Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 11/1 p. 3-5
  • Inaantala ba ng Diyos ang Kaniyang Paghuhukom?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inaantala ba ng Diyos ang Kaniyang Paghuhukom?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa “Takdang Panahon” ng Diyos
  • “Ang Salinlahing Ito ay Hindi Lilipas sa Anumang Paraan”
  • Isang Pagsubok sa Pananampalataya
  • Kung Bakit Hindi Pa Ginaganap ng Diyos ang Kaniyang Paghuhukom
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Isang Panahon Upang Manatiling Gising
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Araw ng Paghuhukom at Pagkaraan Nito
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ano ang Araw ng Paghuhukom?
    Gumising!—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 11/1 p. 3-5

Inaantala ba ng Diyos ang Kaniyang Paghuhukom?

GUNIGUNIHIN mo na naghihintay ka ng isang panauhin na nagpabatid sa iyo ng araw ng kaniyang pagdating ngunit hindi ng oras. Habang lumilipas ang mga oras, at hindi pa rin siya dumarating, nagsisimula kang mag-usisa sa iyong sarili kung siya baga’y hindi naaantala. Ito nga kaya ang talagang araw na sinabi niyang darating siya? Nagkaroon kaya ng hindi kayo pagkakaunawaan? Unti-unti, ang sa simula’y pagkainip ay nagbibigay-daan sa isang bagay na lalong malubha, ang tinatawag na pag-aalinlangan.

Ganito mailalarawan ang damdamin ng mga ibang tao tungkol sa ipinangakong pagsapit ng panahon ng Diyos ng paghuhukom laban sa kabalakyutan. Totoo naman, ang mga sumasamba sa kaniya ay matagal nang naghihintay nito. Halimbawa, nariyan ang tapat na si Haring David. Mahigit na 3,000 taon na ngayon nang sabihin niya: “Si Jehova mismo sa iyong kanang kamay ay tiyak na dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit. Kaniyang tutuparin ang inihatol sa mga bansa.” Kaya naman masisisi ba ang sinuman sa ngayon sa pagtatanong, Kailan kaya?​—Awit 110:5, 6.

Sa pamamagitan ng paghahambing ng mga kalagayan sa daigdig sa hula ng Bibliya at pagsasaalang-alang ng kronolohiya ng Bibliya, ang masugid na mga mag-aaral ng Bibliya ay kumbinsido na ang araw ng paghuhukom ng Diyos ay malapit na sa wakas. Subalit hindi ba marami ring mga tao noong nakaraan ang may ganiyang paniniwala, ngunit napag-alaman nila nang bandang huli na sila pala’y nagkamali? Mayroon bang anumang tiyak na paraan ng pagkaalam nang husto kung kailan isasagawa ang paghuhukom ng Diyos?

Sa “Takdang Panahon” ng Diyos

Ipinakita ni Jesus na ang paghuhukom ay magaganap sa isang tiyak na panahon. Subalit sa pagbibigay ng babala sa kaniyang mga tagasunod, sinabi niya: “Manatiling nakabantay, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang takdang panahon.”​—Marcos 13:33.

Si Habacuc, na sinugo ng Diyos anim na siglo pa ang kaagahan upang sumulat tungkol sa paghuhukom ng Diyos, ay nagsabi rin na iyon ay “sa itinakdang panahon pa.” At bilang babala laban sa pagkainip, o kaypala kahit pag-aalinlangan, siya’y nangako at ito’y sa patnubay ng Diyos: “Ito’y hindi magbubulaan. Bagaman nagluluwat, ay patuloy na hintayin mo; sapagkat walang pagsalang darating. Hindi magtatagal.”​—Habacuc 2:2, 3.

Subalit kung ang paghuhukom ng Diyos ay “sa itinakdang panahon pa” at ito’y “hindi magtatagal,” bakit sinabi ni Habacuc na “bagaman nagluluwat”? Maliwanag na upang ipakita na inaasahan ng mga ibang lingkod ng Diyos na ito’y mas maagang darating kaysa aktuwal na pagdating nito. Bakit? Sapagkat ang eksaktong panahon ng pagdating nito ay hindi nila malalaman.

Samantalang si Jesus ay nasa lupa, hindi rin niya nalalaman ang eksaktong panahon, sapagkat sinabi niya: “Tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.” (Marcos 13:32) Subalit, ang kaniyang nalalaman ay ang yugto ng panahon na sa takdang panahong iyon magaganap ang paghuhukom. Kaya naman, sa kahilingan ng kaniyang mga alagad, siya’y nagbigay ng isang tanda upang kanilang makilala ang yugtong ito ng panahon minsan na ito’y nagsimula na. Ang unang ebidensiya nito, sang-ayon sa sinabi ni Jesus, ay “gaya ng mga unang pagdaramdam sa panganganak.” Mangyari pa, ang isang babaing manganganak na nagdaramdam na ay walang kaalaman tungkol sa eksaktong panahon ng pagsisilang ng kaniyang anak. Gayunman, alam niya na manganganak na siya.​—Mateo 24:3-8, Today’s English Version.

“Ang Salinlahing Ito ay Hindi Lilipas sa Anumang Paraan”

Bukod sa pagkaalam kung kailan darating ang yugto ng panahon ng paghuhukom ng Diyos, naunawaan ni Jesus ang haba niyaon. Siya’y gumamit ng halimbawa ng isang punung-igos, at sinabi niya: “Pagka nananariwa na ang mga sanga at sumusupling ang mga dahon, nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”​—Mateo 24:32-34.

Samakatuwid ang paghuhukom ay magaganap sa panahon na nabubuhay pa ang mga taong nakakita ng unang ebidensiya ng yugto ng panahon na binanggit sa hula ni Jesus. Ang pasimula ng yugtong ito ng panahon ang pasimula ng wakas ng sanlibutan ni Satanas, na ito ang huhukuman ng bagong katatatag na Kaharian ng Diyos sa langit. Ang kronolohiya ng Bibliya at ang katuparan ng hula sa Bibliya ay nagbibigay ng sapat na patotoo na ang yugtong ito ng panahon ay nagsimula noong 1914.a

Samakatuwid bago mangamatay na lahat ang mga taong kabilang sa salinlahi ng 1914, ang paghuhukom ng Diyos ay darating na. Marami-rami pa na kabilang sa salinlahing ito ang buháy pa. Halimbawa, noong 1980 ay mayroon pang 1,597,700 ng mga taong ito na buháy pa sa Federal Republic of Germany at sila’y isinilang noong 1900 o bago pa nito. Mas malaki pa riyan sana ang bilang nila kung hindi angaw-angaw ng mga mamamayan doon ang nangamatay nang maganap ang dalawang digmaang pandaigdig.

Sa kaniyang pangako na “ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan,” ang ginamit ni Jesus ay dalawang Griegong negatibo na ou at me. Tungkol dito ay ganito ang paliwanag ng The Companion Bible: “Ang dalawang negatibo pagka pinagsama ay nawawalan ng kani-kanilang natatanging kahulugan, at bumubuo ng pinakamatindi at pinakamariing pagpapatunay [pagsang-ayon].” Ngayon lamang, sa panahon na waring ang salinlahi ay maaaring lumipas bago lahat ay matupad, nagkakaroon ng tibay ng kahulugan ang sinabi ni Jesus na “sa anumang paraan.”

Isang Pagsubok sa Pananampalataya

Ang mga salita ni Habacuc ay nagpapakita na sa malas ay maaantala ang paghuhukom ni Jehova, at ito’y nagsisilbing isang pagsubok sa pananampalataya. Makatuwiran na ang pagsubok na ito ay hindi magaganap kung hindi sa may dulo na ng salinlahi na binanggit ni Jesus. May kaugnayan sa halimbawang binanggit sa pasimula ng artikulong ito, pag-isipan ito: Kailan ka ba magsisimulang totoong mag-alinlangan na hindi darating ang iyong panauhin? Tunay na hindi kung alas-nuwebe lamang ng umaga, ni kung katanghaliang-tapat, at kahit na kung sa kinahapunan na. Kundi malamang na ang iyong pananampalataya ay masusubok minsang magsimula nang gumabi. Datapuwat, tandaan na kahit na sa alas 11:30 n.g. ay mayroon pa ring sapat na panahon ang iyong panauhin na dumating bilang katuparan ng kaniyang pangako!

Walang dahilan na mag-alala na hindi matutupad ang Salita ng Diyos. Kailanma’y hindi ito nabigo. Ang mga salita ni Josue sa mga Israelita mahigit na 3,000 taon na ang lumipas ay kasintotoo rin ngayon: “Walang isa mang salita na nagkulang sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova ninyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo. Wala kahit na isang salita na hindi natupad.”​—Josue 23:14.

“Tungkol sa katuparan ng hula waring natural para sa atin, at para sa lahat ng tao, na mainip at umasang ang mga bagay-bagay ay magaganap nang lalong mabilis kaysa talagang katuparan niyaon.” Ganiyan ang sabi ng The Watch Tower sa labas nito noong Mayo 1, 1910, at ang isinusog pa: “Ito’y isang pagkaantala kung tungkol sa ating mga inaasahan, subalit matitiyak natin na walang pagkaantala sa bagay na iyan kung tungkol sa kinasihang layunin . . . Tayo’y walang pag-aalinlangan na makakamit ang mga resulta sa kaganapan ng panahon​—ang panahon ng Diyos.”

Sa pagtunghay sa lahat ng mga pangyayari, ang tapat na mga Kristiyanong nabubuhay sa ngayon ay may nakikitang mabubuting dahilan kung bakit hindi pa rin dumarating ang paghuhukom ng Diyos. Sa katunayan, sila’y nagagalak at hindi pa nga iyon dumarating. Ang ating susunod na artikulo ang magpapaliwanag kung bakit.

[Talababa]

a Isang detalyadong paliwanag ang nasa mga kabanata 16 at 18 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala noong 1983 (sa Tagalog) ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 4]

Marami sa mga nasa salinlahi ng 1914 ang umaasang makakakita sa ‘katuparan ng lahat ng mga bagay na ito’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share