Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isinilang ang Tagapaghanda ng Daan
KAGAMPANG-KAGAMPAN na si Elisabet. Sa nakalipas na tatlong buwan na ito si Maria ay kapiling niya. Subalit ngayon ay panahon na para magpaalam na si Maria at maglakbay nang malayo pauwi sa Nazaret. At sa humigit-kumulang anim na buwan pa siya man ay manganganak na rin.
Hindi nagtagal pagkatapos na lumisan si Maria, si Elisabet ay nanganak. Anong laki ng kagalakan nang siya’y matagumpay na makapanganak na at si Elisabet at ang kaniyang sanggol ay maayos naman! Nang ipakita ni Elisabet ang munting sanggol sa kaniyang mga kalapitbahay at sa mga kamag-anak, sila man ay nakigalak na kasama niya.
Sang-ayon sa kautusan ng Diyos, makalipas ang walong araw pagkapanganak sa isang sanggol na lalaki sa Israel, siya ay kailangang tuliin. Sa pagkakataong ito ay dumadalaw ang mga kaibigan at mga kamag-anak. Kanilang sinasabi na ang pangalan ng sanggol ay dapat isunod sa pangalan ng kaniyang ama, si Zacarias. Subalit si Elisabet ay nagpahayag ng kaniyang niloloob. ‘Hindi!’ aniya. ‘Siya’y tatawaging Juan.’ Tandaan, iyan ang pangalan na sinabi ng anghel na si Gabriel na dapat ipangalan sa sanggol.
Datapuwat, tumutol ang kanilang mga kaibigan: ‘Walang isa man sa inyong mga kamag-anak na mayroong ganiyang pangalan.’ Pagkatapos, sa pamamagitan ng mga senyas, kanilang tinanong kung ano ang ibig ng ama na ipangalan sa kaniyang anak. Si Zacarias ay humingi ng mapagsusulatan, at samantalang takang-taka ang lahat ng naroroon, siya’y sumulat: ‘Ang kaniyang pangalan ay Juan.’
At nang magkagayo’y parang himala na napasauli ang kakayahan ni Zacarias na magsalita. Maaalaala mo na nawalan siya ng abilidad na magsalita nang siya’y hindi maniwala sa patalastas ng anghel na si Elisabet ay magkakaanak. Bueno, nang si Zacarias ay makapagsalita na, takang-taka ang lahat ng mga kababayan na nasa paligid at ang sabi sa kanilang sarili: ‘Magiging ano nga kaya ang batang ito?’
Si Zacarias ngayon ay napuspos ng banal na espiritu, at siya’y nagsalita ng hula tungkol sa kaniyang anak: ‘Siya’y tatawaging isang propeta ng Kataas-taasan, at siya’y magpapauna kay Jehova at ihahanda ang daan para sa kaniya. Kaniyang sasabihin sa mga tao na sila ay kailangang iligtas sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan.’
Sa panahong ito rin naman si Maria, na noo’y maliwanag na wala pa ring asawa, ay nakarating na sa kanila sa Nazaret. Ano kaya ang mangyayari sa kaniya pagka nahalata na siya ay nagdadalangtao? Lucas 1:56-80; Levitico 12:2, 3.
◆ Gaano ang tanda ni Juan kay Jesus?
◆ Anong mga bagay ang nangyari nang si Juan ay wawalong araw pa lamang?
◆ Anong gawain ang inihula na gagawin ni Juan?