Sila ay Ginantimpalaan Dahilan sa Paglakad Nang Walang Kapintasan
PINAGPAPALA at ginagantimpalaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod. Marahil sila ay kinailangang maghintay nang ilang panahon upang makita ang katuparan ng mga layunin ng Diyos, subalit anong laking kaluguran kapag naranasan na ang kaniyang pagpapala!
Ito’y mainam na inilarawan mga dalawang libong taon na ang nakalipas sa kaso ng saserdoteng Judio na si Zacarias at ng kaniyang asawa, si Elisabet, na kapuwa nagmula sa angkan ni Aaron. Ipinangako ng Diyos na pagpapalain ang mga Israelita sa pagkakaroon ng mga supling kung sila’y maglilingkod sa kaniya nang may katapatan. Sinabi niya na ang mga anak ay isang gantimpala. (Levitico 26:9; Awit 127:3) Gayunman, sina Zacarias at Elisabet ay walang anak at matatanda na.—Lucas 1:1-7.
Sinasabi ng Kasulatan na sina Zacarias at Elisabet ay “kapuwa matuwid sa harapan ng Diyos dahilan sa paglakad nang walang-kapintasan ayon sa lahat ng kautusan at legal na kahilingan ni Jehova.” (Lucas 1:6) Ganiyan na lamang kalaki ang pag-ibig nila sa Diyos kung kaya hindi pabigat sa kanila na lumakad sa katuwiran at sumunod sa kaniyang mga utos.—1 Juan 5:3.
Di-inaasahang mga Pagpapala
Bumalik tayo sa bandang katapusan ng tagsibol o maagang tag-araw ng taóng 3 B.C.E. Si Herodes na Dakila ang naghahari sa Judea. Isang araw, ang saserdoteng si Zacarias ay pumasok sa Banal na dako ng templo sa Jerusalem. Samantalang ang mga tao ay nagtitipon sa pananalangin sa labas ng santuwaryo, siya’y nagsunog ng kamangyan sa ginintuang dambana. Marahil dahil sa itinuturing na pinakamarangal sa pang-araw-araw na mga serbisyo, ito’y ginagawa pagkatapos maihandog ang hain. Ang isang saserdote ay maaaring nagkakaroon ng ganitong pribilehiyo minsan lamang sa buong buhay niya.
Hindi makapaniwala si Zacarias sa nakita niya. Aba, ang anghel ni Jehova ay nakatayo sa may kanan ng dambana ng kamangyan! Nabagabag at natakot ang matanda nang saserdote. Subalit sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat ang iyong pagsusumamo ay pinakinggan nang may pagsang-ayon, at ang iyong asawang si Elisabet ay magiging ina ng isang anak na lalaki sa iyo, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.” Oo, dininig ni Jehova ang taimtim na mga panalangin nina Elisabet at Zacarias—Lucas 1:8-13.
Isinusog ng anghel: “Magkakaroon ka ng kagalakan at malaking katuwaan, at marami ang magsasaya sa kaniyang kapanganakan; sapagkat siya ay magiging dakila sa harapan ni Jehova. Subalit hindi siya iinom ng alak at matapang na inumin kailanman, at siya ay mapupuspos ng banal na espiritu mula pa sa bahay-bata ng kaniyang ina.” Si Juan ay magiging isang panghabang-buhay na Nazareo na puspos ng banal na espiritu ng Diyos. Ang anghel ay nagpatuloy pa: “Marami sa mga anak ni Israel ang kaniyang panunumbalikin kay Jehova na kanilang Diyos. Gayundin, siya ay mauuna sa kaniya taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang ipanumbalik ang mga puso ng mga ama sa mga anak at ang mga masuwayin tungo sa praktikal na karunungan ng mga matuwid, upang ihanda para kay Jehova ang isang nahahandang bayan.”—Lucas 1:14-17.
Nagtanong si Zacarias: “Paano ko matitiyak ito? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay matanda na sa mga taon.” Ang anghel ay tumugon: “Ako si Gabriel, na tumatayong malapit sa harapan ng Diyos, at isinugo ako upang makipag-usap sa iyo at ipahayag ang mabuting balita tungkol sa mga bagay na ito sa iyo. Ngunit, narito! ikaw ay magiging tahimik at hindi makapagsasalita hanggang sa araw na ang mga bagay na ito ay maganap, sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita, na matutupad sa kanilang itinakdang panahon.” Nang si Zacarias ay lumabas buhat sa santuwaryo, hindi siya makapagsalita, at nahiwatigan ng mga tao na siya’y nakakita ng isang kahima-himalang tanawin. Wala siyang magawa kundi ang sumenyas, na gumagamit ng pagkumpas upang ipabatid ang kaniyang kaisipan. Nang ang kaniyang pangmadlang paglilingkod ay tapos na, siya ay umuwi sa kaniyang tahanan.—Lucas 1:18-23.
Dahilan ng Kagalakan
Gaya ng ipinangako, di-nagtagal at si Elisabet ay nagkaroon ng dahilan upang magalak. Siya’y nagdalang-tao, na nag-alis sa kahihiyan ng pagiging baog. Ang kaniyang kamag-anak na si Maria na nagalak din, sapagkat ang anghel ding iyon, si Gabriel, ay nagsabi sa kaniya: “Narito! maglilihi ka sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.” Si Maria ay handang gumanap ng papel ng “aliping babae ni Jehova.”—Lucas 1:24-38.
Nagmamadaling tumungo si Maria sa tahanan nina Zacarias at Elisabet sa isang lunsod ng bulubunduking lalawigan ng Juda. Nang marinig ang pagbati ni Maria, ang sanggol sa sinapupunan ni Elisabet ay lumukso. Palibhasa’y puspos ng banal na espiritu ng Diyos, si Elisabet ay bumulalas ng malakas na sigaw: “Pinagpala ka sa gitna ng mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong bahay-bata! Kaya paano ngang ang pribilehiyong ito ay akin, ang pumarito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Sapagkat, narito! nang ang tunog ng iyong pagbati ay dumating sa aking mga tainga, ang sanggol sa aking bahay-bata ay lumukso taglay ang malaking katuwaan. Maligaya rin siya na naniwala, sapagkat magkakaroon ng lubos na pagsasakatuparan ng mga bagay na iyon na sinalita sa kaniya mula kay Jehova.” Si Maria ay tumugon na taglay ang malaking kagalakan. Ang paglagi niya kina Elisabet ay tumagal nang mga tatlong buwan.—Lucas 1:39-56.
Si Juan Ay Isinilang
Nang takdang panahon isang anak na lalaki ang isinilang sa matatanda nang sina Elisabet at Zacarias. Nang ikawalong araw, ang sanggol ay tinuli. Nais ng mga kamag-anak na ang batang lalaki ay tawaging Zacarias, subalit sinabi ni Elisabet: “Tunay ngang hindi! kundi siya ay tatawaging Juan.” Sumang-ayon ba ang kaniyang asawang noo’y hindi pa nakapagsasalita? Sa isang tableta ay sumulat siya: “Juan ang pangalan nito.” Kaagad ang kaniyang dila ay lumuwag at nagsimula siyang magsalita, na pinagpapala si Jehova.—Lucas 1:57-66.
Palibhasa’y puspos ng banal na espiritu, ang may kagalakang saserdote ay humula. Siya’y nagsalita na para bang ang ipinangakong Tagapagligtas—‘ang sungay ng kaligtasan sa bahay ni David’—ay naibangon na kasuwato ng tipan kay Abraham tungkol sa isang Binhi ng pagpapala para sa lahat ng bansa. (Genesis 22:15-18) Bilang tagapagpáuna ng Mesiyas, ang sariling anak na lalaki ni Zacarias na makahimalang isinilang ay ‘magpapauna sa harap ni Jehova upang magbigay ng kaalaman sa bayan tungkol sa kaligtasan.’ Habang lumilipas ang mga taon, si Juan ay patuloy na lumaki at naging malakas sa espiritu.—Lucas 1:67-80.
Saganang Pinagpala
Sina Zacarias at Elisabet ay maiinam na halimbawa ng pananampalataya at pagtitiis. Sila’y nagpatuloy na maglingkod kay Jehova nang may katapatan kahit na kinailangang hintayin nila ang Diyos, at ang kanilang pinakadakilang mga pagpapala ay dumating lamang nang sila’y matatanda na.
Gayunman, anong daming pagpapala ang tinamasa nina Elisabet at Zacarias! Sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ng Diyos, kapuwa sila nanghula. Nagkaroon sila ng pribilehiyo na maging mga magulang at mga tagapagturo ng tagapagpáuna sa Mesiyas, si Juan na Tagapagbautismo. Isa pa, sila ay minalas ng Diyos na matuwid. Gayundin naman, yaong mga nagtataguyod sa ngayon ng isang maka-Diyos na landasin ay maaaring magkaroon ng isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos at tatanggap ng maraming pagpapala dahil sa paglakad nang walang kapintasan ayon sa mga utos ni Jehova.