Kung Bakit Hindi Pa Ginaganap ng Diyos ang Kaniyang Paghuhukom
MGA dalawampung taon pagkamatay ni Jesus, mayroong mga Kristiyano na umaasa na “darating” si Jehova upang maghukom. Kaya naman sila’y sinulatan ni apostol Pablo, na ang sabi: “Ang araw ni Jehova . . . ay hindi darating maliban nang dumating muna ang apostasya at mahayag ang taong tampalasan, ang anak ng kapahamakan.” Bagaman inamin ni Pablo na “ang hiwaga ng katampalasanang ito” ay “gumagawa na” noong kaniyang kaarawan, maliwanag na iyon ay hindi pa totoong malubha, gaya ng kinakailangan upang sumapit ang paghuhukom doon ng Diyos.—2 Tesalonica 2:2, 3, 7, 8.
Pagtitipon sa Dalawang Grupo
Ang apostasya, bagaman tiyak ang pagdating, ay hindi makahahadlang sa layunin ng Diyos na pumili ng 144,000 tapat na mga Kristiyano upang maging mga kasamang hari ng kaniyang Anak, si Jesus, sa langit. (Tingnan ang Apocalipsis 14:1-5.) Pagkatapos lamang na makompleto na ang kanilang bilang at sila sa wakas ay matatakan ng Diyos magaganap ang paghuhukom ni Jehova. Ang Apocalipsis 7:2, 3 ay nagpapaliwanag: “Sa apat na anghel [sinabi]: ‘Huwag ninyong ipahamak ang lupa o ang dagat o ang mga punungkahoy man [sa pamamagitan ng pagpapangyari na ang mapamuksang mga hangin ng paghuhukom ng Diyos ay humambalos sa mga bansa], hanggang sa pagkatapos na aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.’” Gaya ng alam na natin ngayon, ang gawaing ito ay hindi pa tapos nang ang Kaharian ay natatag noong 1914.
Samakatuwid, kahit na ang mga iba’y umaasang baka nga maganap na iyon, ang paghuhukom ng Diyos ay hindi maaaring sumapit noong panahong iyon. Ang Enero 1, 1914, na labas ng The Watch Tower ay nagpaliwanag tungkol dito, at sinabi na bagama’t “ang Taóng 1914 ang huling-huling taon ng tinatawag ng Bibliya na ‘Panahong Gentil’ . . . natitiyak natin na sa taóng ito, 1914, ay masasaksihan ang malalaki at mabilisang mga pagbabago na gaya ng inaasahan natin.” Gayumpaman, gaya ng ipinaliwanag pa rin ng artikulo, ang mga Kristiyano ay nagpapasalamat na pinukaw sila ng kronolohiya ng Bibliya sa napipintong makalangit na paghuhukom. Sinabi niyaon: “Kami’y naniniwala na ang kronolohiya ay isang pagpapala. Sakaling ito’y manggising sa amin ng mga ilang minuto ang kaagahan o mga ilang oras ang kaagahan sa umaga gaya ng dati-rating hindi namin nagagawa, mabuti! Yaong mga taong gising ang pinagpapala.”
Gayundin kabilang sa mga pinagpapala yaong tinutukoy ng Bibliya na “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” At di nangyari kundi noong 1935 lubusang naunawaan na ang “malaking pulutong” na ito ay bubuuin ng mga taong “nanggaling sa malaking kapighatian,” samakatuwid baga, yaong mga nagsilabas sa organisasyon ni Satanas at naninindigan sa panig ng Diyos, upang makaligtas sa paghuhukom ng Diyos. Mayroon na ngayong mga limampung taon, ang gawain ng pagtitipon sa “malaking pulutong” na ito ay patuloy na nagaganap kasuwato ng layunin ni Jehova. Maikagagalak natin na hindi darating ang paghuhukom ng Diyos hangga’t hindi natatapos ang gawaing ito na pagliligtas-buhay.—Apocalipsis 7:9, 14.
Pulitikal na mga Pangyayari
Mayroong pulitikal na mga pangyayaring magaganap din bago dumating ang paghuhukom ng Diyos. Ang katuparan ng hula ni Daniel tungkol sa “dalawang hari” (Dan kabanata 11) ay malinaw na nasasaksihan ngayon at nauunawaan na ito’y malapit nang matapos.a Sa sukdulan ng katuparan nito, ang Diyos ay maghuhukom.—Ihambing ang Daniel 2:44.
Bagaman salungat sa isa’t-isa, ang mga superpowers at ang kani-kanilang mga bloke—“ang hari ng timog” at “ang hari ng hilaga”—ay kapuwa may mga kinatawan sa pangglobong makapulitikang organisasyon na humihila sa mga tao ngayon na “humanga at manggilalas.” Ito’y angkop na angkop na paglalarawan sa Liga ng mga Bansa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I at ng humalili rito pagkatapos ng Pandaigdig na Digmaang II, ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa.—Daniel 11:40; Apocalipsis 17:8.
Bagama’t sila’y magkasalungat, subalit sa kabila nito’y “nagkakaisa,” ang “dalawang hari” ay totoong maraming masasabi tungkol sa pagtataguyod ng pandaigdig na “kapayapaan at katiwasayan.” Ito rin naman ay makahulugan, sapagkat sinasabi ng hula sa Bibliya na “pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.” Kung hanggang saan ang “dalawang hari” na ito, sa ganang sarili nila at kaugnay ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, ay magtatagumpay ng paglutas sa mga problema ng daigdig na pampulitika, pangkabuhayan, pangkapaligiran, at panlipunan upang makadama silang maibubulalas na nila ang ganitong sigaw, sa kasalukuyan ay hindi pa natin alam.—1 Tesalonica 5:2, 3.
Gayunman, alam natin na sa panahon na ito’y nagpupuno, ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, kasama na ang lahat ng mga miyembrong bansa—pati na ang pinakaprominente na “dalawang hari” na ito—ay huhukuman ng Diyos at sila ay ‘tutungo sa pagkapuksa.’ Batid din natin na ang salinlahi ng 1914 ay nasa kalaliman na ng gabi ng kaniyang buhay, sa gayo’y kaunting panahon na lamang ang ibinibigay para sa katuparan ng hulang ito. Subalit batid din natin—at ito’y ipinangako ni Jesus—na “ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”—Apocalipsis 17:11; Marcos 13:30.
Si Jehova ay Hindi Magpapaliban—Ikaw?
Kung ikaw ay nag-aaral ng Bibliya at napag-alaman mo ang tungkol sa mga layunin ni Jehova, huwag kang magpaliban ng pagtakas sa simbolikong dakong kanlungan na inilaan ng Diyos. “Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan,” upang “kaypala ay makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:1-3.
Laging isaisip ang mga Kristiyano noong unang siglo na tumakas buhat sa Jerusalem noong 66 C.E. nang makilala nila ang tanda na ibinigay ni Jesus tungkol sa napipintong paghuhukom. Ang sinuman na nagpaliban ng kanilang pagtakas—sa anumang dahilan—ay marahil naligaw ng paniwala na sila’y ligtas nang ang mga Romano, na kumubkob sa lunsod at pagkatapos umurong nang di inaasahan, ay hindi na bumalik. Lumipas ang mga linggo. Ang mga linggo ay naging mga buwan. Ang mga buwan ay naging mga taon. Marahil ang akala ng iba ay na ipinagpaliban na ni Jehova ang kaniyang paghuhukom. Subalit biglang-bigla na ang mga Romano ay bumalik noong 70 C.E. At para sa mga nasa loob ng siyudad, sila’y hindi nakatakas.—Lucas 21:20-22.
Ang mga tao sa ngayon, na nag-alay na ng kanilang buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos at tumakas na sa kaniyang inilaan na dako ng kaligtasan, ay hindi dapat magpaliban ng pagtupad ng kanilang mga obligasyong Kristiyano. Hindi nila dapat ipagpaliban ang pangangaral ng mensahe ng paghuhukom ni Jehova gaya ng sinubukang gawin ni Jonas nang siya’y utusan na ibalita sa mga taga-Ninive ang paghuhukom ng Diyos. Sila’y hindi rin dapat na huminto at umurong, na gaya ng ginawa niya, dahil lamang sa ang mga bagay ay hindi nangyari na gaya ng kanilang inaasahan o na simbilis na gaya ng ibig nila.—Jonas 1:1, 2; 4:2, 5, 10, 11; 2 Pedro 3:15.
Angkop ang pagkasabi ng The Watch Tower ng Hunyo 1, 1906, tungkol sa paghuhukom ng Diyos: “Ang panahon ang lubusang magpapakilala sa karunungan ng Diyos sa bagay na waring sa maiksi ang pananaw na mga tao ay walang-awang pagpapaliban . . . May kagandahang-loob na dinala tayo ng Diyos sa kaniyang pangmalas at inaanyayahan tayo na malasin natin ang maningning na kinabukasan . . . at sa lawak na ating nauunawaan at pinaniniwalaan, tayo ay maaaring magpahingalay at ikagalak natin iyon. Samantala, ngayong tayo’y naliligayahan sa ganiyang nakagagalak na pag-asa, hintayin natin nang may pagtitiis ang wakas, gaano mang katagal ang dapat nating ipaghintay.”
At tayo’y maghihintay nga, taglay ang lubusang pananalig na: “Walang pagsalang darating. Hindi magtatagal.”—Habacuc 2:3.
[Talababa]
a Ang hulang ito ay ipinaliliwanag nang husto sa aklat na “Your Will Be Done on Earth,” na lathala noong 1958 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 6]
ANO ANG KAILANGANG MAUNA SA PAGHUHUKOM
Ang apostasya—2 TESALONICA 2:2, 3
Ang pagtatatak sa 144,000—APOCALIPSIS 7:2, 3
Ang pagtitipon sa “malaking pulutong” na makaliligtas—APOCALIPSIS 7:14
Ang pag-iral ng Liga ng mga Bansa at pagkatapos ng Nagkakaisang mga Bansa—APOCALIPSIS 17:8
Ang pangkatapusang sagupaan ng dalawang malalaking bloke ng mga bansa—DANIEL 11:40, 44, 45
Ang pangglobong sigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan”—1 TESALONICA 5:2, 3
[Larawan sa pahina 7]
Itinuring ni Pedro na kaligtasan ang pagkamatiisin ng Diyos, samantalang si Jonas ay nagreklamo naman. Kanino bang halimbawa ang susundin mo?