ito na ganito: “Itabi natin ang malupit na kaugaliang ito ng pagkain sa buhay ng mga hayop, gaya ng ginagawa sa buong Inglatera, maiitim na [dugong] pudding, ipakikita natin na tayo kung gayon ay mga taong maawain, hindi malulupit; sapagkat hindi tayo masusumpungan na mga masuwayin sa Diyos sa ganiyang hayag na mga utos, kundi tumatalima sa kaniyang kalooban, at gumagawa ng mga bagay na matuwid sa kaniyang mga mata, at kakamtin natin ang pabor ng Diyos, . . . at hindi mahihiwalay sa ating mga kababayan, at patuloy na di-sasang-ayunan ng Diyos dahil sa kasamaang iyon.”
Si Thomas Bartholin ay isang propesor ng anatomy noong ika-17 siglo sa Unibersidad ng Copenhagen. Siya’y sumulat tungkol sa ‘Maling Paggamit sa Dugo,’ at ang sabi: ‘Yaong mga kumakaladkad sa paggamit ng dugo ng tao bilang paraan ng paggamot sa mga sakit ay lumalabas na mga maling gumagamit nito at nagkakasala nang malubha. Ang mga aswang ay hinahatulan na masasama. Bakit hindi natin kasuklaman yaong mga kumakain ng dugo ng tao? Ganiyan din ang pagtanggap ng dugo ng iba, sa pamamagitan ng pagkain nito o ng pagpapasalin nito. Ang mga awtor ng ganitong paggamit sa dugo ay itinuturing na nagkakasala sa banal na kautusan, na nagbabawal ng pagkain ng dugo.’
Ang Revelation Examined with Candour (1745) ay may kinalaman sa mga utos ng Diyos tungkol sa dugo. Ganito ang pangangatuwiran niyaon: “Ang utos na ibinigay ng Diyos mismo kay Noe, inulit kay Moises, at pinagtibay ng mga apostol ni Jesu-Kristo; na ibinigay karakaraka pagkatapos ng baha, nang ang sanlibutan, wika nga, ay magpasimula na naman nang panibago; at siyang tanging ibinigay ng dakilang pangyayaring iyon, na inulit nang mariin, sa mga tao na ibinukod ng Diyos sa nalalabing bahagi ng sangkatauhan, upang maging banal sa kaniyang sarili; inulit na may kasamang pagpapahayag ng makalangit na paghihiganti, kapuwa laban sa Judio at sa estranghero na mangangahas na lumabag doon; at pinagtibay ng pinakamahalaga at pinakabanal na konsilyo na kailanman nagtipon sa lupa; at kumilos sa ilalim ng impluwensiya ng Espiritu ng Diyos! at buhat sa banal na asambleang iyon ay ipinadala sa maraming mga iglesia ng karatig na mga bansa, sa pamamagitan ng kamay ng mahalagang mga mensahero, dalawang obispo, at dalawang apostol . . . Ang sino man bang tao, pagkatapos nito, ay mangangahas na sirain ang utos na ito? Ang sino man bang tao na nasa kaniyang matinong kaisipan ay magsasabi na ang isang utos na ibinigay, inulit-ulit, at pinagtibay ng Diyos mismo, ay walang kabuluhan at di mahalaga?”
[Larawan sa pahina 14]
Ang iginagawi ng isang Saksi ay baka magpadali para sa susunod na Saksi na maging tapat sa Diyos